Saturday, March 28, 2015

AM

AM

Magmula pa noong ako ay tumungtong sa kolehiyo, nahilig na ako makinig sa AM radio.  Noong una, ay para malaman ko lang kung may pasok, pag umulan nang malakas o may bagyo, o pag may panibagong kudeta, o strike ng jeep.  Kalaunan, naadik na ako sa radyo sa umaga, na dapat ay kasabay ng aking kape, at naging source ko na ng balita lalo na pag walang mabiling dyaryo.  Mura na, available pa kahit anong oras.  Pwede ka makakuha ng balita o analysis ng mga eksperto tungkol sa ekonomiya, o tsismis tungkol sa mga pulitiko, kahit naliligo ka, tumatae, o nagmamaneho, na hindi mo pwedeng gawin sa dyaryo.  Hindi ka pwede magbasa ng dyaryo habang naliligo ka o pag nagmamaneho.  

Kalaunan, pati sa hapon at pag may pagkakataon, nakikinig na rin ako ng AM.  Pagsakay ko ng sasakyan, naka-AM na ako agad, at bukod sa balita ay nakikinig ako kung saan ang trapik na dapat iwasan, na karaniwan ay kasabay ng mga balita tungkol sa hinoholdap na bangko, taong nasagasaan ng bus, o mga lalaking umaakyat sa billboard na may malaking litrato ng artista na naka-brief, dahil daw hindi na niya makayanan ang iniwan siya ng kanyang asawa, at hindi daw bale sana kung isinama ng misis niya ang tatlo nilang anak na ang ku-cute pero gutom na gutom, pero hindi, iniwan sa kanya yung tatlo at sumama na lang basta sa ibang lalaki na mas bata, at umakyat lang naman siya sa tuktok ng billboard dahil may mga humahabol sa kanya, at hindi naman totoo na nagda-drugs siya, dati lang daw gumagamit siya, pero ngayon hindi na, at ngayon ay gusto niyang makausap si Ted Failon, at kung hindi ay tatalon na talaga siya, paalam malupit na mundo.  Ang saya-saya sa Pilipinas talaga.  Teka, hindi naman iyan ang gusto ko isulat,e.  AM ang topic ko, e.

Para bang senyales ng aking pagtanda, unti-unti ay lumayo na rin ako ng lumayo sa FM radio, dahil bihira nang patugtugin sina Eric Clapton at Carlos Santana sa FM, at puro na lang mga cute na boy bands o si Justine Bieber ang naririnig ko.  Ayoko na rin sa FM, dahil nabubuwisit lang ako sa mga DJ na tawa nang tawa nang hindi ko alam ang dahilan kung bakit, o kaya ay Ingles nang Ingles na may slang, at nagpupumilit na maging tunog-Stateside o tunog-marunong, kahit wala namang laman ang sinasabi.  Para bang gusto nilang sabihin na, “Hindi baleng walang laman, basta may slang”.  Pakyuol.
 
At kalaunan uli, unti-unti ko nang napansin kung sino ang maayos at credible na pakinggan sa AM radio, kung sinong commentators ang propesyonal, kung sino ang nababayaran, kung sino ang matapang, kung sino ang nagtatapang-tapangan, kung sino ang tanga, kung sino ang nagtatanga-tangahan.  Hindi ko alam kung sino ang mas nakakaasar, ang nagdudunong-dunungan o ang nagtatanga-tangahan.  Parang pareho lang.

Nahahalata ko  kung sino ang nag-aaral at naghahanda sa kanyang program, at kung sino ang nambobola.  Napansin ko rin na kung sino pa ang mas engot at mababaw na commentator sa radio, ay iyon pa ang mas malakas mambatikos sa gobyerno.  Mas madali kasing ngumakngak, tumira at mambatikos, kaysa sa mag-aral at ilahad ang mga tunay na isyu sa pamahalaan at lipunan.  

Napansin ko rin na maraming mga reporters at newscasters, at siguro ay dahil sa mga newswriters na rin, ang paulit-ulit na nagsasalita ng mga maling salita sa ere.  Dahil sa dalas ng kanilang mga pagkakamali sa mga salitang kanilang ginagamit, ang mali ay nagiging pangkaraniwan, at ang pangkaraniwan ay naging katanggap-tanggap, at ang katanggap-tanggap ay naging tama na.  Iyon ang ruta kung paano ang mali ay nagiging tama, kahit man lang sa lenggwahe ng mundo ng AM radio.

Ang AM radio ay umaabot sa halos lahat ng sulok ng Piipinas, at pinapakinggan ng lahat ng uri ng tao.  Sa aking isang nabasa, ang AM radio daw ay umaabot at napapakinggan ng 85% ng mga Pilipino (o 85 milyong Pinoy), at meron nang 330 AM radio stations sa buong bansa, samantalang ang pinagsama-samang mambabasa ng mga dyaryo tulad ng Inquirer, Bulletin at Philippine Star ay 1.5 milyon lamang pinagsama-samang mambababasa, o wala pang 2 % ng mga Pinoy.  (Mahigit one-fourth pa siguro doon ang nagbabasa lang ng bagong tabas ng palda sa fashion page).  Kaya nga napakalaking responsibilidad ng mga taga-radyo na magsalita ng tama sa kanilang programa.  (Hind ko pa binabanggit dyan ang mismong sustansya o laman ng kanilang balita o komentaryo).  Ang mga security guard, mga tsuper ng lahat ng uri ng sasakyan, mga tindera sa palengke, mga matatanda sa bahay, mga mananahi, mga estudyanteng wala nang inintay kundi ang announcement ng walang pasok, at lahat ng pasahero sa UV Express na naiipit sa trapik, lahat sila ay nakikinig ng regular sa AM radio, kaya anumang mali na paulit-ulit na sinasabi sa radyo, ay siguradong nakakasanayan na rin at tinatanggap na ng mga nakikinig bilang tama. 

Alam ko, alam nyo rin ang tinutukoy ko.  Pero bakit ang mga reporters at commentators, parang hindi alam ito?   Ayokong mag-astang Pilipino teacher, dahil sa totoo lang, hindi mo naman kailangang maging Pilipino teacher o puristang Pilipino para mapansin na mali ang kanilang mga sinasabi. Hindi lang ito nangyayari sa radio, talamak din yan sa TV news programs.

Ilan lamang sa mga pagkakamaling siguradong ikinagagalit ni Balagtas ay mga ito:

“Maliban sa” – Lagi ko itong naririnig.  Ang sinasabi nila ay “maliban sa”, pero ang ibig nila sabihin ay “bukod sa”.  Ang “maliban sa” ay “except“, at ang “bukod sa” ay “aside from”.  Halimbawa, sinabi ng broadcaster, “Maliban kay Pinoy, ang mga um-attend ng tong-its sa Malacanang ay sina Purisima, Alcala at Boy Abunda”.  Mali.  Ang tamang salita ay “Bukod kay Pinoy, ang umattend ng tong-its sa Malacanang ay sina Purisima, Alcala at Boy Abunda, and they lived happily ever after…”.

“Ibinasura” – Pag may nabalitang mosyon o petisyon sa korte na na-deny, laging sinasabi ng mga taga-radyo, ibinasura.  Ano yon, itinapon sa waste can?  Binasa ni judge, naasar, pagkatapos nilamukos, at tinapon sa basurahan?  Bakit hindi ninyo na lang sabihin na hindi pinagbigyan o tinanggihan, dahil walang merito o katwiran.  Denied or rejected for lack of merit.  Mas accurate kasi iyon.  Hindi kasi natututo ang mga tao, pag naririnig nila sa radio na ang isang petition ay ibinasura.  Dapat malaman ng mga tao na ang mga kaso sa korte at mga ahensya ng gobyerno ay tinatanggap, tinatatakan ng “Received”, inuupuan, kunwari ay binabasa, kunwari ay pinag-aaralan, uupuan uli, at pagkatapos ay dinedesisyunan ng granted o denied, at nakasulat ang dahilan.  Hindi lang basta ibinabasura.

Mali kasi ang pagiging sensational o graphic, kung ang tatamaan naman ay accuracy. 

Otoridad – (Karaniwang nakalagay sa headlines o summary ng mga balitang nakalagay sa baba ng TV ninyo na gumagalaw – Example ng news item na ito:  “Otoridad, nababahala sa pagdami ng mga tanga sa Senado”).   Ano ba yung otoridad?  Mga manager sa tindahan ng kotse? Walang salitang otoridad; autoridad, pwede pa, kahit na nga mukha pang pilit na pilit.  Spelling lang, mali pa.  Bakit di nyo na lang sabihing “gobyerno”?  

