Thursday, January 22, 2015

TITULO


TITULO

Pag naririnig ko ang isang tao na siya ay may titulo sa isang piraso ng lupa, at ito ay pag-aari niya, madalas hindi ko mapigilan mapaisip.  Paanong nangyari na ang isang tao ay magiging kanya ang lupa?  Matagal na matagal na, bago pa sumulpot ang unang tao sa mundo, nandyan na ang lupa, kasama ang mga lamok at lumot, at sigurado, matagal nang wala ang iyong kaapo-apuhan, mananatiling nandyan pa rin ang lupa, kasama pa rin ang mga lamok at lumot at mga itinapong pinaglumaang baterya ng cellphone.  Sigurado, lupa ka na rin, o lupa na tayong lahat, nandyan pa rin ang lupa.  Paanong naging sa iyo ang lupa? Hindi mo pag-aari ang lupa.  Pag-aari ka ng lupa.  Huwag mo lang sasabihin yan sa may-ari ng inuupahan mong bahay, at baka mapalayas ka ng di oras, dahil baka isiping may tama ka sa ulo.

Iyan lahat ay inimbento ng tao, na kung tawagin ay batas.  Mga gawa-gawang konsepto para ang usapan ng tao sa kanyang kapwa tao ay maging maayos – at upang ang karapatang mag-ari ay magmukhang makatwiran.  Para ang lahat ng alitan at hindi pagkakasundo ay hindi na idadaan sa palakasan ng boses at lakas ng kakayahang manadyak at manapak, kundi pag-aayos ayon sa mga naisulat ng mga itinutuing na marurunong na tao – na kadalasan ay mga mayayaman din – na kung tawagin ay batas.  Sa pamamagitan ng batas, nilulutas, o pilit nilulutas, ang mga alitan ng tao, katulad ng kung sino ang pwedeng kumain ng isang salop na bigas, at kung sino ang kalahati lang, kung sino ang kakain ng mais, at kung sino ang hindi kakain ng kahit na ano.  Sa isang paningin, ginawa ang maraming batas upang wala nang maangas na nagrereklamo na siya ay nagulangan o dinaya.  Kung hindi ka masaya sa sinasabi ng batas, well, sorry, pero ‘yan ang batas.
   
Minsan, ang batas din ay iniimbento upang manggulang, at upang kusang-loob na maisip ng maraming mga nagugutom na OK lang pala kung nasa iilan lang na mga masisiba ang lahat ng pagkain.  Paminsan-minsan, ang batas ay wala din sa katwiran, maniwala kayo.  Gawa nga siya ng tao, e, remember? Tao na may puso't damdamin.  Damdaming manggulang,  Pero dapat din daw sundin ito, dahil iyan ang batas.

Alam ko na kung bakit ang mga huwes ay nakasuot ng itim at mahabang robe, kahit ubod ng init, at kung tawagin ay “Your Honor”.  Ito ay upang mabigyan ng respeto ang isang tao na ang sabi ng lipunan ay dapat kagalang-galang at dapat sundin, magkaroon ng respeto kung saan wala, at upang magmukhang marangal at makatarungan ang lahat ng kanyang sinasabi, kahit maraming beses ay hindi.  Isipin nyo naman kung ang huwes ay nakasuot ng Amerikana na kamukha ng kay Brother Mike, at ang sapatos ay matulis na parang sa kenkoy, walang patid siguro ang hagikgikan ng mga tao sa korte.  Pag sinabi ng judge na “Order!”, malamang akala ng mga tao ay may darating na pansit.
    
Pero dahil nasanay na tayo sa mga makabagong konsepto at institusyon ng makabagong lipunan, akala natin ay pinakanatural na sa mundo ang pagkakaroon ng batas, na kasingnatural na ang lahat ng bata ay pinanganak na may dalawang paa.  Nasanay na tayo na magkaroon ng mga pag-aari, o magkaroon ng karapatan na mag-ari, gaya ng mga lupa, alagang hayop, damit at smartphone, double cam, dual sim.

