PATAY
NA ANG BOXING.
Fight
of the century daw ang Pacquiao-Mayweather.
Mali. Mas marami pang suntukan ang
nabibitawan sa rambulan sa liga ng basketbol sa barangay, kaysa sa fight of the
century na iyan. Naloko tayo lahat doon.
E,
kasi naman tayo. Hindi na tayo nadala at
hindi na tayo natuto. Boxing ang labanan, hindi suntukan.
Hindi
ako sore loser, ‘ika nga. Ang tingin ko
nga, talagang nanalo si Mayweather sa laban.
Panalo, ayon sa rules ng boxing.
Panalo, ayon sa panuntunan ng boxing.
Pero, kahit paanong tingin ko,
kahit hindi ako eksperto sa boxing, mas matindi at tunay na giyera ang
Ali-Frazier, Hagler-Leonard, Duran-Hearns, o kahit Pacquiao-Marquez, kung saan
ang magkalaban ay halos mamatay kasusuntok, bumubuwal pero tumatayo uli, at
sumusuntok hanggang sa huling bell ng huling round. Kaya sa bandang huli, hindi na importante sa
atin kung sino ang dineklarang panalo, ng mga negosyanteng nag-i-score daw sa
gilid ng ring na ang tawag ay judges, dahil ang importante sa atin ay nakita
natin kung ano ibig sabihin ng salitang “mandirigma”, ng salitang “patay kung
patay”. At humahanga ang lahat.
Pero,
Mayweather-Pacquiao, fight of the century? Tut-tut nyo.
Sa Ali-Frazier, ang pinag-uusapan ay “life and death”. Sa Mayweather-Pacquiao, “pay-per-view”.
Patay
na ang boxing. Dahil alam na namin na
pag nanood kami ng boxing, hindi totoong laban ang pinapanood namin, kundi
paramihan lang ng puntos. Patay na ang
boxing, dahil alam na namin na nananalo pa rin ang umaatras, ang tumatakbo, ang
nangyayakap. Patay na ang boxing, dahil
alam na namin na walang kinalaman ang tapang at laki ng dibdib sa boxing. Wala.
Ang patunay ay si Mayweather, 48-0. The Money Team, The Money Team. Patay na ang boxing.
Malamang,
susundan si Mayweather ng mga susunod na henerasyon ng mga boxer. Dahil paulit-ulit nang napatunayan na ang
estilo ni Mayweather ay nakakapagpanalo sa boxing. Nagwawagi ang umaatras. Patay na ang boxing.
At
ayon sa rules ng boxing, ayon sa statistics ng boxing na iyan, si Mayweather
ang one of the greatest daw. Walang
talo. Siguro nga. Pero, Mayweather, mali ka. Malayo ka kila Joe Louis, Rocky Marciano, Muhammad
Ali, Roberto Duran, at iba pang dakilang nilalang na ang alam sa boxing ay
giyera. Hindi mo sila katulad, dahil
sila, nakatikim ng talo, dahil sila, mandirigma. Ikaw, technician ka lang. Pinakamagaling magparami ng puntos, habang
patakbo-takbo, payakap-yakap at pahawak-hawak.
Tama rin naman iyon, para huwag kang tamaan at baka hindi mo
mapakinabangan ang bilyon mong pera na kinita sa career mo. Mayweather, ang pinakamagaling na negosyante
sa ibabaw ng ring.
Sampung
taon mula ngayon, kapag laos na kayo pareho ni Pacman, wala nang makakaalala sa
mga laban mong walang kakwenta-kwenta.
Pero si Pacquaio, kasama ang mga iba pang tunay na mandirigma sa ibabaw
ng lona, mabibili pa at papanoorin ang mga dibidi-dibidi ng kanyang mga laban.
Papanoorin
pa rin namin si Pacquiao, dahil ang buhay ay isang laban, hindi paramihan ng puntos.
No comments:
Post a Comment