Wednesday, December 30, 2015

ANG MGA PASKO NG ATING BUHAY

ANG MGA PASKO NG ATING BUHAY

Pasko na naman. O kay tulin ng araw.  Sabi iyan ng kanta.

Sa tingin ko, ang paraan ng ating pagdiriwang ng mga nagdaang Pasko sa ating buhay ay isang sukatan kung nasaan na tayo.  Kung paano natin ipinagdiriwang ang mga Pasko, ganoon din makikita kung paano nagbabago ang ating buhay.

Ang ibig kong sabihin ay ganito.  Noong Grade 2 ako, ang ibig sabihin ng Pasko ay damit na, ano pa, e di Pamasko, mga laruan, monita-monito, aginaldo, at kendi na bigay ni Santa Claus na laging kamukha ng mga kendi sa sari-sari store namin noong araw.

Noong nagbinatilyo ako, naiba ang ibig sabihin ng Pasko sa akin.  Ang ibig sabihin na ng Pasko ay dalawang linggong bakasyon, at dalawang linggong inuman. 

Nang magkapamilya ako, ang ibig sabihin ng Pasko ay dagdag gastos sa karaniwang gastusin bawat buwan, dala ng dami ng obligasyon kapag Disyembre, mga pangregalo, hindi matapos tapos na Christmas party, pambayad sa bonus, at kung anu-ano pang mga bagay na lahat ay kaugnay ng pera, pero lahat wala talagang natural na kinalaman ang Pasko.

Napagtanto ko, habang tumatanda tayo, parang palabo nang palabo ang kahulugan ng Pasko natin.

Pag Pasko, inaalala natin ang mga dapat nating regaluhan, marami sa kanila hindi dahil natutuwa tayong bigyan sila ng regalo, kundi dahil pinapakinabangan natin sila.  Sa madaling sabi, dala ng obligasyon.  Wala ring kinalaman sa tunay na diwa ng Pasko. 

Kaya pag inimbitahan ka ng mga bangko sa Christmas Party, hindi iyon dahil natutuwa sila talaga sa mukha mo, kundi dahil malaki ang iyong deposito.  Doon sila natutuwa.  Kaya pala hindi pa ako naiimbitahan ng mga bangko sa Christmas party, baka nakakatuwa lang ang mukha ko. Hanggang doon na lang.
 
Palapit nang palapit ang Pasko, pabigat nang pabigat ang trapik, kaya pataas nang pataas ang konsumisyon ng mga tao, at parami nang parami ang mga nagmumura sa karsada.  Pero ano ba talaga ang natural na koneksyon ng trapik sa Pasko? Alam mo na ang sagot dyan.  Wala.

Pag Pasko, kailangang may hamon at keso de bola sa lamesa.  Ano uli ang koneskyon ng isang binilog na pira-pirasong karne at bilog na keso sa Pasko? Wala rin.  Nakasanayan lang natin, nakamulatan na lang natin, at dahil iyon kasi ang marami sa supermarket pag Disyembre.  Bakit kailangang hamon, e pwede namang tinapa.  Kaya nga sabi ng mga doktor, tumataas ang bilang ng mga inaatake sa puso pag Disyembre at Enero, dahil sa walang humpay na kainan ng kababuyan ng nagdaang bakasyon.   

Sabi ng isang kanta, sana raw, araw araw ay Pasko lagi.   Ano ka, hilo? Araw-araw, trapik? Araw araw, hamon?  Araw-araw, Christmas Party?

Hindi ako KJ.  Masarap ding kumain ng hamon, lalo pag libre, at masarap ding tumanggap ng kahit anong regalo pag Pasko.  Masarap magsalu-salo kasama ang mga kaanak at kaibigan.  Pero sana lang, dahan dahan tayo sa materyal na bagay tuwing Pasko.  Hinay hinay lang sa pera.  Ibalik natin ang tunay na Pasko sa mga ginagawa natin pag Disyembre.  Kung ano man ang kahulugan ng Pasko sa inyo (pagmamahalan, pagbibigayan, at iba pang salitang may “–an” sa huli), tiyak na pag inalis mo ang pera doon, mas sisimple at mas sasaya ang Pasko nating lahat.   


Maligayang Pasko, mula kay Prop. 

Monday, November 30, 2015

DAPAT ANG MGA BATA, HUWAG NANG LUMAKI

DAPAT ANG MGA BATA, HUWAG NANG LUMAKI
(O Kung Bakit Namaril Ang ISIS sa Paris)

Dapat ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak hanggang magsimulang magkaisip, hindi nakakakilala ng kulay ng balat ng tao, kaya kaya niyang hipuin at hawakan ang kamay ng lahat, pati ang mga hindi niya kakulay, at kaya kinakausap niya lahat.

Dapat ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak, hanggang magsimulang magkaisip, sinasabi kung ano ang nakikita, kahit masakit sa tainga, at naniniwala siya sa nakikita ng mata, at hindi sa sulsol ng iba, kaya kaya niyang kausapin lahat.

Dapat ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak, hanggang magsimulang magkaisip, hindi niya makita ang kaibahan ng taong mahirap at taong mayaman, kaya kaya niyang kausapin lahat.

Dapat ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak hanggang magsimulang magkaisip, wala pa siyang pulitika at relihiyon, kaya hindi niya hinuhusgahan ang mga taong hindi kapareho ang kanyang paniniwala, ang mga taong hindi kapareho ang dasal na sinasabi, o hindi kapareho ang niluluhuran, kaya kinakausap niya lahat.

Dapat ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, magmula noong ipinanganak hanggang magsimulang magkaisip, hindi nila iniintindi kung ano ang hugis ng ilong ng taong kaharap, o kung ano ang damit na suot, o kulay ng buhok ng kanyang kaharap, kaya kinakausap niya lahat.

Nang lumaki ang mga bata, kung anu-ano ang tinuro natin sa kanila, mga bagay na bahagi ng mundo ng matatanda, karaniwan tungkol sa mga imbentong pagkakaiba ng mga tao at mga paraan kung ano ang pwede nating pag-awayan, at kung bakit natin dapat ihiwalay ang ating mga sarili sa iba.  Itinuro natin sa kanila na ang ganitong tao ay “bad”, ang ganoong tao ay “bad”.  Kaya ngayon, marami na silang hindi kinakausap.  Pag tinanong tayo ng bata kung bakit ang tao na iyon ay “bad”, ang sagot natin ay “basta”, ngunit ang totoo, itinuro din lang kasi sa atin ng mga matatanda na sila ay “bad”.   Lahat ng itinuro natin sa kanilang mga taong “bad”, ituturo din nila sa magiging anak nila, na marami na rin taong hindi kakausapin. 

Kaya siguro may giyera na hindi matapos-tapos, ay dahil may mga taong hindi na kayang makipag-usap sa iba, dahil napaniwala na rin tayo na may mga taong sadyang “bad”, na hindi naman natin maipaliwanag kung paano naging “bad”.

Paikot ikot lang, tuloy tuloy lang, away lang ng away, kahit wala nang makaalala kung ano nga ba ang pinagsimulan ng away.  Minsan, ang pinag-aawayan ay dahil hindi magkasundo kung ano ba talaga ang pinagsimulan ng away.  Nahihilo na ako isipin kung ano ang mas walang katuturan, ang away-bata, o giyera ng matatanda. 


Kaya nga, ang mga bata, dapat huwag nang lumaki.

Thursday, November 19, 2015

ANG BUHAY NG MAPAPEL

ANG BUHAY NG MAPAPEL

Lahat tayo ay mapapel, dahil ang ating buhay ay umiikot sa sangkatutak na papel.

Hindi ka tao pag hindi ka mapapel.  Pag pinanganak ka, iisyuhan ka ng isang papel.  Pag kinasal ka, papel na naman.  Pag namatay ka, papel uli.  Hindi ka magiging tao kung wala kang papel, hindi ka rin mamamatay kung wala kang papel.

Para matanggap ka sa trabaho, kailangan mo magpakita ng isang maganda at malaking papel, galing ng eskwelahan.  O kaya papel galing Recto.  Para makapag-ibang bansa, kailangan mo ng papel.  Lahat ng ginagawa natin sa araw-araw, puro de papel. 

