KUNG BUHAY KA PA NGAYON, HUWAG KA MAGAGALIT DAHIL BIRTHDAY
MO NGAYON
(Para sa Daddy ko).
Kung buhay ka pa ngayon, sasabihin mo, hindi dapat ganyan,
dapat ganito. Hindi ako makakareklamo
dahil alam ko, totoo naman iyon.
Kung buhay ka pa ngayon, sasabihin mo ang mga reklamo mo sa
paligid, at hindi kami makakaangal, dahil alam ko, totoo naman iyon.
Kung buhay ka pa, maitatabi ko ang narating ko sa mga
narating mo, at iiling na lang ako, dahil malayo pa talaga ang hahabulin ko. Lahat
ng kunwari’y nagawa ko, galing din naman sa ‘yo. Totoo naman iyon.
Kung buhay ka pa ngayon, pinapagalitan mo na ako kahit
birthday mo, dahil late na naman ako sa blowout mong tanghalian. Hindi naman ako makakaangal, dahil ikaw ang
magbabayad, at kung pagiging huli ang pag-uusapan, hindi talaga ako
makakaangal, dahil totoo naman iyon.
Kahit wala ka na ngayon, para ding nandyan ka lang, dahil
naririnig ko pa rin ang palakpak mo pag paminsan-minsang tumatama ako. Tagatulak, tagapalakpak. Parang nahihiya, pero pangiti mong sasabihin, tumatama din pala itong kumag na
ito paminsan minsan. Matipid sa puri,
pero ipinagmamalaki sa katabi. Mana rin
ako sa iyo. Totoo naman iyon.
Kung sasabihin kong hindi kita namimiss, alam ko, hindi
totoo iyon.
No comments:
Post a Comment