ANG TAON NG UNGGUYAN
Ngayong taon daw ng 2016 ay Year of
the Monkey, ayon sa Chinese calendar.
Gaya ng aking ginawa noong nakaraang taon ( Year of the Sheep), ako ay
gagawa ng mga hula na siguradong magkakatotoo, ayon sa sinabi ng aking subok na
mapagkakatiwalaan, subok na maaasahan, ang aking Pun So, ang bolang kristal ng
ating buhay. Tingnan ninyo kung hindi
tumama ang aking mga prediksyon noong isang taon. Halos walang sablay ang mga hulang nagkatotoo
na tanging bolang kristal lamang ang nakakita.
Magbibigay din ako ng ilang payo sa inyo kung paano maging matagumpay na
tao sa taon ng mga unggoy.
Una, dahil ngayong taon ay Year of
the Monkey, maswerte ang ipapanganak ngayong taon dahil sila ay ipapanganak na
likas na matalino. Ito ay dahil sa impluwensya
ngayong taon ng mga unggoy, ang sinasabing isa sa pinakamatalinong hayop sa
mundo. Kaya nga pag nakaisa tayo sa
kapwa natin, ang sinasabi natin ay naka-unggoy tayo. Ang mga batang ipapanganak ngayong taon ay
magiging matalino. Mas mukhang unggoy ,
mas matalino.
Akmang akma din ang Year of the Monkey
dahil sa Mayo 2016 ay magkakaroon ng halalan sa Pilipinas. Nakikita ko ang impluwensya ng mga unggoy sa
ating halalan. Nakikita ko na sa halalan
ay maraming ungguyan ang mangyayari.
Itaga ninyo sa bato: ang gagawin natin sa Mayo 2016 ay ang sabayang
Ungguyang Nasyonal at Ungguyang Lokal.
Ang mga magkakapartido ay mag-uungguyan.
Ang Comelec ay uungguyin ang mga
kandidato.
Ang mga kumakandidato ay uungguyin
ang taumbayan.
Ang mga taong magbebenta ng kanilang
mga boto ay uungguyin ang mga kandidatong magbabayad.
Ang mananalong pangulo ay uungguyin
tayo ng anim na taon, at ang mananalo sa lokal ay uungguyin tayo ng tatlong
taon. Pagkatapos ng kanilang termino,
pipili uli tayo ng mga mang-uunggoy sa atin.
Sa kalusugan, ngayong year of the
monkey, makabubuting kumain ng maraming saging upang gumanda ang balat at
mabawasan ang pagkakaroon ng taghiyawat.
Ito ay dahil napatunayan na gaya ng sa mga unggoy, na ang pagkain ng
saging ay nakakatulong sa pag-iwas sa taghiyawat. Katibayan nito ay ang mga pagsasaliksik na
nagpapatunay na ang mga unggoy ay hindi tinutubuan ng taghiyawat. Bukod sa saging, para lalong gumanda ang
inyong kalusugan, makakatulong din na kumain ng mga prutas at gulay na nagsisimula sa letrang “U”,
tulad ng ubas, upo, ukra at urange.
Dahil ngayon ay taon ng ungguyan,
masuwerte rin ngayong taon na magpakasal ang mga golddiggers, ang mga
manghuhuthot, at maswerte rin ang magpapakasal ngayong taon sa mga matatandang
mayayaman na ayaw mamatay-matay.
Magiging napakasaya ng inyong buhay may-asawa.
Sa larangan ng negosyo, hihina ang
business ng mga dermatologists, skin care specialists, at ang retoke
business. Ngayong taon ay lalabas si
Mommy Dionisia at isisiwalat sa national television na peke ang clinic ni Vicky
Belo. Ang mukha ni Mommy Dionisia ang
Exhibit “A”. Lilipat siya kay Calayan
pero tatanggihan siya.
Maliban sa mga nabanggit na sa itaas,
ay maswerte naman ngayong taon ang magtayo ng negosyo. Ang kailangan lamang sa magtatayo ng negosyo ay
maging kasingtuso at kasinggulang ng matsing.
Upang maging matagumpay, kailangang lubos na magpaka-unggoy ang mga
negosyante, at ungguyin ang kanilang mga parokyano at customers. Para maging mas malaki ang kita ng negosyo,
kailangan ding ungguyin ang BIR, ang mga suppliers, at ang gobyerno sa pagkuha
ng business permits at licenses. Higit
sa lahat, kung makakalusot, ay pwede ring ungguyin ang mga kasosyo sa
negosyo.
Ilan lamang sa patok na negosyo
ngayong taon ay ang pagtatayo ng pet shop (ng mga sari-saring unggoy, hindi mga
cute na aso’t pusa), detective agency at pagbebenta ng CCTV (para
maimbestigahan ang ungguyan), collection agency (para makakolekta sa mga unggoy
na balasubas), at hardware ng mga materyales na gawa sa China, at iba pang
monkey business.
Ngayong taon, ay marami pa ring mga
Pilipino ang magpapauto sa malaking interes na pangako ng pyramiding scams, ang
mother of all monkey businesses.
Tatanggap sila sa unang mga buwan ng malaking interes, nakangisi silang
magpapasok pa ng mas malaking investment kasama ang kanilang retirement pay,
manghihikayat pa sila ng mga kaibigan at kamag-anak, at pagkatapos ay biglang mawawala
ang mga monkeys kasama ang pera, at mag-iiiyak ang mga nabiktima sa harap ng
camera ng TV Patrol at Saksi, at sasabihing “Syet ka, niloko mo kami, put—na
mo!”
Heto naman ang inyong kapalaran sa
negosyo, ayon sa inyong taon ng kapanganakan:
Ipinanganak sa year of the Sheep –
Maswerte ang magnegosyo.
Ipinanganak sa year of the Dog – Maswerte
sa pagkakakitaan
Ipinangak sa year of the Rat –
Maswerte sa Hanapbuhay
Ipinanganak sa year of the Snake –
Maswerte sa racket
Ipinanganak sa year of the Rabbit
–Maswerte sa trabaho.
Ipinanganak sa year of the Tiger –
Maswerte sa pagkakaperahan
Ipinanganak sa year of the Dragon –
Maswerte sa Sideline
Ipinanganak sa year of the Pig - Maswerte
sa magiging commission
Kung napapansin ninyo na parang
pareho-pareho lang ang sinasabi ko, e ganoon talaga ang hula. Huwag ninyo
kokontrahin, dahil hindi kayo susuwertehin. Pag hindi kayo nagkapera, ibig lang sabihin,
kumokontra kayo.
Magkakatotoo lahat ito. Gaya ng aking sinabi noong isang taon,
maniwala kayo sa Pun So. Huwag ninyong
intindihin ang mga aral ng siyensya, kasaysayan at common sense. Huwag rin kayong masyado umasa sa sipag at
tiyaga. Umasa na lang kayo sa swerte at
umiwas sa malas.
Mag-ingat kayo, mga kapatid, ngayong
taon ng mga unggoy. Maligayang Taon ng
mga Unggoy.
No comments:
Post a Comment