ANG MGA ARAL
NI TANDANG GUSTING, PART 2
Ito ang pagpapatuloy
ng mga aral ng aking Lolo Gusting, na kung tawagin ay si Tandang Gusting.
(Kung hindi
ninyo pa alam ito o kung ngayon ninyo lang ito nabasa, pakitingnan ang aking
naunang blog na “Ang Mga Aral ni Tandang Gusting” noong March 3, 2015).
6.
Matutong mag-thank you.
Pag nakatanggap ng isang pabor, o may
nagawa ang isang kapwa na anumang bagay o serbisyo para sa inyo, magpasalamat.
Sa isang mundong mukhang
abalang-abala (busy-busyhan), mukhang napakahirap nang kilalanin ang maliliit
na nagagawa sa atin ng mga taong nakapaligid sa atin sa araw-araw. Pero kahit gaano man tayo kabusy, o kahit na
gaano tayo kalaki, kailangan pa rin nating magsabi ng “Thank You” o “Salamat”.
Magsabi ng “Salamat” sa lahat, lalo
na iyong maliliit at simpleng tao.
Magsabi ng thank you sa guard ng bangko na nagbukas sa inyo ng
pinto. Magsabi ng thank you sa waiter na
nag-serve ng pagkain ninyo. Magsabi ng
thank you sa gasoline boy na nagbomba ng gulong ng inyong cute na SUV.
Hindi dahilan sa hindi pagpapasalamat
na sila ay binabayaran naman sa kanilang trabaho. Ang pagpapasalamat ay pagkilala sa nagawa ng
isang kapwa tao. Iyon ay pagkilala na
nandoon sila; hindi invisible. Kaya pag
kayo ay nagpapasalamat, kinikilala ninyo sila, at sa maniwala kayo at sa hindi,
nagdadagdag iyon sa halaga o self-worth ng mga tao. At kailangan din natin lahat iyon, ang
pasalamatan at makilala.
Gaganda ang mundo, kung ang lahat ng
tao ay matututong magsabi ng Salamat.
7.
Ingatan ang inyong mga anak na babae.
Sa mga magulang, alagaan at ingatan
ang inyong mga anak na babae. Baka
makuha ng padaskol-daskol. O baka
makuha ng pawardi-wardi.
Importante
sa atin ang ating mga anak, lalo na ang mga anak na babae. Silang lagi ninyong sinasabi ay ayaw ninyong
padapuan sa langaw at sa lamok. Silang mga
pag nag-asawa kahit trenta anyos na e, iyak pa tayo ng iyak.
Huwag
masyado mahigpit, pero huwag ding masyadong maluwag. May mga bagay na hindi pwede, non-negotiable. Hindi pwedeng sabihin na uso naman ngayon ang
matulog ng tatlong gabing sunod-sunod sa bahay ng kaklase. Hindi pwede iyon. Hindi pwede sabihin na lagi na lang may
project sa school kaya gabing-gabi lagi kung umuwi. Alam mong niloloko ka lang ng anak mong
dalaginding. Habang sila ay nasa poder
pa ninyo, kayo ang masusunod. Hindi kayo
ang susunod sa kanila.
Kaya palakihin sila na marunong, matalino at malakas, na kahit nag-iisa sila sa
kalye, sa eskwelahan, sa mall, sa outing, at kahit saang lugar, ay kaya nilang
protektahan ang sarili nila. Palakihin
silang kasingganda ni Marian, at kasing-dunong at kasing-tapang ni Miriam. Huwag baligtad.
8.
Isauli ang hiniram.
Matutong magsauli ng bagay na
hiniram. Hindi lang pera, pero lahat ng bagay na hiniram, kasama na ang ballpen, nailcutter,
cd, dibidi-dibidi, kutsilyo, Tupperware, libro, grasscutter, lagare, plaes, gitara. Pati ang hiniram na bisikleta, kotse, toothbrush
at pustiso. Pag marunong manghiram,
dapat marunong ding magbalik. Hindi ang
halaga ng hiniram ang pinag-uusapan, ang importante ay ang kilalanin ang
katotohanan na kaya ka pinahiram ay dahil akala ng nagpahiram ay marangal kang
tao na marunong magsauli.
