100% ALL-NATURAL EK-EK
Ang pagtanda ay bahagi ng
kalikasan. Ang lahat ng nabubuhay sa
mundo, at pati na rin ang mga bagay na hindi nabubuhay, ay nagkakaedad. Ang daigdig mismo ay dahan dahang umiinog
kagaya ng kanyang ginagawa sa loob ng bilyon-bilyong taon. Sa ayaw natin at sa gusto, tatanda tayo
lahat. At mamamatay.
Pero may mga taong ayaw
tumanda. O magmukhang matanda. Pinoproblema nila ang pagdami ng puting
buhok, ang pagkulubot ng balat, at pagdami ng maliliit na kulugo sa mukha at sa
leeg.
Bakit naman, e di ba’t ang pagtanda ay pagsama sa daloy ng
kalikasan? Ano naman ang masama sa
pagtanda? Lahat naman tayo, mag-aamoy
lupa. Yung mga babae, nagagalit pa pag
tinatanong ang kanilang edad. Ang
pakiramdam nila , e binabastos sila.
Gurang! Ang arte mo.
To age is to be one with nature. To want to look young, yan ang hindi natural.
Kakaiba, dahil sa lahat ng bagay, ang
gusto natin ay ‘yung mukhang matanda. ‘Yung
mga bahay at building na luma, doon tayo nagagandahan at pine-preserve pa nga natin. Ginagawa pang tourist attractions ang mga pinakalumang
building. Sa halaman, gusto natin ‘yung
mukhang matanda, yung sala-salabit ang ugat.
Yon ang hinahanap sa bonsai, yung maliit pero mukhang matandang puno na
nasa paso. Kaya nga mayroong antique
store, at doon ibinebenta sa mahal pang presyo ang mga matatandang gamit noong
araw, dahil ito raw ang maganda. Mas matanda, mas mahal. At walang lokohan, totoong nangyari ito, minsan,
meron pa nga akong nakitang tindahan ng furnitures, ang sabi sa pinto, “We make
made-to-order antiques”. Ayos.
Pero pagdating sa itsura at katawan
natin, ang gusto natin ay lagi tayong mukhang bata. Sa kadahilanang
hindi ko masyado maintindihan, lagi nating ikinakabit ang kabataan sa
kagandahan. Dahil siguro ang kabataan ay
simbolo ng buhay, ng kasiglahan, at pangako at pag-asa ng magagandang
bagay. Kaya’t ginagawa natin lahat,
magmukha lang tayong bagets.
E bakit ang turo sa amin ni sister sa
retreat noong elementary kami, ang tunay na kagandahan daw ay pang-loob? Niloloko lang ba kami ni sister? Kungsabagay, hindi pa uso noon ang
liposuction at pagpapabanat ng mga matatanda sa kanilang kutis-ampalaya, at
wala pa si Vicky Belo noong panahon na iyon.
Isang pang dahilan kung bakit tayo
nagbabata-bataan, ay dahil ikinakabit natin ang patse-patse, kulubot at
amoy-lupang balat at iba pang senyales ng old age, sa kamatayan. Pag ganyan ang nakikita natin sa tuwing tayo
ay mananalamin, para bang ipinapaalala lang sa atin na ang lahat ng bagay ay
nagbabago. Wala namang bago doon. Hindi lahat ng maganda ay nananatiling
maganda. Lahat ng pagkain, kahit gaano
kasarap, ay napapanis din.
Mabubulok. Babaho. Yuck.
Mga babae, exempted ba kayo dyan?
Hindi. Sa kabila ng lahat ng pampaganda, pampakinis,
pampabata at lahat na ng pampa, babaho din kayo. Aaangot tayong lahat. Sa lalaki kasi, pag tumanda, isang pampa lang
ang kailangan. Bastos.
Pag pumapangit tayo dahil sa edad, pag bumabagsak na ang
balat sa mga braso at sa mukha, at naglalakihan na nang gasuntok ang mga eye
bags, nag-aalala siguro tayo dahil pakiramdam natin ay malapit na tayong kunin
ni Lord. Ano naman ang masama doon, hindi
ba gusto natin lahat mapunta sa langit?
