ISANG BUKAS
NA LIHAM KAY MANNY PACQUIAO
Dear Idol
Manny,
Una sa
lahat, ay nais kong isipin na sana ay hindi pa huli ang lahat para magbago ang
isip mo. Nakita ko kasi sa balita na
tatakbo ka palang senador sa susunod na eleksyon.
Alam ko na
hindi ako nag-iisa kung sasabihin ko na ako ay nalulungkot sa desisyon mo. Ginagalang ko ang pasya mo, dahil kahit naman
sino ay may karapatang maglingkod sa pamahalaan at dahil gusto mong tumulong sa
mga tao, gaya ng lagi mong sinasabi.
Natatakot
lang ako kung ano ang pwedeng mangyari sa iyo pagdating at pagkatapos ng
eleksyon. Walang duda, mananalo ka
naman, sa dami ng fans mo. ‘Yun nga
lang, nalulungkot din ako, dahil hindi lahat ng fans mo, katulad ko, ay
maiboboto ka. Ang totoo, higit sa
pagkatakot, ay nanghihinayang ako sa iyo.
Hindi ko
minamaliit ang katapatan mo. Alam kong
mas tunay ang hangarin mong makatulong kaysa sa mas maraming may mataas na
posisyon sa gobyerno. Hindi ko rin
minamaliit ang kakayanan mong unawain, kung sakaling maging senador ka na, ang
maraming masalimuot na isyu ng pamahalaan, ekonomiya at sangkaterbang problemang
panglipunan. Mas mahirap pa siguro para
sa iyo ang lutasin ang lihim ng pagboboxing ni Juan Manuel Marquez, kaysa
intindihin kung paano ipagtatanggol ang West Philippine Sea sa pangangamkam ng
China.
Nanghihinayang
lang ako, dahil ngayon, kahit pa nga pulitiko at congressman ka na, ay isa ka nang
pambansang yaman, pambansang idolo, pambansang inspirasyon. Idol, kailangang may magsabi sa iyo. Hindi mo kailangan ng pulitika para
makatulong. Ipaubaya mo yan sa mga
ordinaryong kawani ng gobyerno, o sa ordinaryong pulitiko.
Idol, hindi
ka ordinaryo. Mas malaki ka sa
pulitika. Sabi nga sa Ingles, you are
larger than life. At iyon ang papel mo
sa buhay ng mga kababayan natin, ang magbigay ng inspirasyon, ng pag-asang maaari
palang magtagumpay, sa kabila ng kahirapan at sa kabila ng sarili nating
kahinaan at kapintasan. Ang papel mo ay
magbigay ng inspirasyon, hindi ang magpamudmod ng pork barrel ng senador.
Sa panahon
na halos walang matinong buhay na bayaning pwede naming tingalain, ayaw ka
naming makita na isang bayaning kinain ng mundo ng pulitika na punong-puno ng
pagkamakasarili at kakitiran.
Kaya nga, ang
tingin ko, kaya mong pagkaisahin ang lahat ng mga Pinoy e, dahil hindi ka
ordinaryo. Ni presidente nga, hindi kayang
gawin iyon, at ikaw lang ang kayang gumawa noon. Kung buhay pa si Antonio Luna at ang grupo ni
Aguinaldo, tiyak kaya mong pagbatiin e. Hindi mo magagawa iyon pag senador ka
lang.
Pero, pagdating
ng pangangampanya mo para maging senador, bababa ka sa iyong pedestal, at
magiging isa ka na lang ordinaryong pulitiko.
Hindi mo na
pwede sisihin ang mga tao kung pagpaliwanagin ka kung bakit apat na beses ka
lang pumasok sa Kongreso.
Sasabihin mo,
may laban ka at hindi ka dapat maabala sa ensayo ninyo ni Ka Freddie
Roach. Ibig sabihin, sasabihin mo na bigyan
ka ng special treatment, at exemption sa rules.