Noong araw, ilang siglo pa lang ang nakakalipas, pinakanatural na sa mga tao ang mag-ari ng tao.  Pag-aaring tao, o alipin.  Sorry ka na lang kung ang mga magulang mo ay alipin, dahil malamang habangbuhay ka ring alipin.  Dati, ang tao ay walang nakikitang masama na magkaroon ng alipin.  Pero dumating din ang panahon, na napagtanto natin na mali pala ang ariin mo ang isang kapwa tao, na parang kalabaw o araro.  Naisip din natin sa wakas na ang bawat tao, gaano man kadukha, ay may karangalan at halaga na dapat kilalanin.   Ngayon, meron pa ring mangilan-ngilang lipunan na may mga alipin, pero sa buong mundo, ang slavery ay hindi na tinatanggap na gawaing moral o katanggap-tanggap.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, matagal na ring walang pang-aalipin.  Ganunpaman, kung tatalasan ninyo ang inyong paningin, wala na ngang slavery, pero marami pa rin sa atin ang may utak-panginooon, at kung tratuhin ang kapwa ay para bang alipin ang mga ito.  Kung ayaw ninyong maniwala, magtanong kayo kung ano ang ibig sabihin ng “casa” sa Binondo.  Marami pa rin ang manggagawa sa bukid, at mga laborer sa construction, na ang sahod ay matutuwa pa ang tunay na alipin.

Higit sa lahat, marami pa rin ang alipin ng sariling kamangmangan at pagka-paurong.  ‘Yan ang mahirap sugpuin, dahil sarili ang kalaban.  Malaya na tayo sa mga dayuhan.  Pero mas mahirap lumaya sa sarili nating kagaguhan.  Marami sa atin ang alipin ng pera, ng ambisyon.  Sa maraming tao, ang cellphone ay parang oxygen, ikamamatay pag nawala.  Maraming tao, mukhang lalagnatin at aaakihin sa puso, pag nagurlisan ng ang kanilang kotse.  Wag kayong tumawa, pero marami na ang namatay sa kase-selfie sa escalator at texting while driving.  Nag-iba na ang anyo ng pagka-alipin.

Ang sabi ni Quezon, “It is better to have a government run like hell by Filipinos, than to have a government run like heaven by Americans”.  Madalas, nagdududa na ako kung tama ba si Ka Manny.  Base sa kalagayan ng trapik sa Quiapo at sa Cloverleaf Market ngayon, naiisip kong ang naging pagkaintindi yata nating mga Pinoy sa sinabi ni Quezon ay, “If it is a government by Filipinos, we must run it like hell”.         

Maraming  mga Pinoy pa rin na ang tingin sa anak ay private property, na umaasa na ang lahat ng kanilang sabihin ay susundin ng kanilang mga anak na parang utos ni Haring Solomon, at inaasahan na ang ginastos sa pagpapalaki sa anak ay dapat magkaroon ng magandang ROI (return on investment).  Pero nababago na rin ito unti-unti, at naiisip na rin natin na hindi lahat ng nakagawiang pag-iisip at nakagisnang tradisyon ay dapat pangalagaan at panatiliin.  Maraming pagkakataon, ang tradisyon ng mga matatanda ay pinagpapatuloy ng mga bata – kahit sa bastardo at sinalaulang porma - dahil lang sa ito ay tradisyon, kahit walang katuturan.  Katulad ng walang kamatayang pondahan sa mahal na araw, pero ibang usapan na iyon.

Mga isang daang taon pa lang ang nakakalipas, ang mga babae ay wala pang mga karapatan na karaniwang tinatamasa nila sa ngayon -  ang karapatang bumoto, magtrabaho at ituring bilang tao.  Ngayon, halos pantay na ang mga babae at lalake sa maraming lugar sa mundo.  Ngayon, sa maraming lugar sa mundo, ang babae, gaya ng lalaki, ay pwede nang magpakasal sa babae.  Pero ibang usapan na ulit ‘yon.

Kaya, tayo ay matuwa.  Dahil kahit papaano ay mayroong progreso sa ilang aspeto ng buhay natin.  Nababago din ang mundo, at kahit dahan-dahan, sumusulong ang sangkatauhan.  Isangdaang taon mula ngayon, sana hindi na tayo lokong-loko sa selfie.      

1.7.15
























No comments:

Post a Comment