Sinsero – Wala ring salitang sinsero.  Matapat meron. Totoo. Taos-puso. 

Basiko – Bakit di nyo na lang sabihing pundamental; mas maiintidihan ka at hindi masakit sa tenga.  Basiko?  Iyan ba ‘yung butong nag-uugnay sa mga braso?  Basiko.  Basiko nyo mukha nyo.

Hindi ako naggagaling-galingan.  Pero, ang mga salita at paraan na ginagamit sa pagbibigay ng balita ngayon ay ridikuloso at absurdo.  Sa mga nagdadala ng balita sa radio, bago kayo magbuhat ng sarili ninyong bangko, at ipagyabang ninyo na kayo ay in the service of the Filipino people, o ang dala ninyo ay serbisyong totoo, ang dapat ninyong unahin ay kumuha ng maayos na teacher sa Pilipino at itama ang mga salitang ginagamit ninyo.  

Ang mga sinserong kagawad ng mga otoridad sa MMDA ay naghain ng petisyon para makapagbigay ng basikong serbisyo, maliban sa koleksyon ng basura, pero ito ay ibinasura.


Sige nga, kapamilya at kapuso, sabihin ninyo kung tama iyan.

Sunday, March 22, 2015

HIGH SCHOOL




HIGH SCHOOL

Eksaktong tatlumpung taon na ang nakakaraan sa araw na ito, nagtapos ako sa high school.  Hindi ko namalayan, tatlumpung taon na pala iyon.  Gasgas na gasgas na ito, na parang halos wala nang katuturan sabihin, pero talagang hindi ko pa rin maiwasan na sabihin:  napakabilis ng panahon.

Hindi ko na makilala yung panahon na iyon sa ngayon.  Ibang-iba ang panahon na iyon.  Halimbawa lang, wala pang cellphone noon.  Kaya, kung ano ang pinag-usapang oras at lugar ng pagkikita, iyon na ‘yon, at hindi na pwedeng baguhin.  Walang text-text para masabi ang binagong mga plano.  Noong araw, ang tablet ay iyong binibigay sa clinic pag naghihilo-hilohan ka dahil hindi ka nakagawa ng assignment.  Ngayon, ang tablet ay gadget na madalas nilalaro ng mga bata.  At ang ligawan ninyo noon, dinadaan pa sa pasulat-kamay na love letter sa may kulay na stationery (minsan may amoy pang pabango), na itinupi nang tatlong fold (para i-love-u), dahil wala pa ngang text at hindi pa nauuso ang e-mail.

Matagal na nga ang panahon na iyon.

Pero bakit ba hindi mo makalimutan ang pinagdaanang buhay- high school?  Hindi ako naniniwalang mas masaya daw ang high school, dahil marami rin namang masaya at hindi makakalimutang mga bagay na dumaan sa buhay bago at pagkatapos ng sinasabing mataas na paaralan.  Pero alam mo rin na ang high school ay kakaiba, at laging may espesyal na lugar ang high school sa pagkatao mo.  Bakit kaya?

Siguro, dahil sa dinami-dami ng mga naging kaklase mo noong college, hindi mo na sila matandaan kung sino sila; mga apat o lima na lang siguro ang natatandaan mo, na alam mo pa kung nasaan at nakakausap mo paminsan-minsan.  Pero halos lahat ng mga kaklase mo noong high school, noong panahong ikaw ay nagbibinata, kabisado mo pa rin ang kanilang mga pangalan.  Malinaw pa rin sa isip mo ang tabas ng kanilang pantalon, at kung paano sila maglakad.  Kung ano ang kinakain ninyo pag break time, na ang tawag noon ay “recess”, sa loob ng apat na taon.  Pati kung sinong teacher ang nakagalit nino, at kung sino ang sumuka sa sobrang pagkalasing noong JS prom, o kung sino ang nasilipan ng panty habang umaakyat sa hagdan.  Sa mga lalaki, hindi pwede makalimutan ang mga maiitim na lihim na ginawa ninyo noong high school, mga kuwentong hinding-hindi ninyo gugustuhing malaman ng mga nanay ninyo.  Ang mga kuwentong iyan, hindi mo pa rin nakakalimutan, at kahit paulit-ulit ninyong pagkuwentuhan, tawa pa rin kayo ng tawa.

Dahil siguro, sa high school, nagkaroon ka ng mga kaibigan sa panahong sabay-sabay na nabubuo pa lang ang mga isip ninyo.  Nangangapa sa buhay.  Kung titingnan mo ngayon at babalikan mo, iyon ang panahon na hindi ka naman sigurado kung tama ang ginagawa mo, pero ang alam mo lang, mas madali-daling mangapa sa dilim kung may kasama kang maglalakad. 

Dahil siguro, noong nasa high school ka nang nagsimula kang mag-eskperimento sa buhay, sa mga bagay-bagay,  sa mga paniniwala mo, at sa sarili mong katawan.  Natatandaan mo pa kung sino-sino ang mga kasama mo, habang dahan-dahan mong binubuo sa isip mo kung ano ang gusto mong maging, kung sino sa inyong pamilya at sa mga idol mo ang gusto mong sundan, at kung sino ang ayaw mong tularan.  

Napansin mo na rin, na kahit anong ipit ang gawin mo, ay may lumalaki sa pagitan ng hita mo, kapag may dinadala sa skul na bold na magasin yung mga bastos mong kaklase (na ang ibig sabihin ay lahat ng mga lalaki).  Bomba pa ang tawag doon, hindi bold magasin.  Napansin mo din na sa panahon na iyan, kumakapal ang buhok mo sa kili-kili, na nagsisimulang magkaroon ng kakaibang amoy, at nagsisimula ka nang magkabalahibo sa dibdib, sa pagitan ng ilong at nguso, at syempre, sa tinatakpan ng brief mong manipis na at maluwag na ang garter.    

Sinimulan mong subukin ang mga bagay na pinagbabawal ni Sister at ng nanay mo.  Minsan lang naman e, sabi mo pa sa sarili mo.  Ginagaya mo lahat ng ginagawa ng mga machong barkada ng tatay mo, kaya kahit ubod ng pait, pinipilit mong sabihin na masarap ang beer, na kalaunan ay iyong natuklasan na, aba, masarap nga pala.  Matamis pa nga ‘kamo.  Sinubukan mong magsigarilyo, at nagpapanggap ka na hindi ka nahihilo sa bawat usok na hinihitit mo, at ayaw mong ipakita sa mga kabarakda mo na ayaw mo rin at hindi mo kaya ang lasa ng sigarilyo, dahil napaniwala ka na rin na wala namang lalaking astig na nahihilo sa yosi.  Hanggang isang araw, hinahanap mo na ang yosing dating nagpapahilo sa ‘yo.  Masarap din pala.  Ok lang yon, pangangatwiran mo pa, malapit naman na akong tawaging “adult”.

Natatandaan mo pa ang mga tugtog na uso noong panahon ng iyong high school.  Spandau Ballet, Duran Duran, China Crisis.  Pero mas natatandaan mo ang mga tugtog na tinatawag ninyong sweet dahil pinagpaplanuhan mo ‘yung crush mo na isasayaw mo sa JS prom.  Mas madilim, mas maganda.

Ngayon, pag nakikita mo iyong mga litrato ninyong kuha noon, natatawa ka, at sasabihin mong napakababaduy pala ninyong mga bata.  At maliban sa isa o dalawang likas na malaki, kitang-kita sa mga class picture ninyo na patpatin kayong lahat, at para kayong mga malnourished at laging kulang sa vitamins.

Siguro, kaya hindi mo makalimutan ang high school, dahil noong patapos na ang high school, napipilitan kang gumawa ng mga desisyon kung saan ka pupunta at ano ang gagawin mo sa buhay mo.  Naaasar ka pa at medyo nag-aalala, dahil ayaw mo munang dumami ang responsibilidad mo, at gusto mo pang i-postpone ang pag-alis sa lugar na ginawa mong playground sa loob ng apat na taon, pero naaasar ka rin dahil alam mong hindi ka na bata, at hindi ka na pwedeng maglaro ng maglaro na lang na gaya ng dati.