Ang ating gobyerno ay punong-puno ng mga mapapel, mula taas hanggang baba.  Para manalo ka sa eleksyon, kailangang mapapel ka, dahil ang mga mapapapel ang napapansin, ang nakikilala.  Ang hindi mapapel, ang mga mahiyain, hindi nakikilala, at hindi nananalo.  Pag botohan, isinusulat natin ang pangalan ng mga mapapel sa isang pirasong papel, madalas kapalit ang ilang pirasong papel.

Nagagalit tayo sa mga mapapel, pero ang atin namang mga tinitingala sa lipunan, lahat mapapel.  Pinapagaya natin sa ating mga anak, para pagdating ng panahon, marating din nila ang naabot ng mga mapapel.

Ang mga mag-asawa, kahit nagbabatuhan ng plato at baso, ay hindi raw dapat maghiwalay dahil sa isang pirasong papel.

At higit sa lahat, lahat tayo ay nagpapakamatay sa isang parihabang papel.  Marami nang nasira ang buhay, nagkapatayan, nasira ang ulo, tumulo ang laway, dahil sa pagsamba sa isang pirasong papel.  Papel makes the world go round. 

Sa bawat panahon, sa bawat lugar, may kanya-kanya daw tayong papel.  ’Yung iba, nauubos ang buhay, kahahanap sa kanilang papel sa buhay.

Tatae ka na lang, o sisinga, kailangan pa ng papel.   

Kaya huwag kang magagalit sa mapapel, dahil ang ating buhay ay umiikot sa sangkaterbang papel.


Saturday, October 31, 2015

ANG ARAW NG MGA PATAY AY PARA SA MGA BUHAY

ANG ARAW NG MGA PATAY AY PARA SA MGA BUHAY

Ang Araw ng mga Patay ay para sa mga buhay, hindi sa mga patay.

Para sa mga buhay na naghahagilap ng sagot kung saan napunta ang mga patay, at pilit na inuunawa ang palaisipan na dala ng tuldok ng kamatayan.

Para sa mga buhay na nakokonsyensya at hindi pinapatulog dahil hindi nila napagtuunan ng pansin ang mga magulang na pumanaw noong sila ay nabubuhay pa.

Para sa sa mga buhay na dinadaan ang pag-ibig sa kanilang mga namatay na mahal sa buhay sa pamamagitan ng mga biniling bulaklak at kandila.

Para sa mga buhay na pinapahalagahan ang magarang musoleo, na wala namang katuturan sa mga patay na nakahimlay.

Para sa mga buhay na iniisip  ang walang katapusang  “Ano kaya?”

Ano kaya kung nakita ako ni Tatay na nakatapos? Ano kaya kung nakita ni Nanay ang apo niya? Ano kaya kung nakita nila na ako ay ganito na, o ganito pa, hanggang ngayon?  Puro ano kaya, ano kaya…
Lahat tayo, may kanya kanyang “ano kaya” tuwing Araw ng mga Patay.

Pag pinaguukulan natin ng pansin ang mga patay, ang totoong binibigyan natin ng pansin ay para masukat ang buhay ng mga natitira pang buhay.

Kailangan natin alalahanin ang mga patay, para magkaroon ng saysay ang mga nabubuhay.


Ang Araw ng mga Patay ay para sa mga buhay, hindi sa mga patay.

Friday, October 9, 2015

ISANG BUKAS NA LIHAM KAY MANNY PACQUIAO


ISANG BUKAS NA LIHAM KAY MANNY PACQUIAO

Dear Idol Manny,

Una sa lahat, ay nais kong isipin na sana ay hindi pa huli ang lahat para magbago ang isip mo.  Nakita ko kasi sa balita na tatakbo ka palang senador sa susunod na eleksyon.

Alam ko na hindi ako nag-iisa kung sasabihin ko na ako ay nalulungkot sa desisyon mo.  Ginagalang ko ang pasya mo, dahil kahit naman sino ay may karapatang maglingkod sa pamahalaan at dahil gusto mong tumulong sa mga tao, gaya ng lagi mong sinasabi.

Natatakot lang ako kung ano ang pwedeng mangyari sa iyo pagdating at pagkatapos ng eleksyon.  Walang duda, mananalo ka naman, sa dami ng fans mo.  ‘Yun nga lang, nalulungkot din ako, dahil hindi lahat ng fans mo, katulad ko, ay maiboboto ka.  Ang totoo, higit sa pagkatakot, ay nanghihinayang ako sa iyo.

Hindi ko minamaliit ang katapatan mo.  Alam kong mas tunay ang hangarin mong makatulong kaysa sa mas maraming may mataas na posisyon sa gobyerno.  Hindi ko rin minamaliit ang kakayanan mong unawain, kung sakaling maging senador ka na, ang maraming masalimuot na isyu ng pamahalaan, ekonomiya at sangkaterbang problemang panglipunan.  Mas mahirap pa siguro para sa iyo ang lutasin ang lihim ng pagboboxing ni Juan Manuel Marquez, kaysa intindihin kung paano ipagtatanggol ang West Philippine Sea sa pangangamkam ng China.

Nanghihinayang lang ako, dahil ngayon, kahit pa nga pulitiko at congressman ka na, ay isa ka nang pambansang yaman, pambansang idolo, pambansang inspirasyon.  Idol, kailangang may magsabi sa iyo.  Hindi mo kailangan ng pulitika para makatulong.  Ipaubaya mo yan sa mga ordinaryong kawani ng gobyerno, o sa ordinaryong pulitiko.

Idol, hindi ka ordinaryo.  Mas malaki ka sa pulitika.  Sabi nga sa Ingles, you are larger than life.  At iyon ang papel mo sa buhay ng mga kababayan natin, ang magbigay ng inspirasyon, ng pag-asang maaari palang magtagumpay, sa kabila ng kahirapan at sa kabila ng sarili nating kahinaan at kapintasan.  Ang papel mo ay magbigay ng inspirasyon, hindi ang magpamudmod ng pork barrel ng senador.

Sa panahon na halos walang matinong buhay na bayaning pwede naming tingalain, ayaw ka naming makita na isang bayaning kinain ng mundo ng pulitika na punong-puno ng pagkamakasarili at kakitiran.

Kaya nga, ang tingin ko, kaya mong pagkaisahin ang lahat ng mga Pinoy e, dahil hindi ka ordinaryo.  Ni presidente nga, hindi kayang gawin iyon, at ikaw lang ang kayang gumawa noon.  Kung buhay pa si Antonio Luna at ang grupo ni Aguinaldo, tiyak kaya mong pagbatiin e. Hindi mo magagawa iyon pag senador ka lang. 

Pero, pagdating ng pangangampanya mo para maging senador, bababa ka sa iyong pedestal, at magiging isa ka na lang ordinaryong pulitiko. 

Hindi mo na pwede sisihin ang mga tao kung pagpaliwanagin ka kung bakit apat na beses ka lang pumasok sa Kongreso.

Sasabihin mo, may laban ka at hindi ka dapat maabala sa ensayo ninyo ni Ka Freddie Roach.  Ibig sabihin, sasabihin mo na bigyan ka ng special treatment, at exemption sa rules.  Hindi maganda iyon, dahil sa lipunan natin, iyan ang isa sa pinakamalaking gusto nating baguhin, ang pagbibigay ng special treatment sa mga malalaki, sa mga mayayaman, sa mga makapangyarihan at maimpluwensya.  Paano ka ngayon magsusulong ng equal treatment sa lipunan natin? Patay tayo dyan, idol.

Pag pulitiko ka na, hindi mo na masisisi ang mga tao kung tanungin ka kung ano ba ang natapos mo sa eskwelahan.  Huwag mong isipin na pang-iinsulto iyon; nangangampanya ka, at karapatan ng mga tao na uriratin kung ano ang kahandaan mo para maging senador at mabigyan ng napakalaking kapangyarihan.  Huwag mong isipin na pinapahiya ka.  Kung security guard nga, hinahanapan ng school records, ikaw pa na gustong maging senador.

