Tuesday, February 17, 2015

KARMA

KARMA

Walang karma.  Ang karma ay hindi totoo.  O, huwag muna mag-react.  Pakinggan ninyo muna ako. 

Karma is not a fact; it is a statement hope.  Na sana, sa bandang huli, ang masasamang tao ay aabutin din ng malas, at ang mabuti ay gagantimpalaan. Sa madaling salita, pag-asa na magkakaroon ng hustisya.  Pag sinabi natin ito, na sa bandang huli, ay magkakaroon din tayo ng hustisya, gumaganda ang pakiramdam natin.  Iyon naman ang importante, una, ang mabigyan tayo ng kasiguruhan at pag-asa na magkakaroon ng hustisya, at pangalawa, ang gumanda ang pakiramdam natin, habang ginagamot ang black eye natin mula sa suntok ng kontra-bida.

Kumakapit tayo sa karma, dahil kung hindi totoo ang karma, guguho ang katuturan ng mundo at mawawalan ng saysay ang lahat ng paghihirap natin.  Ang mga bida ay matatalo ng kontra-bida, at ang kontra-bida ay hindi mahuhuli.  Ayaw natin ng pelikulang ganyan ang ending.  Para saan ang paghihirap natin kung hindi mahuhuli ang kontra-bida?

Sa akin tingin, ang karma ay extension at practical application lang ng Golden Rule.  Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.  Kung ayaw mong masuntok, huwag manununtok.  Ok.  Ang ayaw masipa, huwag maninipa.  Ok pa rin, so far.  Pero kung ikaw ay masipa, paano na?  Kung ikaw ay masipa, at hindi mo na makita ang nanipa sa iyo, paano mo siya sisipain at paano mo ngayon i-aaply ang Golden Rule?  

Kung ikaw ay law-avoiding, paano mo siya sisipain? Sa madaling sabi, paano ka gaganti? Dalawa ang dalawang dahilan kung bakit gusto mo gumanti.  Una, masarap gumanti, at kahit na ano pang mga payo ang narinig mo sa mga pelikula na “Diego, ‘wag mo ilagay sa mga kamay mo ang batas!”, aminin mo nang masarap gumanti.  Pangalawa, gumaganti ka para huwag ka nang masipa uli.

Kung ikaw naman ay law-abiding, paano siya sisipain ng hukuman at batas para sa paninipang nangyari sa iyo, a nakatakbo na nga at hindi na makita ang kontra-bida?  Sa madaling salita, paano ka igaganti ng estado?  Eh, ano pa, e di wala na tayong magagawa, kundi sabihin na lang habang nagngingitngit ka na kung sino man iyong gagong nanipa sa iyo na hindi mo na makita at hindi mo na magantihan, ay sana ma-karma na lang siya.  Ang karma  ay unimplemented application ng golden rule.   

Madalas nating sabihin  na sana ay makarma ang isang taong gumawa ng kasalanan, pag wala na tayong magawang hustisya sa mga naagrabyado.  Hustisya, ngayon din, sa mundong ito.  Pag ikaw ay nanakawan, ang unang reaksyon mo ay hindi sabihin na sana makarma ang nagnakaw sa iyo.  Ang unang gusto mong mangyari ay mahuli siya ng barangay tanod at pulis, madala sa presinto, at doon mo siya sasapakin, lalo na pag nakatutok ang mga camera ng TV Patrol at Saksi.  Pero pag di na nakita ang nagnakaw, e sorry na lang, sana makarma na lang ang tumiklo ng gamit mo.  Kapag ganoong wala ka nang pagkakataong makaresbak, ano na lang ang sasabihin natin, ano pa, e di “Sana, karmahin ka”.  Kasi, kung may magagawa ka rin lang, hindi mo ipapaubaya sa karma ang hustisya; kundi, idedemanda mo ang nakagawa sa yo ng masama, o di kaya ay sasapakin mo at tatadyakan na lang, sabay mura.  Aminin. 