Marami na ang nangyari mula noong  high school.  Marami ka nang ibang nakilala, mga naging bagong kaibigan, mga nakamit na tagumpay, at pinagdaanang mga pagkatalo sa buhay na nagpalakas sa iyo at nagdala sa iyo kung nasaan ka ngayon.  Sa marami, ang kanilang naging kapalarang permanent roommate ay ni hindi pa nila nakikilala noong sila ay nasa high school pa, at saka na lang nila nakilala.  Pero, paminsan-minsan ay nami-miss mo rin talaga ang mga kaklase mo noong high school, dahil siguro naiisip mo ang isang panahong wala ka pang gaanong inaasikaso at iniintindi, at pwede ka pang matulog hanggang gusto mo, hindi katulad ngayon na napakadaming nakaasa sa iyo na kung wala pa man sa high school ay tapos na rin sa sarili nilang high school, at napakadami mong dapat gawin para makasabay sa mundo ng mga matatanda kahit na ayaw mo, dahil kailangan ka nang sumabay doon sa mga bagay na ang tawag nila noong grumaduate tayo ng high school, ay “real world”.  Maitanong ko nga: hindi ba totoo yung buhay natin noong tayo ay mga bata?

Bakit ang bata, gustong laging mag-astang matanda, at ang matanda naman, gustong bumalik sa pagiging ng bata? Ang gulo-gulo natin.


Masarap alalahanin at balikan ang buhay high school.  Pero sabi nga, finished or not finished, pass your papers.  Tuloy-tuloy lang ang buhay.  Tuloy-tuloy lang ang adventure.  Asikasuhin mo na lang yung mga anak mong high school.  Mag-reunion na lang tayo.

Wednesday, March 18, 2015

KINDERGARTEN


          
KINDERGARTEN

            Ang ating lipunan ay parang isang klase ng kindergarten, o isang classroom sa day-care center.  Mahirap pasunurin.  Kanya-kanya.  Maingay.  Nagkakasabay-sabay lang pag kakanta ng bayang magiliw at sasayaw ng Gangnam.  At para tumahimik, kailangan pang si Ma’am ay magsalita ng malakas at manakot habang may dalang malaking patpat.  Kailangan pang takutin, dahil kapag hindi tinakot, hindi susunod.  Pag natakot, tahimik na, pero maya-maya, maingay na naman.    

At kaya sila nandodoon sa klase, ay hindi dahil sa ginusto nilang mapabilang sa isang klase.  Kaya sila nandoon sa kinder o sa day-care center ay dahil, sa ayaw at sa gusto nila (mas madalas sa ayaw nila), nilagay sila doon ng kanilang mga magulang.  Saka na lang nila malalaman na mabuti pala sa kanila ang ipasok sa skul.

Kinder.  Dahil sa kinder, mahirap ipatupad ang simpleng mga rules.  Mayroon nang kain nang kain kahit hindi pa recess.  Mayroon nang gustong umuwi kahit hindi pa oras ng uwian, at kahit wala pa si kuyang sundo.  At mayroon pang natutulog kahit ang lahat ay sumasayaw.

Kinder.  Dahil sa kinder, walang demokrasya, ang sistema ng lipunan at gobyerno na ang ibig sabihin ay taasan ng kamay.  Sa kinder, hindi pwede ang taasan ng kamay.  Dahil hindi pwede ang demokrasya sa mga bata o sa mga taong hindi pa kayang mag-isip ng tama.  Kaya walang demorasya sa kindergarten class. 

Hindi puwedeng ipatupad ang taasan ng kamay sa kinder, dahil hindi natin maaasahan na kayang isipin ng mga bata kung ano ang mabuti para sa kanila.  Pag malalaki na sila at natuto na silang magbasa, magbilang at mag-isip, saka natin sila hinahayaang magdesisyon para sa sarili nila.  Maghihintay pa  muna tayo ng matagal-tagal, hanggang sa umabot sila ng labing walong taong gulang.  Pag labing walong taon na sila, ipinagpapalagay natin na kaya na nilang magdesisyon ng tama, at kaya na nilang mag-isip para sa sarili nila. 

Iyon ang dahilan, kung bakit pag 17 ka pa lang, hindi ka pa pwedeng bumoto, dahil wala ka pang isip.  Meron ka nang isip, pero kulang. 

Pag 17 ka pa lang, hindi ka pa pwede pwede mag-asawa, dahil wala ka pang isip.  Meron ka nang isip, pero kulang. 

Pag 17 ka pa lang, hindi ka pa pwede umutang at pumirma ng kontrata sa bangko, dahil wala ka pang isip.  Meron ka nang isip, pero kulang.

Iyan din ang dahilan kung bakit sa EDSA, kinakailangan pang maglagay ng ubod ng laking karatula, na sinasabihan ka na “Bawal tumawid dito.  Nakamamatay”, dahil wala ka pang isip.  Meron ka nang isip, pero kulang.

Kinder, dahil kailangan pa tayong sabihan at takutin para gawin ang pinakasimpleng mga bagay.  Huwag tumawid.  Nakamamatay.  Kailangan pang ituring tayong mga taong walang isip.

Marami pa iyan.  No counter-flow.  Huwag magtapon ng basura.  Don’t step on the grass.  Please flush after using.   

Pag sinabi sa imbitasyon sa kasal na pormal ang isuot at dapat ay naka-long sleeves man lang, lagpas sa kalahati ay naka t-shirt.  ‘Yung iba, may tatak pa ng mukha ni Che Guevarra, kahit hindi nila kilala kung sino ‘yung mamang balbasarado na nakasuot ng beret.  At pag nakiusap ang emcee na, please, manood muna kayo ng video ng ligawan ng bagong kasal, may mga makulit na nakapila na at pilit na binubuksan ang mga food warmer.

Tingnan ninyo na.  Nasa kinder pa lang ang Pinas.  Yung ibang bansa, matagal nang tapos sa masteral nila.  Tayo, kinder pa rin.


Madalas ko isipin, paano tayo magkakaroon ng isang national identity, o tunay na pambansang pagkakaisa, paano mo mapagkakatiwalaang bumoto ng tama ang mga tao, o papaano magiging isang mabuting mamamayan na lang, ang isang tao o lipunan na kailangan pang sabihan na huwag tatawid kung saan-saan sa EDSA, dahil nakakamatay. 

Alam ko, maraming magagalit sa akin dito, dahil sasabihin nila, minamata at minemenos ko na naman ang mga Pinoy, lalo na ang masa, at pang-elitista na naman ang pananaw ko.  Hindi ako elitista.  Hulugan din ang kotse ko, at by installment din ang tuition ng mga anak ko.  At hindi rin ako nagiging elitista dahil lang doon sa sinabi ko, dahil naniniwala ako, na ang mga Pinoy na tawid ng tawid at nakikipagpatintero sa mga bus sa EDSA at sa Commonwealth Avenue, sa halip na gumamit ng pedestrian overpass (dahil maluwag pa naman at hindi pa naman puno ng mga nagtitinda), ay hindi lang galing sa mga mahihirap at masa, kundi nanggagaling sa lahat ng economic brackets ng lipunan natin. 

Gusto ko lang itanong kasi kung bakit wala pa yatang national leader sa Pinas ang nagsabing may malaki ding kasalanan ang mga Pinoy kung bakit tayo nagkaganito.  Dahil natatakot sila na matalo sa eleksyon.  Dahil ang mga tao sa Pilipinas, parang kinder talaga, laging inuunawa, hindi pwedeng pagalitan.  “Bata ‘yan e, bakit papagalitan mo?  Hindi nga nakakaintindi ‘yan, e”

Dahil pag nagsabi ng totoo ang pulitiko na may pagkukulang din ang mga tao, e baka mabansagan siyang hindi maka-mahirap, at hindi na siya iboboto ng mga mahal niyang constituents na napakamatampuhin at sensitive pa naman pag eleksyon.  Kaya sinisisi natin lahat, ang Amerika, ang IMF-World Bank, ang produkto ng China, ang globalization, pati ang hindi pagsunod sa Feng Shui, at pati ang sabwatan ng mga bituin at mga palad natin, pero hindi natin mabigyan ng sisi ang ating mga sarili.

Malamang sasabihin ninyo, mayroon namang natural na karunungan ang mga tao.  At sasabihin ninyo na nagkataon na sa isang demokrasya, ang boses ng mas marami ang tama.  Nagkataon din na hindi ako naniniwala diyan. 

Para sa akin, ang pasya ng nakakarami, ang majority rule, iyon lang ang dapat manalo at masunod, pero hindi iyon ang laging tama.  Si George W. Bush, si Lito Lapid, at si Nancy Binay ay ilan lang sa matingkad na patunay na hindi lahat ng desisyon ng nakakaraming nagtaas ng kamay ay tama.  Huwag ninyo ring kalimutan na si Hitler ay popular na popular sa mga Germans sa kanyang panahon.  Tingnan ninyo ang nangyayari kapag taas tayo ng taas ng kamay nang hindi tayo nag-iisip.

