Saturday, October 31, 2015

ANG ARAW NG MGA PATAY AY PARA SA MGA BUHAY

ANG ARAW NG MGA PATAY AY PARA SA MGA BUHAY

Ang Araw ng mga Patay ay para sa mga buhay, hindi sa mga patay.

Para sa mga buhay na naghahagilap ng sagot kung saan napunta ang mga patay, at pilit na inuunawa ang palaisipan na dala ng tuldok ng kamatayan.

Para sa mga buhay na nakokonsyensya at hindi pinapatulog dahil hindi nila napagtuunan ng pansin ang mga magulang na pumanaw noong sila ay nabubuhay pa.

Para sa sa mga buhay na dinadaan ang pag-ibig sa kanilang mga namatay na mahal sa buhay sa pamamagitan ng mga biniling bulaklak at kandila.

Para sa mga buhay na pinapahalagahan ang magarang musoleo, na wala namang katuturan sa mga patay na nakahimlay.

Para sa mga buhay na iniisip  ang walang katapusang  “Ano kaya?”

Ano kaya kung nakita ako ni Tatay na nakatapos? Ano kaya kung nakita ni Nanay ang apo niya? Ano kaya kung nakita nila na ako ay ganito na, o ganito pa, hanggang ngayon?  Puro ano kaya, ano kaya…
Lahat tayo, may kanya kanyang “ano kaya” tuwing Araw ng mga Patay.

Pag pinaguukulan natin ng pansin ang mga patay, ang totoong binibigyan natin ng pansin ay para masukat ang buhay ng mga natitira pang buhay.

Kailangan natin alalahanin ang mga patay, para magkaroon ng saysay ang mga nabubuhay.


Ang Araw ng mga Patay ay para sa mga buhay, hindi sa mga patay.

Friday, October 9, 2015

ISANG BUKAS NA LIHAM KAY MANNY PACQUIAO


ISANG BUKAS NA LIHAM KAY MANNY PACQUIAO

Dear Idol Manny,

Una sa lahat, ay nais kong isipin na sana ay hindi pa huli ang lahat para magbago ang isip mo.  Nakita ko kasi sa balita na tatakbo ka palang senador sa susunod na eleksyon.

Alam ko na hindi ako nag-iisa kung sasabihin ko na ako ay nalulungkot sa desisyon mo.  Ginagalang ko ang pasya mo, dahil kahit naman sino ay may karapatang maglingkod sa pamahalaan at dahil gusto mong tumulong sa mga tao, gaya ng lagi mong sinasabi.

Natatakot lang ako kung ano ang pwedeng mangyari sa iyo pagdating at pagkatapos ng eleksyon.  Walang duda, mananalo ka naman, sa dami ng fans mo.  ‘Yun nga lang, nalulungkot din ako, dahil hindi lahat ng fans mo, katulad ko, ay maiboboto ka.  Ang totoo, higit sa pagkatakot, ay nanghihinayang ako sa iyo.

Hindi ko minamaliit ang katapatan mo.  Alam kong mas tunay ang hangarin mong makatulong kaysa sa mas maraming may mataas na posisyon sa gobyerno.  Hindi ko rin minamaliit ang kakayanan mong unawain, kung sakaling maging senador ka na, ang maraming masalimuot na isyu ng pamahalaan, ekonomiya at sangkaterbang problemang panglipunan.  Mas mahirap pa siguro para sa iyo ang lutasin ang lihim ng pagboboxing ni Juan Manuel Marquez, kaysa intindihin kung paano ipagtatanggol ang West Philippine Sea sa pangangamkam ng China.

Nanghihinayang lang ako, dahil ngayon, kahit pa nga pulitiko at congressman ka na, ay isa ka nang pambansang yaman, pambansang idolo, pambansang inspirasyon.  Idol, kailangang may magsabi sa iyo.  Hindi mo kailangan ng pulitika para makatulong.  Ipaubaya mo yan sa mga ordinaryong kawani ng gobyerno, o sa ordinaryong pulitiko.

