ANG MGA ARAL NI TANDANG GUSTING
Tuwing Bagong Taon, nagrereunion ang angkan namin. Bata pa ako, wala na kaming ginawa sa
reunion, kundi magkainan (meron pa bang ibang gagawin?), at pagkatapos, ang mga
lalaki ay magkukumpol-kumpol na parang mga langaw, magpapatak-patak at
mag-iinuman. Syempre, hind nawawala ang kodakan
ng bawat pamilya at ang walang-kamatayang parlor games ng mga bata. Kung minsan, ang mga middle-aged na mga dalagang
babae sa pamilya kung kanino nakatoka ang palaro ay nakakaisip ng mga bago at
kakaibang mga palaro, katulad ng Trip to Jerusalem, Stop Dance, at Bring Me. Madalas ding gawin ang patok na patok na
paluan ng palayok na may lamang gawgaw, mumurahing kendi at barya.
Napansin ko na ang mga batang
miyembro ng aming mga kamag-anak ay kilala kung sino ang dapat pagmanuhan. General rule, basta matanda at kamukha ni
Mary Walter o kamukha ni Leopoldo Salcedo, kailangang pagmanuhan. Pero as a general rule din, ang mga bata ay
hindi alam kung paano nila naging kamag-anak ang matatandang kanilang
pinagmanuhan. Basta para sa kanila,
kailangan silang tawaging lolo at lola, at kailangan silang pagmanuhan, ayos na
iyon. Siguro, ito ay totoo rin sa
pangkaraniwang reunion ng mga pamilyang Pinoy.
Minsan, nautusan ako ng mga
matatanda na mag-emcee. Dahil siguro
kahit ang mga matatanda ay batong-bato na rin sa aming reunion. Syempre, wala akong sinabi kundi mga patawang
napulot sa maraming taon ng pakikipag-inuman, at saka green jokes, minus the
very green jokes. Aba, nagulat ako,
dahil naghahagikgikan at pumapadyak pa sila pag may bastos na punch lines akong
binitawan. Doon ko nalaman na pati pala
ang mga lola kong matatandang dalaga ay nag-eenjoy sa bastos na jokes. Kaya noong sumunod na taon na pinag-emcee
ako, dinagdagan ko ang gimik ko.
Pampasaya lang.
Kunwari ay kinontak ako ng aming
patriarch, si Agustin Roxas, o kilala daw na Tandang Gusting, (ako ay apo ng
kanyang apo) at kinausap ako noong bisperas ng Bagong Taon, na parang ginawa ni
Whoopie Goldberg sa pelikulang “Ghost”, at ako ay kinausap para magbigay siya ng
ilang bilin para sa aming magkakamag-anak.
Syempre, gawa-gawa ko lang iyon.
May ilan ding taon, na sinabi ko na ang bilin sa akin ni Lolo Gusting ay
dumating sa akin sa pamamagitan ng text message. Kaya, magmula noon, dahil wala namang gagawin
sa reunion namin bukod sa kainan, inuman at parlor games, sinasabi ko ang taunang
listahan ng mga aral ni Tandang Gusting, at isinisingit ko sa pagitan ng kodakan
at palaro.
Hindi ako nagsesermon sa gimik ko na
ito, at lalong hindi ako nagmamarunong; nagsasabi lang ako ng ilang bagay, na
pwedeng pagtawanan o pag-isipan, para kahit man lang mga kuwentong
kathang-isip, ay may mapag-usapan at mapulot ang mga kamag-anak ko sa aming taunang
reunion. Isinulat ko dito ang iba sa
kanila na akin pang natatandaan, at nilagyan ko na ang iba ng dagdag na annotation
(parang SCRA).
Heto
ang ilang entries sa Mga Aral ni Tandang Gusting.
1. Hindi baleng mahirap, huwag lang
mahirap kausap.
Pangkaraniwan na yata sa lahat ng magkakamag-anak ang may tampuhan at
intrigahan. Pinoy na pinoy yan. Nangyayari ang away o tampuhan dahil ang
nipis ng balat at ang kapal ng mukha ng tao ay iba-iba. Gayundin, ang kagulangan ay likas sa ating
lahat, iba-iba lang ang degree, at depende sa sitwasyon at panahon. May tunay na mabait at may nagbabait-baitan
lang.
