Wednesday, March 18, 2015

KINDERGARTEN


          
KINDERGARTEN

            Ang ating lipunan ay parang isang klase ng kindergarten, o isang classroom sa day-care center.  Mahirap pasunurin.  Kanya-kanya.  Maingay.  Nagkakasabay-sabay lang pag kakanta ng bayang magiliw at sasayaw ng Gangnam.  At para tumahimik, kailangan pang si Ma’am ay magsalita ng malakas at manakot habang may dalang malaking patpat.  Kailangan pang takutin, dahil kapag hindi tinakot, hindi susunod.  Pag natakot, tahimik na, pero maya-maya, maingay na naman.    

At kaya sila nandodoon sa klase, ay hindi dahil sa ginusto nilang mapabilang sa isang klase.  Kaya sila nandoon sa kinder o sa day-care center ay dahil, sa ayaw at sa gusto nila (mas madalas sa ayaw nila), nilagay sila doon ng kanilang mga magulang.  Saka na lang nila malalaman na mabuti pala sa kanila ang ipasok sa skul.

Kinder.  Dahil sa kinder, mahirap ipatupad ang simpleng mga rules.  Mayroon nang kain nang kain kahit hindi pa recess.  Mayroon nang gustong umuwi kahit hindi pa oras ng uwian, at kahit wala pa si kuyang sundo.  At mayroon pang natutulog kahit ang lahat ay sumasayaw.

Kinder.  Dahil sa kinder, walang demokrasya, ang sistema ng lipunan at gobyerno na ang ibig sabihin ay taasan ng kamay.  Sa kinder, hindi pwede ang taasan ng kamay.  Dahil hindi pwede ang demokrasya sa mga bata o sa mga taong hindi pa kayang mag-isip ng tama.  Kaya walang demorasya sa kindergarten class. 

Hindi puwedeng ipatupad ang taasan ng kamay sa kinder, dahil hindi natin maaasahan na kayang isipin ng mga bata kung ano ang mabuti para sa kanila.  Pag malalaki na sila at natuto na silang magbasa, magbilang at mag-isip, saka natin sila hinahayaang magdesisyon para sa sarili nila.  Maghihintay pa  muna tayo ng matagal-tagal, hanggang sa umabot sila ng labing walong taong gulang.  Pag labing walong taon na sila, ipinagpapalagay natin na kaya na nilang magdesisyon ng tama, at kaya na nilang mag-isip para sa sarili nila. 

Iyon ang dahilan, kung bakit pag 17 ka pa lang, hindi ka pa pwedeng bumoto, dahil wala ka pang isip.  Meron ka nang isip, pero kulang. 

Pag 17 ka pa lang, hindi ka pa pwede pwede mag-asawa, dahil wala ka pang isip.  Meron ka nang isip, pero kulang. 

Pag 17 ka pa lang, hindi ka pa pwede umutang at pumirma ng kontrata sa bangko, dahil wala ka pang isip.  Meron ka nang isip, pero kulang.

Iyan din ang dahilan kung bakit sa EDSA, kinakailangan pang maglagay ng ubod ng laking karatula, na sinasabihan ka na “Bawal tumawid dito.  Nakamamatay”, dahil wala ka pang isip.  Meron ka nang isip, pero kulang.

Kinder, dahil kailangan pa tayong sabihan at takutin para gawin ang pinakasimpleng mga bagay.  Huwag tumawid.  Nakamamatay.  Kailangan pang ituring tayong mga taong walang isip.

Marami pa iyan.  No counter-flow.  Huwag magtapon ng basura.  Don’t step on the grass.  Please flush after using.   

Pag sinabi sa imbitasyon sa kasal na pormal ang isuot at dapat ay naka-long sleeves man lang, lagpas sa kalahati ay naka t-shirt.  ‘Yung iba, may tatak pa ng mukha ni Che Guevarra, kahit hindi nila kilala kung sino ‘yung mamang balbasarado na nakasuot ng beret.  At pag nakiusap ang emcee na, please, manood muna kayo ng video ng ligawan ng bagong kasal, may mga makulit na nakapila na at pilit na binubuksan ang mga food warmer.

Tingnan ninyo na.  Nasa kinder pa lang ang Pinas.  Yung ibang bansa, matagal nang tapos sa masteral nila.  Tayo, kinder pa rin.


Madalas ko isipin, paano tayo magkakaroon ng isang national identity, o tunay na pambansang pagkakaisa, paano mo mapagkakatiwalaang bumoto ng tama ang mga tao, o papaano magiging isang mabuting mamamayan na lang, ang isang tao o lipunan na kailangan pang sabihan na huwag tatawid kung saan-saan sa EDSA, dahil nakakamatay. 

Alam ko, maraming magagalit sa akin dito, dahil sasabihin nila, minamata at minemenos ko na naman ang mga Pinoy, lalo na ang masa, at pang-elitista na naman ang pananaw ko.  Hindi ako elitista.  Hulugan din ang kotse ko, at by installment din ang tuition ng mga anak ko.  At hindi rin ako nagiging elitista dahil lang doon sa sinabi ko, dahil naniniwala ako, na ang mga Pinoy na tawid ng tawid at nakikipagpatintero sa mga bus sa EDSA at sa Commonwealth Avenue, sa halip na gumamit ng pedestrian overpass (dahil maluwag pa naman at hindi pa naman puno ng mga nagtitinda), ay hindi lang galing sa mga mahihirap at masa, kundi nanggagaling sa lahat ng economic brackets ng lipunan natin. 