Pag pulitiko ka na, lahat ng yaman mo ay kailangang isiwalat mo sa tao dahil uuriratin ng buong Pilipinas ang SALN mo.  Sino ba ang mga naging katransaksyon mo sa gobyerno? Baka may kanegosyo ka sa Pagcor, sa DOTC, o sa Customs o sa BIR.  Huwag kang maiinis dahil nangangampanya ka.  Karapatan ng mga botante na malaman ang buhay mo, at obligasyon mong sabihin iyon sa kanila.  Wag ka magagalit, dahil wala namang pumilit sa iyo na ilantad mo ang sarili mo at kumandidato ka, maliban siguro sa mga sipsip at amuyong mo.  

Paano mo haharapin ang isyu ng political dynasty na gustong gustong isulong ng marami, dahil iyan ang isang ugat ng pagkapaurong natin?   Paano, gayong apat na raw kayong Pacquiao na tatakbo, at sigurado namang mananalo kayo.  Paano ngayon ang anti-dynasty?  Wow, idol, kakampi mo na ngayon ang mga political dynasty at mga warlords sa probinsya.  Patay na naman tayo dyan, idol.

Marami pa iyan, at natatakot ako, na habang patagal nang patagal ay nababawasan ang kinang ng aming pambansang kamao. 

Ang tingin ko nga, ang dapat itawag sa iyo, pambansang inspirasyon.  Walang taong hindi ka mamahalin dahil sa kwento ng buhay mo, at maniwala ka, kasama ako doon sa milyon-milyon mong fans, dahil sa buhay mo, pinatunayan mo ang kahalagahan ng determinasyon at pagtityaga.  At iyon ang aral sa amin mula sa kwento ng  buhay mo. 

Pero pag naging pulitiko ka na, mababawasan iyon, kung hindi man tuluyang mawala.  Isa ka na kasing ordinaryong pulitiko.  May partido, may kakampi.  Ibig sabihin, pag may kapartido ka, may kalaban ka na rin.    

Isipin mo, kung hindi ka pulitiko, sino ang makakatanggi sa iyo kung hingian mo ang mga sponsors mo at mga malalaking kumpanya ng donasyon, para masiguro na ang lahat ng mga bata ay may maiinom na malinis na tubig?  Dahil pambansang inspirasyon ka, walang makakatanggi sa iyo, at lahat ng mga bata, tiyak makakainom ng malinis na tubig.  Mababawasan ang mga sakit ng mga bata na nanggagaling sa maruming tubig.   Hindi mo magagawa ‘yon pag ordinaryong senador ka lang.  Isa sa 24 na senador. 

Kung mananatili ka lang pambasang inspirasyon, kapag sinabi mong bawal ang child labor, baka magkatotoo, kahit mahirap.  Di ba dumaan ka dyan?

Napakarami ang isyu na pwede mong ipaglaban, at magagawa mo iyon kahit hindi ka senador, at magagawa mo iyon dahil hindi ka senador.

Idol, kung may panahon pang magbago ang isip mo, baka pwede huwag ka na tumakbo.  Kung talagang desidido ka naman, pag nanalo ka naman, bawas bawasan mo ang absent. 

Love,

Prop


Thursday, October 8, 2015

"OCTOBER 7, 2015 IS THE LAST DAY OF HISTORY"

“OCTOBER 7, 2015 IS THE LAST DAY OF HISTORY”

Ano ba itong nababasa kong kumakalat sa Facebook na magtatapos na raw ang mundo sa Oktubre 7, 2015? Sigurado ako, nabasa ninyo rin iyan.  At katulad ko, ang inyong reaksyon ay, “Tanginang mga ito, nabubuwang na yata”.  Iyan ang reaksyon ninyo, dahil alam ko, hindi kayo naniniwala diyan.

Nakalagay daw kasi ito sa Bibliya, sabi nila.  Hindi ko alam kung talagang nakasulat doon iyon.  Ang masasabi ko lang, kumain kayo, gutom lang ‘yan.     

Dahil kung anuman ang nakasulat sa kung anong libro, alam ko, hindi rin kayo naniniwala na magtatapos na ang mundo sa Oktubre 7, 2015.

Hindi kayo naniniwala diyan, dahil ang mga mismong nagsulat nito sa Facebook, ayaw magpakilala kung sino sila.  Ibig sabihin, nahihiya sila na malaman kung sino silang naniniwala na The End na ang lahat sa Oktubre 7, 2015, at baka sila mapagtawanan.  Kung hindi ninyo kayang tayuan at nahihiya kayo, e di, hindi kayo naniniwala.  Mabuti pa si Binay, pag nagsasabing hindi siya nagnanakaw, hindi nahihiya.

Hindi kayo naniniwala diyan, dahil alam ko, nagset pa kayo ng mga lakad sa Oktubre 8, 2015 at mga susunod na araw, may naka-set pa kayong mga lakad sa weekend na iyon, nagpaplano pa kayo kung ano iluluto ninyo at saan kayo mag-uundas, at kung saan kayo magno-noche buena sa Pasko. 

Hindi kayo naniniwala doon, dahil hinding-hindi ninyo ipapamigay ang pera ninyo, mga ari-arian at mga gamit, bago dumating ang Oktubre 7, 2015.  Meron bang magpapamigay ng lahat ng pera niya bago dumating ang Oktubre 7, 2015?  Wala. 

Meron bang magre-resign sa trabaho para paghandaan ang Oktubre 7, 2015? Wala rin.

Dahil alam ninyo, hindi totoo iyan.  5 bilyong taon na ang mundo, 5 bilyong taon na rin nating hinihintay iyan, nandito pa rin ang mundo.  Hindi tayo ganoong kaimportante para mangyari iyan sa panahon natin. 

Heto talaga ang lundo.  Hindi mahalaga kung may end of the word man o wala, o kung sabay-sabay man tayong mamamatay na parang sa firing squad, o una-una na parang mga nagtatalunang pasahero ng Titanic.

At hindi natin kailangan ng End of The World para tayo ay mamatay.  Pag may ginagawa tayong kawalanghiyaan sa kapwa, namamatay ang isang bahagi ng ating pagkatao, namamatay ang isang bahagi ng mundo.  Kamatayan pa rin, dahan-dahan nga lang.  Killing me softly. 

Hindi mahalaga kung paano tayo mamamatay, ang mahalaga ay kung paano tayo nabubuhay. 
Alam ko, na sa Oktubre 8, 2015, sasabihin naman ng mga naniwala, na kaya hindi nagtapos ang mundo ng Oktubre 7 ay dahil naawa ang Diyos sa atin, at binigyan tayo ng extension.  Second chance.


Kumain kayo, gutom lang ‘yan.  See you October 8.

P.S. (October 8, 2015 na.  Nandito pa rin tayo - Prop.)

Sunday, August 30, 2015

SA LUPAIN NG MALIK-MATA, PANTASYA AT BANGUNGOT

SA LUPAIN NG MALIK-MATA, PANTASYA AT BANGUNGOT

Maligayang pagdating at pamamasyal sa Teatro Pilipinas, ang lupain ng malik-mata at pangitain; ng pantasya at bangungot.

Manood at maaliw sa lupain ng malik-mata at pangitain, kung saan ang katotohanan ay kung ano ang gustong makita, at ang mga nakakakita  ay nagbubulag-bulagan, at ang mga bulag ang siyang matatapang.  Kung saan ang salita ay itinuturing na gawa, at ang lunas sa sakit ay salita ng pangako. 

At nagsarado ang mga daan, para ipagtanggol ang karapatang isabuhay ang naiintindihan sa kanilang binabasang aklat, at dahil sila ay napopoot sa tuwid na daan, na nag-usisa dahil merong nagsabi na may ibang paraan para basahin ang aklat.  At maraming hindi makadaan ang nagagalit dahil wala naman silang kinalaman sa kahit na anong aklat, at ang hanap lang naman ay limang daan.  Samantala, tumatawa ang nasa dating daan.

Lahat ng ito habang ang iba ay namumugot ng ulo dahil nagpapanggap na meron silang ibang aklat na nababasa, na ang tunay na pakay lang ay sako-sakong limang daan.    

Samantala, nag-alisan na sa nakakaiyak na komedyang ito ang maraming mga tao papuntang ibang lupain, para makakuha ng maipampupuno sa isang kahong katuparan ng naunsyaming mga pangarap, kahon na sagot sa kumakalam na sikmura at umaasang mga mata, kahon na pilit pinapakialaman ng mga tila mas gutom.  Paminsan minsan, hindi lang sila nagpapadala ng kahon;  umuuwi din silang nakakahon.

