Thursday, January 29, 2015

100% ALL-NATURAL EK-EK

 100% ALL-NATURAL EK-EK

           Ang pagtanda ay bahagi ng kalikasan.  Ang lahat ng nabubuhay sa mundo, at pati na rin ang mga bagay na hindi nabubuhay, ay nagkakaedad.  Ang daigdig mismo ay dahan dahang umiinog kagaya ng kanyang ginagawa sa loob ng bilyon-bilyong taon.  Sa ayaw natin at sa gusto, tatanda tayo lahat.  At mamamatay.

            Pero may mga taong ayaw tumanda.  O magmukhang matanda.  Pinoproblema nila ang pagdami ng puting buhok, ang pagkulubot ng balat, at pagdami ng maliliit na kulugo sa mukha at sa leeg.

Bakit naman, e di ba’t ang pagtanda ay pagsama sa daloy ng kalikasan?  Ano naman ang masama sa pagtanda?  Lahat naman tayo, mag-aamoy lupa.  Yung mga babae, nagagalit pa pag tinatanong ang kanilang edad.  Ang pakiramdam nila , e binabastos sila.   Gurang! Ang arte mo.

To age is to be one with nature.  To want to look young, yan ang hindi natural. 

            Kakaiba, dahil sa lahat ng bagay, ang gusto natin ay ‘yung mukhang matanda.  ‘Yung mga bahay at building na luma, doon tayo nagagandahan at pine-preserve pa nga natin.  Ginagawa pang tourist attractions ang mga pinakalumang building.  Sa halaman, gusto natin ‘yung mukhang matanda, yung sala-salabit ang ugat.  Yon ang hinahanap sa bonsai, yung maliit pero mukhang matandang puno na nasa paso.  Kaya nga mayroong antique store, at doon ibinebenta sa mahal pang presyo ang mga matatandang gamit noong araw, dahil ito raw ang maganda.    Mas matanda, mas mahal.  At walang lokohan, totoong nangyari ito, minsan, meron pa nga akong nakitang tindahan ng furnitures, ang sabi sa pinto, “We make made-to-order antiques”.  Ayos. 

            Pero pagdating sa itsura at katawan natin, ang gusto natin ay lagi tayong mukhang bata.   Sa kadahilanang hindi ko masyado maintindihan, lagi nating ikinakabit ang kabataan sa kagandahan.  Dahil siguro ang kabataan ay simbolo ng buhay, ng kasiglahan, at pangako at pag-asa ng magagandang bagay.  Kaya’t ginagawa natin lahat, magmukha lang tayong bagets.

            E bakit ang turo sa amin ni sister sa retreat noong elementary kami, ang tunay na kagandahan daw ay pang-loob?  Niloloko lang ba kami ni sister?  Kungsabagay, hindi pa uso noon ang liposuction at pagpapabanat ng mga matatanda sa kanilang kutis-ampalaya, at wala pa si Vicky Belo noong panahon na iyon.    

            Isang pang dahilan kung bakit tayo nagbabata-bataan, ay dahil ikinakabit natin ang patse-patse, kulubot at amoy-lupang balat at iba pang senyales ng old age, sa kamatayan.  Pag ganyan ang nakikita natin sa tuwing tayo ay mananalamin, para bang ipinapaalala lang sa atin na ang lahat ng bagay ay nagbabago.  Wala namang bago doon.  Hindi lahat ng maganda ay nananatiling maganda.  Lahat ng pagkain, kahit gaano kasarap, ay napapanis din.  Mabubulok.  Babaho.  Yuck.

Mga babae, exempted ba kayo dyan?

            Hindi.  Sa kabila ng lahat ng pampaganda, pampakinis, pampabata at lahat na ng pampa, babaho din kayo.  Aaangot tayong lahat.  Sa lalaki kasi, pag tumanda, isang pampa lang ang kailangan.  Bastos.   

Pag pumapangit tayo dahil sa edad, pag bumabagsak na ang balat sa mga braso at sa mukha, at naglalakihan na nang gasuntok ang mga eye bags, nag-aalala siguro tayo dahil pakiramdam natin ay malapit na tayong kunin ni Lord.  Ano naman ang masama doon, hindi ba gusto natin lahat mapunta sa langit?  Bakit hindi na mauna iyong iba?  Mahirap yung sabay-sabay tayo.  Magagahol si Lord sa paghahanda sa welcome ceremonies. 

Takot na takot tayong magmukhang matanda.  Umiinom pa tayo ng kung anu-anong all-natural na supplements daw, para lang pigilan ang hindi mapipigilan.  Ang tanong ko lang, e all-natural pala ‘yang pinapaimon sa atin, e bakit wala pa akong nakitang punong namunga ng mga tableta at kapsula?  Hindi ba ang 100% natural, e ‘yung may balat, tangkay at may dahon?   Ang mga lolo at lola ko, ni hindi yata nakahipo ng vitamins sa buong buhay nila, e inabot lahat ng 90s.  Nagtatabako pa yon at pinapapak ang bagoong.  Sa panahon ngayon, ‘yun namang maraming tao na tumitira ng “all-natural supplements”, bakit maagang nagkakamatay.  Nagtatanong lang po.  Hindi ko po gusto mabawasan po ang kita ninyo po sa racket nyo po.  Totoo po.

 Eto pa, nagpapabanat pa tayo ng balat at nagpapahigop ng taba.  Billion-industry na yata ang pagpapabata.  To  be exact, ang pagpapamukhang bata.  Sige nga, mukha bang bata at maganda yung mga sikat na “eksperto” na gumagawa ng pagbabanat ng balat at kung ano-anong procedures sa katawan?  Kung minsan tuloy, parang gusto ko pa matuwa sa mga taong pumangit o nasunog ang balat, dahil nagkamali ng gawa si dok o mga ekspertong beauty consultant kuno, at parang gusto ko sabihin na huwag ninyo na kasi pakialaman iyang katawan ninyo.  It took millions of years for the human body to be designed and developed.  Hindi mababago yan ng dalawang oras na procedure ni dok, at lalong hindi natin maibabalik ang kamay ng orasan.