Kung may tinatamaan, mabuti
naman. Ibig sabihin, may natitira ka
pang kahihiyan sa katawan. Pero, ang
totoo, lahat tayo ay guilty dito, at kahit minsan sa ating buhay, ay nalabag na
ang aral na ito ni Tandang Gusting.
Wala nang mas nakakairita pa sa buhay
kundi ang isang taong hiram ng hiram pero hindi marunong magsauli. Magugulat kayo kung ilang mga mga
magkabarkada, magkaopisina, magkapitbahay, maghipag, at magbyenan ang
nagkatampuhan, nagkasira at sa bandang huli ay nagkasumbatan pa, dahil lang sa
hindi naisauling isang mamahaling kaserola, na pinaglagyan ng natirang menudo
noong sila ay huling mag-retreat na ang theme ay “Forgiveness”. Ang nakakaasar, maraming nilalang sa mundo, ang
akala ay exempted sila sa rule na dapat isauli ang lahat ng hiniram na
gamit.
Maraming beses, wala kang magamit na
martilyo, dahil hiniram ng magaling na kapitbahay mo. Nakahiyaan mo namang
kunin uli, dahil matagal nang hiniram iyon.
Nakakatawa nga, pero ikaw na ang nagpahiram, ikaw pa ang nahiyang
magbanggit tungkol sa hiniram. Kaya,
wala ka nang gagawin, kundi maasar na lang nang maasar at kimkimin mo ang
pagka-asar mo, at kaya sa susunod, manghihiram ka ng lagare sa kanya at malamang,
hindi mo na rin isasauli iyon. Quits na
kayo, at tuluyan na kayong magkakasira.
Dahil lang sa martilyo at lagareng hindi naibalik.
Mayroon akong kaibigan noong college,
sikat na campus leader; pero hanggang ngayon, ang natatandaan ko lang pag
naiisip ko siya, ay hindi ang kanyang leadership qualities, kundi ang hindi
niya pagsauli sa akin ng kanyang hiniram – ang pinakamamahal kong cassette tape
ng greatest hits ni Jim Croce. Pano pa
kaya kung naging senador yon.
Manghihiram ng pera sa taongbayan yon, at syempre, wala nang balikan.
i 9. Hindi lahat ay posible. Tanggapin natin ang ating limitasyon.
Kahit paanong gawin natin, may mga
taong hindi talaga pwedeng maging basketball player sa PBA, at hindi lahat tayo
ay pwedeng mag-artista.
Madalas nating marinig, walang
imposible kung magsisikap. Ang totoo,
maganda lang pakinggan iyon, pero hindi lagi totoo. Ang ibig kong sabihin, kung magiging humble
at realistic lamang tayo, alam natin sa sarili natin na may mga bagay na
talagang hindi para sa atin at hindi natin maaabot, maglupasay man tayo
maghapon. Kahit sa amateur singing
contest lang sa pyesta ng barangay, hindi ka mananalo, kung sintonado ka. Ganoon lang kasimple yon. Hindi maga-apply dito ang kasabihan na, Try
and try until you succeed. Siguro, try
and try, until you realize it is simply not possible. Ang tawag doon, humility.
Mangarap ng mataas, at magsikap. Pero tandaan lang na hindi nababawasan ang ating
pagkatao kung nagkakaroon ng pagbabago sa ating mga plano. Marami ang lagi na lang nakatuon sa kung paano
aabutin ang kanilang mga pangarap, nang hindi namamalayan na ang buong buhay
pala nila ay lumipas na sa harap ng kanilang mga mata. Hindi tayo nabubuhay
para sa mga ambisyon.
Noong bata pa ako, inakala kong
magaling ako sa basketball. Pero nabasa
ko sa mga tabloid sa kapitbahay namin na ang mga guwardya ng Crispa at Toyota
ay halos six-footer din pala, at nalaman ko maaga pa lang sa aking pagkabata, na
sa sukat ng aking katawang lupa na ibinigay ng langit, na may mga bagay na
imposible – gaya ng pangarap kong maging basketball star. Dahil dito, iba na lang ang pinangarap
ko. Matayog pa rin, at mahirap pa ring abutin. Pero kayang maabot, at humanly possible.