Kaya’t marami ang nagiintay sa tagapagligtas:  marami ang pigil-hiningang nag-iintay na tumango ang anak ng Panday, upang lipulin ang masasamang loob at mga kampon ng kadiliman, na tinututulan naman ng iba dahil siya ay galing sa ibang kaharian, o ibang channel.  Naghuhumiyaw din ang marami para sa pagdating ng mabait na mamamatay-tao, para patayin ang mga kapwa mamamatay-tao, para sa wakas, pag naghilera na ang mga bangkay, ay magkakaroon na ng katahimikan sa magulong lupaing ito.  Umaasam din ang tuwid at dilawang kulelat, na magpapabilanggo sa mga natitirang kalaban sa kadiliman, dangan nga lang at ang ilang dilawang nakapaligid ay may kamisadentrong itim.  At higit sa lahat, nagiintay lang na sumunggab mula sa kung saan ang tunay na Hari ng Kadiliman, na pinapalakpakan ng mga nasa hanay ng nagugutom dahil siya lang ang tagapaligtas na napakaraming dalang mamon.

Sino ang magwawagi? Mahalaga pa ba kung sino ang magwawagi sa pantasyang ito, kung saan ang nanonood at gumaganap ay iisa?  Sundan, dito sa ating teleseryeng sinusundan ng mga gutom at nakanganga, ang di-matapos-tapos na kwento ni Lola Basyang na pinamagatang Pilipinas, ang lupain ng mga sandamukal na mga tagapagligtas, at tagabenta ng kaligtasan, lupain ng mga higanteng paradahan na nagpapanggap na karsada, lupain ng mga nawawala at pinakialamang balikbayan box, at lupain ng isang oras ng ligaya dulot ni Aldub at Nidora.

Manood at maaliw sa Pilipinas, ang lupain ng malik-mata at  pangitain, ng walang-hanggang pantasya at bangungot, ang lupain kung saan ang dingding sa pagitan ng tama at mali ay singlabo ng tubig sa ilog na puno ng taeng baboy at basura.  Kung saan ang katotohanan ay kathang-isip, at ang kasinungalingan ay katotohanan. 


It’s more fun in the Philippines.

Sunday, August 9, 2015

ULAN

          ULAN

Kaninang umaga, hindi pa gaanong nagtatagal matapos kong magising, bumuhos ang ubod ng lakas na ulan.  Hindi ko alam kung anong espirito ang sumanib sa akin, at bigla kong napagdesisyunan kanina na kailangan kong maligo sa ulan.  Nang sabihin ko sa anak ko na ako ay maliligo sa ulan, tiningan niya ako ng tingin na noon ko lang nakita.  Hindi siya nagsalita.  Siguro ang sabi niya, ang mga sira ulo ay hindi kinakausap.

          Hindi ko gusto magtanggal ng bungang-araw.  Ang sabi kasi ng mga matatanda, ang unang ulan daw sa tag-araw ang nakakatanggal ng bungang-araw.  Pero hindi na tag-araw ngayon, matagal nang tag-ulan.      

Malamig ang tubig, at medyo nanginig pa ako nang sumabak sa ulan kanina.  Hindi ko na mabilang ang taon nang huli akong maligo sa ulan, pero ito ang unang beses na ako ay naligo sa ulan sa alas otso ng umaga.  Marami naman kaming naligo; ako, at ang aking punong sampalok, abokado, kalyos, banaba at lahat ng mga halaman ko sa maliit na bakuran.

Feeling ko naman ay nagshoo-shooting ako ng komersyal ng iced tea o sabon.  Nakatingala pa ako, habang sinasalubong ng mukha ko ang mga malalaki at nakakakiliting patak.  Masarap.  Feeling one with nature.  Hindi naman ang tubig mismo ang masarap; may tubig naman sa gripo.  Ang masarap siguro ay nagawa ko ang matagal-tagal ko nang hindi nagagawa.     Kailangan siguro natin iyon paminsan-minsan.  Ang kumawala sa kanya-kanya at pangaraw-araw na kahon.  Sigurado ako, bihira ka nang makakakita nang kasing-gurang ko na naliligo pa sa ulan.

Para makumpleto ang drama ko, nagtanggal ako ng tsinelas, at tumapak ako sa lupa at mga damo na nag-iipon na ng tubig.  Malamig, pero masarap pa rin.  At kung hindi ako makikita ng mga dadaan sa kalye at kapitbahay, ay baka nagtanggal ako ng lahat pati puruntong at bacon brief ko.  Isip ko lang: Minsan ka lang naman masiraan ng ulo; eh, di lubusin mo na.  Alam mo na ito.  Parang bungee-jumping (kahit di ko pa nasusubukan iyon).  Paminsan-minsang subok at pakikipaglandian sa kalayaan, kahit gaano kasandali.

Ang drama ng isip ko kanina ay ganito:  Mahirap pala ang nababasa sa ulan sa tuwinang umuulan.  Ganito kaya ang pakiramdam ng mga walang bahay, o yung may mga tinatawag na bahay, pero hindi naman talaga matatawag na bahay.  Mahirap pala talaga ang walang masilungan tuwing umuulan.  Parang walang kalaban-laban.  Mahirap din pala, ‘ka ko, ang mag-sundalo, hindi ‘yung nasa opisina, kundi ‘yung mga inaabot ng araw at gabi, ulanin at arawin, sa gubat o sa parang. 

Nalaman ko rin: mahirap pala ang maligo ng walang sabon at shampoo.  Parang may langis ang buong katawan mo.  Ang laki ng problema ko: parang mas importante pa ang sabon at shampoo kaysa ulan.

At ngayon, ngayon lang, ngayon ko lang nalaman.  Wala na pala akong naitatagong Biogesic.

  

Friday, July 31, 2015

"UBUSIN MO 'YAN. MARAMING TAO ANG NAGUGUTOM."


“UBUSIN MO ‘YAN, MARAMING TAO ANG NAGUGUTOM”
         
            Lagi ko itong naririnig.  Ang pakiramdam yata ng mga nagsasabi ng paalala na ‘yan, mabuting tao sila.  Pero ang tawag ko sa paalala na iyan, pa-cute.  Pag sinabi kasi iyan, maganda lang sa pakiramdam ng nagsasabi.  Pero walang saysay. 

Pag nakita ninyo ang kaharap ninyong nagtitira ng pagkain sa pinggan, huwag ninyo sabihin na, “Ubusin mo ‘yan, dahil maraming tao ang nagugutom”.  Mali iyon, at insulto pa nga sa mga nagugutom.  Dahil kung uubusin ng kaharap ninyo ang pagkain sa plato, mabubusog ba iyong nagugutom?  Hindi.  Paano namang matatanggal ang kagutuman ng iba, kung ang kakain pa rin ay iyong busog na.

            Parang ganito kasi iyon.  Sa loob ng fastfood na kainan.  “Anak, busog ka na ba? Ubusin mo ‘yang nasa plato mo, ha.  Sige anak, konti na lang, tatlong hita na lang ng manok ‘yan.  Hindi baleng busog ka na, basta ubusin mo lahat iyan.  Hindi baleng magkandasuka ka, ok lang ‘yon, anak.  Basta kainin mo lahat iyan, ha.  Kasi, anak, maraming tao ang nagugutom.  Nakikita mo ba ‘yong bata sa labas ng bintana? Kahapon pa hindi kumakain iyon, kaya maswerte ka, dahil may kinakain ka.  Sila, wala.  Kaya ubusin mo lahat ng pagkain mo, ha, dahil masama ang magtapon ng pagkain, magagalit si Lord.  At pag inubos mo lahat iyan, matutuwa si Lord.  Ok, ayan, good boy”. 
           
            O, ano ang nangyari sa mga nagugutom? E di, gutom pa rin.


            Kaya pag nakakita kayo ng mga nagtitira ng pagkain sa plato, kung pwede lang, huwag niyo na sabihin na, “Ubusin mo iyan, maraming tao ang nagugutom”.  Ito na lang ang sabihin ninyo.  “Kung ayaw mo na, ibalot mo iyan at ibibigay natin sa nagugutom”. O kaya, “Sa susunod, gago ka, huwag kang kukuha ng pagkain na hindi mo kayang ubusin”.

