Saturday, February 7, 2015

STRESS

STRESS

Nai-stress ako.  ‘Yan ang madalas na reklamo ng mga tao ngayon.

Dati rati, ang stress ay nagmumula sa anumang bagay na nagbibigay sa tao ng matinding pagkabalisa, alalahanin o pangamba, at nagiging dahilan ng sakit tulad ng depression; karaniwang nagmumula sa isang mapait at malungkot na karanasan, tulad ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay o matinding kabiguan sa pag-ibig o sa trabaho.

Masyado nang naabuso ang salitang “stress”, sa totoo lang.  Isa na yata sa pinaka-abused term ng ating panahon.  Madalas mong marinig ang mga tao ngayon na nagrereklamo na sila ay nai-stress.   Nai-stress daw sila sa dahil sa bill sa kuryente, bill sa tubig, at lahat na yata ng klaseng bill; pangha-hunting sa kanila ng mga inaanak tuwing Pasko, pag-iyak ng anak na nagpapabili ng tablet, at iba pang seryoso at nakakalungkot na dagok ng buhay tulad ng paghihiwalay ni John Lloyd at Shaina. 

Ayon din sa maraming mga magulang ngayon, ang kanilang mga anak ay nai-stress daw dahil may assignment, at hindi masarap ang ulam.  Oo nga naman, tsk tsk, kawawa naman.  Bakit kaya di mo bambuhin ng walis tambo yang anak mong maarte?

Pati aso, at manok sa poultry, nai-stress din daw, kahit itanong mo pa sa beterinaryo.   

 Bakit ko sinasabi ito?  E, wala.   Heto lang kasi ang gusto ko sabihin:  Wag tayo masyadong OA.  (Masyado na, OA pa).  Hindi lahat ng bagay na ayaw natin ay tamang tawaging stressful.  Ngayon lang nauso yang stress-stress na yan, at noong araw naman e wala iyan.  Noong araw, trabaho lang ng trabaho ang mga tao.  Walang kaeklatan na stress-stress.  Yung mga lolo’t lola natin, dumaan lang naman sa dalawang world wars, iyong may totoong barilan at may totoong namamatay.  Hindi yung parang sa computer games, na pumapatay ka habang nakaupo sa loob ng naka-aircon na kwarto. 

Pero naringgan mo na ba sila na nagreklamo sila na nai-stress sila?  Hindi.

Ewan ko, pero parang habang lumalakad ang panahon, parami nang parami ang mga iyakin at reklamador. 

Ang buhay ng tao ay ganoon talaga, minsan may nakakatuwa, minsan may nakakaasar; minsan, masaya, minsan naman, malungkot.  Walang stressful doon.  Ang tawag sa ganyang karanasan, PANGARAW-ARAW NA BUHAY NG ORDINARYONG TAO. 

Kung makareklamo tayo dahil daw sa stress, para bang ikamamatay natin.  OA.  Ang tunay na stressful ay iyong mga pangyayaring napapanood natin sa TV.  Noong araw, yung mga eksena sa “Gulong ng Palad”,  ngayon, “Maalaala Mo Kaya” (Dear Charo….), na walang humpay na hagulgulan, sigawan, tulakan at sampalan.  ‘Yon ang stressful.    

At pansinin ninyo, reklamo tayo nang reklamo, dahil nai-stress daw, pero ang dahilan ay mga hindi naman talaga ganoong kalalaking problema.  Walang palaman sa pandesal , walang WIFI, hindi umabot sa sale sa SM, hindi naplantsa ang paboritong t-shirt.  Puro pansarili.  Karamihan, mababaw.  Lahat, hindi nakamamatay.

Pag walang palaman, isipin mo na lang, ‘yung iba nga, walang tinapay.  Pag walang WIFI, magbasa ka na lang ng dyaryo, yung malaki, hindi tabloid, mas may matututunan ka pa.  Pag hindi umabot sa sale, magsa-sale din yon sa isang buwan; hindi ka pa, nagkautang sa credit card.  At pag hindi naplantsa ang T-shirt, isuot mo lang at mamayang hapon hindi na halata ‘yan. 

