MARCOS.
IDOL!
Marami
pang mga Pilipino ang naniniwalang pinakamahusay na naging presidente ng
Pilipinas si Ferdinand Marcos.
Pinakamatalino,
pwede siguro. Pero pinakamahusay na naging
presidente? Bakit kaya tayo umabot sa
ganito? Hindi ko rin alam.
Siguro,
dahil iyan sa pagkabuwisit natin sa mga presidenteng sumunod kay Apo. Pero kung hindi man tayo masaya sa naging
trabaho ng mga pangulong sumunod sa kanya, hindi ibig sabihin na kailangan
nating purihin o ibalik ang sistema ng tanging naging diktador ng bayan natin. Kung hindi kayo sumasang-ayon na ang diktador
ay isang lider na walang batas-batas, dahil siya ang batas, at kung hindi kayo
sumasang-ayon na naging diktador si Marcos, huwag na kayong magbasa nito, dahil
wala tayong puntong pagkakasunduan na pwedeng batayan ng isang makatwiran at
matinong usapan.
Siguro,
kaya mayroon pa ring ganyang pag-iisip ay dahil ang pinanggalingan ng kanilang
stock knowledge (kung meron man) ay hindi kasama ang bersyon ng kasaysayan na madali
mo namang makita sa mga libro ng mga reputable authors o mga dyaryong
broadsheets, at ang basehan ng kanilang mga impormasyon ay ang mga nabasa nila
sa Facebook na tungkol sa pitong alas daw ni Marcos, (mabuti pa sila, pito ang
alas nila; ako apat lang ang alas na alam ko), o kaya ay mga bahagi ng speech
ni Apo (sa Facebook pa rin) na cut-and-paste dahil lang sa mukhang magandang
pakinggan, o ang mga litrato ni Bongbong na gawa ng kanyang mga fans.
O
kaya, siguro ay naniniwala sila na mas may disiplina daw ang mga tao noong
panahon ng Martial Law, na sasabihin ko sa inyong hindi naman totoo, dahil kailan
ba nagkaroon ng disiplina ang mga Pilipino? Takot, oo; pero disiplina,
wala. Di ba’t hinuli pa nga raw si Ariel
Ureta noong sabihin niyang “Sa ikauunlad
ng bayan, bisikleta ang kailangan”.
O
kaya ay talagang nagugwapuhan lang sila kay Bongbong kaya gusto nilang ibalik sila
sa Malacanang para may playground ulit ang mga Marcos. Si Senador Bongbong, na sa lahat naman ng nagtapos
sa Oxford na nabigyan ng “special diploma”, ay hindi naman pala grumadaute at wala
naman palang degree, ayon na rin sa Oxford.
Susmaryosep. War medals ni
Senior, diploma ni Junior. Anak ka nga
ng tatay mo.
Pag
sinabi ninyong magaling si Marcos, hindi kaya ang gusto talaga nating sabihin
ay mas matitino pa ang mga Pilipino noong panahon ni Marcos noong 1970’s, na
nagkataon lang na panahon ng Martial Law.
Isang panahon na lahat ng sumasakay sa jeep ay marunong pang magbayad,
wala pang umiihi sa gulong ng bus sa gitna ng EDSA, ang mga teachers natin ay
hindi pa ganoong kadesperado at hindi pa napipilitang mangibang bansa lahat
para maging domestic workers, at nananalo pa ang mga pulitiko dahil lang sa sila
ay marunong, at hindi dahil sa sila ay mayaman.
E, kahit ako, sasang-ayon ako na talagang mas maganda ang panahon na
iyon kaysa sa panahon natin ngayon, kung kailan wala tayong nakikitang masama sa
pagkuha sa isang kilalang smuggler bilang ninong sa kasal, at may namamatay na
lang ng nakadilat sa kalsada dahil sa gutom, at ang mga pinto ng bahay natin ay
pwedeng walang lock dahil wala namang nawawalang gamit kahit iwanan mong
nakabukas ang bahay maghapon. Sa ganyang usapan, mas maganda talaga ang
panahon noon, pero wala akong makitang may kinalaman doon ang Martial Law ni
Apo Ferdie.