Kaya nga, walang perpektong samahan o grupo, kahit sa
magkakamag-anak. Laging may gusot,
laging may tampuhan, laging may stumbling block, dahil hindi nawawala ang mga
taong mahirap kausap.
Kaya ang sabi ni Tandang Gusting, hindi baleng mahirap, huwag lang
mahirap kausap. Hindi kasalanan ang
maging mahirap. Ang kasalanan ay ang
maging mahirap kausap. Ang maging
mahirap pakitunguhan, maging peste, at maging buwisit at pabigat sa ibang tao.
Huwag na huwag ihihingi ng paumanhin, at huwag ikakahiya, ang pagiging
mahirap. Nagtataka ako kung bakit
maraming tao, pag napunta ka sa kanilang bahay, ang laging sinasabi, pasensya
na kayo dahil maliit lang ang bahay namin.
Bakit? Kailan mo pa naging obligasyon
sa ibang tao ang magpagawa ng malaking bahay?
At bakit kailangang ihingi ng paumanhin ang pagkakaroon ng maliit na
bahay? Ewan ko, pero para sa akin kasi,
iyan ay misplaced humility. Maraming
bagay ang dapat ikahiya – katulad ng pagnanakaw, panggugulang, ang magsuka sa
eat-all-you-can na restoran, at ang pagkakaroon ng maraming bakokang sa binti,
pero hinding hindi ang pagiging dukha.
Ito ay dahil ang kahirapan ay hindi depekto ng pagkatao. (Amen? Amen!!). Kung minsan pa nga, kaya ka mahirap ay
marangal kang tao.
Minsan lang. Hindi lahat ng taong
mahirap ay marangal. Minsan din, kaya ka
mahirap ay mahirap ka ding kausap.
2. Ngumiti.
Ngumiti. Kahit walang kodakan. Libre naman ang ngumiti, at wala pang
nagkasakit dahil sa pagngiti. Hindi
naman kasi mahirap ngumiti, mas kakaunting muscles daw sa pisngi ng tao ang
ginagamit pag ngumingiti, kaysa sa pag tayo ay sumisimangot. At madali lang ngumiti, hindi hamak na mas
mahirap pa ang mag-igib ng tubig.
Ang pagngiti ay mabuti, dahil nagbabawas ito ng lumbay sa kapaligiran, at
maaaring kahit pansamantala ay gumanda ang mood ng mga tao sa paligid kung
maaliwalas ang mukha nila. Mahirap
kumain ng blueberry cheese cake sa coffee shop, kung nakasimangot ang mga nagse-serve. Mahirap makasama sa outing ang taong laging
nakasimalmal ang pagmumukha. At walang
masama kung nakangiti ka sa mga taong kasama mo o nakikita sa trabaho.
‘Wag lang ngingiti kung nag-iisa.
3. Pag naputukan, sabuning mabuti.
Dahil tuwing Bagong Taon ginagawa ng aming angkan ang reunion,
pinapayuhan din ni Lolo Gusting ang
aking mga kamag-anak, na kung talagang hindi mapigil ang inyong asawa na madala
sa gitna ng kasiyahan, at kung talagang hindi maiiwasan na magpaputok sa
paghihiwalay ng taon, tandaan lamang na kung maputukan, kailangang sabuning
mabuti agad-agad ang bahagi ng katawan na naputukan. Gumamit ng tubig at sabon, upang maalis ang
lansa. Ito ay para huwag nang kumalat
ang naiwang pinaputok sa ibang bahagi ng katawan.
Iwasan ding magpaputok kung may mga bata sa paligid. Hindi kasi dapat gayahin ng mga bata ang
basta na lang magpaputok kung saan-saan.
Itong payo na ito ang talagang nagtawanan ang aking mga kamag-anak. Hindi ko alam kung bakit.
4. Huwag magpauto sa mga
manghuhula. Wala pang manghuhulang
tumama sa lotto.