Sa akin, walang kasing sakit sa mata ang isang tulad ni Madam na banat na banat ang balat sa mukha, mula noo hanggang leeg, na nakapatong sa katawan na ang balat ay kamukha ng gusot gusot na kumot.  Sa sobrang pagkabanat ng balat sa mukha, naging singkit na.  Katawa-tawa lang at nakakaawa ang tingin ko ron.  Umiirap pa yon, ha. Tse, daw.  Tse.

            Kung magkaroon man ako ng pagkakataong tumanda pa, gusto ko tumanda nang nakaayon sa takbo ng panahon.  Ok lang tumanda.  There is supposed to be wisdom in old age, at yon ang dapat habulin natin sa pagtanda, hindi ang makinis na balat.  Huwag natin labanan ang panahon.  Ibang bagay ang pagtuunan natin ng atensyon.  Perpekin natin ang ating pagkatao, huwag ang ating mukha.  Tandaan mo ito, huwag mo masyado bigyan ng panahon yang mukha mo dahil papasakan lang ng sangkatutak na bulak yan ng inyong embalsamador pag dating ng panahon. 

Ang pagtuunan natin ng pansin ay kung paano pagagandahin ang mga tao at kapaligiran na iiwan natin sa mundo.

            Tama pa rin si sister.  Ang maganda ay ang walang panloob.  Nakupo, mali; sorry, sister.  Ang tunay na maganda ay ang gandang pangloob. 


1.28.15


Tuesday, January 27, 2015

TRAYSIKEL

TRAYSIKEL

Kung mayroong isang bagay na sumisimbolo sa ugali at karakter ng Pinoy, para sa akin, hindi ito ang barong tagalog.  Mas maraming Pinoy ang nagsusuot ng puruntong, at ginagamit lang natin ang barong tagalog pag mag-aanak sa kasal.  Si Rizal nga naka-amerikana, e, siguro nalalamigan.  Si Bonifacio naman, nakamahabang camisa, na parang hinubad ang barong, siguro naiinitan.

Hindi ang kalabaw at araro, dahil wala nang gustong maging magsasaka.  Pag sinabi ni Ma’am na “What do you want to be when you grow up?”, sa tingin ba ninyo, may batang magsasabi ng “I want to be a farmer, so I can feed the world to make it a better place”.  Wala nang magsasabi niyan sa Pinas, maliban sa kandidata ng Miss Universe.

Hindi rin si Noynoy ang simbolo ng mga Pinoy.  Maraming Pinoy ang long hair. 

Hindi ang kanin, dahil kulang na ang bigas sa Pinas, at kulang din naman kasi ang NFA rice, nasa cartel lahat.  At dahil sa marami na rin ang hindi na kayang bumili ng bigas, marami na rin ang kumakain ng mais at kamote, at syempre, mas enjoy tayo sa cheeseburger at prents prays.

Hindi ang narra (ubos na ang mga puno), hindi ang maya o agila (ubos na rin sila, tinirador na lahat), hindi ang niyog (kulang na ang puno ng niyog, marami na ang sinira ng peste).


Ang simbolo ng Pilipino ay traysikel.  Para sa akin lang yon.

Bakit ‘ka mo?  Ang traysikel ay wala rito, wala roon.  Neither here, nor there, sabi nga.   

Hindi makaluma, hindi rin makabago.  Sa isang sukatan kung saan ang makaluma ay ang kalesa, at ang makabago ay isang madugong SUV o bullet train, ang traysikel ay nasa bandang kaliwa, mas angat lang ng kaunti sa kalesa.  Hindi makaluma, dahil ang traysikel ay ginagamitan ng makinang de gasolina; pero lalo namang hindi rin makabago, dahil lumang technology pa rin ang gamit. 

Ang bilang ng gulong ng traysikel ay alanganin; hindi dalawa, hindi apat, kundi tatlo (kaya nga tri-sikel, e).  Alanganin.  Kaya mabuway.  Para ding Pinoy, hindi niya alam kung ano siya, kaya hindi sigurado ang tayo (mahabang usapan yan).  Kaya mas mabilis sya sa lakad at sa kalesa, pero hindi sya pwedeng maging kasingtulin ng kotse.

Kahit ano, pwede mong ikabit sa traysikel; antenna, busina (meron pang busina ng Benz), sticker, floormat, bangkito, tray sa ibabaw, tray sa likod, dumadagundong na speakers, lahat ng klase ng palawit at borloloy, at syempre, ang plastic na all-weather tarapal.  Kahit saang parte, nilalagyan ng ilaw.  Iba-iba pa ang kulay, parang ilaw sa Christmas tree.

Kahit ano, pwede mong gawin sa traysikel, pwede mong gawing karinderia, school bus, panghakot ng paninda sa palengke, palay o mineral water.  Pwede ring mobile sari-sari store, mobile tiangge, o mobile bakery.  Ang mga small-time drug couriers, naka-traysikel din.  Basta retail basis lang.  Free delivery pa. Di ba, sarge?

Kahit ilan, pwede mo isakay.  Mula sa sosyal na saleslady na nag-iisa sa traysikel (“special trip” ang tawag dyan) at gusto nang umuwi dahil gutom na gutom na (kumakain na nga ng Chippy), hanggang sa isang section ng Grade 3 sa mababang paaralan ng kung saan.

Ang bawat probinsya at syudad sa Pinas, may kanya-kanyang disenyo ng traysikel.  May mababa na kailangan mong yumuko habang nakasakay; may talikuran, may harapan; mayroon ding pwedeng sumakay sa ibabaw, at mayroon pang kamukha ni Mazinger Z.   Iba ang traysikel sa Puerto Princesa sa Paranaque, iba sa Tacloban, at iba sa Malolos.  Pati sa traysikel, matingkad ang regionalism natin.

Ang traysikel, parang mentalidad ng Pinoy, walang batas-batas.  Sa traysikel, ang batas ay suggestion lang; optional.  Kahit saan nagsasakay, kahit saan nagbababa (Para ding bus).  Kahit saan, humihinto.  Kahit saan, lumiliko. (Para ding bisikleta).

Walang ruta ang traysikel, kahit saan pwede ka magpahatid (parang taxi).  Kahit saan sumusuot, kahit saan lumulusot. 

Sumasabay sa bus sa EDSA, sumusuot sa eskinita, nilulusong ang bukid, pumupunta sa beach.. 

Walang one way-one way sa traysikel.  Puro my way.  Nagkacounter-flow din (parang jeep).  Pag sinita mo sila, naghahanap-buhay lang sila.  Diyos ko po.