Gusto ko lang itanong kasi kung bakit wala pa yatang national leader sa Pinas ang nagsabing may malaki ding kasalanan ang mga Pinoy kung bakit tayo nagkaganito.  Dahil natatakot sila na matalo sa eleksyon.  Dahil ang mga tao sa Pilipinas, parang kinder talaga, laging inuunawa, hindi pwedeng pagalitan.  “Bata ‘yan e, bakit papagalitan mo?  Hindi nga nakakaintindi ‘yan, e”

Dahil pag nagsabi ng totoo ang pulitiko na may pagkukulang din ang mga tao, e baka mabansagan siyang hindi maka-mahirap, at hindi na siya iboboto ng mga mahal niyang constituents na napakamatampuhin at sensitive pa naman pag eleksyon.  Kaya sinisisi natin lahat, ang Amerika, ang IMF-World Bank, ang produkto ng China, ang globalization, pati ang hindi pagsunod sa Feng Shui, at pati ang sabwatan ng mga bituin at mga palad natin, pero hindi natin mabigyan ng sisi ang ating mga sarili.

Malamang sasabihin ninyo, mayroon namang natural na karunungan ang mga tao.  At sasabihin ninyo na nagkataon na sa isang demokrasya, ang boses ng mas marami ang tama.  Nagkataon din na hindi ako naniniwala diyan. 

Para sa akin, ang pasya ng nakakarami, ang majority rule, iyon lang ang dapat manalo at masunod, pero hindi iyon ang laging tama.  Si George W. Bush, si Lito Lapid, at si Nancy Binay ay ilan lang sa matingkad na patunay na hindi lahat ng desisyon ng nakakaraming nagtaas ng kamay ay tama.  Huwag ninyo ring kalimutan na si Hitler ay popular na popular sa mga Germans sa kanyang panahon.  Tingnan ninyo ang nangyayari kapag taas tayo ng taas ng kamay nang hindi tayo nag-iisip.

Pero wala tayong magagawa, dahil taasan ng kamay ang ating sistema, at dahil wala pang naimbento ang tao na sistemang pwedeng ipalit sa taasan ng kamay.  Wala tayong magagawa, dahil sa demokrasya, the people are always right.  Sa kasaysayan, mas kakaunti ang panganib na dala ng diktadurya ng mayorya, kaysa sa diktadurya ng iilan.  Para bang ganito: hindi bale nang magdusa ang kakaunti dahil sa katangahan ng marami, kaysa naman sa magdusa ang marami dahil sa katangahan at pang-aabuso ng kakaunti.  

Mahaba-habang usapan din ‘yan.  Pero talagang simple lang ang aking nais sabihin, at hindi ito kayang ipagkaila ng lahat.  Ang lipunan natin ay makikilala sa isang karatula:  Bawal tumawid, nakamamatay.

Hindi lang iyan.  Sa tabi ng maraming ilog, kailangan pang may nakalagay, “Bawal magtapon ng basura dito.  By order.”  Itatanong ko lang: Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? 

Bakit kung saan may nakalagay na “Sa mga aso, bawal umihi dito”, laging mapanghe.  Dalawa lang ang naiisip kong dahilan:  Hindi marunong makahalata ang mga Pilipino, o hindi marunong magbasa ang mga aso. 

Sa isang gate ng bilangguan, nakito ko ito.  “Visiting hours:  2pm – 4pm.  Bawal ipasok: mga matutulis bagay, alak, mga pinagbabawal na gamot”.  Gusto ko sana itanong sa warden: “Boss, sa labas lang pwede ang shabu? Maglagay kaya kayo ng baggage counter dito?”
 
Hindi ko sinasabing dapat magkaroon tayo ng diktador para magkaisa at umunlad.  Ang sinasabi ko lang, kailangan nating lahat malaman kung bakit ba iisang bansa lang tayo, at kung bakit iisa lang na gobyerno ang meron tayo, kung bakit iisa lang ang nagbibigay sa atin ng Passport, at kung bakit meron tayong obligasyon sa bayan natin bukod sa tumayo ng tuwid at kumanta ng Lupang Hinirang pag last full show sa sinehan.

Kung hindi natin naiintindihan iyong mga obligasyon na iyon, kung hindi tayo naniniwala na may mabuting dahilan ang sumailalim tayo sa gobyerno natin, at kung lahat ng pinakamaliit na dapat nating gawin ay dapat pang ipaalala ng mga naglalakihang karatula, hindi talaga titino ang bansa natin, kahit sino pang magaling na lalaki (o babae, o bakla) ang maging presidente natin. 

Hanggang hindi tumatanda ang mga kinder, hanggang hindi sila nagkakaroon ng sariling isip na maintindihan kung bakit importanteng mag-aral, hanggang hindi natin naiintindihan kung bakit dapat walang noisy kahit wala si Ma’am, at hanggang kailangan pa natin si Ma’am na may dalang malaking patpat para matutunang sumayaw at kumanta nang sabay-sabay, hindi rin magiging maayos ang classroom. 

No comments:

Post a Comment