HIGH SCHOOL
Eksaktong
tatlumpung taon na ang nakakaraan sa araw na ito, nagtapos ako sa high
school. Hindi ko namalayan, tatlumpung
taon na pala iyon. Gasgas na gasgas na
ito, na parang halos wala nang katuturan sabihin, pero talagang hindi ko pa rin
maiwasan na sabihin: napakabilis ng
panahon.
Hindi
ko na makilala yung panahon na iyon sa ngayon.
Ibang-iba ang panahon na iyon. Halimbawa
lang, wala pang cellphone noon. Kaya,
kung ano ang pinag-usapang oras at lugar ng pagkikita, iyon na ‘yon, at hindi
na pwedeng baguhin. Walang text-text
para masabi ang binagong mga plano. Noong
araw, ang tablet ay iyong binibigay sa clinic pag naghihilo-hilohan ka dahil
hindi ka nakagawa ng assignment. Ngayon,
ang tablet ay gadget na madalas nilalaro ng mga bata. At ang ligawan ninyo noon, dinadaan pa sa
pasulat-kamay na love letter sa may kulay na stationery (minsan may amoy pang
pabango), na itinupi nang tatlong fold (para i-love-u), dahil wala pa ngang
text at hindi pa nauuso ang e-mail.
Matagal
na nga ang panahon na iyon.
Pero
bakit ba hindi mo makalimutan ang pinagdaanang buhay- high school? Hindi ako naniniwalang mas masaya daw ang
high school, dahil marami rin namang masaya at hindi makakalimutang mga bagay
na dumaan sa buhay bago at pagkatapos ng sinasabing mataas na paaralan. Pero alam mo rin na ang high school ay
kakaiba, at laging may espesyal na lugar ang high school sa pagkatao mo. Bakit kaya?
Siguro,
dahil sa dinami-dami ng mga naging kaklase mo noong college, hindi mo na sila
matandaan kung sino sila; mga apat o lima na lang siguro ang natatandaan mo, na
alam mo pa kung nasaan at nakakausap mo paminsan-minsan. Pero halos lahat ng mga kaklase mo noong high
school, noong panahong ikaw ay nagbibinata, kabisado mo pa rin ang kanilang mga
pangalan. Malinaw pa rin sa isip mo ang
tabas ng kanilang pantalon, at kung paano sila maglakad. Kung ano ang kinakain ninyo pag break time,
na ang tawag noon ay “recess”, sa loob ng apat na taon. Pati kung sinong teacher ang nakagalit nino,
at kung sino ang sumuka sa sobrang pagkalasing noong JS prom, o kung sino ang
nasilipan ng panty habang umaakyat sa hagdan.
Sa mga lalaki, hindi pwede makalimutan ang mga maiitim na lihim na
ginawa ninyo noong high school, mga kuwentong hinding-hindi ninyo gugustuhing malaman
ng mga nanay ninyo. Ang mga kuwentong
iyan, hindi mo pa rin nakakalimutan, at kahit paulit-ulit ninyong
pagkuwentuhan, tawa pa rin kayo ng tawa.
Dahil
siguro, sa high school, nagkaroon ka ng mga kaibigan sa panahong sabay-sabay na
nabubuo pa lang ang mga isip ninyo.
Nangangapa sa buhay. Kung
titingnan mo ngayon at babalikan mo, iyon ang panahon na hindi ka naman
sigurado kung tama ang ginagawa mo, pero ang alam mo lang, mas madali-daling
mangapa sa dilim kung may kasama kang maglalakad.
Dahil
siguro, noong nasa high school ka nang nagsimula kang mag-eskperimento sa
buhay, sa mga bagay-bagay, sa mga
paniniwala mo, at sa sarili mong katawan.
Natatandaan mo pa kung sino-sino ang mga kasama mo, habang dahan-dahan
mong binubuo sa isip mo kung ano ang gusto mong maging, kung sino sa inyong pamilya
at sa mga idol mo ang gusto mong sundan, at kung sino ang ayaw mong
tularan.
Napansin
mo na rin, na kahit anong ipit ang gawin mo, ay may lumalaki sa pagitan ng hita
mo, kapag may dinadala sa skul na bold na magasin yung mga bastos mong kaklase
(na ang ibig sabihin ay lahat ng mga lalaki).