Pwede ring lugar na ligawan, pahingahan at tirahan.

Walang fixed na pamasahe, depende ang pamasahe sa mood ng drayber (parang taxi ulit).  Pag ang sakay ay maganda at sexy na babae, pwedeng libre.

Mas marami ang traysikel driver kaysa sa anumang driver ng sasakyan, kaya hindi sila pwedeng banggain ng mga pulitiko.  Hindi mo sila pwede wag pansinin, because they are eveywhere.  Maaaring totoong jeep ang hari ng karsada, pero iyan ay totoo lang kung walang traysikel na nakaharang.  Sino ngayon ang astig?

Maraming mga traysikel, hulugan lang sa financing, katulad ng motorsiklo, DVD, at washing machine na hulugan sa Bumbay.  Pumunta kayo sa ordinaryong financing company, at makikita ninyo, tricycles galore, santambak ang nabatak na tricycle dahil hindi nahulugan.

At para bang indikasyon ng ating kakayahan para magkaisa, ang bawat kanto ay may TODA, kung saan laging may alitan ang mga miyembro dahil sa pagkuha ng sakay at singil sa pamasahe, at syempre, sa nawawalang pondo ng grupo.  Ang pondo ng TODA, laging TODAS.  Ang bawat TODA naman, hindi niya makasundo ang TODA ng ibang kanto at ibang barangay.  Pag hindi makasundo ang officers ng TODA, magtatayo ng sariling TODA.  Anak ka ng toda.  Tipikal na kuwentong Pinoy.  (Kung hindi mo alam  ang ibig sabihin ng TODA, baka matagal ka nang nawala sa Pinas). 

Baka naman sabihin ninyo, napakadilim naman ng tingin ko, at napaka-negative.  Siguro, pero pasensya na kayo, yun ang nakikita ko e.  Baka may iba kayong nakikita, pakituro ninyo sa akin.    


Ang sabi ng iba, ang traysikel ay simbolo ng Filipino ingenuity, versatility at creativity, at dapat ipagmalaki.  Sigurado, may magsasabi rin na ang traysikel ay simbolo ng pakikipagasapalaran ng ordinaryong Pilipino na mabuhay.  Totoo naman lahat yon.

Pero, para sa akin, pangit ang traysikel.  Bago kayo mag-react at kastiguhin ako na ako ay isang elitistang burgis, umamin muna kayo na kung kayo ay may pambili, ang pipiliin ninyo ay isang mumurahing kotse at hindi traysikel.  Sa akin, ang traysikel ay simbolo ng ating pagka-paurong.  Simbolo ito ng kapabayaan ng ilang henerasyon ng mga Pilipino; the one single symbol of our failure as a people.  Sa isang mundo na ang ibang lahi ay pinoproblema kung anong airline ang kanilang sasakyan, ang pinoproblema ng maraming mga Pinoy ay kung papaano huhulugan ang traysikel na inutang.   Napapangitan ako sa traysikel, hindi dahil ito ang sasakyan ng mahirap, o dahil mahirap ang driver na may dala; napapangitan ako sa traysikel, dahil pinapaalala nito sa akin kung gaano na tayo napag-iwanan ng buong mundo. 

Magbisikleta na lang tayo.  Matipid na, maganda pa sa katawan.  Maliban kay Kris Aquino, na baka mamatay pag naalikabukan ang balat,  lahat naman siguro tayo ay papayag na pumasok sa trabaho na nakabisikleta.

Lagyan mo lang ng lock pag pinarada mo. Baka mawala.


1.27.15

Sunday, January 25, 2015

BAKIT AKO MAY BLOG


BAKIT AKO MAY BLOG

Salamat sa pag-aaksaya ng panahon sa pagpunta sa blog na ito.  Hindi ako sigurado kung sulit ang oras mo na magbasa nito.

Pero wala namang masama siguro kung ibahagi ko ang naiisip ko.  Hindi ako tech-savvy, kaya nagpagawa ako sa anak kong si Igue ng kung tawagin daw ay blog, dahil gusto kong makaabot sa maraming tao nang hindi ako gumagawa ng tunay na dyaryo o gumagamit ng post office, na parehong kailangan ng pera para magawa, at wala naman ako maraming pera o panahon para doon.  Blog, dahil ayoko naman mag-impose ng mga sinusulat ko sa mga taong ayaw namang magbasa nito, kaya kung nababasa mo ito, iyon ay dahil ginusto mo.

Paminsan-minsan ay magsusulat ako dito.  Kung anu-ano lang, na sana pag nabasa ninyo ay hindi ninyo tatawaging pagsasayang ng oras.  Salamat.

ANG PABORITO KONG KAMBING

ANG PABORITO KONG KAMBING

May best friend ka ba noong high school?  E, ngayon, sino ang best friend mo?

Gusto mo ba siya iluto at kainin?  Naitanong ko lang, kasi sabi nila, ang aso ay man’s best friend.  

Gusto mo bang iluto at kainin ang matalik mong kaibigan? 

Alam ko, bawal na ang kumain ng aso dito sa ‘tin sa Pinas, pero magtanong kayo sa inyong friendly neighborhood manginginom at sasabihin niya sa inyo kaagad kung saan makakabili ng masarap na kalderetang aso, at kilawing balat ng aw-aw.  Dog food.  Dog that is also food. 

Sa isang banda naman, sa mainstream na lipunan, bawal na ang kumain ng aso.  (Maliban siguro sa Baguio, kung saan parang bawal ang inuman na walang aso.)  Bawal na kumain ng aso, dahil dapat daw alagaan ang mga hayop, at dahil dapat maging sensitibo tayo sa iba pang mga kasama nating nilalang na kapwa natin transient dito sa mundo.  Ok, magaling.

E, bakit ang baboy, kinakain natin? Ang baka, kambing, tupa, at manok, kinakain natin sila lahat.  Hindi ba hayop lahat iyang mga ‘yan.

Ano ang naging kasalanan ng mga baboy, baka at manok, at ano ang kaibahan nila sa aso at pusa, at sila ay minalas na nakasanayan na nating paramihin para lang kainin ng tao?  Pare-pareho lang naman silang hayop.  Laging litsong baboy lang ang sikat pag may handaan.  (Pag big time na taga-gobyerno, syempre, litsong baka).  Bakit kaya walang litson na aso, o litsong pusa, na nakadisplay sa kasalan, katabi ng wedding cake, pansit at leche flan?