Pero ipagpalagay muna natin na toto ang karma.  Kung totoo ang karma, kalian mangyayari ang ganti, o ang gantimpala?

At kung mangyayari ang karma, kailan ang time table kung kailan mangyayari ito?  Paano kung patay na ang gumawa ng kasalanan, papaano pa siya aabutan ng karma? 

Kung patay na ang gumawa ng kasalanan, at nagka-cancer ang anak n’ya, o nasunugan ang pamilya n’ya, karma ba yon?  Malamang, para matahimik ang mga naagrabyado , tatawagin nating karma yon.  Pero paano mo nasiguro na yung anak o pamilyang minalas ang nagbayad sa kasalanan ng ama?  Nasa isip lang natin iyon na nabayaran na ‘yung kasalanan, at pilit natin na iginagawa ng koneksyon, kahit wala.  Kung pwede ang anak na magbayad, pwede rin ba ang apo ang magbayad? 

Kung karma ang tawag natin doon,  ‘yun ba ang uri ng hustisyang gusto natin, punishment that is transferable to the children?  Kung ang ID nga, hindi transferable eh, punishment pa.  Parang hindi yon ang tamang hustisyang inaasam natin, a.  Kasi, sa likod ng ating isip (at the back of our minds), alam natin na hindi rin naman naparusahan ang gumawa ng kasalanan.   Hindi ba’t personal ang pananagutan natin sa mga ginagawa natin? Bakit pagdudusahan ng ibang walang kinalaman?

Eto pa, tayong mga Pinoy, lagi nating sinasabi na ang masamang damo ay mahirap mamatay.  Parang taliwas yata ‘yon sa karma.  We also ask ourselves rhetorically, why do bad things happen to good people? 

Kung totoo ang karma, bakit may mga walanghiya na namamatay sa tanda, na nag-enjoy sa pinagnakawan at hindi nabawi ang kanilang ninakaw?  Sasabihin ninyo, nagdudusa din ang lahat ng magnanakaw dahil hindi pinapatulog ng kanilang konsyensya.  Parang mali, dahil kaya nga sila nagnakaw e, wala silang konsyensya. 

Sasabihin natin pag may pumatay ng tao, “Wala kang konsyensya! Wag ka sanang patulugin ng konsyensya mo!” Ok. 

Bakit may mabubuting tao na namamatay ng maaga sa kanser na ubod ng sakit at ubod ng mahal gamutin?  Ang sagot ay alam na natin pero ayaw nating aminin: dahil wala silang koneksyon.  Nanghihinayang lang tayo pag may mabuting tao na namatay dahil gusto natin ang mga mabubuting tao.  Kaya pag sila ay namamatay, ay nakakaramdam tayo ng kawalan, ng panghihinayang, at kalungkutan.  Iyon ang normal na reaksyon nating mga tao.  Pag tinatanong natin kung bakit ang isang mabuting tao ay namatay nang maaga, hindi talaga tayo nagtatanong, nagpapahayag lang tayo ng frustration at disappointment, at pilit binibigyan ng kabuluhan kung saan wala.

Gumawa tayo ng mabuti dahil iyon ay mabuti.  Hindi dahil may babalik na siksik, liglig at umaapaw.  Trust me, that is essentially selfishness in disguise.  Taliwas na naman iyan sa turo sa atin sa retreat noong elementary kami, na kapag gumawa ka ng mabuti, huwag umasa sa kapalit.  

Marami talaga tayong mga sinasabi na magkakataliwas.

We should not be motivated to do good deeds by the returns they will generate, like a long, healthy and prosperous life.  Dapat, we should do good things simply because they are good, not because of some remote rewards we expect from somewhere to happen.  That is what really good people do, doing something good simply because they are good.  .  Kung hindi, nag-iinvest ka lang, at walang kinalaman ang kabutihang-loob sa investment.

Walang kinalaman ang kabutihan ng isang tao sa haba ng kanyang buhay.  Wala.  Therefore, walang karma.


No comments:

Post a Comment