Tuesday, July 21, 2015

ANG MGA LARO NG AKING PAGKABATA

ANG MGA LARO NG AKING PAGKABATA

Kung merong isang bagay na pinagsisisihan kong hindi ko naiparanas sa mga anak ko, ito ay ang maranasang maglaro ng mga laro mula sa aking pagkabata.  Dahil ang mga laro noong bata pa ako, hindi na naging laro ng mga anak ko.  Halos lahat kasi ng mga laro ng anak ko noong bata pa sila, mga plastic na nabibili sa Divisoria at sa SM.  Made in China lahat, syempre.  Kasama na ang walang kamatayang mga computer games. 

Ngayon ko lang naisip.  Dapat naiparanas ko sa kanila kung paano manghabol at dumiskarte sa habulang-bahay, o habulang-taga, at naipakita na ang “trapping” ay hindi lang sa basketball.  Dapat naipalasap ko sa kanila ang kakaibang sarap ng pakiramdam pag nakikita mong litong-lito na at malapit nang umiyak ang kalaro mong isang oras nang taya sa tumbang preso.  Dapat naituro ko sa kanila na may science at art ang paglusot sa mga taya at patutot sa patintero.  Dapat naituro ko sa kanila na mas maraming skill ang kailangan sa syatong kaysa sa Candy Crush.   At dapat nasabi ko sa kanila na hindi baleng mabalian ng buto sa braso, pero gaya ng seremonya ng tuli, hindi ka tunay na lalaki pag hindi ka dumaan sa luksong baka.

Paano ko makakalimutan ang patintero, syatong, habulang taga, luksong-baka, tumbang preso.   (Para sa mga babae at mga beki lang ang Chinese garter, piko, bahay-bahayan at luto-lutuan).  Maganda rin sana ang sungka, pero nababagalan ako at madaling kasawaan.  (Meron pa bang naglalaro ng sungka?).  Syempre, ang baril-barilan kung saan halos ang buong kapitbahayan ang aming battlefield.  Palabas pa noon sa TV ang “Combat”, at iniisip ko na kami sina Rick Jason at Vic Morrow.  Ang aming baril ay gawa-gawa sa kahoy, na ang bala ay matigas na bunga ng halaman na kung tawagin ay “tikbe”.   

Sinong bata noong araw ang hindi dumaan sa taguan?  At sinong matagumpay na lalaki ngayon ang hindi nagpakadalubhasa sa trumpo noong araw? Wala, dahil ang lahat ng maangas na batang lalaki noon ay malupit sa trumpo.  Ngayon, ang mga batang lalaki, malupit sa tablet. 
I
yan din ang nasasabi ng nanay at tatay ko noong ako ay bata pa.  Naikukuwento nila ang mga laro sa kanilang pagkabata, na hindi ko na raw inabutan at nakita.

Masuwerte ako dahil lumaki ako sa probinsya, kung saan pagtungtong ng alas syete ng gabi ay wala nang gaanong dumadaan na sasakyan sa kalsada, at ang buong kalsada ay nagiging isang malaking palaruan sa gabi, na ang tanging ilaw ay galing sa ilang poste, at ang liwanag ng buwan.

Ligtas naman maggala sa mga kapitbhahayan noong araw.  Parang wala pang drug addict noon.  Meron na din siguro, pero sa mga bahay lang nila sila tumitira, at hindi pa sila pumapatay ng mga bata.  Praning na rin sila noon, pero parang hindi pa sila ganito karahas na kagaya ngayon.    Pwede ka noong maglaro at makikain sa mga kapitbahay, kung saan labas-masok kami, dahil parang hindi pa uso ang kandado ng bahay noong araw.  Lahat na yata ng komiks sa kapitbahay noon ay nabasa ko.  Darna, Hiwaga, Wakasan.  Meron na ring tabloid noon, pero parang hindi pa nagkukuwento noon si Xerex ng kanyang mga karanasan.

Kapag bakasyon, at mahangin, meron din kaming saranggola.  Gawa sa dyaryo at patpat ng kawayan, at ang pandikit ay tirang kanin sa kaldero.  At sino ang makakalimot sa TEXT.  Hindi iyong sa cellphone; iyong maliliit na card na ang labanan ay dinadaan sa paghagis sa hangin (may pektus), at pagbagsak ay “Tsob” at “Tsa” (taob at tihaya).  Marami pa ‘yan; tirador, holen, lastiko o goma, tatsing.  Lahat nagpaalala sa akin ng isang nakaraang napakasimple, at nagpapamangha dahil sa kung gaano na kalayo ang buhay ngayon.

Nagbabago talaga ang panahon, at tumatanda na yata ako. 

Alam ko, hindi ka sisikat at kikita ng malaki sa patintero, kagaya ng sa bilyar at basketball, at lalo namang hindi ka matatanggap sa trabaho dahil lang sa matindi ka sa tumbang preso.  Pero mahalaga sa akin, sa aking henerasyon, ang mga larong kinalakihan ko, na minsan ay pinatunayan sa buhay ko, gaya ng sa lahat ng minsan ay naging bata, na sa isang bata, langit ang maglaro.  

Noong araw, parang kulang ang pagkabata mo pag hindi ka nadumihan sa kalye.  Ang tingin ko nga, ang mga bata ay kailangang madumihan at ma-expose sa mga germs at mikrobyo, para tumibay ang katawan.  Para kasing ang ibang mga bata ngayon, kay linis-linis, may labakara pa sa likod para huwag mapawisan, may pulbos at cologne pa, may vitamins pa, pero marami ang sakitin at mahina ang katawan, at parang sila lang ang nakakaranas ng kung ano-anong “allergy” sa kanilang makinis na katawan.  Kaya paglaki, pag nakakain ng fishball, skrambol at kwek kwek sa kalye ay nagkakasakit, dahil hindi sanay ang tiyan sa nutrition from the streets. 

Parang wala nang naglalaro ng mga laro ko noong araw, at puro tablet na lang ang laro ng mga bata, kaya parang maraming bata ngayon ang hindi marunong  makipag-usap sa tao, laging mahiyain at dungo, at tatanga-tanga sa kalye.  Kayang-kaya lokohin ng mga kapwa bata.  Siguro, dahil sa kanilang computer games ay hindi kailangang humarap sa mga kalaro, at hindi na kailangang makipag-usap sa mga tunay na tao, at hindi iyong tao sa screen ng computer.  Marami sa mga bata ngayon ay nakakulong at umiikot ang buong mundo sa tablet.  Tablet pagkagising, tablet sa hapag kainan, tablet pag nasa kotse o sa jeep, tablet pag umiyak at kailangang patahanin.  Tablet bago matulog.  Tablet, puro tablet.  Tangnang tablet ‘yan. 

Hindi ako sigurado kung ang husay sa computer sa napakaagang edad ay tanda ng husay ng isip at galing sa diskarte, o kaya ay magandang preparasyon sa buhay pag tumanda sila.  

Parang wala nang nagpapatintero sa kalsada.  Parang wala nang naglalaro ng syatong.  Wala na ring naglalaro ng tumbang preso.  Siguro nga, may kanya-kanya talagang laro ang bawat henerasyon.  Nakakalungkot lang ng kaunti, dahil hindi lang pala mga kakaibang hayop sa bundok ang tuluyang naglalaho.  Pati mga tao, mga kalaro at mga eksena sa buhay mong nagpasaya sa iyo, nawawala rin.  Kakatwa, dahil buhay na buhay ka pa, pero parang kulang ka, at para kang isang buong libro na pinilasan ng ilang pahina.

Wala na ba talagang magpapatintero? Game!    


Saturday, July 11, 2015

BAKIT MAY MGA TAONG MAY DALANG BARIL?

BAKIT MAY MGA TAONG MAY DALANG BARIL?

Bakit may mga taong may dalang baril?  Sa maniwala kayo at sa hindi (malamang sa hindi), ang lahat ng dahilan ng tao sa pagdadala ng baril ay maikakahon at makikita sa labing-dalawang dahilan.  Labing-dalawa.  Pwedeng isa.  Pwede ring kumbinasyon.  Pero lahat, nandidito. 

