WALANG PASOK
Non-working
holiday. Walang pasok. Araw na pula sa kalendaryo. Para saan ba iyang mga iyan? E, ano pa, e di
para may inuman. Bonding-bonding. Bonding pala, ha. Tut-tut n’yo.
Totoo na: bakit ba
dinedeklara ang piyesta opisyal na piyesta opisyal? Para alalahanin ang isang mahalagang petsa sa
ating kasaysayan? Pwede namang
alalahanin kahit na anong mahalagang okasyon sa loob ng isang oras, di ba? O,
naalala na, tapos, hindi na tayo magtatrabaho?
Bakit buong araw walang pasok?
Minsan naman, may
pambansang okasyon, pero ang mga matatanda, may trabaho; ang mga bata, walang
pasok sa eskwelahan. Isang okasyon na
ang mga bata lang ang dapat maka-alala?
Sabihin mo sa akin kung nasaan ang logic doon.
Wala
akong problema sa walang pasok. Ang
problema ko sa walang pasok (kapag may inaalala tayong namatay na bayani -
dahil hindi naman natin inaalala ang kapanganakan nila) ay wala naman kasi
akong nakikitang ginagawa nating makabuluhan para alalahanin ang mga ginawa ng
ating mga yumaong bayani, maliban sa flag-raising, ipapakilala ng emcee si
Gobernor, bobolahin nang kaunti, palakpakan daw ang masipag at ang mahal nating
lahat, magsasalita si Gobernor, na ang malaking bahagi ng talumpati ay hindi
naman tungkol sa inaalalang bayani, pagkatapos, bobolahin uli ng emcee,
palakpakan daw uli si Gob. Buong
programa, wala namang nakikinig, dahil ang lahat ay kanya-kanyang porma, at
tingin ng tingin sa kanilang saya at barong, na kung hindi maiksi ay maluwang
at amoy-alkampor dahil galing sa taguan, o kaya ay hindi naplantsa ng
maayos. Pagkatapos magbigay ng talumpati
ulit ang iba pang lesser na starring, na hindi uli tungkol sa bayaning patay, na
hindi naman ulit pinapakinggan, kakanta na ang choir at magse-serve na ng zesto
at cup cake sa mga tao, habang tumutugtog ang banda ng musiko. Papasok na sa loob ang mga sikat para sa
siguradong mas masarap-sarap na almusal, at doon pag-uusapan na ang yarian, na
kung tawagin ay mga proyekto para sa bayan.
“At dyan po nagtatapos ang ating
palatuntunan, blah blah blah…”.
Ople Day ngayon, uh-huh,
ok. Araw ng Bulakan ngayon, uh-huh,
ok. Bonifacio Day ngayon, uh-huh. Ok.
Araw ni Balagtas ngayon, uh-huh, ok.
Araw ng Unang Republika ngayon, uh-huh, ok. Araw ng laba at kula ngayon, uh-huh, ok.
Tapos, uwian na, punta
na sa SM. Bibili ng chin chun tsu, ang
orihinal na pekeng glutathione. Ok. Happy Heroes Day.
Ang mga estudyante
naman na walang pasok, maaga pa lang, nag-iinuman na. Alam ko, gawain ko ‘yon, e. Pag nalasing na, hindi na alam kung bakit nga
ba nawalan ng pasok. Ok. Happy Heroes
Day.
‘Yun namang mga
mag-syota, maaga pa lang ay magkikita na, para umattend ng ang sinabi kay Inang
ay practice at project sa school. Ang
kaklaseng pino-project at pinagpa-practisan.
Ok. Happy Heroes Day.
Ang mga empleyado at
manggagawa naman, maaga pa lang ay galit at nagmumura na. Dahil no work, no
pay. Wala na namang pasok. Tangina daw.
Ok. Happy Heroes Day.
Ang
problema ko, ang lahat ng mga araw na walang pasok, hindi natin alam ang
dahilan kung bakit naging walang pasok. Ngayon, ano ang silbi ng pagdedeklara
ng walang pasok? Maliban sa Pasko,
Bagong Taon at Mahal na Araw, hindi natin talaga alam ang dahilan kung bakit
naging pula ‘yung araw na yon sa kalendaryo, o kung bakit ang isang araw na
itim sa kalendaryo ay ginawang pula ng presidente, at nagiging walang pasok.