Hindi maganda iyon, dahil sa lipunan natin, iyan ang isa sa
pinakamalaking gusto nating baguhin, ang pagbibigay ng special treatment sa mga
malalaki, sa mga mayayaman, sa mga makapangyarihan at maimpluwensya. Paano ka ngayon magsusulong ng equal
treatment sa lipunan natin? Patay tayo dyan, idol.
Pag pulitiko
ka na, hindi mo na masisisi ang mga tao kung tanungin ka kung ano ba ang
natapos mo sa eskwelahan. Huwag mong
isipin na pang-iinsulto iyon; nangangampanya ka, at karapatan ng mga tao na
uriratin kung ano ang kahandaan mo para maging senador at mabigyan ng
napakalaking kapangyarihan. Huwag mong
isipin na pinapahiya ka. Kung security
guard nga, hinahanapan ng school records, ikaw pa na gustong maging senador.
Pag pulitiko
ka na, lahat ng yaman mo ay kailangang isiwalat mo sa tao dahil uuriratin ng
buong Pilipinas ang SALN mo. Sino ba ang
mga naging katransaksyon mo sa gobyerno? Baka may kanegosyo ka sa Pagcor, sa
DOTC, o sa Customs o sa BIR. Huwag kang
maiinis dahil nangangampanya ka. Karapatan
ng mga botante na malaman ang buhay mo, at obligasyon mong sabihin iyon sa
kanila. Wag ka magagalit, dahil wala
namang pumilit sa iyo na ilantad mo ang sarili mo at kumandidato ka, maliban
siguro sa mga sipsip at amuyong mo.
Paano mo haharapin
ang isyu ng political dynasty na gustong gustong isulong ng marami, dahil iyan
ang isang ugat ng pagkapaurong natin?
Paano, gayong apat na raw kayong Pacquiao na tatakbo, at sigurado namang
mananalo kayo. Paano ngayon ang anti-dynasty? Wow, idol, kakampi mo na ngayon ang mga
political dynasty at mga warlords sa probinsya.
Patay na naman tayo dyan, idol.
Marami pa
iyan, at natatakot ako, na habang patagal nang patagal ay nababawasan ang
kinang ng aming pambansang kamao.
Ang tingin
ko nga, ang dapat itawag sa iyo, pambansang inspirasyon. Walang taong hindi ka mamahalin dahil sa
kwento ng buhay mo, at maniwala ka, kasama ako doon sa milyon-milyon mong fans,
dahil sa buhay mo, pinatunayan mo ang kahalagahan ng determinasyon at
pagtityaga. At iyon ang aral sa amin
mula sa kwento ng buhay mo.
Pero pag
naging pulitiko ka na, mababawasan iyon, kung hindi man tuluyang mawala. Isa ka na kasing ordinaryong pulitiko. May partido, may kakampi. Ibig sabihin, pag may kapartido ka, may
kalaban ka na rin.
Isipin mo,
kung hindi ka pulitiko, sino ang makakatanggi sa iyo kung hingian mo ang mga
sponsors mo at mga malalaking kumpanya ng donasyon, para masiguro na ang lahat
ng mga bata ay may maiinom na malinis na tubig?
Dahil pambansang inspirasyon ka, walang makakatanggi sa iyo, at lahat ng
mga bata, tiyak makakainom ng malinis na tubig.
Mababawasan ang mga sakit ng mga bata na nanggagaling sa maruming tubig. Hindi mo magagawa ‘yon pag ordinaryong
senador ka lang. Isa sa 24 na
senador.
Kung
mananatili ka lang pambasang inspirasyon, kapag sinabi mong bawal ang child
labor, baka magkatotoo, kahit mahirap.
Di ba dumaan ka dyan?
Napakarami
ang isyu na pwede mong ipaglaban, at magagawa mo iyon kahit hindi ka senador,
at magagawa mo iyon dahil hindi ka senador.
Idol, kung
may panahon pang magbago ang isip mo, baka pwede huwag ka na tumakbo. Kung talagang desidido ka naman, pag nanalo
ka naman, bawas bawasan mo ang absent.
Love,
Prop
ako kapag nanalo sa election matatakot ako kasi di ko alam gagawin ko, magagalit sa akin mga taong bumoto sa akin.
ReplyDelete