Bakit pag may napabalitang dog-impounding area, para sa mga asong malapit nang gawing pulutan, nagagalit tayo at naaawa sa mga aso?  Dahil pinsan sila ng inyong cute at loving poodle na si Smoochie?  Ganon?!

Pero alam ninyo rin naman, na araw-araw, ganyan din ang nangyayari sa mga katayan ng baboy, at baka, at di hamak na mas marami pa sila doon sa slaughterhouse kaysa sa mga aso sa compound ng dogsnatchers.  At lintik ka-violent ang pagpatay sa mga baboy at baka.  Sabagay, wala namang pagpatay na hindi violent.  Manhid ka na lang para huwag maawa sa mga ito.  Marinig ninyo pa lang ang iyak ng mga kawawang hayop na ito, parang hindi mo na kakayanin.

Kaya, siguro, pag may nakikita tayong nakakabagabag sa kalooban, mas pinipili natin na huwag nang tumingin.  Huwag na lang natin tingnan kung paano sila naghihirap habang kinakatay, at hintayin na lang natin silang maging bacon at hotdog, na nakabalot sa magagandang plastic ng Monterey.  Iyon ang pinakamadaling gawin, ang huwag tumingin.  To look the other way.  Kagaya ng ginagawa natin sa ibang mga bagay, pag merong umuukilkil na problema sa ating konsyensya na hindi natin kaya pangatwiranan, hindi na lang natin tinitingnan, at pinipilit natin na huwag na lang pansinin, in the hope that it will just go away.     

Nabasa ko na to somewhere e, out of sight, out of mind.  E, di huwag na rin siguro tayo tumingin sa squatters’ area, para walang problema?  Ganon?!   Kaya siguro din, kung ayaw mo mabagabag at madagdagan pa ang mga alalahanin sa buhay, huwag ka na uling titingin sa salamin, at makakaharap mo lang ang pinakamalaking problema mo.

Ang payo ko lang, pag tinubuan ka ng pigsa, lalo na sa singit, huwag mong ipagwawalang-bahala iyan.  Pansinin mo agad ‘yan at ipatingin mo kaagad kay Doc.  Ubod ng sakit nyan pag napabayaan at tinubuan ng mata. 

But back to lechon, bakit ba nilalagyan ng mansanas ang bunganga ng lechon?  Na para bang ang ibig natin sabihin, e ”Ayan, kinain mo kasi ang pinagbabawal na prutas, kaya nilitson ka namin.  Ikaw kasi, e”.

Bakit nga ba espesyal ang pagtingin natin sa mga aso at pusa?  Dahil ba ang aso ay matalino raw at nakakatuwa?  Well, paano mo nalaman na bobo ang mga baboy, at paano ka nakasiguro na walang emosyon ang mga baka?  At nakakita ka na ba ng kambing na kinakatay?  Matapos painumin ng isang drum na suka (para maging malinis ang kanilang bituka), at kapag medyo groggy na sila, gigilitan na sila sa leeg, at habang ginigilitan, tutulo na ang luha nila habang nakatingin sa kanyang murderer, habang inilalabas ang tunog na ubod ng hirap pakinggan at parang nagmamakaawa na “mehhmehhmehh”?  Ngayon, sa tingin mo, hindi sila nasasaktan?  Kung nasasaktan sila, di ba dapat maging sensitive din tayo sa mga kambing, gaya ng sensitive tayo sa mga aso?  O, hindi na lang tayo titingin?  Bakit hindi tayo magkaroon ng goat show, at magtayo ng beauty parlor para sa mga kambing, na kamukha ng mga parlor ng aso sa SM? Bakit hindi natin yakapin ang kambing na parang Shih tzu, at sabihin na “ang cute-cute mo, mwah, mwah”. 

Nagtatanong lang.  Kung sabagay, kung iisipin natin, hindi nga tayo sensitive sa kapwa tao e, sa kambing pa kaya.  Ang tao nga, tayo-tayo, nagkakainan din tayo.  Hindi yung iniisip mo, bastos.  Ang sinasabi ko, ang tao, nilalamon din niya ang kapwa tao.   Lahat tayo ay predator at prey ng kapwa tao at the same time.  Hindi lahat ng pagiging predator ay dinadaan sa bibig.  Ang malakas ay kinakain ang mahina ng buong-buo, dahil pag tumigil daw ito sa paglamon, yung malaki ay mamamatay.  Tingnan mo ang mga bangko, kainan sila ng kainan.  Merger yata ang tawag nila doon.  Pero hindi ko na alam yan.  Sa pagkain lang ng kambing ako magaling.   

Ngayon, kung sabihin naman natin na hindi natin maiiwasan, at kailangan nating kumain ng mga hayop para tayo ay mabuhay, at tutal, tayo naman ang nasa ibabaw ng food chain, at ginaganap lang natin ang dikta ng kalikasan, e di huwag na tayong maging maarte, at kainin na natin sila lahat, pati ang mga aso at pusa.  Isama na natin ang mga unggoy (Isipin nyo sa isang restoran, nakapaskel, “Please try our specialty, Kalderetang Dibdib ng Unggoy”.  Cute).  Hayop din naman silang lahat e, di ba. 

Ngayon, kung hindi naman natin kaya tagalan ang araw-araw na pagkatay sa mga kapwa natin living things na may paa, e di kumain na lang tayo ng living things na walang paa, yon na lang mga may dahon at bunga.  Yung walang insecticide, please.

Napaisip lang ako, ha.  Masarap kasi ang kambing e, lalo na yung sinigang na pinakuluan ng tatlong oras, at maraming sili.


1.25.15

Friday, January 23, 2015

ANG RELASYON NG PANG-URI AT PANGNGALAN

ANG RELASYON NG PANG-URI AT PANGNGALAN

Sa wikang Pilipino, maraming pang-uri (adjective) ang halos nakatali na yata sa kanya-kayang pangngalan (noun).  Ibig sabihin, pag narinig mo ang pang-uri, siguradong kasunod na ang nakataling pangngalan.  Hindi ito mainam.  Dapat itong iwasan, dahil ito ay “predictable”, hindi “creative”, at nagpapakita ng katamarang mag-isip, kahit na nga ba madalas ito ay totoo.  Cliché, ‘ika nga, sa wikang Ingles.  Ang sinasabi ko ay gaya ng mga ito:

Meron pa bang ibang bagay na matangos, kundi ilong?
Meron pa bang ibang bagay na malantik, kundi pilik-mata?
Meron bang mapungay na bibig?  Syempre, wala; ang tanging pwedeng maging mapungay ay mata.