Karaniwang
takbo kasi ng usapan natin ay ganito:
Bakit daw walang pasok? E, kasi
Araw ni Bonifacio ngayon. E, bakit nga
walang pasok ang Araw ni Bonifacio? E,
kasi nga araw ngayon ni Bonifacio na isang bayani. E, oo nga, pero bakit nga walang pasok ang
araw ni Bonifacio na isang bayani? E,
kasi, araw ni Bonifacio ngayon na isang bayani at sa ganitong araw siya
pinatay. E,oo nga, bakit nga walang
pasok ngayong araw ni Bonifacio na isang bayani na pinatay ngayon? E, ewan ko
nga, yun kasi ang sabi sa radyo.
Sa madaling sabi, hindi
natin alam kung bakit importante ang mga araw na walang pasok.
Hindi sa ayaw ko ang
walang pasok. Gusto ko yon, dahil
pagdating ng hapon, inuman na. Sino ang aayaw
doon?
Pero kung sa akin lang,
ang lahat ng holiday na ginagawang walang pasok sa ngalan ng mga yumaong mga
bayani, ay dapat nang gawing may pasok.
Bakit?
Pag
wala kasing pasok dahil, halimbawa, Araw ni Bonifacio, si Ka Andres ang
pinakahuling nasa isip natin sa buong araw na walang pasok. Pag Araw ni Bonifacio na walang pasok, ang
mga iniisip natin ay mga bagay na walang kinalaman kay Bonifacio. Maglaba para mabawasan ang tambak na labahin,
magpa-manicure, magpagupit, magpa-carwash, ipagawa ang alulod na tumutulo,
mag-defrost ng ref. Pag may pera, manood
sa SM ng pinakabagong pelikula ni John Lloyd.
O kaya bumili ng DVD-DVD-DVD ng anthology ng mga pelikula ni John Lloyd
sa tiangge, para masaya. Sa madaling
sabi, lahat ng hindi natin magawa pag may pasok. Kahit na ano, pero lahat walang kinalaman kay
Bonifacio. E, bakit pa dineklarang Araw
ni Bonifacio yang lintik na holiday na ‘yan?
Pag
araw ng isang bayani, pumasok na lang tayo. Tapos, gumawa na lang ng mga
programang makabuluhan. Hindi ‘yung mga
seremonyang walang laman, na plastikan at pormalidad na lokohan. Gawin na lang itong ordinaryong araw na may
pasok; pagkatapos, magpalabas na lang sa mga paaralan o sa munisipyo, o sa
kapitolyo ng mga pelikula o dulang pang-teatro tungkol sa buhay ng mga
bayani. O kaya ay magkaroon ng forum
tungkol sa pilosopiya at buhay ng pinararangalang bayani. Parang mas may katuturan pa yon.. .Pag
Bonifacio Day, ipalabas ang pelikulang tungkol kay Bonifacio. Pag Rizal Day, pelikula tungkol kay
Rizal. Ang tawag dyan, may pasok na may
palabas.
Maganda pa siguro
‘yon. May pasok sa eskwela, matutuwa ang
may-ari ng canteen dahil may bibili ng sopas, at matutuwa lahat ng driver ng traysikel
na sundo ng mga bata. Pati ang nagtitinda
ng scrambol at plastic balloon sa gate ng eskwelahan, matutuwa. May kakainin ang mga pamilya nila.
May pasok sa trabaho,
may bayad ang mga empleyado, naparangalan din ang bayani, naintindihan ng mga
tao kung bakit siya pinaparangalan, at higit sa lahat, wala nang magtitiis sa
mga talumpati ng mga starring sa ilalim ng araw.
Isipin ninyo, pati araw
ng paggawa, walang gagawa dahil bawal gumawa.
Ano ba ang kailangang alalahanin at walang labor sa labor day?
Malamang, sa susunod na
walang pasok, ang sabay-sabay nating itatanong: “Bakit nga ba walang pasok ngayon?”