ULAN
Kaninang umaga, hindi
pa gaanong nagtatagal matapos kong magising, bumuhos ang ubod ng lakas na
ulan. Hindi ko alam kung anong espirito
ang sumanib sa akin, at bigla kong napagdesisyunan kanina na kailangan kong maligo
sa ulan. Nang sabihin ko sa anak ko na
ako ay maliligo sa ulan, tiningan niya ako ng tingin na noon ko lang
nakita. Hindi siya nagsalita. Siguro ang sabi niya, ang mga sira ulo ay hindi
kinakausap.
Hindi
ko gusto magtanggal ng bungang-araw. Ang
sabi kasi ng mga matatanda, ang unang ulan daw sa tag-araw ang nakakatanggal ng
bungang-araw. Pero hindi na tag-araw
ngayon, matagal nang tag-ulan.
Malamig ang tubig, at
medyo nanginig pa ako nang sumabak sa ulan kanina. Hindi ko na mabilang ang taon nang huli akong
maligo sa ulan, pero ito ang unang beses na ako ay naligo sa ulan sa alas otso
ng umaga. Marami naman kaming naligo;
ako, at ang aking punong sampalok, abokado, kalyos, banaba at lahat ng mga
halaman ko sa maliit na bakuran.
Feeling ko naman ay
nagshoo-shooting ako ng komersyal ng iced tea o sabon. Nakatingala pa ako, habang sinasalubong ng
mukha ko ang mga malalaki at nakakakiliting patak. Masarap.
Feeling one with nature. Hindi
naman ang tubig mismo ang masarap; may tubig naman sa gripo. Ang masarap siguro ay nagawa ko ang
matagal-tagal ko nang hindi nagagawa. Kailangan siguro natin iyon paminsan-minsan. Ang kumawala sa kanya-kanya at pangaraw-araw na kahon. Sigurado ako, bihira ka
nang makakakita nang kasing-gurang ko na naliligo pa sa ulan.
Para makumpleto ang
drama ko, nagtanggal ako ng tsinelas, at tumapak ako sa lupa at mga damo na
nag-iipon na ng tubig. Malamig, pero
masarap pa rin. At kung hindi ako
makikita ng mga dadaan sa kalye at kapitbahay, ay baka nagtanggal ako ng lahat
pati puruntong at bacon brief ko. Isip
ko lang: Minsan ka lang naman masiraan ng ulo; eh, di lubusin mo na. Alam mo na ito. Parang bungee-jumping (kahit di ko pa
nasusubukan iyon). Paminsan-minsang
subok at pakikipaglandian sa kalayaan, kahit gaano kasandali.
Ang drama ng isip ko kanina
ay ganito: Mahirap pala ang nababasa sa
ulan sa tuwinang umuulan. Ganito kaya
ang pakiramdam ng mga walang bahay, o yung may mga tinatawag na bahay, pero
hindi naman talaga matatawag na bahay.
Mahirap pala talaga ang walang masilungan tuwing umuulan. Parang walang kalaban-laban. Mahirap din pala, ‘ka ko, ang mag-sundalo, hindi
‘yung nasa opisina, kundi ‘yung mga inaabot ng araw at gabi, ulanin at arawin, sa
gubat o sa parang.
Nalaman ko rin:
mahirap pala ang maligo ng walang sabon at shampoo. Parang may langis ang buong katawan mo. Ang laki ng problema ko: parang mas
importante pa ang sabon at shampoo kaysa ulan.
At ngayon, ngayon
lang, ngayon ko lang nalaman. Wala na pala
akong naitatagong Biogesic.
No comments:
Post a Comment