ANG
BUHAY NG MAPAPEL
Lahat
tayo ay mapapel, dahil ang ating buhay ay umiikot sa sangkatutak na papel.
Hindi
ka tao pag hindi ka mapapel. Pag
pinanganak ka, iisyuhan ka ng isang papel.
Pag kinasal ka, papel na naman.
Pag namatay ka, papel uli. Hindi ka
magiging tao kung wala kang papel, hindi ka rin mamamatay kung wala kang papel.
Para
matanggap ka sa trabaho, kailangan mo magpakita ng isang maganda at malaking
papel, galing ng eskwelahan. O kaya
papel galing Recto. Para makapag-ibang
bansa, kailangan mo ng papel. Lahat ng
ginagawa natin sa araw-araw, puro de papel.
Ang
ating gobyerno ay punong-puno ng mga mapapel, mula taas hanggang baba. Para manalo ka sa eleksyon, kailangang mapapel
ka, dahil ang mga mapapapel ang napapansin, ang nakikilala. Ang hindi mapapel, ang mga mahiyain, hindi
nakikilala, at hindi nananalo. Pag
botohan, isinusulat natin ang pangalan ng mga mapapel sa isang pirasong papel,
madalas kapalit ang ilang pirasong papel.
Nagagalit
tayo sa mga mapapel, pero ang atin namang mga tinitingala sa lipunan, lahat
mapapel. Pinapagaya natin sa ating mga
anak, para pagdating ng panahon, marating din nila ang naabot ng mga mapapel.
Ang
mga mag-asawa, kahit nagbabatuhan ng plato at baso, ay hindi raw dapat
maghiwalay dahil sa isang pirasong papel.
At
higit sa lahat, lahat tayo ay nagpapakamatay sa isang parihabang papel. Marami nang nasira ang buhay, nagkapatayan,
nasira ang ulo, tumulo ang laway, dahil sa pagsamba sa isang pirasong papel. Papel makes the world go round.
Sa
bawat panahon, sa bawat lugar, may kanya-kanya daw tayong papel. ’Yung iba, nauubos ang buhay, kahahanap sa
kanilang papel sa buhay.
Tatae
ka na lang, o sisinga, kailangan pa ng papel.
Kaya
huwag kang magagalit sa mapapel, dahil ang ating buhay ay umiikot sa sangkaterbang
papel.
Love the word play on this one. :) Reminds me of my CW10 class back in college. Haha!
ReplyDelete