ANG PALAKASAN SA ATING LIPUNAN
Sabi ng mga matatandang tambay sa
amin, pag nang-aasar sa mga batang pinapanood na naglalaro ng basketbol sa
kalye, “Bakit ba kasi hindi kayo bumili
ng tig-i-tig-isang bola para hindi kayo nahihirapan”. Sabay tawang pang-asar. Oo nga naman.
Bakit nga ba kailangang mag-agawan sa isang bola, samantalang pwede
namang mag tig-i tig-isa.
Pero kung ang lahat ng players ay
may kanya-kanyang bola, e di wala nang basketbol.
Hindi
pwede ‘yon. Hindi pwedeng mawala ang basketbol
sa buhay ng mga Pinoy. Napakalaking
bahagi ng buhay natin ang larong basketbol.
May sapatos na pangbasketbol, may suot na pangbasketbol, may coliseum na
pangbasketbol, may magazine na
pangbasketbol, at may manunulat na puro basketbol lang ang sinusulat. May nabubuhay na ang trabaho ay para
pumalakpak sa basketbol, at may nagkakapatayan dahil sa basketbol. ‘Yung ibang tao, ang tingin kay Michael
Jordan ay parang diyos-diyosan na kahanay nina Atlas at Superman, at mas
kabisado pa ang lahat ng statistics at detalye sa buhay ng Air Jordan kaysa sa
simpleng bagay tungkol sa geography ng Pilipinas. ‘Yung isang kapatid ko, nung batang maliit pa
siya, umiiyak at sumusuntok pa sa dingding pag natatalo ang Shell team nila
Benjie Paras at Ronnie Magsanoc. At sa
Pinas, kahit saan, mayroong basketbol court; sa skul, sa plaza, sa barangay, sa
gitna ng kalye, sa basurahan, sa
garahe. Kahit sa loob ng kuwarto at sa
dorm, merong plastic na ring. Doon isinu-shoot
ang scratch paper sa homework sa math na hindi tamaan ang sagot, papel na nilalamukos
at pilit ithi-three points sa waste can.
Maraming mga batang lalake, uma-attend ng kasalan sa baryo, nagsisimba,
naka-jersey ni Dwyane Wade. Nagmamalaki
pa ‘yon ha. Maangas-look. Tanginamo.
Hindi ka na nahiya. Pero ibang
kwento na iyon.
Bakit
ba ubod ng hilig natin sa basketbol? At bakit hindi tayo lokong-loko sa
football, maliban sa Azkals? May
suspetsa nga ako na hindi naman talaga tayo mahilig at interesado sa Azkals e,
mas mahilig ang mga Pinoy sa mga tisoy at balbon na players ng Azkals na may
pang-celebriting pangalan. Yung mga
players ng Azkals na kung tawagin ay Pinoy, na mahilig daw sa pagkaing Pinoy na
ang tawag ay hindi nila ma-pronounce ng tama.
Yung mga mahilig daw sa keri-keri at a-dow-bow. Ok, sige na nga, Pinoy na kayo. Kayong mga kolehiyala at matronics na biglang
nahilig sa football, kunwari pa kayong mahilig sa football. Hindi ninyo nga alam kung ano ang World Cup,
akala ninyo ito yung tinataas ni Pope pag nagmimisa.
Hindi
ako psychologist, at hindi ako propesyonal na may “ist”sa huli. Simpleng mangangantyaw lang ako. Pero, ang pakiramdam ko ay lokong-loko tayo
sa basketbol dahil personalan talaga ang laro na ‘yan. Pag nasupalpal ka, nabutata, lalo na yung
kabit na kabit, ang pakiramdam mo ay nalalaki ka. Natapakan ang pagkalalaki mo. Nabawasan ang pagiging tao mo. Pag naagawan ka ng bola nang harapan, galit
ka, at dalawang araw na ang nakakalipas, pinamamalita pa rin ng nakaagaw sa ‘yo
ng bola na tatanga-tanga ka at naagawan ka ng bola nang harap-harapan. At pag natatalo ang team mo sa championship
sa barangay, naiiyak ka at apektado ang relasyon ninyo ng syota mo, pati ang
trabaho mo. Personal lagi ang
Pinoy. Lahat ay may bahid ng
personal. Lahat kailangang personal.
Ang
lagi mong iniisip, kaya ka pinagalitan
ng boss mo, e hindi dahil nahuli kang nangupit ng bond paper para sa project ng
anak mo, pero dahil pine-personal ka nya. “Para
kalahating ream lang ng bond paper, eh, papagalitan na ako. Masama ba ‘yon? Pinepersonal talaga ako n’yang
ogag na ‘yan e.”
Naniniwala
ka na kaya nahuli ng Meralco ang jumper mo ay dahil isinumbong ka ng naiinggit mong
kapitbahay. “Nakatago naman ang jumper natin, a.
Walang ibang magsusumbong sa atin kungdi iyang magaling na kapitbahay natin,
e. Pinepersonal ako n’yan e”.