Idol, hindi ka ordinaryo.  Mas malaki ka sa pulitika.  Sabi nga sa Ingles, you are larger than life.  At iyon ang papel mo sa buhay ng mga kababayan natin, ang magbigay ng inspirasyon, ng pag-asang maaari palang magtagumpay, sa kabila ng kahirapan at sa kabila ng sarili nating kahinaan at kapintasan.  Ang papel mo ay magbigay ng inspirasyon, hindi ang magpamudmod ng pork barrel ng senador.

Sa panahon na halos walang matinong buhay na bayaning pwede naming tingalain, ayaw ka naming makita na isang bayaning kinain ng mundo ng pulitika na punong-puno ng pagkamakasarili at kakitiran.

Kaya nga, ang tingin ko, kaya mong pagkaisahin ang lahat ng mga Pinoy e, dahil hindi ka ordinaryo.  Ni presidente nga, hindi kayang gawin iyon, at ikaw lang ang kayang gumawa noon.  Kung buhay pa si Antonio Luna at ang grupo ni Aguinaldo, tiyak kaya mong pagbatiin e. Hindi mo magagawa iyon pag senador ka lang. 

Pero, pagdating ng pangangampanya mo para maging senador, bababa ka sa iyong pedestal, at magiging isa ka na lang ordinaryong pulitiko. 

Hindi mo na pwede sisihin ang mga tao kung pagpaliwanagin ka kung bakit apat na beses ka lang pumasok sa Kongreso.

Sasabihin mo, may laban ka at hindi ka dapat maabala sa ensayo ninyo ni Ka Freddie Roach.  Ibig sabihin, sasabihin mo na bigyan ka ng special treatment, at exemption sa rules.  Hindi maganda iyon, dahil sa lipunan natin, iyan ang isa sa pinakamalaking gusto nating baguhin, ang pagbibigay ng special treatment sa mga malalaki, sa mga mayayaman, sa mga makapangyarihan at maimpluwensya.  Paano ka ngayon magsusulong ng equal treatment sa lipunan natin? Patay tayo dyan, idol.

Pag pulitiko ka na, hindi mo na masisisi ang mga tao kung tanungin ka kung ano ba ang natapos mo sa eskwelahan.  Huwag mong isipin na pang-iinsulto iyon; nangangampanya ka, at karapatan ng mga tao na uriratin kung ano ang kahandaan mo para maging senador at mabigyan ng napakalaking kapangyarihan.  Huwag mong isipin na pinapahiya ka.  Kung security guard nga, hinahanapan ng school records, ikaw pa na gustong maging senador.

Pag pulitiko ka na, lahat ng yaman mo ay kailangang isiwalat mo sa tao dahil uuriratin ng buong Pilipinas ang SALN mo.  Sino ba ang mga naging katransaksyon mo sa gobyerno? Baka may kanegosyo ka sa Pagcor, sa DOTC, o sa Customs o sa BIR.  Huwag kang maiinis dahil nangangampanya ka.  Karapatan ng mga botante na malaman ang buhay mo, at obligasyon mong sabihin iyon sa kanila.  Wag ka magagalit, dahil wala namang pumilit sa iyo na ilantad mo ang sarili mo at kumandidato ka, maliban siguro sa mga sipsip at amuyong mo.  

Paano mo haharapin ang isyu ng political dynasty na gustong gustong isulong ng marami, dahil iyan ang isang ugat ng pagkapaurong natin?   Paano, gayong apat na raw kayong Pacquiao na tatakbo, at sigurado namang mananalo kayo.  Paano ngayon ang anti-dynasty?  Wow, idol, kakampi mo na ngayon ang mga political dynasty at mga warlords sa probinsya.  Patay na naman tayo dyan, idol.

Marami pa iyan, at natatakot ako, na habang patagal nang patagal ay nababawasan ang kinang ng aming pambansang kamao. 

Ang tingin ko nga, ang dapat itawag sa iyo, pambansang inspirasyon.  Walang taong hindi ka mamahalin dahil sa kwento ng buhay mo, at maniwala ka, kasama ako doon sa milyon-milyon mong fans, dahil sa buhay mo, pinatunayan mo ang kahalagahan ng determinasyon at pagtityaga.  At iyon ang aral sa amin mula sa kwento ng  buhay mo. 

Pero pag naging pulitiko ka na, mababawasan iyon, kung hindi man tuluyang mawala.  Isa ka na kasing ordinaryong pulitiko.  May partido, may kakampi.  Ibig sabihin, pag may kapartido ka, may kalaban ka na rin.    