Bakit ang tanghali, laging tapat?
Bakit ang style, laging bulok?

Bakit pag may sinabing nakakabingi, lagi itong katahimikan?
Bakit pag may sinabing nagdudumilat, lagi itong katotohanan?
Bakit pag ginamit ang salitang kaibuturan, lagi itong nasa puso?
Bakit pag may isang bagay na karumal-dumal, lagi itong krimen?
Bakit pag isinalarawan ang budhi, lagi itong maitim?

Bakit pag may nakakaasar, laging Binay ang pangalan?


ANG HINDI MATAKASANG KINASASADLAKAN NI JUAN

ANG HINDI MATAKASANG KINASASADLAKAN NI JUAN


…  Napaalis sila sa maliit na bahay na kanilang inuupahan

Dahil hindi sila makabayad sa upa

Dahil laging kapos ang pera ng kanilang pamilya

Dahil natanggal ang tatay nila sa trabaho

Dahil lagi siyang late pagpasok sa kanyang pinagtatrabahuhan

Dahil late lagi ang MRT na kanyang sinasakyan

Dahil laging may tren na nasisira  

Dahil walang nagme-maintain na mga mekaniko sa mga tren

Dahil kinulimbat ng mga contractor ang pondong pangmaintain

Dahil pumayag ang mga taga-gobyerno na pabayaan na lang ang nakawan

Dahil niluto naman nila ang bidding

Dahil laging kailangan ni Director ng napakaraming pera

Dahil ang daming hinihingi ng kanyang sekretarya

Dahil pumayag siyang maging girlfriend ni Sir

Dahil iniwanan naman na siya ng kanyang mister

Dahil lagi silang nagkakagalit

Dahil ang dami niyang kapatid na umaasa sa kanya

Dahil wala silang trabaho

Dahil hindi sila nakatapos mag-aral

Dahil hindi sila makagawa ng assignment sa gabi

Dahil wala namang lugar kung saan pwede gumawa ng assignment

Dahil wala naman silang bahay

Dahil napaalis sila maliit na bahay na kanilang inuupahan…

Dahil hindi sila makabayad sa upa…..





(Ang ideya ng porma ng sinulat ko na ito ay nakuha ko sa isang English literature na aklat, na nabasa ko noong araw, na dahil sa tagal ay hindi ko na matandaan kung saan ko nabasa at kung ano ang title, pero binago ko lang laman para maitawid ko ang gusto ko sabihin)    

Thursday, January 22, 2015

TITULO


TITULO

Pag naririnig ko ang isang tao na siya ay may titulo sa isang piraso ng lupa, at ito ay pag-aari niya, madalas hindi ko mapigilan mapaisip.  Paanong nangyari na ang isang tao ay magiging kanya ang lupa?  Matagal na matagal na, bago pa sumulpot ang unang tao sa mundo, nandyan na ang lupa, kasama ang mga lamok at lumot, at sigurado, matagal nang wala ang iyong kaapo-apuhan, mananatiling nandyan pa rin ang lupa, kasama pa rin ang mga lamok at lumot at mga itinapong pinaglumaang baterya ng cellphone.  Sigurado, lupa ka na rin, o lupa na tayong lahat, nandyan pa rin ang lupa.  Paanong naging sa iyo ang lupa? Hindi mo pag-aari ang lupa.  Pag-aari ka ng lupa.  Huwag mo lang sasabihin yan sa may-ari ng inuupahan mong bahay, at baka mapalayas ka ng di oras, dahil baka isiping may tama ka sa ulo.

Iyan lahat ay inimbento ng tao, na kung tawagin ay batas.  Mga gawa-gawang konsepto para ang usapan ng tao sa kanyang kapwa tao ay maging maayos – at upang ang karapatang mag-ari ay magmukhang makatwiran.  Para ang lahat ng alitan at hindi pagkakasundo ay hindi na idadaan sa palakasan ng boses at lakas ng kakayahang manadyak at manapak, kundi pag-aayos ayon sa mga naisulat ng mga itinutuing na marurunong na tao – na kadalasan ay mga mayayaman din – na kung tawagin ay batas.  Sa pamamagitan ng batas, nilulutas, o pilit nilulutas, ang mga alitan ng tao, katulad ng kung sino ang pwedeng kumain ng isang salop na bigas, at kung sino ang kalahati lang, kung sino ang kakain ng mais, at kung sino ang hindi kakain ng kahit na ano.  Sa isang paningin, ginawa ang maraming batas upang wala nang maangas na nagrereklamo na siya ay nagulangan o dinaya.  Kung hindi ka masaya sa sinasabi ng batas, well, sorry, pero ‘yan ang batas.
   
Minsan, ang batas din ay iniimbento upang manggulang, at upang kusang-loob na maisip ng maraming mga nagugutom na OK lang pala kung nasa iilan lang na mga masisiba ang lahat ng pagkain.  Paminsan-minsan, ang batas ay wala din sa katwiran, maniwala kayo.  Gawa nga siya ng tao, e, remember? Tao na may puso't damdamin.  Damdaming manggulang,  Pero dapat din daw sundin ito, dahil iyan ang batas.

Alam ko na kung bakit ang mga huwes ay nakasuot ng itim at mahabang robe, kahit ubod ng init, at kung tawagin ay “Your Honor”.  Ito ay upang mabigyan ng respeto ang isang tao na ang sabi ng lipunan ay dapat kagalang-galang at dapat sundin, magkaroon ng respeto kung saan wala, at upang magmukhang marangal at makatarungan ang lahat ng kanyang sinasabi, kahit maraming beses ay hindi.  Isipin nyo naman kung ang huwes ay nakasuot ng Amerikana na kamukha ng kay Brother Mike, at ang sapatos ay matulis na parang sa kenkoy, walang patid siguro ang hagikgikan ng mga tao sa korte.  Pag sinabi ng judge na “Order!”, malamang akala ng mga tao ay may darating na pansit.
    