1.      Dahil para sa ilang tao, kailangan nila ang baril para ipagtanggol ang sarili nilang buhay, ang buhay ng pamilya niya, at ang kanyang cellphone, lalo na mula sa mga taong may dala ding baril.

2.      Dahil para sa ibang tao, hanapbuhay nila ang ipagtanggol ang buhay ng ibang tao, ang buhay ng pamilya nito, at ang kanilang mga cellphone, karaniwan mula sa mga taong may dala ding baril.

3.      Dahil ang ibang tao, hanapbuhay nila ang kumuha ng buhay ng ibang tao, ng buhay ng pamilya nila, at ng kanilang mga cellphone.
4.      Dahil sa ibang tao, mas madaling mag-utos kapag may dala silang baril.

5.      Dahil para sa ibang tao, kailangan nila ng isang bagay na ipampupuno sa kanilang pagkatao, na walang kalaman-laman, o ng isang bagay na ipagyayabang o maikukwento tungkol sa buhay nila, bukod sa mamahaling cellphone.
 
6.      Dahil para sa ibang tao, hanapbuhay nila ang gumawa at magbenta ng baril, para may barilan, para kailanganing gumawa at makapagbenta uli ng mas maraming baril.

7.      Dahil para sa ibang tao, mukhang macho at pogi ang may sukbit na baril sa baywang.

8.      Dahil para sa ibang tao, masyadong malaki, at hindi kakasya sa baywang, ang itak o espada, at wala nang gumagawa ng tirador.

9.      Dahil ang ibang tao, nasobrahan sila noong bata pa ng panonood ng mga pelikula ni FPJ, Lito Lapid at Ronnie Ricketts.

10.   Dahil sa ibang tao, hindi sila naibili ng laruan noong bata pa sila.

11.  Dahil sa ibang tao, sawa na sila sa bugbog at tadyak ng kanilang asawa. 
    
12.  Dahil sa ibang tao, ang buhay ay gaya-gaya lang.


Bakit labing-dalawa?  Dahil hanggang diyan lang ang kaya kong isipin.



Sunday, June 14, 2015

SI JEJOMAR AT ANG EDSA. SUSMARYOSEP.

SI JEJOMAR AT ANG EDSA.  SUSMARYOSEP.

Halos tatlong dekada na ang nakalipas, pinatalsik natin si Ferdinand Marcos sa kanyang posisyon dahil sa pagmamalabis sa kapangyarihan at laganap na pangungurakot.

Iniluklok ng taong bayan si Cory Aquino sa Malacanang, kasabay ang pangako at pag-asa ng lahat (maliban sa mga Marcos loyalists, syempre) na magmula noon, magkakaroon na ng bagong kultura sa pamahalaan, ang kultura ng pagiging disente sa pamamahala, pagiging simple at may delikadesa ng mga nasa gobyerno.  Kahit hindi gaanong malinaw, naramdaman din noon ang paniniwala na ang mga mamamayan ay dapat nang pairalin ang isang bagong pulitika, isang pulitika na hindi nakabase sa pera (pamimili ng boto), sa patronage politics (pamumudmod ng pabor at pagpapangako ng kontrata at kung anu-anong pabor at pagkakakitaan ) at transactional politics (“iboboto ka namin ng angkan ko kung maipapasok mo ang anak ko sa city hall, o kaya ay kung mapapyansahan mo ang anak kong nakakulong”).   

Matapos ang EDSA, tinanggal sa puwesto ang lahat ng nasa lokal na pamahalaan, ang mga gobernador at mga mayor na labi ng panahon ni Marcos, at pinalitan ng kung tawagin ay OIC (Officer-in-charge).  Kasama sa iniupo ni Tita Cory ang OIC mayor ng Makati, si Jejomar Binay.  Jejomar (Jesus, Joseph at Mary).  Sa madaling salita, susmaryosep.   Kaya hindi maikakaila na si Jejomar ay naging tao lang sa pulitika dahil nagkaroon ng EDSA, at dahil iniupo siya ni Tita Cory sa Makati.  Sa aking maliit na isip, kaya may Jejomar ngayon, ay dahil nagka-EDSA noon.

Maraming mga tao ngayon, lalo na ang mga bata, ang marahil hindi na alam kung ano ang dahilan kung bakit nagkaroon ng EDSA Revolution noong 1986, at kung paano naging tao sa pulitika si Jojo Binay.  Pero mahirap nang ituro ngayon sa mga bata ang kwento at inspirasyon ng EDSA, kung mayroon pa mang natitirang aral o halaga ang alaala ng EDSA 1986.

Paano mo ituturo sa mga bata ang aral ng EDSA, kung ang mga kasamahan niyang martial law activist na sina Joker Arroyo at Rene Saguisag, na kagaya raw ni Jejomar, ay nagmamalaking mga human rights lawyers, at totoo namang isinuong ang buhay sa paglaban sa diktadurya, hanggang ngayon ay nagkakandapilipit ang dila at hindi makapagsalita laban sa kaibigan nilang si Jejomar.  Nagalit pa nga iyong dalawang matanda dahil inaaapi daw si Junjun sa Senado.  Nagalit pa.  Susmaryosep.

Paano mo ituturo ang aral ng EDSA, kung ang pinatalsik noon na si Marcos ay inabot lang ng kulang dalawampu’t isang taon, samantalang si Jejomar ay dalawampu’t siyam na taon na ngayong nasa pulitika, at pag nanalong presidente ay aabutin na siya ng tatlumpu’t anim na taon.  Lagpas 1/3 ng isang siglo.  Susmaryosep. 

Sige nga, subukan ninyong ituro mo sa mga bata na ang EDSA ay paglaban sa mga pulitikong walang kahihiyang kapit-tuko sa puwesto sa gobyerno, at baka sabihan ka ng mga bata ng “Weehh, ‘di nga?”.  Susmaryosep.

Paano mo ituturo sa mga bata na ang EDSA ay paglaban sa mga political dynasty, samantalang ang mag-anak ni Jejomar ay nakapwesto lahat sa gobyerno.  Si Jejomar, bise presidente.  Si Elenita, dating mayor.  Si Nancy, senador.  Si Junjun, mayor sa Greenbelt. Si Abigail, congresswoman.  Susmaryosep.  Hindi kaya aping-api na at agrabyado ang pamilyang ito.

Pero alam ko, para ko nang narinig, ayaw na raw ng mga Binay na lumahok sa pulitika, para lang matahimik na sila.  Ang totoo, ayaw na nga nila sa pulitika.  Napipilitan lang ang mga Binay na magtagal sa gobyerno, pero tinitiis nila lahat iyan para tayong lahat ay paglingkuran.  Wala nga silang nakukuhang pakinabang diyan sa pulitika, e.  Wala.  Peksman.  Puro paluwal.  Iyon ang totoo.  Malaki ang utang na loob natin sa mga Binay.   Susmaryosep.

Paano mo ituturo sa mga bata na ang aral at diwa ng EDSA ay paglaban sa pangungurakot, samantalang ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLAC), si Binay at ang kanyang mga tau-tauhan ay mayroong 242 bank accounts kung saan naglabas-masok ang P11 Billion.  Bilyon iyon, hindi milyon.  Hindi typographical error iyon.  P11 Bilyon.  B, as in Binay.  Siyam na zero iyon.  P11,000,000,000.  Subukan mo nga isulat sa tseke iyon kung kakasya.  Susmaryosep.

 Paano mo ituturo sa mga bata na ang EDSA ay paglaban sa katiwalian at pagnanakaw, samantalang kabi-kabila ang isyu ng pangungulimbat laban kay Jejomar.  Parking building, Science building, Ospital ng Makati, Boy Scouts, Hacienda Binay.  Pati cake, hindi pinatawad.  Susmaryosep.  Kung makikita lang ni Tita Cory, malayo na ang narating ng kanyang mascot.  

Paano mo ituturo ang transparency at accountability sa mga bata, samantalang ang sagot ni Jejomar sa akusasyon tungkol sa Parking building, pulitika lang yan.  Sa Science Building, pulitika lang iyan.  Sa Boy Scouts, pulitika lang iyan.  Hacienda Binay, pulitika lang iyan.  AMLAC report, pulitika lang iyan.  Iyan ang transparency at accountability, ayon sa anak ng EDSA na si Jejomar.  Susmaryosep.