Isipin mo, kung hindi ka pulitiko, sino ang makakatanggi sa iyo kung hingian mo ang mga sponsors mo at mga malalaking kumpanya ng donasyon, para masiguro na ang lahat ng mga bata ay may maiinom na malinis na tubig?  Dahil pambansang inspirasyon ka, walang makakatanggi sa iyo, at lahat ng mga bata, tiyak makakainom ng malinis na tubig.  Mababawasan ang mga sakit ng mga bata na nanggagaling sa maruming tubig.   Hindi mo magagawa ‘yon pag ordinaryong senador ka lang.  Isa sa 24 na senador. 

Kung mananatili ka lang pambasang inspirasyon, kapag sinabi mong bawal ang child labor, baka magkatotoo, kahit mahirap.  Di ba dumaan ka dyan?

Napakarami ang isyu na pwede mong ipaglaban, at magagawa mo iyon kahit hindi ka senador, at magagawa mo iyon dahil hindi ka senador.

Idol, kung may panahon pang magbago ang isip mo, baka pwede huwag ka na tumakbo.  Kung talagang desidido ka naman, pag nanalo ka naman, bawas bawasan mo ang absent. 

Love,

Prop


Thursday, October 8, 2015

"OCTOBER 7, 2015 IS THE LAST DAY OF HISTORY"

“OCTOBER 7, 2015 IS THE LAST DAY OF HISTORY”

Ano ba itong nababasa kong kumakalat sa Facebook na magtatapos na raw ang mundo sa Oktubre 7, 2015? Sigurado ako, nabasa ninyo rin iyan.  At katulad ko, ang inyong reaksyon ay, “Tanginang mga ito, nabubuwang na yata”.  Iyan ang reaksyon ninyo, dahil alam ko, hindi kayo naniniwala diyan.

Nakalagay daw kasi ito sa Bibliya, sabi nila.  Hindi ko alam kung talagang nakasulat doon iyon.  Ang masasabi ko lang, kumain kayo, gutom lang ‘yan.     

Dahil kung anuman ang nakasulat sa kung anong libro, alam ko, hindi rin kayo naniniwala na magtatapos na ang mundo sa Oktubre 7, 2015.

Hindi kayo naniniwala diyan, dahil ang mga mismong nagsulat nito sa Facebook, ayaw magpakilala kung sino sila.  Ibig sabihin, nahihiya sila na malaman kung sino silang naniniwala na The End na ang lahat sa Oktubre 7, 2015, at baka sila mapagtawanan.  Kung hindi ninyo kayang tayuan at nahihiya kayo, e di, hindi kayo naniniwala.  Mabuti pa si Binay, pag nagsasabing hindi siya nagnanakaw, hindi nahihiya.

Hindi kayo naniniwala diyan, dahil alam ko, nagset pa kayo ng mga lakad sa Oktubre 8, 2015 at mga susunod na araw, may naka-set pa kayong mga lakad sa weekend na iyon, nagpaplano pa kayo kung ano iluluto ninyo at saan kayo mag-uundas, at kung saan kayo magno-noche buena sa Pasko. 

Hindi kayo naniniwala doon, dahil hinding-hindi ninyo ipapamigay ang pera ninyo, mga ari-arian at mga gamit, bago dumating ang Oktubre 7, 2015.  Meron bang magpapamigay ng lahat ng pera niya bago dumating ang Oktubre 7, 2015?  Wala. 

Meron bang magre-resign sa trabaho para paghandaan ang Oktubre 7, 2015? Wala rin.

Dahil alam ninyo, hindi totoo iyan.  5 bilyong taon na ang mundo, 5 bilyong taon na rin nating hinihintay iyan, nandito pa rin ang mundo.  Hindi tayo ganoong kaimportante para mangyari iyan sa panahon natin. 

Heto talaga ang lundo.  Hindi mahalaga kung may end of the word man o wala, o kung sabay-sabay man tayong mamamatay na parang sa firing squad, o una-una na parang mga nagtatalunang pasahero ng Titanic.