Pero wala tayong magagawa, dahil taasan ng kamay ang ating sistema, at dahil wala pang naimbento ang tao na sistemang pwedeng ipalit sa taasan ng kamay.  Wala tayong magagawa, dahil sa demokrasya, the people are always right.  Sa kasaysayan, mas kakaunti ang panganib na dala ng diktadurya ng mayorya, kaysa sa diktadurya ng iilan.  Para bang ganito: hindi bale nang magdusa ang kakaunti dahil sa katangahan ng marami, kaysa naman sa magdusa ang marami dahil sa katangahan at pang-aabuso ng kakaunti.  

Mahaba-habang usapan din ‘yan.  Pero talagang simple lang ang aking nais sabihin, at hindi ito kayang ipagkaila ng lahat.  Ang lipunan natin ay makikilala sa isang karatula:  Bawal tumawid, nakamamatay.

Hindi lang iyan.  Sa tabi ng maraming ilog, kailangan pang may nakalagay, “Bawal magtapon ng basura dito.  By order.”  Itatanong ko lang: Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? 

Bakit kung saan may nakalagay na “Sa mga aso, bawal umihi dito”, laging mapanghe.  Dalawa lang ang naiisip kong dahilan:  Hindi marunong makahalata ang mga Pilipino, o hindi marunong magbasa ang mga aso. 

Sa isang gate ng bilangguan, nakito ko ito.  “Visiting hours:  2pm – 4pm.  Bawal ipasok: mga matutulis bagay, alak, mga pinagbabawal na gamot”.  Gusto ko sana itanong sa warden: “Boss, sa labas lang pwede ang shabu? Maglagay kaya kayo ng baggage counter dito?”
 
Hindi ko sinasabing dapat magkaroon tayo ng diktador para magkaisa at umunlad.  Ang sinasabi ko lang, kailangan nating lahat malaman kung bakit ba iisang bansa lang tayo, at kung bakit iisa lang na gobyerno ang meron tayo, kung bakit iisa lang ang nagbibigay sa atin ng Passport, at kung bakit meron tayong obligasyon sa bayan natin bukod sa tumayo ng tuwid at kumanta ng Lupang Hinirang pag last full show sa sinehan.

Kung hindi natin naiintindihan iyong mga obligasyon na iyon, kung hindi tayo naniniwala na may mabuting dahilan ang sumailalim tayo sa gobyerno natin, at kung lahat ng pinakamaliit na dapat nating gawin ay dapat pang ipaalala ng mga naglalakihang karatula, hindi talaga titino ang bansa natin, kahit sino pang magaling na lalaki (o babae, o bakla) ang maging presidente natin. 

Hanggang hindi tumatanda ang mga kinder, hanggang hindi sila nagkakaroon ng sariling isip na maintindihan kung bakit importanteng mag-aral, hanggang hindi natin naiintindihan kung bakit dapat walang noisy kahit wala si Ma’am, at hanggang kailangan pa natin si Ma’am na may dalang malaking patpat para matutunang sumayaw at kumanta nang sabay-sabay, hindi rin magiging maayos ang classroom. 

Friday, March 13, 2015

ANG MGA ARAL NI TANDANG GUSTING, PART 2


ANG MGA ARAL NI TANDANG GUSTING, PART 2

Ito ang pagpapatuloy ng mga aral ng aking Lolo Gusting, na kung tawagin ay si Tandang Gusting. 
(Kung hindi ninyo pa alam ito o kung ngayon ninyo lang ito nabasa, pakitingnan ang aking naunang blog na “Ang Mga Aral ni Tandang Gusting” noong March 3, 2015).  

           
6.       Matutong mag-thank you.

Pag nakatanggap ng isang pabor, o may nagawa ang isang kapwa na anumang bagay o serbisyo para sa inyo, magpasalamat.

Sa isang mundong mukhang abalang-abala (busy-busyhan), mukhang napakahirap nang kilalanin ang maliliit na nagagawa sa atin ng mga taong nakapaligid sa atin sa araw-araw.   Pero kahit gaano man tayo kabusy, o kahit na gaano tayo kalaki, kailangan pa rin nating magsabi ng “Thank You” o “Salamat”.

Magsabi ng “Salamat” sa lahat, lalo na iyong maliliit at simpleng tao.  Magsabi ng thank you sa guard ng bangko na nagbukas sa inyo ng pinto.  Magsabi ng thank you sa waiter na nag-serve ng pagkain ninyo.  Magsabi ng thank you sa gasoline boy na nagbomba ng gulong ng inyong cute na SUV.

Hindi dahilan sa hindi pagpapasalamat na sila ay binabayaran naman sa kanilang trabaho.  Ang pagpapasalamat ay pagkilala sa nagawa ng isang kapwa tao.  Iyon ay pagkilala na nandoon sila; hindi invisible.  Kaya pag kayo ay nagpapasalamat, kinikilala ninyo sila, at sa maniwala kayo at sa hindi, nagdadagdag iyon sa halaga o self-worth ng mga tao.  At kailangan din natin lahat iyon, ang pasalamatan at makilala.    

Gaganda ang mundo, kung ang lahat ng tao ay matututong magsabi ng Salamat.   


7.      Ingatan ang inyong mga anak na babae.

Sa mga magulang, alagaan at ingatan ang inyong mga anak na babae.  Baka makuha ng padaskol-daskol.   O baka makuha ng pawardi-wardi.

Importante sa atin ang ating mga anak, lalo na ang mga anak na babae.  Silang lagi ninyong sinasabi ay ayaw ninyong padapuan sa langaw at sa lamok.  Silang mga pag nag-asawa kahit trenta anyos na e, iyak pa tayo ng iyak. 

Huwag masyado mahigpit, pero huwag ding masyadong maluwag.  May mga bagay na hindi pwede, non-negotiable.  Hindi pwedeng sabihin na uso naman ngayon ang matulog ng tatlong gabing sunod-sunod sa bahay ng kaklase.  Hindi pwede iyon.  Hindi pwede sabihin na lagi na lang may project sa school kaya gabing-gabi lagi kung umuwi.  Alam mong niloloko ka lang ng anak mong dalaginding.  Habang sila ay nasa poder pa ninyo, kayo ang masusunod.  Hindi kayo ang susunod sa kanila. 
        
Kaya palakihin sila na marunong,  matalino at malakas, na kahit nag-iisa sila sa kalye, sa eskwelahan, sa mall, sa outing, at kahit saang lugar, ay kaya nilang protektahan ang sarili nila.  Palakihin silang kasingganda ni Marian, at kasing-dunong at kasing-tapang ni Miriam.  Huwag baligtad.

           

8.      Isauli ang hiniram. 

Matutong magsauli ng bagay na hiniram.  Hindi lang pera, pero lahat ng  bagay na hiniram, kasama na ang ballpen, nailcutter, cd, dibidi-dibidi, kutsilyo, Tupperware, libro, grasscutter, lagare, plaes, gitara.  Pati ang hiniram na bisikleta, kotse, toothbrush at pustiso.  Pag marunong manghiram, dapat marunong ding magbalik.  Hindi ang halaga ng hiniram ang pinag-uusapan, ang importante ay ang kilalanin ang katotohanan na kaya ka pinahiram ay dahil akala ng nagpahiram ay marangal kang tao na marunong magsauli.

Kung may tinatamaan, mabuti naman.  Ibig sabihin, may natitira ka pang kahihiyan sa katawan.  Pero, ang totoo, lahat tayo ay guilty dito, at kahit minsan sa ating buhay, ay nalabag na ang aral na ito ni Tandang Gusting.   

Wala nang mas nakakairita pa sa buhay kundi ang isang taong hiram ng hiram pero hindi marunong magsauli.  Magugulat kayo kung ilang mga mga magkabarkada, magkaopisina, magkapitbahay, maghipag, at magbyenan ang nagkatampuhan, nagkasira at sa bandang huli ay nagkasumbatan pa, dahil lang sa hindi naisauling isang mamahaling kaserola, na pinaglagyan ng natirang menudo noong sila ay huling mag-retreat na ang theme ay “Forgiveness”.  Ang nakakaasar, maraming nilalang sa mundo, ang akala ay exempted sila sa rule na dapat isauli ang lahat ng hiniram na gamit. 

