TRAYSIKEL
Kung
mayroong isang bagay na sumisimbolo sa ugali at karakter ng Pinoy, para sa akin,
hindi ito ang barong tagalog. Mas
maraming Pinoy ang nagsusuot ng puruntong, at ginagamit lang natin ang barong
tagalog pag mag-aanak sa kasal. Si Rizal
nga naka-amerikana, e, siguro nalalamigan.
Si Bonifacio naman, nakamahabang camisa, na parang hinubad ang barong,
siguro naiinitan.
Hindi ang
kalabaw at araro, dahil wala nang gustong maging magsasaka. Pag sinabi ni Ma’am na “What do you want to
be when you grow up?”, sa tingin ba ninyo, may batang magsasabi ng “I want to
be a farmer, so I can feed the world to make it a better place”. Wala nang magsasabi niyan sa Pinas, maliban
sa kandidata ng Miss Universe.
Hindi rin si
Noynoy ang simbolo ng mga Pinoy. Maraming
Pinoy ang long hair.
Hindi ang
kanin, dahil kulang na ang bigas sa Pinas, at kulang din naman kasi ang NFA
rice, nasa cartel lahat. At dahil sa marami
na rin ang hindi na kayang bumili ng bigas, marami na rin ang kumakain ng mais
at kamote, at syempre, mas enjoy tayo sa cheeseburger at prents prays.
Hindi ang
narra (ubos na ang mga puno), hindi ang maya o agila (ubos na rin sila,
tinirador na lahat), hindi ang niyog (kulang na ang puno ng niyog, marami na ang
sinira ng peste).
Ang simbolo
ng Pilipino ay traysikel. Para sa akin
lang yon.
Bakit ‘ka mo? Ang traysikel ay wala rito, wala roon. Neither here, nor there, sabi nga.
Hindi
makaluma, hindi rin makabago. Sa isang
sukatan kung saan ang makaluma ay ang kalesa, at ang makabago ay isang madugong
SUV o bullet train, ang traysikel ay nasa bandang kaliwa, mas angat lang ng
kaunti sa kalesa. Hindi makaluma, dahil
ang traysikel ay ginagamitan ng makinang de gasolina; pero lalo namang hindi
rin makabago, dahil lumang technology pa rin ang gamit.
Ang bilang
ng gulong ng traysikel ay alanganin; hindi dalawa, hindi apat, kundi tatlo (kaya
nga tri-sikel, e). Alanganin. Kaya mabuway.
Para ding Pinoy, hindi niya alam kung ano siya, kaya hindi sigurado ang
tayo (mahabang usapan yan). Kaya mas
mabilis sya sa lakad at sa kalesa, pero hindi sya pwedeng maging kasingtulin ng
kotse.
Kahit ano,
pwede mong ikabit sa traysikel; antenna, busina (meron pang busina ng Benz),
sticker, floormat, bangkito, tray sa ibabaw, tray sa likod, dumadagundong na
speakers, lahat ng klase ng palawit at borloloy, at syempre, ang plastic na all-weather
tarapal. Kahit saang parte, nilalagyan
ng ilaw. Iba-iba pa ang kulay, parang ilaw
sa Christmas tree.
Kahit ano,
pwede mong gawin sa traysikel, pwede mong gawing karinderia, school bus,
panghakot ng paninda sa palengke, palay o mineral water. Pwede ring mobile sari-sari store, mobile
tiangge, o mobile bakery. Ang mga
small-time drug couriers, naka-traysikel din.
Basta retail basis lang. Free
delivery pa. Di ba, sarge?
Kahit ilan,
pwede mo isakay. Mula sa sosyal na
saleslady na nag-iisa sa traysikel (“special trip” ang tawag dyan) at gusto
nang umuwi dahil gutom na gutom na (kumakain na nga ng Chippy), hanggang sa
isang section ng Grade 3 sa mababang paaralan ng kung saan.
Ang bawat
probinsya at syudad sa Pinas, may kanya-kanyang disenyo ng traysikel. May mababa na kailangan mong yumuko habang
nakasakay; may talikuran, may harapan; mayroon ding pwedeng sumakay sa ibabaw,
at mayroon pang kamukha ni Mazinger Z.
Iba ang traysikel sa Puerto Princesa sa Paranaque, iba sa Tacloban, at
iba sa Malolos. Pati sa traysikel,
matingkad ang regionalism natin.
Ang
traysikel, parang mentalidad ng Pinoy, walang batas-batas. Sa traysikel, ang batas ay suggestion lang;
optional. Kahit saan nagsasakay, kahit
saan nagbababa (Para ding bus). Kahit
saan, humihinto. Kahit saan, lumiliko.
(Para ding bisikleta).
Walang ruta
ang traysikel, kahit saan pwede ka magpahatid (parang taxi). Kahit saan sumusuot, kahit saan lumulusot.