Pero dahil nasanay na tayo sa mga makabagong konsepto at institusyon ng makabagong lipunan, akala natin ay pinakanatural na sa mundo ang pagkakaroon ng batas, na kasingnatural na ang lahat ng bata ay pinanganak na may dalawang paa.  Nasanay na tayo na magkaroon ng mga pag-aari, o magkaroon ng karapatan na mag-ari, gaya ng mga lupa, alagang hayop, damit at smartphone, double cam, dual sim.

Noong araw, ilang siglo pa lang ang nakakalipas, pinakanatural na sa mga tao ang mag-ari ng tao.  Pag-aaring tao, o alipin.  Sorry ka na lang kung ang mga magulang mo ay alipin, dahil malamang habangbuhay ka ring alipin.  Dati, ang tao ay walang nakikitang masama na magkaroon ng alipin.  Pero dumating din ang panahon, na napagtanto natin na mali pala ang ariin mo ang isang kapwa tao, na parang kalabaw o araro.  Naisip din natin sa wakas na ang bawat tao, gaano man kadukha, ay may karangalan at halaga na dapat kilalanin.   Ngayon, meron pa ring mangilan-ngilang lipunan na may mga alipin, pero sa buong mundo, ang slavery ay hindi na tinatanggap na gawaing moral o katanggap-tanggap.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, matagal na ring walang pang-aalipin.  Ganunpaman, kung tatalasan ninyo ang inyong paningin, wala na ngang slavery, pero marami pa rin sa atin ang may utak-panginooon, at kung tratuhin ang kapwa ay para bang alipin ang mga ito.  Kung ayaw ninyong maniwala, magtanong kayo kung ano ang ibig sabihin ng “casa” sa Binondo.  Marami pa rin ang manggagawa sa bukid, at mga laborer sa construction, na ang sahod ay matutuwa pa ang tunay na alipin.

Higit sa lahat, marami pa rin ang alipin ng sariling kamangmangan at pagka-paurong.  ‘Yan ang mahirap sugpuin, dahil sarili ang kalaban.  Malaya na tayo sa mga dayuhan.  Pero mas mahirap lumaya sa sarili nating kagaguhan.  Marami sa atin ang alipin ng pera, ng ambisyon.  Sa maraming tao, ang cellphone ay parang oxygen, ikamamatay pag nawala.  Maraming tao, mukhang lalagnatin at aaakihin sa puso, pag nagurlisan ng ang kanilang kotse.  Wag kayong tumawa, pero marami na ang namatay sa kase-selfie sa escalator at texting while driving.  Nag-iba na ang anyo ng pagka-alipin.

Ang sabi ni Quezon, “It is better to have a government run like hell by Filipinos, than to have a government run like heaven by Americans”.  Madalas, nagdududa na ako kung tama ba si Ka Manny.  Base sa kalagayan ng trapik sa Quiapo at sa Cloverleaf Market ngayon, naiisip kong ang naging pagkaintindi yata nating mga Pinoy sa sinabi ni Quezon ay, “If it is a government by Filipinos, we must run it like hell”.         

Maraming  mga Pinoy pa rin na ang tingin sa anak ay private property, na umaasa na ang lahat ng kanilang sabihin ay susundin ng kanilang mga anak na parang utos ni Haring Solomon, at inaasahan na ang ginastos sa pagpapalaki sa anak ay dapat magkaroon ng magandang ROI (return on investment).  Pero nababago na rin ito unti-unti, at naiisip na rin natin na hindi lahat ng nakagawiang pag-iisip at nakagisnang tradisyon ay dapat pangalagaan at panatiliin.  Maraming pagkakataon, ang tradisyon ng mga matatanda ay pinagpapatuloy ng mga bata – kahit sa bastardo at sinalaulang porma - dahil lang sa ito ay tradisyon, kahit walang katuturan.  Katulad ng walang kamatayang pondahan sa mahal na araw, pero ibang usapan na iyon.

Mga isang daang taon pa lang ang nakakalipas, ang mga babae ay wala pang mga karapatan na karaniwang tinatamasa nila sa ngayon -  ang karapatang bumoto, magtrabaho at ituring bilang tao.  Ngayon, halos pantay na ang mga babae at lalake sa maraming lugar sa mundo.  Ngayon, sa maraming lugar sa mundo, ang babae, gaya ng lalaki, ay pwede nang magpakasal sa babae.  Pero ibang usapan na ulit ‘yon.

Kaya, tayo ay matuwa.  Dahil kahit papaano ay mayroong progreso sa ilang aspeto ng buhay natin.  Nababago din ang mundo, at kahit dahan-dahan, sumusulong ang sangkatauhan.  Isangdaang taon mula ngayon, sana hindi na tayo lokong-loko sa selfie.      

1.7.15
























Wednesday, January 21, 2015

PROGRESO

PROGRESO

Noon, bago lumubog ang araw, maraming mga tao, pauwi na galing trabaho; ngayon, bago lumubog ang araw, maraming mga tao, papunta na sa trabaho;

Noon, ang laging nakaupo sa harap ng computer, mga may trabaho; ngayon, mas matagal sa harap ng computer, mga walang trabaho. 

Noon, ang mga nakauniporme, hinahabol ang mga kriminal; ngayon, nakauniporme na ang mga kriminal.     

Noon, ang mga tao, nagkakausap bago maging friends; ngayon, ang mga tao, nagiging friends muna bago mag-usap.

Noon, ang mga dalagang estudyante, hatid-sundo; ngayon, sundot - hatid;

Noon, ang mga bagay na ating dapat gawin, ang tawag ay “source of obligation”; ngayon, ang mga bagay na dapat nating gawin, ang tawag ay “source of stress”;

Noon, ang mga tao, walang kung ano-anong mga gadgets, pero mas madalas mag-usap  at nagkakaintindihan; ngayon, sangkatutak ang mga gadgets, pero hindi naman nag-uusap at hindi magkaintindihan;

Noon, nakakagulat pag may patayan; ngayon, nakakagulat pag walang patayan; 

Noon, pag nagdilaw ang traffic light, nagbabagal ang mga sasakyan dahil magpupula na; ngayon, pag nagdilaw ang traffic light, bumibilis ang mga sasakyan dahil magpupula na;

Noon, pag ang kapitbahay, tumulong sa handaan, mabilis naluluto ang ulam; ngayon, pag ang kapitbahay, tumulong sa handaan, mabilis nawawala ang ulam;

Noon, ang tao, kahit hindi marunong magbasa, marunong makaunawa; ngayon, ang tao, marunong nang magbasa, pero hindi makaunawa.