Talaga
namang totoo, ang tunay na sakit ng Pilipino ay hindi sakit sa puso, alta
presyon, diabetes, o cancer ng kung anong parte ng katawan. Ang tunay na pinakamalaking sakit ng Pinoy ay
amnesia. Ang pinoy ay parang halamang
walang ugat; napakababaw. Madaling
makalimot, at lalong napakadaling utuin.
Hindi nga natin kilala ang mga bayani natin, e, asa pa tayong malaman natin
ang kanilang mga ipinaglaban at ang ating kasaysayan.
Kung
hindi kayo sumasang-ayon, aba, e magsulat kayo ng sariling blog ninyo. Pwede naman tayong magkaiba-iba ng opinyon, e. Hindi na panahon ni Marcos ngayon, remember,
na lahat tayo ay dapat magkaisa sa ilalim ng isang bagong lipunan?
Ito
siguro ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, marami pa ring mga Pilipino ang
iniidolo si Marcos. Dahil mababa daw ang
krimen noon. Dahil ginawa daw niya ang
NLEX. Dahil ginawa daw niya ang
maraming dam sa Pinas, pati ang Bataan nuclear plant.
Hindi
ko kokontrahin ‘yan dito. Marami nang
libro ang nakasulat sa tunay na record ng idol nyo. Kung ayaw, o hindi ninyo kayang magbasa, at
gusto ninyong magtampisaw sa inyong ilusyon, karapatan ninyo iyan. Kung bukas naman ang isip ninyo, at gusto
ninyo manghiram ng libro, papahiramin ko kayo, isasauli nyo lang, para mabasa
naman ng iba na interesadong matuto. O
kaya naman, i-Google nyo na lang ang gusto ninyong malaman sa panahon ni Apo.
Hanggang
ngayon, nagdedebate pa tayo kung ililibing si Marcos sa Libingan ng mga
Bayani. Nakupo. Iyon ay libingan ng mga bayani, hindi libingan
ng mga naging presidente. Sa ibang
kultura at lipunan, ang diktador at ang kanilang pamilya ay pinapatapon sa
ibang bansa, kundi man niraratrat ng Uzi o bina-bazooka. Maswerte na sila pag sila ay nabilanggo na
lang. Dito naman sa Pinas, hinahalal pa
sa Kongreso at pinapangarap pa ng marami na makakabalik sa Malacanang.
Tapos,
aasa pa tayo na uunlad tayong mga Pilipino na magiging first world ang ating
Lupang Hinirang? Mayroon bang first
world country na hindi natututo ang mga mamamayan? Mayroon bang first world country na ang tawag
sa katahimikan ng mga sinalvage ay peace and order? Mayroon bang first world country na ang tawag
sa kawalan ng karapatan na magsalita ng hindi katulad ng press release ng
presidente (dahil sarado na ang lahat ng mga dyaryo, TV at radio stations) ay
Unity?
Sa
mga fans ni Marcos, hulaan ninyo kung kalian nagsimulang lumaki ang utang ng
Pilipinas, at kung kailan dumami ang NPA, at kung kailan naimbento ang salitang
salvage, at kung kailan dumami ang mga OFWs?
Siret na? Uuy, hindi pa raw nila
alam?
Kailangan
nating mag-aral. Hind pwedeng ang alam lang
nating kahalagahan ng Feb. 25, Aug. 21, Nov. 30, at Dec. 30 ay ito ay mga araw
na walang pasok, at masaya ang lahat dahil malamang may long weekend, at
malamang may sale sa SM. Pero talagang alam
daw nila ang tunay na nangyari noong martial law, kaya idol si Apo.
Sa mga
nangangarap na ibalik ang sistema ni Marcos, magbasa-basa muna kayo. Pwede pang sabihin na corrupt at tanga ang
maraming mga presidente na sumunod kay Marcos, pero hindi sapat na dahilan iyon
para ibalik o pairalin ang kanyang sistema.
Iyon ay kung gusto lang nating sumulong bilang isang bansa. Kung lang.
Kung.
Mabuti
na lang at hindi na panahon ni Marcos ngayon, dahil kung ganoon, hindi ko
kayang tagalan ang “disiplina” na nami-miss at gustong ibalik ng iba, at baka
mahuli ako ng Metrocom pag nagsulat ako ng ganito.
No comments:
Post a Comment