MGA EKSENA SA PELIKULANG PINOY
Hindi na ako masyado nanonood ng
pelikulang Pilipino. Dahil iyon sa
maraming bagay, at hindi kasama roon ang ako ay pihikan, o dahil mataas ang
taste ko. Mababaw lang ako, at hanggang
ngayon ay gustong-gusto ko pa rin ang pelikulang may umaatikabong bakbakan,
gulpihan, at habulan ng kotse. Pero ang
pinakamalaking dahilan ay pakiramdam ko pagkatapos manood ay nasayang ang isa’t
kalahating oras ko, na pwede kong ginamit sa pamimisikleta o pagtulog.
Isa pa, pag ako ay nanood ng karaniwang sineng pinoy (hindi naman
lahat), sa unang sampung minuto pa lang ay alam ko na halos ang magiging
ending. Nasasayangan ako, dahil marami namang
magaling na Pinoy na artista at alagad ng sining. Nananalo pa nga ng mga award sa abroad. Hindi ako naniniwalang mahilig tayong mga
Pinoy sa mga basura, at hindi yan ang tunay na level ng kapasidad natin sa
sining.
Pero tingnan mo ang mga palabas pag may Metro Manila
Filmfest, at maliban sa isa o dalawang pelikula, o sa kahit na siguro anong
buwan, e talagang maiiyak ka sa klase ng palabas na pelikulang Pinoy. Ang mga producers siguro ay talagang desidido
magpakain ng basura sa mga manonood, at kumita na lang sa pinakasiguradong
paraan. Kaya siguro, pati ang mga magiging
apo ko ay makakapanood pa rin ng Shake, Rattle and Roll ( the 38th),
at mga pelikulang may salitang “Bossing” at “Benjamin”.
Sa mga producers, maawa naman kayo sa mga taong wala nang
matinong mapanood. At doon sa mga tao,
sumubok naman tayo na manood paminsan minsan ng pelikulang walang mga teenager
na nagpapa-cute, na nagpipilit kumanta sa mga TV shows para lang i-promote ang
kanilang love team. Hindi lang naman
ligawan at puro love-love ang pwedeng gawing pelikula. Gumawa naman kayo ng pelikula tungkol sa sex
life ng mga bayani. Maganda yon. Interesado si Kris Aquino dyan.
Pero sa dami na rin ng pelikulang Pinoy na napanood ko
magmula pa noong ako ay bata, may mga eksena at karakter ang hindi
nawawala. Yung iba, nakikita ko rin sa
TV. Kaya parang iyon at iyon din ang
napapanood ko, nag-iiba iba lang ang artistang starring. Alam nyo rin ito, sigurado ako. Ito ang mga tinutukoy ko.
1. Pag ending na ng istorya, lahat ng bida at
buong cast ay nakaharap lahat sa camera na nakapormang parang
magpipicture-taking, habang binibitbit ng mga pulis ang mga kontrabida. At hahabol pa ng suntok o batok ang mga
sidekick ng bida sa isang kontra-bida.
2. Ang mga bata na nasa tabi na kunwaring
ginagaya ang idol nilang bida habang nakikipagsapakan sa mga masasamang loob, na parang nagshashadow-boxing. Yun ang kanilang cheering routine.
3. Ang kotseng sasagasaan ang lalagyan
ng samalamig at kariton ng mani o buko, at pagkatapos na mabundol, ay aakmang
hahabulin pa ng may-ari ng samalamig na nakataas ang kamay. Hahagis pataas ang garapon ng samalamig, at
babagsak sa ulo ng tinderong nasagasaan.
4. Ang mga nakajacket na goons (na laging
naka-jacket na itim) na sumablay patayin ang bida, na nakahilera at isa-isang at sinasampal ng boss. At sabi ng boss, “Isang katerba kayong mga tanga!”
5. Ang lihim na nabunyag, dahil aksidenteng
ang isang karakter na kadarating pa lang ng bahay ay narinig ang taong nagtatago
ng sekreto na nagsasalita, habang nasa likod ng pintong hindi ko maintindihan
kung bakit lagi namang iniiwang medyo nakabukas.
6. Ang magkapatid na nagkahiwalay nung
sila ay mga sanggol pa lang, napadpad kung saan-san, at lumaking isang mahirap
at isang mayaman. Dalawa ang pwedeng mangyari rito:
A. Pag parehong babae, magkikita sila
pag malaki na sila, at aapihin ng lumaking mayaman ang lumaking mahirap, bago
nila madiskubre na magkapatid pala sila, at sila ay magyayakapan habang umiyak.