Naghamon ng debate.  Umatras.  Malamang, pulitika lang iyan. 

Patay na ang EDSA.  "Jejomar Binay, Pangulo ng Pilipinas, 2016-2022".  Susmaryosep. 




Monday, June 1, 2015

KONEKSYON

KONEKSYON

Sa buhay, kailangan natin ng koneksyon.

Dahil wala tayong magagawa kung wala tayong koneksyon.  Mabilis nating magagawa ang ating mga kailangang gawin kung mayroon tayong koneksyon.  Pag nawalan tayo ng koneksyon, para tayong napilayan, nag-iisa, walang magawa.  Mahirap gumalaw kung walang koneskyon.

Bata pa lang tayo, ipinamulat na sa atin ng mga matatanda, na sa lahat ng bagay, kung gusto mo umasenso, kailangan mong gumawa ng koneksyon.  Pag tingin natin sa paligid, tama nga naman.  Kailangan ng koneksyon.  Pati nga koneksyon ng ating mga kaibigan, ginagamit natin.  Para sa lahat ng mga bagay na may kailangan ka, sa eskwelahan, sa trabaho, sa personal na pangangailangan, may makakausap ka at may malalapitan.  Kapag may koneksyon, laging may mabilis na sagot sa mga pangangailangan mo.  Ang mga walang koneksyon, naiiwan sa buhay.

Kung wala ka pang koneksyon, gumawa ka na hangga’t maaga pa, dahil siguradong mapag-iiwanan ka.  At pag may koneskyon ka na, kailangan mong alagaan sila, at siguraduhin na hindi sila mawawala, para nandyan lang sila palagi.

Pero iyon nga lang, magagastusan ka rin ng regular, para hindi sila mawala.  Sulit naman ang gastos mo, dahil malaki rin ang naitutulong nila sa iyo.  Kailangan mo sila gastusan, para pag dumating ang oras na kakailanganin mo sila, magagamit mo sila.  Kahit kailan, kahit saan.

Kaya, dapat lagi kayong may INTERNET.



Tuesday, May 26, 2015

BISIKLETA

BISIKLETA

Lagpas na ako sa kalendaryo noong ako ay mahumaling uli sa bisikleta.  Ang una kasi ay noong nasa Grade 2 pa yata ako.  Noong pangalawa ay lagpas Grade 2 na ang bunso ko.

Sa aking paningin, ang bisikleta ay isa na sa mga pinakamahalagang imbensyon sa buong kasaysayan ng sangkatuhan na patuloy na humuhubog sa kasaysayan ng tao (sa mabuti at sa masama), kahanay ang personal computer, ang printing press, ang baril, ang TV, ang beer, ang gitara at ang bola.  (Kung hindi kayo sang-ayon, ok lang iyon; listahan ko nga lang ito.  Gumawa na lang kayo ng sarili ninyong listahan). 

Sana nga pala ay maaga-aga pa sa buhay ko nang muling nadiskubre ko ang bisikleta, para hindi nasayang ang lakas ng binti ko noong ako ay bata-bata pa.    

Gusto ko lang ibahagi sa kung sino ang may tiyagang magbigay ng panahon dito kung bakit ako sang-ayon sa sinabi raw ni Ariel Ureta, na sa ikauunlad ng  bayan, bisikleta ang kailangan.  Alam na nating lahat ito, pero ipapaalala ko lang sa inyo kung bakit ang bisikleta ang isa sa mga bagay na maituturing na pinakamagandang bagay na maaaring kahumalingan.

Mura lang ang bisikleta.  Sa halagang kasingbaba ng tatlong libong piso, na di hamak na mas mura pa sa isang ordinaryong smartphone, o sikat na rubber shoes ng mga pa-cute, meron ka nang magiging kaibigan na sasamahan ka sa layong 60 kilometro mula sa bahay mo, at maaaring mas malayo pa, depende sa tibay ng binti mo.  Mura, dahil padyak lang ang kailangan, murang helmet at maraming tubig.  Huwag ka nang uminom ng anumang energy drink kuno; mahal pa iyon, at para sa mga maaarte lang iyon, sa mga nagtatae o sa may dengue. 

Hindi ka na kailangang bumili ng gasolina o diesel na trenta-kuwarenta pesos bawat litro, at di hamak na mas mura at madaling magmentina ng bisikleta kaysa sa karaniwang sasakyang de-makina.  Hindi ka na kailangang magpa-oil change, o magpa-carwash. 

Hindi na inirerehistro ang bisikleta.  Hindi mo na kailangang magbayad sa LTO taon-taon at magbayad ng fixer, ng mamang taga-testing daw ng usok ng tambutso, at iyong mamang nagi-stencil ng makina at kaha ng kotse.  Hindi mo na rin kailangan ng driver’s license, at hindi mo na kailangang umihi sa maliit na plastic para sa drug-testing. 

Wala ka na kailangang ipa-tint, at hindi mo na kailangang bumili ng air freshener.  Wala ka nang side mirror na lagi ka namang natatakot na manakaw, na pag nanakaw, ay pupunta ka pa sa Banaue para tubusin.  Hindi ka na magpapalit ng wiper, ng matting, ng seat cover, at hindi ka na bibili ng sticker na ikinakabit sa likod ng sasakyan, na ang sabi ay “Don’t get closed to me.  Get closed to God”, o sticker ng pinagyayabang mong eskwelahan kung saan ka nagtapos, na madalas ay isang eskwelahan na ikaw lang ang nakakaalam kung bakit mo ipinagmamalaki.      

Kung pampapawis lang ang habol mo, hindi ka na magbabayad sa gym, o sa instructor ng Zumba.  Sumakay ka lang sa bike mo at pumadyak, nakapag-exercise ka na.  At hindi ka na kailangang makipagsabayan sa mga fashionista na nakasuot ng mga mamahaling sportswear, ng mamahaling sapatos, na mukhang seryoso at hindi ngumingiti, pero halata mo namang nagpapapansin sa loob ng mga mamahaling gym. 

At kung kailangan mong iparada ang bisikleta mo, hindi mo na kailangang magbayad ng parking fee.  Maliit na kadena at lock lang ang katapat ng parking mo.

Syempre, nakakatulong ang pamimiskleta sa kalusugan.  Nakapamasyal ka na, nakapag-exercise ka pa.

Sa bike, walang trapik-trapik.  Minsan, mas mabilis pa talaga ang magbisikleta ngayon kaysa sa sumakay sa totoong sasakyan.  At dahil walang trapik, wala ring stress.  Wala na ring mag-aalok sa iyong bumili ng pranelang pamunas, ng charger ng cellphone, at ng mga plastic na aso na tatango-tango na ikinakabit sa dashboard.

Sa bike, ikaw ang masusunod kung gusto mong tuloy-tuloy o huminto sa page-exercise.  Pwede kang huminto pag lawit na ang dila mo pag paakyat, at pwede ka ring dire-diretso pag palusong (siguraduhin lang na meron kang preno).  Ang mahabang palusong, iyan ang isa sa pinakamasarap na karanasan sa buhay.  Ang sumakay sa bisikleta nang puro palusong.  Ubod ng sarap.  

Nakakatulong ka pa sa kapaligiran.  Environment-friendly.  Dahil hindi ka maglalabas ng usok na galing sa tambutso.  Hindi mo na kailangang gumamit ng sari-saring kemikals, tulad ng gasolina, langis, brake fluid, water coolant, tire black, at kung anu-anong additive sa makina.  Pag ikinumpara mo ang konsumong ginagamit ng kotse sa bisikleta, kitang-kita mo kung gaano kagastos at gaanong karaming synthetic na kemikals ang ginagamit ng kotse.  Huwag mo kakalimutan na itatambak din naman natin lahat ng iyan pabalik sa lupa.  Ang tawag diyan, pollution.

Pag nahumaling ka na sa pamimisikleta, hindi mo na gugustuhin ang sumakay sa stationary bike sa umaga habang nanonood sa TV ng programa ni Kris Aquino.  Dahil sa stationary bike, nababato ka lang dahil wala kang nakikitang magandang tanawin, at walang excitement o challenge dahil wala nang asong manghahabol na iiwasan mo, o traysikel na haharang-harang at lusot dito, lusot doon, liko dito, liko doon. 