Maraming beses, wala kang magamit na martilyo, dahil hiniram ng magaling na kapitbahay mo. Nakahiyaan mo namang kunin uli, dahil matagal nang hiniram iyon.  Nakakatawa nga, pero ikaw na ang nagpahiram, ikaw pa ang nahiyang magbanggit tungkol sa hiniram.  Kaya, wala ka nang gagawin, kundi maasar na lang nang maasar at kimkimin mo ang pagka-asar mo, at kaya sa susunod, manghihiram ka ng lagare sa kanya at malamang, hindi mo na rin isasauli iyon.  Quits na kayo, at tuluyan na kayong magkakasira.  Dahil lang sa martilyo at lagareng hindi naibalik.

Mayroon akong kaibigan noong college, sikat na campus leader; pero hanggang ngayon, ang natatandaan ko lang pag naiisip ko siya, ay hindi ang kanyang leadership qualities, kundi ang hindi niya pagsauli sa akin ng kanyang hiniram – ang pinakamamahal kong cassette tape ng greatest hits ni Jim Croce.  Pano pa kaya kung naging senador yon.  Manghihiram ng pera sa taongbayan yon, at syempre, wala nang balikan.


i             9.  Hindi lahat ay posible.  Tanggapin natin ang ating limitasyon. 

Kahit paanong gawin natin, may mga taong hindi talaga pwedeng maging basketball player sa PBA, at hindi lahat tayo ay pwedeng mag-artista. 

Madalas nating marinig, walang imposible kung magsisikap.  Ang totoo, maganda lang pakinggan iyon, pero hindi lagi totoo.  Ang ibig kong sabihin, kung magiging humble at realistic lamang tayo, alam natin sa sarili natin na may mga bagay na talagang hindi para sa atin at hindi natin maaabot, maglupasay man tayo maghapon.  Kahit sa amateur singing contest lang sa pyesta ng barangay, hindi ka mananalo, kung sintonado ka.  Ganoon lang kasimple yon.  Hindi maga-apply dito ang kasabihan na, Try and try until you succeed.  Siguro, try and try, until you realize it is simply not possible.  Ang tawag doon, humility.

Mangarap ng mataas, at magsikap.  Pero tandaan lang na hindi nababawasan ang ating pagkatao kung nagkakaroon ng pagbabago sa ating mga plano.  Marami ang lagi na lang nakatuon sa kung paano aabutin ang kanilang mga pangarap, nang hindi namamalayan na ang buong buhay pala nila ay lumipas na sa harap ng kanilang mga mata. Hindi tayo nabubuhay para sa mga ambisyon.

Noong bata pa ako, inakala kong magaling ako sa basketball.  Pero nabasa ko sa mga tabloid sa kapitbahay namin na ang mga guwardya ng Crispa at Toyota ay halos six-footer din pala, at nalaman ko maaga pa lang sa aking pagkabata, na sa sukat ng aking katawang lupa na ibinigay ng langit, na may mga bagay na imposible – gaya ng pangarap kong maging basketball star.  Dahil dito, iba na lang ang pinangarap ko.  Matayog pa rin, at mahirap pa ring abutin.  Pero kayang maabot, at humanly possible. 

Pero dapat talaga, nakapaglaro ako sa Purefoods.
 

10.  Huwag ipagmalaki ang gandang lalaki, o gandang babae.

Maraming mga tao, tuwang tuwa sa kanilang sariling pagmumukha, at walang ginawa kundi mag-ubos ng oras, salapi at pagod sa pagpapaganda ng mukha.  At wala nang ipinagmalaki kundi ang ganda ng mukha.  Totoo, masarap tingnan ang isang magandang mukha.  Sa mga lalaki, ang mukha ng isang magandang babae ay nagpapasigla ng daloy ng dugo, at gumigising sa matamlay at matagal nang natutulog na bahagi ng katawan. Pero huwag naman sana sosobra ang bilib sa sariling itsura, dahil nakakaasar din iyon.

Bakit?  It is because a beautiful face is not an achievement.  Ako ang may sabi niyan.  (Mali, si Tandang Gusting nga pala ang may sabi niyan).  Ang iyong mukha ay isang aksidente ng kalikasan.  At tumatanda ang tao, lumilipas ang ganda ng mukha.

Kung ikaw man ay maganda, dapat ipaalala sa iyo lagi, na hindi ikaw ang may kagagawan niyan.  Kung ipinanganak kang maganda, swerte ka lang, pero hindi nangangahuluhan na ikaw ay magaling na tao.  Hindi nga kontrolado ng mga magulang mo kung ano ang iyong kalalabasan noong oras na ikaw ay kanilang pinagpapagurang (pero siyang-siyang) gawin.  Noong oras na ikaw ay ginagawa ng iyong mga magulang, hindi nila iniisip o pinaplano ang magiging itsura mo, dahil mas busy pa sila noong mga oras na iyon kung papaano huwag magising ang mga kasama nila sa dorm, o kung paano huwag magising ang kuya o ate mo sa kabilang kama.  Wala ngang gamot kahit galing sa China o sa Quiapo na pampaganda sa mga magiging anak.  Kaya’t sa bandang huli, ang sukatan ng isang magaling na lalaki o babae ay wala sa kanyang mukha.   Maraming tao ang hinahangaan habang tinitingnan, wag lang ibubuka ang kanilang bibig.

Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga pangit ay hindi dapat mahiya.  Sa mga pangit, wala kayong dapat ikahiya dahil wala kayong kasalanan kung bakit nagkaganyan ang inyong mga mukha.  Sabihin ninyo sa mga tao, “Huwag ninyo akong husgahan dahil lang sa aking mukha.  Hindi ko rin kagustuhan ito.”

Pagkatapos magmake-up at magwork out sa gym, magsikap gumawa ng mga bagay na tunay na pwedeng ipagmalaki.  Kahit simple lang.  Gumawa ng kabutihan.  Tumulong sa nangangailangan.  Magsikap mapromote sa trabaho.  Maging Secretary-general ng Pederasyon ng Mga Manikurista sa Central Luzon.  Pangulo ng Smugglers ng Bawang sa Pier.  Mga ganoon. 

Kung wala kang tunay na achievement sa buhay, maliban sa ikaw ay nagkataon na tagadala ng isang mukhang napapalingon ang marami, wala ring kwenta ‘yon.  Mabubuking at mabubuking ka rin na wala kang alam kundi ang magpa-cute.  Hindi ba malaking trahedya ang paulit na ulit na lang na nakikita nating mga beauty contest na karamihan sa sumasali ay puro magaganda at sexy pero tanga.  Pag interview portion na, tawanan na nang tawanan ang audience.  Isa lang sinasabi ng mga nanonood.  Sayang, ang ganda ganda pa naman.  
                                                                                            
Kaya tandaan, higit sa magandang mukha, marami pang bagay ang dapat pagsikapan sa buhay na tunay na maipagmamalaki.


(To be continued)


Sunday, March 8, 2015

ANG PALAKASAN SA ATING LIPUNAN


            ANG PALAKASAN SA ATING LIPUNAN

            Sabi ng mga matatandang tambay sa amin, pag nang-aasar sa mga batang pinapanood na naglalaro ng basketbol sa kalye, “Bakit ba kasi hindi kayo bumili ng tig-i-tig-isang bola para hindi kayo nahihirapan”.  Sabay tawang pang-asar.  Oo nga naman.  Bakit nga ba kailangang mag-agawan sa isang bola, samantalang pwede namang mag tig-i tig-isa.

            Pero kung ang lahat ng players ay may kanya-kanyang bola, e di wala nang basketbol.    

Hindi pwede ‘yon.  Hindi pwedeng mawala ang basketbol sa buhay ng mga Pinoy.  Napakalaking bahagi ng buhay natin ang larong basketbol.  May sapatos na pangbasketbol, may suot na pangbasketbol, may coliseum na pangbasketbol,  may magazine na pangbasketbol, at may manunulat na puro basketbol lang ang sinusulat.  May nabubuhay na ang trabaho ay para pumalakpak sa basketbol, at may nagkakapatayan dahil sa basketbol.  ‘Yung ibang tao, ang tingin kay Michael Jordan ay parang diyos-diyosan na kahanay nina Atlas at Superman, at mas kabisado pa ang lahat ng statistics at detalye sa buhay ng Air Jordan kaysa sa simpleng bagay tungkol sa geography ng Pilipinas.  ‘Yung isang kapatid ko, nung batang maliit pa siya, umiiyak at sumusuntok pa sa dingding pag natatalo ang Shell team nila Benjie Paras at Ronnie Magsanoc.  At sa Pinas, kahit saan, mayroong basketbol court; sa skul, sa plaza, sa barangay, sa gitna ng  kalye, sa basurahan, sa garahe.  Kahit sa loob ng kuwarto at sa dorm, merong plastic na ring.  Doon isinu-shoot ang scratch paper sa homework sa math na hindi tamaan ang sagot, papel na nilalamukos at pilit ithi-three points sa waste can.  Maraming mga batang lalake, uma-attend ng kasalan sa baryo, nagsisimba, naka-jersey ni Dwyane Wade.  Nagmamalaki pa ‘yon ha.  Maangas-look.  Tanginamo.  Hindi ka na nahiya.  Pero ibang kwento na iyon.

