Thursday, February 26, 2015

WALANG PASOK

WALANG PASOK

Non-working holiday.  Walang pasok.  Araw na pula sa kalendaryo.  Para saan ba iyang mga iyan? E, ano pa, e di para may inuman.  Bonding-bonding.  Bonding pala, ha. Tut-tut n’yo.

Totoo na: bakit ba dinedeklara ang piyesta opisyal na piyesta opisyal?  Para alalahanin ang isang mahalagang petsa sa ating kasaysayan?  Pwede namang alalahanin kahit na anong mahalagang okasyon sa loob ng isang oras, di ba? O, naalala na, tapos, hindi na tayo magtatrabaho?  Bakit buong araw walang pasok?

Minsan naman, may pambansang okasyon, pero ang mga matatanda, may trabaho; ang mga bata, walang pasok sa eskwelahan.  Isang okasyon na ang mga bata lang ang dapat maka-alala?  Sabihin mo sa akin kung nasaan ang logic doon.

Wala akong problema sa walang pasok.  Ang problema ko sa walang pasok (kapag may inaalala tayong namatay na bayani - dahil hindi naman natin inaalala ang kapanganakan nila) ay wala naman kasi akong nakikitang ginagawa nating makabuluhan para alalahanin ang mga ginawa ng ating mga yumaong bayani, maliban sa flag-raising, ipapakilala ng emcee si Gobernor, bobolahin nang kaunti, palakpakan daw ang masipag at ang mahal nating lahat, magsasalita si Gobernor, na ang malaking bahagi ng talumpati ay hindi naman tungkol sa inaalalang bayani, pagkatapos, bobolahin uli ng emcee, palakpakan daw uli si Gob.  Buong programa, wala namang nakikinig, dahil ang lahat ay kanya-kanyang porma, at tingin ng tingin sa kanilang saya at barong, na kung hindi maiksi ay maluwang at amoy-alkampor dahil galing sa taguan, o kaya ay hindi naplantsa ng maayos.  Pagkatapos magbigay ng talumpati ulit ang iba pang lesser na starring, na hindi uli tungkol sa bayaning patay, na hindi naman ulit pinapakinggan, kakanta na ang choir at magse-serve na ng zesto at cup cake sa mga tao, habang tumutugtog ang banda ng musiko.  Papasok na sa loob ang mga sikat para sa siguradong mas masarap-sarap na almusal, at doon pag-uusapan na ang yarian, na kung tawagin ay mga proyekto para sa bayan.  “At dyan po nagtatapos ang ating palatuntunan, blah blah blah…”.

Ople Day ngayon, uh-huh, ok.  Araw ng Bulakan ngayon, uh-huh, ok.  Bonifacio Day ngayon, uh-huh.  Ok.  Araw ni Balagtas ngayon, uh-huh, ok.  Araw ng Unang Republika ngayon, uh-huh, ok.  Araw ng laba at kula ngayon, uh-huh, ok.

Tapos, uwian na, punta na sa SM.  Bibili ng chin chun tsu, ang orihinal na pekeng glutathione.  Ok.  Happy Heroes Day.  

Ang mga estudyante naman na walang pasok, maaga pa lang, nag-iinuman na.  Alam ko, gawain ko ‘yon, e.  Pag nalasing na, hindi na alam kung bakit nga ba nawalan ng pasok.  Ok. Happy Heroes Day.

‘Yun namang mga mag-syota, maaga pa lang ay magkikita na, para umattend ng ang sinabi kay Inang ay practice at project sa school.  Ang kaklaseng pino-project at pinagpa-practisan.  Ok.  Happy Heroes Day.

Ang mga empleyado at manggagawa naman, maaga pa lang ay galit at nagmumura na. Dahil no work, no pay.  Wala na namang pasok.  Tangina daw.  Ok.  Happy Heroes Day.

Ang problema ko, ang lahat ng mga araw na walang pasok, hindi natin alam ang dahilan kung bakit naging walang pasok. Ngayon, ano ang silbi ng pagdedeklara ng walang pasok?  Maliban sa Pasko, Bagong Taon at Mahal na Araw, hindi natin talaga alam ang dahilan kung bakit naging pula ‘yung araw na yon sa kalendaryo, o kung bakit ang isang araw na itim sa kalendaryo ay ginawang pula ng presidente, at nagiging walang pasok. 