Bukod sa pakinabang na kitang-kita sa pagbibisikleta, marami rin akong natutunan tungkol sa buhay dahil sa paminsan-minsang pamimisikleta. 

    Una, napatunayan ko, na sa pamimisikleta, gaya ng sa buhay, kung saan ka man makarating, gaano man kalayo o gaano man kalapit, ang lahat ay nakadepende sa iyo.  Wala kang masisisi kundi ang sarili mo, at ang mahina mong mga binti, at mahina mong baga.  Kung maiwanan ka man ng grupo sa pamimisikleta, iyon ay dahil mahina ka pumadyak, dahil baka panay ang sigarilyo at inom mo.  Sa buhay, gaya ng sa pamimisikleta, kung gusto mong may marating na malayo-malayo, kailangang paghirapan mo.  Sa bisikleta, konti pang praktis, konti pang hirap, para makalayo.  Kung ok lang naman sa iyo na sa kabilang kanto ka lang makarating, maupo ka na lang sa inyo, kumuyakoy maghapon at maglaro ng Candy Crush.

Lesson No. 1:  Ang iyong mararating sa buhay ay depende sa iyo, wala kang ibang pwedeng sisihin kundi ang sarili mo. 


    Pangalawa, natutunan ko sa pamimisikleta na masarap ang palusong, pero bago ka umabot sa palusong ay dapat dumaan ka muna sa paahon.  Alam mo na iyan; mahihirapan ka muna bago masarapan.  Aakyat ka muna bago masarapan.  Sa seesaw, sa padulasan, sa slide sa swimming pool, sa bungee jumping.  Sa lahat ng mga iyan, aakyat ka muna ng mataas, para maranasan mo ang sarap ng kakaibang karanasan.

           Lesson No. 2:  Sa buhay, parang sa pamimiskleta, laging may paahon at may palusong.  May mahirap at may madali.  May hirap at ginhawa.  Hindi pwedeng puro palusong.  Nakakamatay ang magbike nang puro palusong.

           
    Ikatlo, kakaibang karanasan para sa akin ang magbisikleta, ang tumahak sa mundo, at yakapin ka ng bugso ng hangin, sa lahat ng init o lamig nito, nang walang nakaharang na windshield.  Kasama na ang lahat ng alikabok at amoy sa kalye.  Paminsan-minsan, makakaamoy ka ng mga bulaklak, ng amoy ng mga puno at dahon.  Minsan, makakaamoy ka rin ng nilulutong tinapay sa panaderya, ng sinangag at nilulutong tuyo o kung anumang almusal iyon sa madadaanan mo.  Makakaamoy ka rin ng tae ng baboy at manok sa mga farm, at ng nakakasulasok na amoy ng tambakan ng basura.   Minsan naman, mapupuwing ka o makakalunok ka ng kulisap at gamu-gamo.  Lahat iyan, parte ng mundong ginagalawan natin. 

          Sa pamimisikleta, nararamdaman kong buhay ako, dahil nakakakita ako, nakakaamoy ako, nakakarinig ako, nakakaramdam ako.  Ok lang mainitan ng araw, ok lang maalikabukan, ok lang makaamoy ng mabaho sa kalye, ok lang makalunok ng kulisap.  Ok lang lahat iyan, dahil wala namang namamatay doon.  Ok din lang iyon, dahil ang hindi na nakakaramdam ng init o lamig, ang hindi na nakakaamoy ng mabaho sa kalye, ang hindi na nakakakita ng pangit na tanawin, lahat sila ay nakahiga na sa sementeryo, kasama na si Lord. 

          Kung ayaw mo maalikabukan, mainitan, o makaamoy ng mabaho, magkulong ka na lang sa kuwarto, at buksan ang aircon, at panoorin si Vice Ganda sa TV.  Mamili ka kung saan mas masaya. 

           Pasensya na, pero parang gusto ko lang magtunog-makata.

Lesson No. 3:  Bahagi tayo ng mundo, ng buong kalawakan, ng buong creation. Kailangang maranasan mo ang mundo, sa lahat ng mukha nito.  Hindi kailangang magastusan ng malaki para makaranas ng maganda, o makita ang kagandahan ng buhay.  Kailangan mo lang tumingin sa paligid.


       Panghuli, sa buhay at sa pamimisikleta, nagkakamali ka kung iisipin mo na lahat ng makakasalubong mo sa kalye ay disente o matinong tao (o hayop).  Marami na akong nakitang uri ng tao sa kalsada habang nagba-bike; may mapagbigay, may walanghiya, may sumusunod sa tama at katwiran, at may walang pakialam.  Kailangang maging alerto at maingat, dahil hindi mo alam kung kailan may tao, traysikel o aso na tatawid sa dinadaanan mo.  At hindi ka rin sasantuhin ng mga trak o bus na parang hindi ka naman nakikita ng kanilang mga mababait na driver. 
    
           Para ding buhay.  Marami kang makikilala na mararangal at mga makatwiran.  Mga taong magbibigay sa iyo ng inspirasyon para paangatin ang pagkatao mo.  Pero makakatagpo ka rin ng mga walanghiya, mga bastos, at mga halang ang kaluluwa.    Kaya, kailangang maging maingat at maging handa, para pag nakakita ka ng mga ganitong klase ng tao, alam mo kung paano poprotektahan ang sarili mo.

Lesson No. 4:  Sa pangaraw-araw na buhay, gaya ng sa pamimisikleta, maging matapang at mag-ingat.  Hindi mo alam kung anong klase ang mga taong makakasalubong mo.


Syempre, meron din namang kahinaan ang bisikleta, at maraming bagay na hindi pwedeng gawin sa bisikleta. 

Hindi ka pwede pumasok sa NLEX nang nakabisikleta, at hindi ka nila papapasukin doon, kahit ano pang argumento ang sabihin mo. 

Hindi ka pwede mag-ninong sa kasal o sa binyag, gamit ang bisikleta mo, dahil mapapawisan at malulukot ang barong tagalog mo, at mahirap mag-helmet nang hindi pinagpapawisan at nagugulo ang buhok mong naka-gel.  Higit sa lahat, wala kang paglalagyan ng pabilao sa pag-uwi.
 
Kung inaantok ka sa byahe, hindi kagaya ng sa kotse, hindi ka pwedeng tumigil sa gilid ng karsada at mamahinga habang nakaupo sa mahal mong bike, maliban na lang kung isa sa talento mo ang matulog nang nakatayo.  

Limitado ang kargada at gamit na madadala mo sa bike.  Hindi pwedeng gamitin sa pamamalengke ang bisikleta, maliban na lang kung may tray sa harap ang bike mo.  Problema naman iyon dahil pangit ang racer o mountain bike na may tray na lalagyan ng gulay, prutas at sariwang isda sa harap.  Parang hindi bagay.

Pero sa kabila ng lahat ng iyan, maganda pa rin ang bisikleta.  Ito pa rin ang pinakamagandang libangan o paraan ng pangaraw-araw na transportasyon.  May  mga maunlad na bansa na ang ekonomiya ay pinapatakbo ng mga manggagawang nakabisikleta, na ang mga ordinaryong empleyado sa opisina ay pumapasok gamit ang kanilang bisikleta.    Sana nga lang ay dumating ang panahon na ang lahat ng kalye sa Pilipinas ay may nakareserbang daanan ng bisikleta, at hindi tindahan ng dibidi-dibidi at housing ng cellphone.

Isipin ninyo, kung nakabisikleta lang sana tayo lahat, wala nang gitgitan sa kalye, wala nang magmumurahan at wala nang barilan dahil sa road rage.  Hindi na tayo titicketan ng mga taga-MMDA.  Hindi na tayo sasakay sa mga bus na nakamamatay, at tumitigil ng kahalahating araw yata sa mga ilalim/ibabaw ng flyover/underpass.  Hindi na tayo sasakay sa MRT na lagi namang nasisira, at hindi na rin tayo magtitiis sumakay sa mga jeep at makinig sa daldalan at tawanan ng mga DJs sa FM music.   

Kaya, kung ako kayo, kaysa maulol tayo sa tablet, sa computer games, sa tong-its, o sa sabong, magpakahaling na lang tayong lahat sa bisikleta.  Hindi kayo magsisisi.  Sabi nga ng mga artista, pramis.