Bakit ba ubod ng hilig natin sa basketbol? At bakit hindi tayo lokong-loko sa football, maliban sa Azkals?  May suspetsa nga ako na hindi naman talaga tayo mahilig at interesado sa Azkals e, mas mahilig ang mga Pinoy sa mga tisoy at balbon na players ng Azkals na may pang-celebriting pangalan.  Yung mga players ng Azkals na kung tawagin ay Pinoy, na mahilig daw sa pagkaing Pinoy na ang tawag ay hindi nila ma-pronounce ng tama.  Yung mga mahilig daw sa keri-keri at a-dow-bow.  Ok, sige na nga, Pinoy na kayo.  Kayong mga kolehiyala at matronics na biglang nahilig sa football, kunwari pa kayong mahilig sa football.   Hindi ninyo nga alam kung ano ang World Cup, akala ninyo ito yung tinataas ni Pope pag nagmimisa.

Hindi ako psychologist, at hindi ako propesyonal na may “ist”sa huli.  Simpleng mangangantyaw lang ako.  Pero, ang pakiramdam ko ay lokong-loko tayo sa basketbol dahil personalan talaga ang laro na ‘yan.  Pag nasupalpal ka, nabutata, lalo na yung kabit na kabit, ang pakiramdam mo ay nalalaki ka.  Natapakan ang pagkalalaki mo.  Nabawasan ang pagiging tao mo.  Pag naagawan ka ng bola nang harapan, galit ka, at dalawang araw na ang nakakalipas, pinamamalita pa rin ng nakaagaw sa ‘yo ng bola na tatanga-tanga ka at naagawan ka ng bola nang harap-harapan.  At pag natatalo ang team mo sa championship sa barangay, naiiyak ka at apektado ang relasyon ninyo ng syota mo, pati ang trabaho mo.  Personal lagi ang Pinoy.  Lahat ay may bahid ng personal.  Lahat kailangang personal.

Ang lagi mong iniisip,  kaya ka pinagalitan ng boss mo, e hindi dahil nahuli kang nangupit ng bond paper para sa project ng anak mo, pero dahil pine-personal ka nya.  “Para kalahating ream lang ng bond paper, eh, papagalitan na ako.  Masama ba ‘yon? Pinepersonal talaga ako n’yang ogag na ‘yan e.”

Naniniwala ka na kaya nahuli ng Meralco ang jumper mo ay dahil isinumbong ka ng naiinggit mong kapitbahay.  “Nakatago naman ang jumper natin, a.  Walang ibang magsusumbong sa atin kungdi iyang magaling na kapitbahay natin, e. Pinepersonal ako n’yan e”.

 Nahihirapan tayo na ihiwalay ang sustansya ng issues sa mga personalidad na nakapalibot sa issue, at hindi tayo naniniwala na ang merito ng mga issues ay may papel sa buhay natin, dahil nga ang lahat ay personalan.   Hindi basta tatanggapin ng Pinoy na kaya siya natalo ay dahil sa merito ng issues, kundi dahil may conspiracy laban sa kanya ang mga taong galit sa kanya.  Kaya bumagsak ang anak mo sa isang subject ay dahil galit sa iyo ‘yung teacher ng anak mo, at ginagantihan ka lang, dahil naaasar siya sa iyo dahil sa dinami-dami ng faculty members, siya lang ang hindi mo binigyan ng fruitcake noong Pasko.  Mga ganoon. 

Napapalayo tayo sa basketbol.      

Kaya mahilig tayo sa basketbol ay gusto natin ay personalan ang labanan.  Sa akin lang iyon.  Sa tingin ko, iyon ang nakaka-motivate sa atin na mapahilig sa basketbol.  ‘Yung nakakalalaki ka, yung nakaka-unggoy ka sa kalaban mo.  Kaya nga hindi sikat ang spelling competition sa atin e.  Paano ka manlalalaki sa tinalo mo sa spelling?  Didilaan mo yung tinalo mo, tapos, sasabihan mo ng “Behh, talo kita, hindi mo alam ang spelling ng Mississippi”? May sayad lang ang mang-aasar ng ganyan.       

Pero, totoo, maganda rin ang basketbol, o kahit na anong isports.  Dahil kung seseryosohin natin ang mga laro, marami rin ang maitutulong nito sa development ng ating pagkatao.

Ang sports ay pwedeng maging kasangkapan para makabuo ng mga magagandang values at habits na nakakatulong sa pagpapaganda ng pagkatao.  Mga katangian at aspeto ng karakter na magagamit para magtagumpay sa buhay.  Katulad ng pagsisikap, disiplina, fair play at marami pang iba.  Kasama na ang matutong tumanggap ng pagkatalo, at ang matutong huwag maging maangas pag nakatsambang nanalo.   Dapat ang mga pulitiko natin, ganyan din.  Matutong lumaban ng patas, at huwag mandaya.  Hindi lang lagay at suhol ang pinag-aaralang tanggapin.  Pati ang pagkatalo sa eleksyon, kailangang matutong tanggapin.  Ba’t ba lagi ako lumalayo sa basketbol.

Pero bakit nga ba may basketbol, at bakit nga ba mayroong sports?

Katulad ng maraming bagay sa mundo, ang basketbol ay inimbento lang ng malikhaing isip ng mga homo sapiens.  Bago akalain ng ilang tao na ang mga laro ay natural na bahagi ng kalikasan o ng ating pagiging tao, dapat nating alalahanin na mayroong isang yugto ng kasaysayan ng sangkatauhan na wala pang basketbol, at wala pa ring ibang laro.

Lahat ng rules na iyan ay wala naman noong a hundred years ago.  Ginawa lang daw ni James Naismith ang basketball noong 1890’s, at sinulat niya ang unang rules ng laro na tinawag na basketball.  At magmula noon, pinagkasunduan na lang nating lahat ang mga rules kung paano lalaruin ang basketbol.  At nadiskubre natin na masaya pala ang sampung tao na hinati sa dalawang grupo at takbuhan nang takbuhan paroo’t parito at nag-aagawan sa iisang bola para ipasok sa bilog na bakal sa kanilang kampo na nasa magkabilang dulo ng rectangle na laruan.  At iyang pagbubuslo ng bolang goma na iyan, iyon na ang naging buhay para sa maraming tao.

Ang mga rules ng lahat ng laro, kagaya ng basketbol, siyatong at piko, o maging ang tong-its o pusoy dos, lahat sila ay inimbento ng tao, at nagkasundo ang lahat ng manlalaro at manonood, na dapat sundin ‘yung mga rules na iyon, para malaman kung sino ang panalo at kung sino ang talo.  Para sa isang maiksing bahagi ng panahon ng ating nakakabagot na buhay, ay makalimutan natin ang realidad at paikutin ang mundo natin sa ilalim ng mga rules na ‘yan.  Para magkaroon ng labanan ng kakayahan, competition sa skills ng mga taong iba-iba ang laki, hugis, husay, kakayahan, tiyaga, at determinasyon.  Kasama nag kagulangan o diskarte.  Para magkaroon ng dagdag na katuturan at challenges ang buhay natin.  Challenges na dapat malagpasan.  Kailangan may challenges, para may maideklarang panalo, at may aasaring talo.

Para mayroon tayong papalakpakan, at para mayroon tayong pagkakataon na magsabi ng “O, kaya mo ‘yon?! Ha?!!” 

Katulad ng pagsho-shoot mula sa three-point area.  Hindi naman lahat tayo ay nakakagawa noon, at ang mga nakakapag-shoot ng madalas sa three point area ay angat sa lahat, itinuturing na may skill, at kalaunan, binabayaran ng malaki, para lang mag-shoot ng mag-shoot doon sa malayo.  Mas marami, mas malayo, mas maganda ang bayad. 