At hindi natin kailangan ng End of The World para tayo ay mamatay.  Pag may ginagawa tayong kawalanghiyaan sa kapwa, namamatay ang isang bahagi ng ating pagkatao, namamatay ang isang bahagi ng mundo.  Kamatayan pa rin, dahan-dahan nga lang.  Killing me softly. 

Hindi mahalaga kung paano tayo mamamatay, ang mahalaga ay kung paano tayo nabubuhay. 
Alam ko, na sa Oktubre 8, 2015, sasabihin naman ng mga naniwala, na kaya hindi nagtapos ang mundo ng Oktubre 7 ay dahil naawa ang Diyos sa atin, at binigyan tayo ng extension.  Second chance.


Kumain kayo, gutom lang ‘yan.  See you October 8.

P.S. (October 8, 2015 na.  Nandito pa rin tayo - Prop.)

Sunday, August 30, 2015

SA LUPAIN NG MALIK-MATA, PANTASYA AT BANGUNGOT

SA LUPAIN NG MALIK-MATA, PANTASYA AT BANGUNGOT

Maligayang pagdating at pamamasyal sa Teatro Pilipinas, ang lupain ng malik-mata at pangitain; ng pantasya at bangungot.

Manood at maaliw sa lupain ng malik-mata at pangitain, kung saan ang katotohanan ay kung ano ang gustong makita, at ang mga nakakakita  ay nagbubulag-bulagan, at ang mga bulag ang siyang matatapang.  Kung saan ang salita ay itinuturing na gawa, at ang lunas sa sakit ay salita ng pangako. 

At nagsarado ang mga daan, para ipagtanggol ang karapatang isabuhay ang naiintindihan sa kanilang binabasang aklat, at dahil sila ay napopoot sa tuwid na daan, na nag-usisa dahil merong nagsabi na may ibang paraan para basahin ang aklat.  At maraming hindi makadaan ang nagagalit dahil wala naman silang kinalaman sa kahit na anong aklat, at ang hanap lang naman ay limang daan.  Samantala, tumatawa ang nasa dating daan.

Lahat ng ito habang ang iba ay namumugot ng ulo dahil nagpapanggap na meron silang ibang aklat na nababasa, na ang tunay na pakay lang ay sako-sakong limang daan.    

Samantala, nag-alisan na sa nakakaiyak na komedyang ito ang maraming mga tao papuntang ibang lupain, para makakuha ng maipampupuno sa isang kahong katuparan ng naunsyaming mga pangarap, kahon na sagot sa kumakalam na sikmura at umaasang mga mata, kahon na pilit pinapakialaman ng mga tila mas gutom.  Paminsan minsan, hindi lang sila nagpapadala ng kahon;  umuuwi din silang nakakahon.

Kaya’t marami ang nagiintay sa tagapagligtas:  marami ang pigil-hiningang nag-iintay na tumango ang anak ng Panday, upang lipulin ang masasamang loob at mga kampon ng kadiliman, na tinututulan naman ng iba dahil siya ay galing sa ibang kaharian, o ibang channel.  Naghuhumiyaw din ang marami para sa pagdating ng mabait na mamamatay-tao, para patayin ang mga kapwa mamamatay-tao, para sa wakas, pag naghilera na ang mga bangkay, ay magkakaroon na ng katahimikan sa magulong lupaing ito.  Umaasam din ang tuwid at dilawang kulelat, na magpapabilanggo sa mga natitirang kalaban sa kadiliman, dangan nga lang at ang ilang dilawang nakapaligid ay may kamisadentrong itim.  At higit sa lahat, nagiintay lang na sumunggab mula sa kung saan ang tunay na Hari ng Kadiliman, na pinapalakpakan ng mga nasa hanay ng nagugutom dahil siya lang ang tagapaligtas na napakaraming dalang mamon.

Sino ang magwawagi? Mahalaga pa ba kung sino ang magwawagi sa pantasyang ito, kung saan ang nanonood at gumaganap ay iisa?  Sundan, dito sa ating teleseryeng sinusundan ng mga gutom at nakanganga, ang di-matapos-tapos na kwento ni Lola Basyang na pinamagatang Pilipinas, ang lupain ng mga sandamukal na mga tagapagligtas, at tagabenta ng kaligtasan, lupain ng mga higanteng paradahan na nagpapanggap na karsada, lupain ng mga nawawala at pinakialamang balikbayan box, at lupain ng isang oras ng ligaya dulot ni Aldub at Nidora.