Nahihirapan tayo na ihiwalay ang sustansya ng
issues sa mga personalidad na nakapalibot sa issue, at hindi tayo naniniwala na
ang merito ng mga issues ay may papel sa buhay natin, dahil nga ang lahat ay
personalan. Hindi basta tatanggapin ng Pinoy na kaya siya
natalo ay dahil sa merito ng issues, kundi dahil may conspiracy laban sa kanya
ang mga taong galit sa kanya. Kaya
bumagsak ang anak mo sa isang subject ay dahil galit sa iyo ‘yung teacher ng
anak mo, at ginagantihan ka lang, dahil naaasar siya sa iyo dahil sa
dinami-dami ng faculty members, siya lang ang hindi mo binigyan ng fruitcake
noong Pasko. Mga ganoon.
Napapalayo
tayo sa basketbol.
Kaya
mahilig tayo sa basketbol ay gusto natin ay personalan ang labanan. Sa akin lang iyon. Sa tingin ko, iyon ang nakaka-motivate sa
atin na mapahilig sa basketbol. ‘Yung
nakakalalaki ka, yung nakaka-unggoy ka sa kalaban mo. Kaya nga hindi sikat ang spelling competition
sa atin e. Paano ka manlalalaki sa tinalo
mo sa spelling? Didilaan mo yung tinalo
mo, tapos, sasabihan mo ng “Behh, talo
kita, hindi mo alam ang spelling ng Mississippi”? May sayad lang ang
mang-aasar ng ganyan.
Pero,
totoo, maganda rin ang basketbol, o kahit na anong isports. Dahil kung seseryosohin natin ang mga laro, marami
rin ang maitutulong nito sa development ng ating pagkatao.
Ang
sports ay pwedeng maging kasangkapan para makabuo ng mga magagandang values at
habits na nakakatulong sa pagpapaganda ng pagkatao. Mga katangian at aspeto ng karakter na
magagamit para magtagumpay sa buhay.
Katulad ng pagsisikap, disiplina, fair play at marami pang iba. Kasama na ang matutong tumanggap ng
pagkatalo, at ang matutong huwag maging maangas pag nakatsambang nanalo. Dapat ang mga pulitiko natin, ganyan din. Matutong lumaban ng patas, at huwag
mandaya. Hindi lang lagay at suhol ang
pinag-aaralang tanggapin. Pati ang
pagkatalo sa eleksyon, kailangang matutong tanggapin. Ba’t ba lagi ako lumalayo sa basketbol.
Pero
bakit nga ba may basketbol, at bakit nga ba mayroong sports?
Katulad
ng maraming bagay sa mundo, ang basketbol ay inimbento lang ng malikhaing isip
ng mga homo sapiens. Bago akalain ng
ilang tao na ang mga laro ay natural na bahagi ng kalikasan o ng ating pagiging
tao, dapat nating alalahanin na mayroong isang yugto ng kasaysayan ng sangkatauhan
na wala pang basketbol, at wala pa ring ibang laro.
Lahat
ng rules na iyan ay wala naman noong a hundred years ago. Ginawa lang daw ni James Naismith ang
basketball noong 1890’s, at sinulat niya ang unang rules ng laro na tinawag na
basketball. At magmula noon,
pinagkasunduan na lang nating lahat ang mga rules kung paano lalaruin ang
basketbol. At nadiskubre natin na masaya
pala ang sampung tao na hinati sa dalawang grupo at takbuhan nang takbuhan
paroo’t parito at nag-aagawan sa iisang bola para ipasok sa bilog na bakal sa
kanilang kampo na nasa magkabilang dulo ng rectangle na laruan. At iyang pagbubuslo ng bolang goma na iyan,
iyon na ang naging buhay para sa maraming tao.
Ang
mga rules ng lahat ng laro, kagaya ng basketbol, siyatong at piko, o maging ang
tong-its o pusoy dos, lahat sila ay inimbento ng tao, at nagkasundo ang lahat
ng manlalaro at manonood, na dapat sundin ‘yung mga rules na iyon, para malaman
kung sino ang panalo at kung sino ang talo.
Para sa isang maiksing bahagi ng panahon ng ating nakakabagot na buhay,
ay makalimutan natin ang realidad at paikutin ang mundo natin sa ilalim ng mga
rules na ‘yan. Para magkaroon ng labanan
ng kakayahan, competition sa skills ng mga taong iba-iba ang laki, hugis, husay,
kakayahan, tiyaga, at determinasyon. Kasama
nag kagulangan o diskarte. Para
magkaroon ng dagdag na katuturan at challenges ang buhay natin. Challenges na dapat malagpasan. Kailangan may challenges, para may
maideklarang panalo, at may aasaring talo.
Para
mayroon tayong papalakpakan, at para mayroon tayong pagkakataon na magsabi ng “O, kaya mo ‘yon?! Ha?!!”
Katulad
ng pagsho-shoot mula sa three-point area.
Hindi naman lahat tayo ay nakakagawa noon, at ang mga nakakapag-shoot ng
madalas sa three point area ay angat sa lahat, itinuturing na may skill, at
kalaunan, binabayaran ng malaki, para lang mag-shoot ng mag-shoot doon sa
malayo. Mas marami, mas malayo, mas
maganda ang bayad.