Ginawa ang mundo at ang tao nang walang rectangle na laruan na may bilog na bakal sa magkabilang dulo.  Pinagkasunduan na lang ng mga mahihilig sa basketbol na dapat ay may sampung tao na maglalaro sa loob ng rectangle na hanggang tuhod ang maluwang na shorts (na dati naman ay maiksing maiksi at ubod ng sikip na nakabakat ang barangay captain), may isa lang na bola, at ang makapag-shoot ng bola ay bibigyan ng 2 points, at ang sa malayo-layo ay three points, at pagka doon sa bilog na malapit sa ring na bakal ay dapat 1 point lang, at pinagkasunduan din natin na mayroong oras ang paglalaro, at dumami nang dumami ang rules, kaya naging lalong mahirap mag-shoot ng bola nang dahil sa rules, at nakita natin na may mga taong magaling mag-shoot sa kabila ng ubod ng daming rules, at sila ay tinawag na basketbol team, at sila ay tinawag na Smart Gilas ( na sabi ng mga pala nila ay ubod ng galing pero iisa lang naman ang panalo), at naging lalong exciting ang laro, at lalong dumami ang mga nagtitiliang mga baklang nanonood, at kaya ngayon, marami nang buhay ang pinabuti at winasak ng basketbol. 
           
          Kalaunan, nagkasundo na ang buong mundo na ang larong ito ay sulit na panoorin at gawing isang industrya, at isang laro na sulit bayaran ng milyon-milyong dolyar ang mga taong magagaling mag-shoot sa kabila ng maraming rules, at sulit para maging simbolo ng pangarap ng mga bata.   

Kaya ngayon, napaniwala naman tayong lahat na para ikaw ay ituring na magaling maglaro, ay dapat kang bumili ng mga sapatos na sa basketbol lang daw pwedeng gamitin at hindi pwde gamitin sa piko, na lagpas sa pitong libong piso ang presyo.  Lalong lalo na kung hindi ka naman marunong mag-shoot, at boxing lang ang alam mo.

So, pag tinanggal natin ang mga rules, mawawala ang basketbol, mawawala sina Kobe at Lebron, mawawala ang mga advertisers, gagawin na lang tindahan ng damit at sapatos ang Araneta Coliseum, at lilinis ang mga kalye sa Maynila.  Boring.  At maglalaro na lang ng patintero ang mga lalaki, at maglalaro na lang ng piko at Chinese garter ang mga babae at bakla. 

Titigil ba ang buhay pag nawala ang basketbol?  Hindi, pero mababawasan ang mga bagay na pinagkukunan ng inspirasyon ng maraming tao, pati na ang kanilang kabuhayan.  Mawawalan na rin ng pangarap at kasiyahan ang ilang mga bata, kasama na ang mga matatanda.  Mawawala na ang ending at bentahan ng mga ticket ng mga scalpers.  Kung naaga pang nawala ang larong basketbol, hindi rin naging senador sina Jawo at Freddie Webb.

Wala nang challenges na papalakpakan.  Pero hindi naman kailangang tanggalin ang basketbol  para lang malaman na madalas parang wala nang matinong challenges ang mga tao.  Kailangan pa bang i-abolish ang basketbol, samantalang kahit nandyan ang basketbol, naghahanap pa rin tayo ng ibang excitement sa bahay, katulad ng gagamba, kabayo, sabong, sa jai-alai, sa boxing, sa beto-beto, sa pula puti, sa jueteng, sa cara y cruz, at sa iba pang bagay na pinagkakatuwaan at pinagpupustahan.  Hindi mauubos ang listahan.

Tingnan ninyo ang Guiness Book of World Records.  Batong-bato na sila sa buhay nila, at natapos na yata nilang i-record lahat ng world records sa mga tradisyonal na laro o sports, gaya ng basketbol, football, jackstone, Chinese garter, open-the-basket, at iba pa, kaya kung ano-ano na lang ang ginagawang event o laro para lamang makagawa ng world record daw.  Pabilisang tumakbo gamit ang paa at kamay. Paramihan ng mabibiyak na hollow blocks sa isang minuto gamit ang noo.  Mga ganoon.  Ok lang, wala namang napeperhuwisyo, at talagang kanya-kanya lang naman tayo ng sayad. 

Pero pag talagang tinanggal natin ang rules ng basketbol, pag tinanggal na natin ang larong basketbol, huwag mag-alala, dahil magkakaroon at magkakaroon pa rin tayo ng ibang laro, at gagawa at gagawa pa rin tayo ng ibang larong ituturing natin na exciting at titilian pa rin ng mga manonood.  Dahil kailangan nating magkaroon ng katuturan ang mga buhay natin, na papalakpakan, titilian at pagpupustahan, at kailangan natin maghanap ng mga pagsubok na kailangang malagpasan, at para may okasyon para magsabit ng medalya, at para magkaroon ng dahilan para magkainan at mag-inuman.


Kaya maglaro.  Sumali sa palakasan.  Dyan tayo magaling.

Tuesday, March 3, 2015

ANG MGA ARAL NI TANDANG GUSTING


ANG MGA ARAL NI TANDANG GUSTING

Tuwing Bagong Taon, nagrereunion ang angkan namin.  Bata pa ako, wala na kaming ginawa sa reunion, kundi magkainan (meron pa bang ibang gagawin?), at pagkatapos, ang mga lalaki ay magkukumpol-kumpol na parang mga langaw, magpapatak-patak at mag-iinuman.  Syempre, hind nawawala ang kodakan ng bawat pamilya at ang walang-kamatayang parlor games ng mga bata.  Kung minsan, ang mga middle-aged na mga dalagang babae sa pamilya kung kanino nakatoka ang palaro ay nakakaisip ng mga bago at kakaibang mga palaro, katulad ng Trip to Jerusalem, Stop Dance, at Bring Me.  Madalas ding gawin ang patok na patok na paluan ng palayok na may lamang gawgaw, mumurahing kendi at barya.
            
         Napansin ko na ang mga batang miyembro ng aming mga kamag-anak ay kilala kung sino ang dapat pagmanuhan.  General rule, basta matanda at kamukha ni Mary Walter o kamukha ni Leopoldo Salcedo, kailangang pagmanuhan.  Pero as a general rule din, ang mga bata ay hindi alam kung paano nila naging kamag-anak ang matatandang kanilang pinagmanuhan.  Basta para sa kanila, kailangan silang tawaging lolo at lola, at kailangan silang pagmanuhan, ayos na iyon.  Siguro, ito ay totoo rin sa pangkaraniwang reunion ng mga pamilyang Pinoy. 
    
        Minsan, nautusan ako ng mga matatanda na mag-emcee.  Dahil siguro kahit ang mga matatanda ay batong-bato na rin sa aming reunion.  Syempre, wala akong sinabi kundi mga patawang napulot sa maraming taon ng pakikipag-inuman, at saka green jokes, minus the very green jokes.  Aba, nagulat ako, dahil naghahagikgikan at pumapadyak pa sila pag may bastos na punch lines akong binitawan.  Doon ko nalaman na pati pala ang mga lola kong matatandang dalaga ay nag-eenjoy sa bastos na jokes.  Kaya noong sumunod na taon na pinag-emcee ako, dinagdagan ko ang gimik ko.  Pampasaya lang.

            Kunwari ay kinontak ako ng aming patriarch, si Agustin Roxas, o kilala daw na Tandang Gusting, (ako ay apo ng kanyang apo) at kinausap ako noong bisperas ng Bagong Taon, na parang ginawa ni Whoopie Goldberg sa pelikulang “Ghost”, at ako ay kinausap para magbigay siya ng ilang bilin para sa aming magkakamag-anak.  Syempre, gawa-gawa ko lang iyon.  May ilan ding taon, na sinabi ko na ang bilin sa akin ni Lolo Gusting ay dumating sa akin sa pamamagitan ng text message.  Kaya, magmula noon, dahil wala namang gagawin sa reunion namin bukod sa kainan, inuman at parlor games, sinasabi ko ang taunang listahan ng mga aral ni Tandang Gusting, at isinisingit ko sa pagitan ng kodakan at palaro.

            Hindi ako nagsesermon sa gimik ko na ito, at lalong hindi ako nagmamarunong; nagsasabi lang ako ng ilang bagay, na pwedeng pagtawanan o pag-isipan, para kahit man lang mga kuwentong kathang-isip, ay may mapag-usapan at mapulot ang mga kamag-anak ko sa aming taunang reunion.  Isinulat ko dito ang iba sa kanila na akin pang natatandaan, at nilagyan ko na ang iba ng dagdag na annotation (parang SCRA).

            Heto ang ilang entries sa Mga Aral ni Tandang Gusting.
                