Hindi totoo ang hula. Yung hulang
sinasabing prediction. Huwag maniwala sa
mga diumano ay nakakabasa ng mga mangyayari sa hinaharap, kahit ano pa ang kanyang
gamit: palad, baraha, bolang kristal, kandila at palanggana, o kung ano mang
props ‘yan. Huwag ninyong papatulan
‘yan, lalo na yung mga manghuhulang pipikit-pikit habang nakatingala. Kahit nga sa hueteng at ending, sablay ang
mga iyan, buhay nyo pa kaya ang mahulaan ng mga racketeer na yan. Horoscope, Hula sa Baraha, Bolang Kristal,
manghuhula sa Quiapo, ‘yung mga manghuhula sa TV na ini-interview pag Bagong Taon
at ang kanilang mga colleagues, manghuhula ng mga nawawalang aso at relo, pare-pareho
lang ‘yan. Ni isa sa kanila, walang
nakabasa na si Mommy Dionisa ay magiging ganap na superstar. Oo, karapatan ninyong magsabi ng mga hula at
huwag kayong pakialaman, at malaya kayong magsabi na iyan ay totoo. Pero malaya din ako na sabihin (actually, si
Tandang Gusting pala ang may sabi) na pare- parehong kalokohan at racket ang
mga ‘yan. Simple lang ang dahilan ko:
Lahat sila, kailangang bayaran.
At huwag nang magpalusot ang mga rumaraket na manghuhula sa pagsasabing
ang hula ay guide lang daw, at sa final analysis daw, ay tayo pa rin ang
gumagawa ng ating buhay. Eh, ganon naman
pala. Eh, di hindi nga totoo ang hula,
dahil pwedeng mangyari, pwedeng hindi.
Nasaan ang prediction doon?
Ang totoo, hindi talaga pwedeng pagsamahin ang hula at free will ng
tao. Hindi ko makitang pwede ang middle
ground. Isa lang ang pwedeng piliin
ninyo. Gawa na ang hinaharap para sa
inyo, o gagawin ninyo pa lang.
Hindi rin pwede sabihin na wala namang mawawala kung maniniwala tayo sa hula. Merong nawawala, mga boss; ang tawag doon,
katwiran (rationality). Nawawala din ang
ating pananagutan, o accountability, kung maniniwala tayo sa hula, dahil pwde
naman pala nating sisihin ang mga bituin at guhit ng ating palad sa mga
nangyayari sa atin. E di ang mga bituin
at ang palad mo ang sisihin ninyo, hindi ang tao.
Siguro, sa mga manghuhula, pwede kayong manghula, pero pampasaya na
lang. At huwag na lang kayong maningil
ng talent fee.
5. Makinig.
Marami na ang bumagsak sa exam dahil hindi marunong makinig
sa instructions ni Ma’am.
Dalawa ang tenga, at isa lang ang bibig ng tao; kaya dapat,
mas madalas tayong makinig kaysa sa magsalita.
Malalim ang pagkakadisenyo sa tao; isang bibig, at dalawang tenga. Parang ang ibig sabihin, sa bawat isang oras
na tayo ay magsasalita, dapat dalawang oras tayong makikinig. Ang totoo, maraming tao ang may pandinig,
pero hindi nakikinig.
And as a general rule, the more talkative a person is, the less substance
there is to what he is saying. Di ba may
kasabihan, ang ilog daw na maingay, laging mababaw. Mabuti pa ang naglalakad ng matulin, pag
natinik ay malalim.
Listening is a lost art; e papaano, ratrat ng ratrat ang bibig natin. May malalim na dahilan kung bakit noong
Grade 1 pa tayo, may parusa ang noisy.
Many times, we only stop talking not really to listen to other people,
but to think on what to say next. O kaya
para uminom ng tubig, tapos daldal uli.
Kaya madalas hindi tayo magkaintindihan, dahil sabay sabay na
nagsasalita ang lahat. Hindi tayo
marunong making. At kailangang tandaan
natin, na bago natin maunawaan ang isang tao, kailangan natin siyang
pakinggan.
Tip ni Tandang Gusting: Kung
gustong makilala ang sarili, huwag dumaldal. Tumahimik, at makinig.
Kaya, matutong making.
(To be continued….)
No comments:
Post a Comment