Bakit hindi na mauna iyong iba?
Mahirap yung sabay-sabay tayo.
Magagahol si Lord sa paghahanda sa welcome ceremonies.
Takot na takot tayong magmukhang matanda. Umiinom pa tayo ng kung anu-anong all-natural
na supplements daw, para lang pigilan ang hindi mapipigilan. Ang tanong ko lang, e all-natural pala ‘yang pinapaimon
sa atin, e bakit wala pa akong nakitang punong namunga ng mga tableta at
kapsula? Hindi ba ang 100% natural, e ‘yung
may balat, tangkay at may dahon? Ang
mga lolo at lola ko, ni hindi yata nakahipo ng vitamins sa buong buhay nila, e
inabot lahat ng 90s. Nagtatabako pa yon
at pinapapak ang bagoong. Sa panahon ngayon,
‘yun namang maraming tao na tumitira ng “all-natural supplements”, bakit
maagang nagkakamatay. Nagtatanong lang
po. Hindi ko po gusto mabawasan po ang
kita ninyo po sa racket nyo po. Totoo
po.
Eto pa, nagpapabanat pa
tayo ng balat at nagpapahigop ng taba. Billion-industry
na yata ang pagpapabata. To be exact, ang pagpapamukhang bata. Sige nga, mukha bang bata at maganda yung mga sikat
na “eksperto” na gumagawa ng pagbabanat ng balat at kung ano-anong procedures
sa katawan? Kung minsan tuloy, parang
gusto ko pa matuwa sa mga taong pumangit o nasunog ang balat, dahil nagkamali ng
gawa si dok o mga ekspertong beauty consultant kuno, at parang gusto ko sabihin
na huwag ninyo na kasi pakialaman iyang katawan ninyo. It took millions of years for the human body to
be designed and developed. Hindi
mababago yan ng dalawang oras na procedure ni dok, at lalong hindi natin maibabalik
ang kamay ng orasan.
Sa akin, walang kasing sakit sa mata ang isang tulad ni Madam
na banat na banat ang balat sa mukha, mula noo hanggang leeg, na nakapatong sa
katawan na ang balat ay kamukha ng gusot gusot na kumot. Sa sobrang pagkabanat ng balat sa mukha,
naging singkit na. Katawa-tawa lang at
nakakaawa ang tingin ko ron. Umiirap pa
yon, ha. Tse, daw. Tse.
Kung magkaroon man ako ng
pagkakataong tumanda pa, gusto ko tumanda nang nakaayon sa takbo ng panahon. Ok lang tumanda. There is supposed to be wisdom in old age, at
yon ang dapat habulin natin sa pagtanda, hindi ang makinis na balat. Huwag natin labanan ang panahon. Ibang bagay ang pagtuunan natin ng atensyon. Perpekin natin ang ating pagkatao, huwag ang
ating mukha. Tandaan mo ito, huwag mo
masyado bigyan ng panahon yang mukha mo dahil papasakan lang ng sangkatutak na
bulak yan ng inyong embalsamador pag dating ng panahon.
Ang pagtuunan natin ng pansin ay kung paano pagagandahin ang
mga tao at kapaligiran na iiwan natin sa mundo.
Tama pa rin si sister. Ang maganda ay ang walang panloob. Nakupo, mali; sorry, sister. Ang tunay na maganda ay ang gandang
pangloob.
1.28.15
korek ka dyan dok... eh este prof roxas hehehe dko rin maintindihan kung bakit ba di pa rin matanggap ng iba na ang pagtanda ay di mapipigilan, ikaw man ang pinakamayaman sa buong mundo ay "you can't escape the inevitable" naks ingles yun ang gawin na lang natin ay ang tumanda na maayos ika nga sa ingles age gracefully. nice article parekoy tuloy mo lang yan heehehe
ReplyDelete