Ginawa
ang mundo at ang tao nang walang rectangle na laruan na may bilog na bakal sa
magkabilang dulo. Pinagkasunduan na lang
ng mga mahihilig sa basketbol na dapat ay may sampung tao na maglalaro sa loob
ng rectangle na hanggang tuhod ang maluwang na shorts (na dati naman ay
maiksing maiksi at ubod ng sikip na nakabakat ang barangay captain), may isa
lang na bola, at ang makapag-shoot ng bola ay bibigyan ng 2 points, at ang sa
malayo-layo ay three points, at pagka doon sa bilog na malapit sa ring na bakal
ay dapat 1 point lang, at pinagkasunduan din natin na mayroong oras ang
paglalaro, at dumami nang dumami ang rules, kaya naging lalong mahirap
mag-shoot ng bola nang dahil sa rules, at nakita natin na may mga taong
magaling mag-shoot sa kabila ng ubod ng daming rules, at sila ay tinawag na
basketbol team, at sila ay tinawag na Smart Gilas ( na sabi ng mga pala nila ay
ubod ng galing pero iisa lang naman ang panalo), at naging lalong exciting ang
laro, at lalong dumami ang mga nagtitiliang mga baklang nanonood, at kaya
ngayon, marami nang buhay ang pinabuti at winasak ng basketbol.
Kalaunan, nagkasundo na ang buong
mundo na ang larong ito ay sulit na panoorin at gawing isang industrya, at
isang laro na sulit bayaran ng milyon-milyong dolyar ang mga taong magagaling
mag-shoot sa kabila ng maraming rules, at sulit para maging simbolo ng pangarap
ng mga bata.
Kaya
ngayon, napaniwala naman tayong lahat na para ikaw ay ituring na magaling
maglaro, ay dapat kang bumili ng mga sapatos na sa basketbol lang daw pwedeng
gamitin at hindi pwde gamitin sa piko, na lagpas sa pitong libong piso ang
presyo. Lalong lalo na kung hindi ka
naman marunong mag-shoot, at boxing lang ang alam mo.
So,
pag tinanggal natin ang mga rules, mawawala ang basketbol, mawawala sina Kobe
at Lebron, mawawala ang mga advertisers, gagawin na lang tindahan ng damit at
sapatos ang Araneta Coliseum, at lilinis ang mga kalye sa Maynila. Boring.
At maglalaro na lang ng patintero ang mga lalaki, at maglalaro na lang
ng piko at Chinese garter ang mga babae at bakla.
Titigil
ba ang buhay pag nawala ang basketbol?
Hindi, pero mababawasan ang mga bagay na pinagkukunan ng inspirasyon ng
maraming tao, pati na ang kanilang kabuhayan.
Mawawalan na rin ng pangarap at kasiyahan ang ilang mga bata, kasama na
ang mga matatanda. Mawawala na ang
ending at bentahan ng mga ticket ng mga scalpers. Kung naaga pang nawala ang larong basketbol,
hindi rin naging senador sina Jawo at Freddie Webb.
Wala
nang challenges na papalakpakan. Pero
hindi naman kailangang tanggalin ang basketbol
para lang malaman na madalas parang wala nang matinong challenges ang
mga tao. Kailangan pa bang i-abolish ang
basketbol, samantalang kahit nandyan ang basketbol, naghahanap pa rin tayo ng ibang
excitement sa bahay, katulad ng gagamba, kabayo, sabong, sa jai-alai, sa
boxing, sa beto-beto, sa pula puti, sa jueteng, sa cara y cruz, at sa iba pang
bagay na pinagkakatuwaan at pinagpupustahan.
Hindi mauubos ang listahan.
Tingnan
ninyo ang Guiness Book of World Records.
Batong-bato na sila sa buhay nila, at natapos na yata nilang i-record
lahat ng world records sa mga tradisyonal na laro o sports, gaya ng basketbol,
football, jackstone, Chinese garter, open-the-basket, at iba pa, kaya kung
ano-ano na lang ang ginagawang event o laro para lamang makagawa ng world
record daw. Pabilisang tumakbo gamit ang
paa at kamay. Paramihan ng mabibiyak na hollow blocks sa isang minuto gamit ang
noo. Mga ganoon. Ok lang, wala namang napeperhuwisyo, at
talagang kanya-kanya lang naman tayo ng sayad.
Pero
pag talagang tinanggal natin ang rules ng basketbol, pag tinanggal na natin ang
larong basketbol, huwag mag-alala, dahil magkakaroon at magkakaroon pa rin tayo
ng ibang laro, at gagawa at gagawa pa rin tayo ng ibang larong ituturing natin
na exciting at titilian pa rin ng mga manonood.
Dahil kailangan nating magkaroon ng katuturan ang mga buhay natin, na
papalakpakan, titilian at pagpupustahan, at kailangan natin maghanap ng mga
pagsubok na kailangang malagpasan, at para may okasyon para magsabit ng
medalya, at para magkaroon ng dahilan para magkainan at mag-inuman.
Kaya
maglaro. Sumali sa palakasan. Dyan tayo magaling.
No comments:
Post a Comment