Hindi ko sinasabi na kailangan nating magpakalalim.  Ang ibig ko lang sabihin, ‘wag nating kunsumihin ang sarili natin dahil lang sa mga maliliit na bagay at mga kaartehan, na kung tutuusin ay hindi naman natin talaga kawalan.  At huwag natin sabihin na dahil lang sa mga iyon e, tayo ay nai-stress.

Ok lang siguro kung sabihin natin na tayo ay nai-stress kung talagang ka-stress – stress ang problemang nasa harap natin.  Kaya lang, ang problema, yung maliliit na bagay na pwede namang magawan ng paraan, doon tayo nai-stress; yung malalaking bagay na dapat natin ikabahala at itama, tinanggap na lang nating bahagi ng buhay natin.  “Hey, our national situation is stress-free.  There’s more fun in the Philippines, right?  Isn’t that great?

‘Yan ang maganda sa mga tulad naming manginginom, hindi kami mareklamo.  At least, tuwing inuman, bihira ang reklamador.  Walang pulutan?  Ok lang yan, bumili na lang ng Chippy at maning kalbo sa tindahan.  Walang mabilhan ng yelo?  Ok lang yan.  Ginawa ang beer na walang yelo.  ‘Tamo na? Simple lang, walang reklamo.  Walang stress.    

Kung ang tawag natin sa mga maliliit na bagay ay stressful, ano pa kaya yung malalaking bagay?  Para ko nang nakikita ang sabi ng mga artista, “Super stressful to the max.  Sobra.” “Sobrang thank you”, “sobrang sad”.   Sobra mo mukha mo.  (Tip:  Kayong mga lalaking nakakabasa nito, kung hindi kayo artista, huwag ninyong gagamitin ang salitang “sobra”.  Dalawa lang ang gumagamit niyan: mga artista at mga bakla.  Pansinin nyo).  Pero saka na ‘yan, lumalayo tayo sa stress. 

Meron na bang na-stress sa atin dahil sa kamalasan o kalungkutan ng ibang tao? E, sa sitwasyon nating mga Pinoy, na-stress na ba kayo?  Dyan tayo dapat ma-stress, sa totoo lang.  Mayroon akong natatandaan na nabasa kong sinulat ng isang Koreano, at sabi niya, sa kanila daw mga Koreano, ordinaryo lang ang umiyak dahil sa pagmamahal sa bayan.  Ewan ko naman kung niloloko din lang ako nung writer na yon.  Pero natatandaan ko, tinanong niya din sa sinulat niya kung ang kanyang mambabasa ay umiyak na dahil sa isang pangyayari tungkol sa kanyang sariling bayan.  Medyo na-stress ako doon sa tanong niya.  Nai-stress lang kasi tayong mga Pinoy pag may masamang nangyari sa sarili o sa sariling pamilya, pero marami sa atin, hindi tayo nai-stress dahil sa sitwasyon at mga pangyayari sa bayan natin.  Wala pa kasi akong matandaan na Pinoy na umiyak dahil sa bayan, maliban doon sa mga taong may hawak ng rosaryo na hinarang yung tangke noong EDSA Revolution noong 1986. 

Pagkatapos noon, tawanan na lang tayo nang tawanan sa ating sitwasyon.  E bakit nga naman hind, e isa na raw tayo sa pinakamasayang  tao sa mundo.  Maganda naman ‘yon.  Mukhang sineryoso natin masyado si Freddie Aguilar, na sinabi sa kanta na tawanan mo ang iyong problema.  Tingnan mo’ng nangyari sa atin.

Mayroon akong kakilala, ang sabi niya sa akin, hindi daw siya nai-stress sa mga pinagkakautangan niya; ang mga pinagkakautangan niya ang nai-stress sa kanya.  Nakakulong na siya ngayon.


Sa susunod na wala kayong mabiling dog food para sa inyong nagugutom na alagang Chihuahua, huwag ninyo sasabihing nai-stress kayo.  Nai-stress ako.

No comments:

Post a Comment