Bomba pa ang tawag doon, hindi bold magasin. Napansin mo din na sa panahon na iyan,
kumakapal ang buhok mo sa kili-kili, na nagsisimulang magkaroon ng kakaibang
amoy, at nagsisimula ka nang magkabalahibo sa dibdib, sa pagitan ng ilong at
nguso, at syempre, sa tinatakpan ng brief mong manipis na at maluwag na ang
garter.
Sinimulan
mong subukin ang mga bagay na pinagbabawal ni Sister at ng nanay mo. Minsan lang naman e, sabi mo pa sa sarili mo. Ginagaya mo lahat ng ginagawa ng mga machong
barkada ng tatay mo, kaya kahit ubod ng pait, pinipilit mong sabihin na masarap
ang beer, na kalaunan ay iyong natuklasan na, aba, masarap nga pala. Matamis pa nga ‘kamo. Sinubukan mong magsigarilyo, at nagpapanggap
ka na hindi ka nahihilo sa bawat usok na hinihitit mo, at ayaw mong ipakita sa
mga kabarakda mo na ayaw mo rin at hindi mo kaya ang lasa ng sigarilyo, dahil napaniwala
ka na rin na wala namang lalaking astig na nahihilo sa yosi. Hanggang isang araw, hinahanap mo na ang
yosing dating nagpapahilo sa ‘yo.
Masarap din pala. Ok lang yon,
pangangatwiran mo pa, malapit naman na akong tawaging “adult”.
Natatandaan
mo pa ang mga tugtog na uso noong panahon ng iyong high school. Spandau Ballet, Duran Duran, China
Crisis. Pero mas natatandaan mo ang mga
tugtog na tinatawag ninyong sweet dahil pinagpaplanuhan mo ‘yung crush mo na
isasayaw mo sa JS prom. Mas madilim, mas
maganda.
Ngayon,
pag nakikita mo iyong mga litrato ninyong kuha noon, natatawa ka, at sasabihin
mong napakababaduy pala ninyong mga bata.
At maliban sa isa o dalawang likas na malaki, kitang-kita sa mga class
picture ninyo na patpatin kayong lahat, at para kayong mga malnourished at laging
kulang sa vitamins.
Siguro,
kaya hindi mo makalimutan ang high school, dahil noong patapos na ang high
school, napipilitan kang gumawa ng mga desisyon kung saan ka pupunta at ano ang
gagawin mo sa buhay mo. Naaasar ka pa at
medyo nag-aalala, dahil ayaw mo munang dumami ang responsibilidad mo, at gusto
mo pang i-postpone ang pag-alis sa lugar na ginawa mong playground sa loob ng
apat na taon, pero naaasar ka rin dahil alam mong hindi ka na bata, at hindi ka
na pwedeng maglaro ng maglaro na lang na gaya ng dati.
Marami
na ang nangyari mula noong high
school. Marami ka nang ibang nakilala,
mga naging bagong kaibigan, mga nakamit na tagumpay, at pinagdaanang mga pagkatalo
sa buhay na nagpalakas sa iyo at nagdala sa iyo kung nasaan ka ngayon. Sa marami, ang kanilang naging kapalarang
permanent roommate ay ni hindi pa nila nakikilala noong sila ay nasa high
school pa, at saka na lang nila nakilala.
Pero, paminsan-minsan ay nami-miss mo rin talaga ang mga kaklase mo
noong high school, dahil siguro naiisip mo ang isang panahong wala ka pang
gaanong inaasikaso at iniintindi, at pwede ka pang matulog hanggang gusto mo,
hindi katulad ngayon na napakadaming nakaasa sa iyo na kung wala pa man sa high
school ay tapos na rin sa sarili nilang high school, at napakadami mong dapat
gawin para makasabay sa mundo ng mga matatanda kahit na ayaw mo, dahil
kailangan ka nang sumabay doon sa mga bagay na ang tawag nila noong grumaduate
tayo ng high school, ay “real world”.
Maitanong ko nga: hindi ba totoo yung buhay natin noong tayo ay mga
bata?
Bakit
ang bata, gustong laging mag-astang matanda, at ang matanda naman, gustong
bumalik sa pagiging ng bata? Ang gulo-gulo natin.
Masarap
alalahanin at balikan ang buhay high school.
Pero sabi nga, finished or not finished, pass your papers. Tuloy-tuloy lang ang buhay. Tuloy-tuloy lang ang adventure. Asikasuhin mo na lang yung mga anak mong high
school. Mag-reunion na lang tayo.
No comments:
Post a Comment