Manood at maaliw sa Pilipinas, ang lupain ng malik-mata at  pangitain, ng walang-hanggang pantasya at bangungot, ang lupain kung saan ang dingding sa pagitan ng tama at mali ay singlabo ng tubig sa ilog na puno ng taeng baboy at basura.  Kung saan ang katotohanan ay kathang-isip, at ang kasinungalingan ay katotohanan. 


It’s more fun in the Philippines.

Sunday, August 9, 2015

ULAN

          ULAN

Kaninang umaga, hindi pa gaanong nagtatagal matapos kong magising, bumuhos ang ubod ng lakas na ulan.  Hindi ko alam kung anong espirito ang sumanib sa akin, at bigla kong napagdesisyunan kanina na kailangan kong maligo sa ulan.  Nang sabihin ko sa anak ko na ako ay maliligo sa ulan, tiningan niya ako ng tingin na noon ko lang nakita.  Hindi siya nagsalita.  Siguro ang sabi niya, ang mga sira ulo ay hindi kinakausap.

          Hindi ko gusto magtanggal ng bungang-araw.  Ang sabi kasi ng mga matatanda, ang unang ulan daw sa tag-araw ang nakakatanggal ng bungang-araw.  Pero hindi na tag-araw ngayon, matagal nang tag-ulan.      

Malamig ang tubig, at medyo nanginig pa ako nang sumabak sa ulan kanina.  Hindi ko na mabilang ang taon nang huli akong maligo sa ulan, pero ito ang unang beses na ako ay naligo sa ulan sa alas otso ng umaga.  Marami naman kaming naligo; ako, at ang aking punong sampalok, abokado, kalyos, banaba at lahat ng mga halaman ko sa maliit na bakuran.

Feeling ko naman ay nagshoo-shooting ako ng komersyal ng iced tea o sabon.  Nakatingala pa ako, habang sinasalubong ng mukha ko ang mga malalaki at nakakakiliting patak.  Masarap.  Feeling one with nature.  Hindi naman ang tubig mismo ang masarap; may tubig naman sa gripo.  Ang masarap siguro ay nagawa ko ang matagal-tagal ko nang hindi nagagawa.     Kailangan siguro natin iyon paminsan-minsan.  Ang kumawala sa kanya-kanya at pangaraw-araw na kahon.  Sigurado ako, bihira ka nang makakakita nang kasing-gurang ko na naliligo pa sa ulan.

Para makumpleto ang drama ko, nagtanggal ako ng tsinelas, at tumapak ako sa lupa at mga damo na nag-iipon na ng tubig.  Malamig, pero masarap pa rin.  At kung hindi ako makikita ng mga dadaan sa kalye at kapitbahay, ay baka nagtanggal ako ng lahat pati puruntong at bacon brief ko.  Isip ko lang: Minsan ka lang naman masiraan ng ulo; eh, di lubusin mo na.  Alam mo na ito.  Parang bungee-jumping (kahit di ko pa nasusubukan iyon).  Paminsan-minsang subok at pakikipaglandian sa kalayaan, kahit gaano kasandali.

Ang drama ng isip ko kanina ay ganito:  Mahirap pala ang nababasa sa ulan sa tuwinang umuulan.  Ganito kaya ang pakiramdam ng mga walang bahay, o yung may mga tinatawag na bahay, pero hindi naman talaga matatawag na bahay.  Mahirap pala talaga ang walang masilungan tuwing umuulan.  Parang walang kalaban-laban.  Mahirap din pala, ‘ka ko, ang mag-sundalo, hindi ‘yung nasa opisina, kundi ‘yung mga inaabot ng araw at gabi, ulanin at arawin, sa gubat o sa parang. 

Nalaman ko rin: mahirap pala ang maligo ng walang sabon at shampoo.  Parang may langis ang buong katawan mo.  Ang laki ng problema ko: parang mas importante pa ang sabon at shampoo kaysa ulan.

At ngayon, ngayon lang, ngayon ko lang nalaman.  Wala na pala akong naitatagong Biogesic.