Noon, bago kumain, ang pagkain, dinadasalan; ngayon, bago kumain, ang pagkain, pinipicturan.

Progreso.



1.7.15

ANAK NG TUPA

ANAK NG TUPA

Year of the Sheep daw ngayong 2015.  Upang maging maganda ang inyong taon, hayaan ninyong bigyan ko kayo ng ilang payo ayon sa aking Bolang Kristal, at ayon sa pinakasubok at pinakamagaling na gabay sa ating buhay, ang Pun So.  Kalimutan ninyo ang Syensya, Kasaysayan at Common Sense; walang kuwenta lahat yan.  Dito na tayo sa subok na matibay, subok na matatag, ang Pun So (mula sa salitang Nuno sa Punso).

Dahil apat ang paa ng tupa, maswerte sa kalusugan ngayong taon, ang pagkain sa mga hayop na may apat na paa; baboy, baka, kambing.  Mas maraming makakain na ganitong hayop, mas healthy.  Isama ninyo na pati kalabaw, usa, baboy ramo, at aso ( ‘yung may breed at papel; hindi pwede ang askal).  Kung mayaman kayo, maswerte din ngayong taon ang pagkain ng kabayo.  Kung kakain ng manok, siguraduhing bumili ng dalawang manok, para apat ang paa, para maswerte.

Maswerte ngayong taon ang letrang “O”.  Sa mga klase ng luto, maswerte ngayong taon ang pagkain ng mga lutong nagtatapos sa “O”, gaya ng menudo, asado, embutido at prito.  Kumain ng marami ng mga ganitong pagkain.

Sa mga seafoods naman, dahil ang tupa ay nagsisimula sa letrang “T”, maswerte ang pagkain ng mga seafoods na nagsisimula sa letrang “T”, kagaya ng tilapia, tamban, talakitok, tambakol, talimusak, talaba at talangka.  Pwede rin ang talmon at taptap.  Matalap at matwerte ang mga ‘yan.

Sa lovelife, maganda ang pasok ng taon sa mga pinanganak sa year of the sheep, at maganda ang taong 2015 para magpakasal.  Dahil ang tupa ay natutulog sa LABAS ng bahay, compatible at nagco-compliment kayo sa mga taong pinanganak sa taon ng mga hayop na natutulog sa LOOB ng bahay, kaya compatible kayo sa mga taong pinanganak sa Year of the Rat at Year of the Dog (dahil madalas sila matulog sa loob ng bahay).  Ngunit kung ang inyong kasalukuyang girlfriend o boyfriend ay hindi ipinanganak sa Year of the Rat o Year of the Dog, at pinanganak siya ng Year of the Ox, Tiger, Rabbit, Dragon, Snake, Horse, Monkey, o Rooster, huwag mag-alala; kailangan ninyo lang magpatulog ng ganitong hayop sa loob ng inyong bahay kung gusto ninyong maging compatible sa inyong partner, at gaganda ang inyong pagsasama.  Suswertehin kayo sa lovelife pag pinatulog ninyo ang mga hayop na iyan sa bahay ninyo.  Try n’yo lang.  Wala namang mawawala.

Sa larangan ng negosyo, maswerteng magtayo ng negosyo sa mga buwan na nagtatapos sa letrang “O”, gaya ng Enero, Pebrero, Marso, Mayo, Hunyo, Hulyo, Agosto, at dahil ang “sheep” ay mayroong dalawang letrang “E”, maswerte din ang mga buwang nagtatapos sa letrang “E”, tulad ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembre.  Dahil ang letrang “B” ay parang dalawang letrang “O” na pinagpatong, kung sakaling kulangin sa puhunan, maswerte naman na manghiram lamang sa mga bangkong may letrang “B” sa pangalan ng bangko, tulad ng BPI, BDO, metroBank, rcBc, pnB, ucpB, at kahit anong rural Bank.  Dagdag Tip: Mas magandang manghiram sa mga bangkong nagbibigay ng malaking interes sa depositors, dahil malapit nang magsara ang mga ito, at hindi na kailangang magbayad ng inyong utang.

Para lalong swertehin sa negosyo, bumili ng gintong pusa na kumakaway at maglagay ng tatlo sa ibabaw ng TV.  Pwede rin maglagay ng lima sa ibabaw ng dashboard ng kotse.  Maswerte yan.  Pangontra sa kumakaway na MMDA.

Eto naman ang aking fearless forecast sa taong 2015. 

Sa showbiz, may isang mamamatay na lalaking artista, mahilig siyang magpantalon at kulay itim ang buhok.  May mamamatay din na isang babaeng artista, marami na siyang ginawang pelikula at mahilig magpa-manicure.  May isang teen-ager na artistang sisikat kahit hindi gaanong kagandahan, na may manager na bakla.  Mahilig siyang gumamit ng salitang “sobra” at “parang ganon”.  Hindi ko pa alam kung babae siya o lalaki, pero mali-link siya sa isang ka-relasyon, mambubuntis o magpapabuntis, ide-deny niya ito sa dyaryo, at iiyak siya sa harap ni Boy Abunda at Kris Aquino.
        
      May isang pulitiko na mag-aartista, at may isang artista na magiging pulitiko.  Yung pulitiko ay hindi na nananalo sa eleksyon (kaya wala nang kita), kaya mag-aartista.  Yung artista ay wala nang pelikula (kaya wala nang kita), kaya magpupulitko.

Sa mga kalamidad, magkakaroon ng malakas na bagyo, at ang kanyang pangalan ay pangalang pang-mahirap, at ang aking nakikita, ito ay mangyayari sa buwan ng Hulyo o Agosto, kung hindi man ay sa Setyembre o Oktubre (o kaya ay Nobyembre).  Magkakabaha sa Marikina River, at sa Taft Avenue (sa harap ng LRT, UN Avenue Station).