Pero dapat talaga, nakapaglaro ako sa
Purefoods.
10. Huwag ipagmalaki ang gandang lalaki, o gandang babae.
Maraming mga tao, tuwang tuwa sa
kanilang sariling pagmumukha, at walang ginawa kundi mag-ubos ng oras, salapi
at pagod sa pagpapaganda ng mukha. At
wala nang ipinagmalaki kundi ang ganda ng mukha. Totoo, masarap tingnan ang isang magandang
mukha. Sa mga lalaki, ang mukha ng isang
magandang babae ay nagpapasigla ng daloy ng dugo, at gumigising sa matamlay at matagal
nang natutulog na bahagi ng katawan. Pero huwag naman sana sosobra ang bilib sa
sariling itsura, dahil nakakaasar din iyon.
Bakit? It is because a beautiful face is not an
achievement. Ako ang may sabi
niyan. (Mali, si Tandang Gusting nga
pala ang may sabi niyan). Ang iyong
mukha ay isang aksidente ng kalikasan. At
tumatanda ang tao, lumilipas ang ganda ng mukha.
Kung ikaw man ay maganda, dapat
ipaalala sa iyo lagi, na hindi ikaw ang may kagagawan niyan. Kung ipinanganak kang maganda, swerte ka
lang, pero hindi nangangahuluhan na ikaw ay magaling na tao. Hindi nga kontrolado ng mga magulang mo kung
ano ang iyong kalalabasan noong oras na ikaw ay kanilang pinagpapagurang (pero
siyang-siyang) gawin. Noong oras na ikaw
ay ginagawa ng iyong mga magulang, hindi nila iniisip o pinaplano ang magiging
itsura mo, dahil mas busy pa sila noong mga oras na iyon kung papaano huwag
magising ang mga kasama nila sa dorm, o kung paano huwag magising ang kuya o
ate mo sa kabilang kama. Wala ngang
gamot kahit galing sa China o sa Quiapo na pampaganda sa mga magiging
anak. Kaya’t sa bandang huli, ang
sukatan ng isang magaling na lalaki o babae ay wala sa kanyang mukha. Maraming tao ang hinahangaan habang
tinitingnan, wag lang ibubuka ang kanilang bibig.
Ito rin ang dahilan kung bakit ang
mga pangit ay hindi dapat mahiya. Sa mga
pangit, wala kayong dapat ikahiya dahil wala kayong kasalanan kung bakit
nagkaganyan ang inyong mga mukha.
Sabihin ninyo sa mga tao, “Huwag
ninyo akong husgahan dahil lang sa aking mukha.
Hindi ko rin kagustuhan ito.”
Pagkatapos magmake-up at magwork out
sa gym, magsikap gumawa ng mga bagay na tunay na pwedeng ipagmalaki. Kahit simple lang. Gumawa ng kabutihan. Tumulong sa nangangailangan. Magsikap mapromote sa trabaho. Maging Secretary-general ng Pederasyon ng Mga
Manikurista sa Central Luzon. Pangulo ng
Smugglers ng Bawang sa Pier. Mga
ganoon.
Kung wala kang tunay na achievement sa buhay, maliban sa ikaw ay nagkataon na tagadala ng isang mukhang napapalingon ang marami, wala ring kwenta ‘yon. Mabubuking at mabubuking ka rin na wala kang alam kundi ang magpa-cute. Hindi ba malaking trahedya ang paulit na ulit na lang na nakikita nating mga beauty contest na karamihan sa sumasali ay puro magaganda at sexy pero tanga. Pag interview portion na, tawanan na nang tawanan ang audience. Isa lang sinasabi ng mga nanonood. Sayang, ang ganda ganda pa naman.
Kaya tandaan, higit sa magandang
mukha, marami pang bagay ang dapat pagsikapan sa buhay na tunay na
maipagmamalaki.
(To be continued)
No comments:
Post a Comment