                  
         1.  Hindi baleng mahirap, huwag lang mahirap kausap.

        Pangkaraniwan na yata sa lahat ng magkakamag-anak ang may tampuhan at intrigahan.  Pinoy na pinoy yan.  Nangyayari ang away o tampuhan dahil ang nipis ng balat at ang kapal ng mukha ng tao ay iba-iba.  Gayundin, ang kagulangan ay likas sa ating lahat, iba-iba lang ang degree, at depende sa sitwasyon at panahon.  May tunay na mabait at may nagbabait-baitan lang.

         Kaya nga, walang perpektong samahan o grupo, kahit sa magkakamag-anak.  Laging may gusot, laging may tampuhan, laging may stumbling block, dahil hindi nawawala ang mga taong mahirap kausap. 

         Kaya ang sabi ni Tandang Gusting, hindi baleng mahirap, huwag lang mahirap kausap.  Hindi kasalanan ang maging mahirap.  Ang kasalanan ay ang maging mahirap kausap.  Ang maging mahirap pakitunguhan, maging peste, at maging buwisit at pabigat sa ibang tao.

         Huwag na huwag ihihingi ng paumanhin, at huwag ikakahiya, ang pagiging mahirap.  Nagtataka ako kung bakit maraming tao, pag napunta ka sa kanilang bahay, ang laging sinasabi, pasensya na kayo dahil maliit lang ang bahay namin.  Bakit?  Kailan mo pa naging obligasyon sa ibang tao ang magpagawa ng malaking bahay?  At bakit kailangang ihingi ng paumanhin ang pagkakaroon ng maliit na bahay?  Ewan ko, pero para sa akin kasi, iyan ay misplaced humility.   Maraming bagay ang dapat ikahiya – katulad ng pagnanakaw, panggugulang, ang magsuka sa eat-all-you-can na restoran, at ang pagkakaroon ng maraming bakokang sa binti, pero hinding hindi ang pagiging dukha. 

        Ito ay dahil ang kahirapan ay hindi depekto ng pagkatao.  (Amen? Amen!!).  Kung minsan pa nga, kaya ka mahirap ay marangal kang tao. 

        Minsan lang.  Hindi lahat ng taong mahirap ay marangal.  Minsan din, kaya ka mahirap ay mahirap ka ding kausap.


        2.  Ngumiti.

        Ngumiti.  Kahit walang kodakan.  Libre naman ang ngumiti, at wala pang nagkasakit dahil sa pagngiti.  Hindi naman kasi mahirap ngumiti, mas kakaunting muscles daw sa pisngi ng tao ang ginagamit pag ngumingiti, kaysa sa pag tayo ay sumisimangot.  At madali lang ngumiti, hindi hamak na mas mahirap pa ang mag-igib ng tubig.

        Ang pagngiti ay mabuti, dahil nagbabawas ito ng lumbay sa kapaligiran, at maaaring kahit pansamantala ay gumanda ang mood ng mga tao sa paligid kung maaliwalas ang mukha nila.  Mahirap kumain ng blueberry cheese cake sa coffee shop, kung nakasimangot ang mga nagse-serve.  Mahirap makasama sa outing ang taong laging nakasimalmal ang pagmumukha.  At walang masama kung nakangiti ka sa mga taong kasama mo o nakikita sa trabaho. 

       ‘Wag lang ngingiti kung nag-iisa.


        3.    Pag naputukan, sabuning mabuti.


        Dahil tuwing Bagong Taon ginagawa ng aming angkan ang reunion, pinapayuhan  din ni Lolo Gusting ang aking mga kamag-anak, na kung talagang hindi mapigil ang inyong asawa na madala sa gitna ng kasiyahan, at kung talagang hindi maiiwasan na magpaputok sa paghihiwalay ng taon, tandaan lamang na kung maputukan, kailangang sabuning mabuti agad-agad ang bahagi ng katawan na naputukan.  Gumamit ng tubig at sabon, upang maalis ang lansa.  Ito ay para huwag nang kumalat ang naiwang pinaputok sa ibang bahagi ng katawan. 

         Iwasan ding magpaputok kung may mga bata sa paligid.  Hindi kasi dapat gayahin ng mga bata ang basta na lang magpaputok kung saan-saan. 

         Itong payo na ito ang talagang nagtawanan ang aking mga kamag-anak.  Hindi ko alam kung bakit.


         4.   Huwag magpauto sa mga manghuhula.  Wala pang manghuhulang tumama sa lotto.

         Hindi totoo ang hula.  Yung hulang sinasabing prediction.  Huwag maniwala sa mga diumano ay nakakabasa ng mga mangyayari sa hinaharap, kahit ano pa ang kanyang gamit: palad, baraha, bolang kristal, kandila at palanggana, o kung ano mang props ‘yan.  Huwag ninyong papatulan ‘yan, lalo na yung mga manghuhulang pipikit-pikit habang nakatingala.  Kahit nga sa hueteng at ending, sablay ang mga iyan, buhay nyo pa kaya ang mahulaan ng mga racketeer na yan.   Horoscope, Hula sa Baraha, Bolang Kristal, manghuhula sa Quiapo, ‘yung mga manghuhula sa TV na ini-interview pag Bagong Taon at ang kanilang mga colleagues, manghuhula ng mga nawawalang aso at relo, pare-pareho lang ‘yan.  Ni isa sa kanila, walang nakabasa na si Mommy Dionisa ay magiging ganap na superstar.  Oo, karapatan ninyong magsabi ng mga hula at huwag kayong pakialaman, at malaya kayong magsabi na iyan ay totoo.  Pero malaya din ako na sabihin (actually, si Tandang Gusting pala ang may sabi) na pare- parehong kalokohan at racket ang mga ‘yan.  Simple lang ang dahilan ko: Lahat sila, kailangang bayaran.
 
         At huwag nang magpalusot ang mga rumaraket na manghuhula sa pagsasabing ang hula ay guide lang daw, at sa final analysis daw, ay tayo pa rin ang gumagawa ng ating buhay.  Eh, ganon naman pala.  Eh, di hindi nga totoo ang hula, dahil pwedeng mangyari, pwedeng hindi.  Nasaan ang prediction doon? 

        Ang totoo, hindi talaga pwedeng pagsamahin ang hula at free will ng tao.  Hindi ko makitang pwede ang middle ground.  Isa lang ang pwedeng piliin ninyo.  Gawa na ang hinaharap para sa inyo, o gagawin ninyo pa lang.

        Hindi rin pwede sabihin na wala namang mawawala kung maniniwala tayo sa hula.  Merong nawawala, mga boss; ang tawag doon, katwiran (rationality).  Nawawala din ang ating pananagutan, o accountability, kung maniniwala tayo sa hula, dahil pwde naman pala nating sisihin ang mga bituin at guhit ng ating palad sa mga nangyayari sa atin.  E di ang mga bituin at ang palad mo ang sisihin ninyo, hindi ang tao. 
 
        Siguro, sa mga manghuhula, pwede kayong manghula, pero pampasaya na lang.  At huwag na lang kayong maningil ng talent fee.


          5.  Makinig.

Marami na ang bumagsak sa exam dahil hindi marunong makinig sa instructions ni Ma’am.

Dalawa ang tenga, at isa lang ang bibig ng tao; kaya dapat, mas madalas tayong makinig kaysa sa magsalita.  Malalim ang pagkakadisenyo sa tao; isang bibig, at dalawang tenga.  Parang ang ibig sabihin, sa bawat isang oras na tayo ay magsasalita, dapat dalawang oras tayong makikinig.  Ang totoo, maraming tao ang may pandinig, pero hindi nakikinig. 

           And as a general rule, the more talkative a person is, the less substance there is to what he is saying.  Di ba may kasabihan, ang ilog daw na maingay, laging mababaw.  Mabuti pa ang naglalakad ng matulin, pag natinik ay malalim.

        Listening is a lost art; e papaano, ratrat ng ratrat ang bibig natin.   May malalim na dahilan kung bakit noong Grade 1 pa tayo, may parusa ang noisy.   Many times, we only stop talking not really to listen to other people, but to think on what to say next.  O kaya para uminom ng tubig, tapos daldal uli.  Kaya madalas hindi tayo magkaintindihan, dahil sabay sabay na nagsasalita ang lahat.  Hindi tayo marunong making.  At kailangang tandaan natin, na bago natin maunawaan ang isang tao, kailangan natin siyang pakinggan. 

        Tip ni Tandang Gusting:  Kung gustong makilala ang sarili, huwag dumaldal.  Tumahimik, at makinig. 

        Kaya, matutong making. 
  

            (To be continued….)