Karaniwang takbo kasi ng usapan natin ay ganito:  Bakit daw walang pasok?  E, kasi Araw ni Bonifacio ngayon.  E, bakit nga walang pasok ang Araw ni Bonifacio?  E, kasi nga araw ngayon ni Bonifacio na isang bayani.  E, oo nga, pero bakit nga walang pasok ang araw ni Bonifacio na isang bayani?  E, kasi, araw ni Bonifacio ngayon na isang bayani at sa ganitong araw siya pinatay.  E,oo nga, bakit nga walang pasok ngayong araw ni Bonifacio na isang bayani na pinatay ngayon? E, ewan ko nga, yun kasi ang sabi sa radyo.

Sa madaling sabi, hindi natin alam kung bakit importante ang mga araw na walang pasok.

Hindi sa ayaw ko ang walang pasok.  Gusto ko yon, dahil pagdating ng hapon, inuman na.  Sino ang aayaw doon?

Pero kung sa akin lang, ang lahat ng holiday na ginagawang walang pasok sa ngalan ng mga yumaong mga bayani, ay dapat nang gawing may pasok. 

Bakit?

Pag wala kasing pasok dahil, halimbawa, Araw ni Bonifacio, si Ka Andres ang pinakahuling nasa isip natin sa buong araw na walang pasok.  Pag Araw ni Bonifacio na walang pasok, ang mga iniisip natin ay mga bagay na walang kinalaman kay Bonifacio.  Maglaba para mabawasan ang tambak na labahin, magpa-manicure, magpagupit, magpa-carwash, ipagawa ang alulod na tumutulo, mag-defrost ng ref.  Pag may pera, manood sa SM ng pinakabagong pelikula ni John Lloyd.  O kaya bumili ng DVD-DVD-DVD ng anthology ng mga pelikula ni John Lloyd sa tiangge, para masaya.  Sa madaling sabi, lahat ng hindi natin magawa pag may pasok.  Kahit na ano, pero lahat walang kinalaman kay Bonifacio.  E, bakit pa dineklarang Araw ni Bonifacio yang lintik na holiday na ‘yan? 

Pag araw ng isang bayani, pumasok na lang tayo. Tapos, gumawa na lang ng mga programang makabuluhan.  Hindi ‘yung mga seremonyang walang laman, na plastikan at pormalidad na lokohan.  Gawin na lang itong ordinaryong araw na may pasok; pagkatapos, magpalabas na lang sa mga paaralan o sa munisipyo, o sa kapitolyo ng mga pelikula o dulang pang-teatro tungkol sa buhay ng mga bayani.  O kaya ay magkaroon ng forum tungkol sa pilosopiya at buhay ng pinararangalang bayani.  Parang mas may katuturan pa yon.. .Pag Bonifacio Day, ipalabas ang pelikulang tungkol kay Bonifacio.  Pag Rizal Day, pelikula tungkol kay Rizal.  Ang tawag dyan, may pasok na may palabas. 

Maganda pa siguro ‘yon.  May pasok sa eskwela, matutuwa ang may-ari ng canteen dahil may bibili ng sopas, at matutuwa lahat ng driver ng traysikel na sundo ng mga bata.  Pati ang nagtitinda ng scrambol at plastic balloon sa gate ng eskwelahan, matutuwa.  May kakainin ang mga pamilya nila.

May pasok sa trabaho, may bayad ang mga empleyado, naparangalan din ang bayani, naintindihan ng mga tao kung bakit siya pinaparangalan, at higit sa lahat, wala nang magtitiis sa mga talumpati ng mga starring sa ilalim ng araw.     

Isipin ninyo, pati araw ng paggawa, walang gagawa dahil bawal gumawa.  Ano ba ang kailangang alalahanin at walang labor sa labor day?


Malamang, sa susunod na walang pasok, ang sabay-sabay nating itatanong: “Bakit nga ba walang pasok ngayon?”

1 comment:

  1. Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
    mayocareclinic@gmail.com
    Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
    Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.

    ReplyDelete