Sumasabay sa
bus sa EDSA, sumusuot sa eskinita, nilulusong ang bukid, pumupunta sa
beach..
Walang one
way-one way sa traysikel. Puro my
way. Nagkacounter-flow din (parang
jeep). Pag sinita mo sila, naghahanap-buhay
lang sila. Diyos ko po.
Pwede ring lugar
na ligawan, pahingahan at tirahan.
Walang fixed
na pamasahe, depende ang pamasahe sa mood ng drayber (parang taxi ulit). Pag ang sakay ay maganda at sexy na babae,
pwedeng libre.
Mas marami
ang traysikel driver kaysa sa anumang driver ng sasakyan, kaya hindi sila
pwedeng banggain ng mga pulitiko. Hindi
mo sila pwede wag pansinin, because they are eveywhere. Maaaring totoong jeep ang hari ng karsada,
pero iyan ay totoo lang kung walang traysikel na nakaharang. Sino ngayon ang astig?
Maraming mga
traysikel, hulugan lang sa financing, katulad ng motorsiklo, DVD, at washing
machine na hulugan sa Bumbay. Pumunta
kayo sa ordinaryong financing company, at makikita ninyo, tricycles galore,
santambak ang nabatak na tricycle dahil hindi nahulugan.
At para bang
indikasyon ng ating kakayahan para magkaisa, ang bawat kanto ay may TODA, kung
saan laging may alitan ang mga miyembro dahil sa pagkuha ng sakay at singil sa pamasahe,
at syempre, sa nawawalang pondo ng grupo.
Ang pondo ng TODA, laging TODAS. Ang
bawat TODA naman, hindi niya makasundo ang TODA ng ibang kanto at ibang barangay. Pag hindi makasundo ang officers ng TODA,
magtatayo ng sariling TODA. Anak ka ng
toda. Tipikal na kuwentong Pinoy. (Kung hindi mo alam ang ibig sabihin ng TODA, baka matagal ka
nang nawala sa Pinas).
Baka naman
sabihin ninyo, napakadilim naman ng tingin ko, at napaka-negative. Siguro, pero pasensya na kayo, yun ang
nakikita ko e. Baka may iba kayong
nakikita, pakituro ninyo sa akin.
Ang sabi ng
iba, ang traysikel ay simbolo ng Filipino ingenuity, versatility at creativity,
at dapat ipagmalaki. Sigurado, may
magsasabi rin na ang traysikel ay simbolo ng pakikipagasapalaran ng ordinaryong
Pilipino na mabuhay. Totoo naman lahat
yon.
Pero, para sa
akin, pangit ang traysikel. Bago kayo
mag-react at kastiguhin ako na ako ay isang elitistang burgis, umamin muna kayo
na kung kayo ay may pambili, ang pipiliin ninyo ay isang mumurahing kotse at
hindi traysikel. Sa akin, ang traysikel
ay simbolo ng ating pagka-paurong.
Simbolo ito ng kapabayaan ng ilang henerasyon ng mga Pilipino; the one
single symbol of our failure as a people.
Sa isang mundo na ang ibang lahi ay pinoproblema kung anong airline ang
kanilang sasakyan, ang pinoproblema ng maraming mga Pinoy ay kung papaano huhulugan
ang traysikel na inutang. Napapangitan ako sa traysikel, hindi dahil ito
ang sasakyan ng mahirap, o dahil mahirap ang driver na may dala; napapangitan
ako sa traysikel, dahil pinapaalala nito sa akin kung gaano na tayo napag-iwanan
ng buong mundo.
Magbisikleta na lang tayo. Matipid na, maganda pa sa katawan. Maliban kay Kris Aquino, na baka mamatay pag
naalikabukan ang balat, lahat naman
siguro tayo ay papayag na pumasok sa trabaho na nakabisikleta.
Lagyan mo lang ng lock pag pinarada
mo. Baka mawala.
1.27.15
korek ka uli dyan prof, ang tricycle ang simbolo ng pagiging tamad. bakit ko kamo nasabi yun? pansinin mo ang mga tricycle driver pag walang pasahero ano ang ginagawa, may natutulog, may nagsusugal, may nagiinuman minsan nga nag shashabu pa eh.. tamad sila dahil kung masipag cla eh di konti lang sana ang nababatak ng mga financing hehehe opinyon ko lang
ReplyDeletePara sa akin tama yan, ang Tricyle kasi parang sila n lamang ng dominante kahit saang sulok ng lugar dito sa ating bansa, palaing nakabalandra saan mang dako sa isang bayan o lugar, ang mga driver ay walang mga disiplina sa kalye, di ko naman sinasabing tayo na lang ang may karapatang mabuhay, marahil, sa isang bayan dapat iregulate ang bilang nila sa kalsada, isa rin itong sanhi ng trraffic kahit saan, minsan nakparada kotse mo nagagasgasan nila, wala silang pakialam.
ReplyDeleteThanks, sir.
ReplyDelete