ANG ULAN,
ANG ITLOG AT ANG GARDEN WEDDING
Kahit na
ano, kayang paniwalaan ng tao. Seryoso
ako. Kahit ano. Basta ginusto niyang paniwalaan, papaniwalaan
niya at kaya niyang tanggapin anuman bilang totoo.
Eto ang
halimbawa ng ibig ko sabihin. Pag may handaan
o importanteng okasyon sa open venue, ayaw natin syempre na ito ay ulanin,
dahil masisira ang lahat ng preparasyon, kasama na ang stage, ang sound system,
ang mga mesa at syempre, ang mga bulaklak na galing pa ng Dangwa. Nag-aalay pa tayo ng itlog kay Sta. Clara
para lang huwag umulan sa araw ng okasyon.
(Hindi ko alam kung ano ang kinalaman ng itlog sa pagpatak at pagtulo ng
ulan. Pero, teka, itlog, tulo; tulo,
itlog, parang may koneksyon din pala).
Ngayon, pag
minalas, at umulan nang malakas sa araw ng okasyon, syempre bad trip
lahat. Pag ganito, sigurado, may isang
optimist sa grupo na magsasabi na ang ulan na bumagsak ay “BLESSING” sa bagong
kasal na nakasilong sa lona. At ang
lahat naman ng nakakarinig ay tatango-tango, at magsasabing “Oo nga”, habang silang lahat ay
nakasimangot at basang-basa sa ulan.
Teka, akala
ko ba ay kaya tayo nag-alay ng itlog ay para hilingin ninyo na huwag
umulan? Ngayon naman e umulan, tapos e
tatawagin nating “blessing”?
Ano ba
talaga, kuya?
‘Eto ang punto ko, nung sinabi ko na ang tao
ay kayang paniwalaan lahat. Siguro, ito
ay para magkaroon ng coherence at sense ang mga bagay-bagay sa ating buhay, na
mukha namang talagang marami ay hindi magkakaugnay at walang sense. Siguro, sasabihin natin na wala namang mawawala
kung maniwala. E di sige, wala na kung
wala.
Una,
naniniwala tayo na ang itlog ay kayang pigilin ang ulan.
Pangalawa,
naniniwala tayo na ang ulan ay blessing.
Ano ba
talaga, kuya?
No comments:
Post a Comment