B. Kung ang magkapatid naman ay isang lalake at
isang babae, pag malaki na sila ay magkakakilala sila, magiging mag-syota, pero
bago sila ikasal ay madidiskubre nilang magkapatid pala sila. O, ang saklap ng kapalaran.
7. Ang batang babaeng ubod ng pangit at
pinagtatawanan sa klase, pero dahil sya
ay mabait, ay magiging maganda sya sa bandang huli, at sya na ngayon ang
hinahabol habol ng kanyang prince charming na dati ay hindi siya pinapansin.
8. Ang babaeng maldita na mapang-api. Bago matapos ang pelikula ay maghihirap sya
at magkakamalas-malas sa buhay, at
magmamakaawa siya sa dati niyang inaapi na ano pa, e di syempre, mayaman na
ngayon. Patawarin mo na ako, huhuhu.
9. Ang mga pulis na kung dumating ay laging tapos
na ang bakbakan. Mapapagkamalan nila ang
bida na kasama sa mga walanghiya, at bibitbitin nila ang bida, pero pipigilin
sila ng leading lady at ituturo ang mga tunay na masasamang loob.
10. Ang bidang puro pasa, na iika-ika
kung maglakad. Lalapitan siya ng leading
lady, at tatanungin, nasaktan ka ba? Ang sagot ni bida, hindi naman, wala
ito. Hihipuin ng leading lady ang noo ni
bida na may pasa, at sasabihin ng bida “Aray!”. At sila ay mag-on na, at maglalakad sila ng
magkayakap.
11. Ang madaldal na bakla sa parlor na manggugupit
ng leading lady. Nagagwapuhan siya sa lalaking
bida, pero ang leading lady ay nagpapakipot, at sasabihan niya ang leading lady
na sagutin nya na ang bida.
12. Ang bulok na kotseng sumasabog, dahil sumagasa
sa tambak ng buhangin sa gilid ng kalsada, pagkatapos ng mahabang car chase,
syempre matapos ang No. 3 sa taas.
13. Ang nanghaharanang bida, na may
kasamang gitarista at isang side kick (pero ang naririnig sa sine ay tunog
galing videoke). Magbubukas ng bintana
ang nakangiting leading lady na may kasama ring sidekick na babae, na parang
lukaret na excited na talon ng talon at palakpak ng palakpak. Sasawayin sya at sisikuhin ng leading lady,
at titingin at ngingiti uli sa kumakantang bida.
14. Ang mga goons na naka-jacket (na itim
na naman) na uutusan ng boss na patayin ang bida. Bago umalis, sasabihin ng boss na “Ano pa ang iniintay ninyo?”, at
sasabihin ng mga goons na “Yes, boss”,
sabay tapon ng sigarilyong hindi ko uli maintindihan kung bakit lagi na lang
paubos.
15. Ang tisoy na mastermind ng
kidnapping, sa eksena ng palitan ng ransom, naka-amerikana at naka-shades, na
lagi na lang tumatakbo pag nagkagulo na at pag padating na ang mga pulis. Lagi siyang mayroong alalay na taga-dala ng
attache case.
16. Sa loob ng beer house, ang alalay ng kontra-bida
na humahagis ang katawan pag sinuntok ng bida, at babagsak sa mesa na
punong-puno ng bote ng beer. Basag lahat
ang bote ng beer. Syempre, laging
napuputol ang apat na paa ng mesa.
17. Ang mga magkakalaban na bataan ng
bida at bataan ng kontra- bida na nasa magkabilang mesa sa beerhouse (may
sumasayaw sa stage, syempre na sexy ang damit), na nagkakatitigan ng
masama. Dadating yung magandang GRO,
nakamini-skirt at uupo sa mesa ng bida (“kanina
ka pa ba?”), at magagalit naman yung mga bataan ng kontra-bida. Ipapatawag ng mga bad boys ang GRO. Syempre, ipagtatanggol ni bida. Suntukan na. Pagkatapos, mangyayari ang No. 16.
18. Ang nabaril na kung hindi batang
kapatid, ay sytota ng bida, na sadyang tumalon para humarang sa putok ng baril,
para iligtas ang bida.
19. Ang bidang papalibutan ng mga
kontrabida, at habang pinagtutulungan
siya, ay lulusot ang bida sa ilalim, sa pagitan ng binti ng isang kontrabida. Galing talaga.
20. At syempre, ang matinding ending ng
lahat ng action films na Pinoy, ang mahabang philosophical argumentation ng
bida at mastermind sa magkabilang dingding bago sila magbarilan, at bago
tuluyang patayin ang mastermind (karaniwang hostage ang leading lady). Pagkatapos, see No. 10.
Mother Lily and company, wala na bang iba? Sawang-sawa na kami dito, e.
HAHAHAHA
ReplyDelete