Wednesday, February 4, 2015

KUNG BAKIT IMPORTANTENG TUMANGA

KUNG BAKIT IMPORTANTENG TUMANGA

Ang mag-isip ng kahulugan ng buhay, ang amuyin ang mga bulaklak, at pagmasdan ang paglubog ng araw, ay mga luho na mahirap gawin ng mga taong kailangang kumayod araw-araw para kumain.  Pag ganyan ang gusto mo pag-usapan, ang tingin sa iyo ng marami, weirdo, o kaya, ay nagmi-mid-life crisis.  Lalo na kung ang pinag-uusapan ng mga kaharap mo ay mga mas mahahalagang bagay, katulad ng presyo ng isang supot ng semento, ang interest rate ng pautang sa bangko, presyo ng kilo ng baboy (‘yung kasim),  o kaya ay ang nalalapit na kasal ni Heart at ni Chiz.  Wala ka na ngang makain, iniisip mo pa ang mga angst mo sa buhay.  Oo nga naman.

Pero mahirap din naman ipaubaya ang pag-iisip ng kahulugan ng buhay sa mga philosophers.  

Pagkatapos kumayod, mainam din namang umupo, magkape, at mag-isip kung bakit ka nga ba kumayod in the first place.  Kung naghahanap tayo ng ilalagay sa tiyan natin araw-araw, pwede din naman siguro paminsan-minsan na maghanap ng mga bagay na isasaksak natin sa isip natin.
Kaya ako, isinisingit ko ang pagtanga.  Oo, ang pagtanga.  Importante sa akin ang tumanga, ang hayaan mo lang ang isip mo na maggala sa kung saan man ito padparin.  Napapatanga tayo pag nag-iisip, at napapaisip tayo pag nakatanga.  Tumanga, mag-isip.  Pareho lang yon. 

Wag lang magpapakatanga.  Iba naman ‘yon.

Sa tingin ko, mas importante ang hayaan mong gumala ang isip mo, kaysa sa maggala sa mall nang wala namang eksaktong pupuntahan.  Iyon ang nagbibigay sa akin ng kabuluhan ng  buhay, at nagbibigay sa akin ng pagkakataon kung paano ko ikokonek ang ibat ibang bagay sa buhay ko.  Dito ko iniisip kung ano ang kabuluhan ng pagpili ng kung anong brand ng pang-ahit ang bibilin ko sa tindahan, para lang makatipid ng ilang piso, samantalang mamayang hapon, mas malaki pa ang magagastos ko kesa sa natipid ko, dahil iinom ako ng kalahating kahong beer.  Para mag-unwind kuno.  Para magkahang-over lang kinabukasan, at para i-analyze, using  the scientific method, kung ano ang mabilis pangtanggal ng hang-over, kape o malamig na tubig.  (Ginawa pang dahilan ang chemistry, makainom lang).  Hindi naman ganito eksakto ang laging nangyayari, pero kahawig na nito ang ibig kong sabihin.

Pero, talagang importante na isipin natin ang mga habits natin.  Hindi lang yung mga bisyo.  Pati mga nakagawian nating paraan ng pag-iisip.  Yung mga nakasanayan nating ginagawa, baka hindi na angkop ngayon.  Yung mga nakagisnan nating totoo daw, e baka matagal na tayong napaglololoko.  

Baka lang.  Kaya nga, kailangang mag-isip.

Kaya, kumayod.  Pagkatapos, mag-isip at tumanga.  Pag may time.


No comments:

Post a Comment