Madalas magkakalindol ngayong taon, halos linggo-linggo.  Pero mahina lang, kaya hindi natin mararamdaman.  Nakikita ko na maraming naka-hopper ang mamamatay, nakainom at walang helmet.  Dapat ding iwasan ang mga nakamamatay na lugar, gaya ng taxi at government hospitals.

Sa gobyerno, mayroong puputok na balita tungkol sa isang scam, at manggagaling ito sa isang ahensya ng pamahalaan na nagsisimula sa salitang “Bureau”, o kaya ay “Department”.  Maraming matataas na opisyal ng gobyerno ang masasampahan ng kaso sa Ombudsman, pero hanggang sampa na lang.  Magkakaroon ng malaking rally sa February 25 sa EDSA, sa May 1 sa Lawton, at sa Commonwealth sa huling SONA ni Pnoy.  May isa ring malaking rally – mga 20 tao – ang mangyayari sa harap ng US Embassy, magkakapukpukan, at matatapos sila sa harap ng mga barbed wire sa Mendiola, pag uwi ng mga TV reporters.

Lalaban uli si Manny Pacquiao.  Sa boxing, hindi sa PBA.  Hihimatayin si Mommy Dionisia, bago magpa-interview sa Channel 7 at Channel 2, at pagkatapos, magkakaroon ng parada sa Manila, nakasakay si Chavit sa trak, katabi si Pacman.

Kaya ‘ayan, mga kaibigan, malinaw  pa sa sikat ng araw ang mga paalala sa atin.  Maswerte tayo; hindi lahat ay nakakaalam nito, kakaunti lang.  Kaya kung ako sa inyo, maniniwala ako rito.  Kalimutan ang Siyensya, Kasaysayan at Common Sense.  Hindi tayo pwedeng umasa sa mga ‘yan.  Sundin ang aking Bolang Kristal, at ang Pun So, ang sistematikong gabay sa ating buhay. 
            
           Mangyayari ito.  Tiyak iyon.  Ingat lang.  Happy New Year.


                January 4, 2015.

KUNG IKAW AY NASA BINGIT NG KAMATAYAN, HUWAG MAWALAN NG PAG-ASA

KUNG IKAW AY NASA BINGIT NG KAMATAYAN, HUWAG MAWALAN NG PAG-ASA
(O kung bakit ang pag-asa ay walang hanggan….)


Kung ikaw ay nasa bingit ng kamatayan, huwag mawalan ng pag-asa, dahil kung mamatay ka man, dalawa ang pwedeng mangyari sa iyo.  Pwede kang i-cremate, o pwede kang ilibing.

Kung ikaw ay i-cremate, mahapdi iyon, at katapusan mo na.  Pero kung ikaw ay ililibing, huwag mawalan ng pag-asa, dahil dalawa ang pwedeng mangyari sa iyo.  Pwede kang ilibing sa nitso, o pwde ka ring ilibing sa lupa.

Kung ikaw ay ilibing sa nitso, hindi ka na makakalabas doon, at katapusan mo na.  Pero kung ikaw ay ililibing sa lupa, huwag mawalan ng pag-asa, dahil dalawa ang pwedeng mangyari sa iyo.  Pwde kang hukayin at kainin ng asong gala, at pwede kang mabulok na lang at maging pataba sa lupa.

Kung ikaw ay hukayin ng asong gala, lalawayan ka nito at papapakin, at katapusan mo na.  Pero kung ikaw ay mabubulok at magiging pataba sa lupa, huwag mawalan ng pag-asa, dahil dalawa ang pwedeng mangyari sa iyo. Pwede kang pakinabangan ng isang halamang gulay, o pwde kang pakinabangan ng isang puno.

Kung ikaw ay maging gulay, aanihin ka, iluluto ka at kakainin ka rin ng tao, katapusan mo na yon.  Pero kung ikaw ay maging puno, huwag mawalan ng pag-asa, dahil dalawa ang pwedeng mangyari sa iyo. Pwede kang putulin para maging tabla, at gawing baitang ng hagdanan, at pwede ka ring anihin, gilingin, at gawing papel.

Kung ikaw ay putulin at gawing tabla, at gawing baitang ng hagdan, tatapak-tapakan ka lang, at katapusan mo na yon.  Pero kung ikaw ay anihin, gilingin at gawing papel, huwag mawalan ng pag-asa, dahil dalawa ang pwedeng mangyari sa iyo. Pwede kang maging pad paper sa eskwelahan, at pwede kang maging tissue paper.

Kung ikaw ay maging pad paper sa eskwelahan, susulatan ka lang at pagkatapos ay lalamukusin ng mga bata, at itatapon ka, at katapusan mo na iyon.  Kung ikaw ay maging tissue paper, huwag mawalan ng pag-asa, dahil dalawa ang pwedeng mangyari sa iyo. Pwede kang gamitin sa kusina, o pwede kang gamitin sa kubeta. 

Kung ikaw ay gamitin sa kusina, gagawin ka lang pamunas sa tira-tirang mantika, mumo at kung ano-anong dumi sa mesa at kawali, at katapusan mo na.  Pero kung ikaw ay gamitin sa kubeta, huwag mawalan ng pag-asa, dahil dalawa ang pwedeng mangyari sa iyo. Pwede kang gamitin ng lalaki, o pwede kang gamitin ng babae. 

Kung ikaw ay gamitin ng lalaki, salaula sa kubeta iyan, at siguradong katapusan mo na.  Pero kung ikaw ay gamitin ng babae, huwag mawalan ng pag-asa, dahil dalawa ang pwedeng mangyari sa iyo. Pwede kang gamitin sa likod, o pwde ka ring gamitin sa harap.

Kung ikaw ay gamitin sa likod, masaklap ang iyong kapalaran, at maliwanag pa sa sikat ng araw, na katapusan mo na.  Pero kung ikaw ay gamitin sa harap, sa gayon, sa kabila ng lahat ng iyong pinagdaanan, ay masasabi mo at maipagmamalaki sa lahat, na MAYROONG KABULUHAN ANG IYONG PAGKAMATAY.

Kaya’t tandaan, kahit nasa bingit ng kamatayan, huwag mawawalan ng pag-asa.



(Ang ideya nito ay mula sa isang nabasa ko matagal nang panahon na di ko na matandaan kung saan, pero binago ko ang nilalaman para iakma sa panlasa ng bastos na mambabasang pinoy.)