MOTHER’S DAY
Paano ba ako magbibigay ng tribute tungkol sa nanay ko, sa
okasyon ng Mother’s Day, nang hindi nagiging senti, at hindi nagsasabi ng “the
best mother in the world”? Parang hindi yata pwede.
Lima kasi kaming magkakapatid na lalaki, at hindi kami sanay
na mag senti-senti sa mga okasyong tulad nito.
Lumaki kami sa isang bahay na matino ang namamahala, at maswerte kami
dahil sa uri ng mga magulang na meron kaming magkakapatid. Pero, kagaya rin ng maraming mga lalaking
Pinoy na pinanganak sa probinsya nitong huling 50 taon, magmula pa noong bata
kami, ay talagang hindi kami senti, lalo na kung tungkol sa kung paano namin ipapakita
(o hindi maipakita) na mahalaga sa amin ang aming Mommy. Feeling macho kaming lahat na magkakapatid, e,
at para bang bang bawal o mahirap na magpakita ng mga feelings-feelings, mga
ganoon. Pwede ba kaming magsenti-senti tuwing
Mothers’ Day, sa nararamdaman namin sa nanay naming mahal, kaming mga malalakas
uminom at mababaho ang brief? Hindi pwede. Hindi bagay.
(Daddy, saka
na kita ulit isusulat, ha. Mother’s Day
ngayon, e).
Sa totoo
lang, hindi rin naman dapat magpaka-senti ang mga tao sa Mother’s Day. Bakit?
Espesyal ang mga nanay natin, oo.
Karamihan lang sa kanila, pero hindi lahat. (Dahil hindi naman lahat ng nanay ay dapat
parangalan. Hindi lahat ng nanay ay
nagkait sa sarili para lang sa anak, dahil hindi kakaunti ang mga nanay na inuuna
pa ang tong-its, ang career, at syempre ang glutathione, kaysa sa kabutihan ng
anak. At dapat sila kastiguhin ngayong
Mother’s Day. Pero, ibang usapan na
iyon).
Pero, totoo,
hindi naman espesyal iyang araw na iyan, e.
Mother’s Day. Sa nabasa ko sa
Google, pati ang orihinal na nagpauso ng Mother’s Day na si Anna Jarvis, na
nagtaguyod na magkaroon ng Mother’s Day sa Amerika para parangalan ang kabutihan
ng mga ina, ay nagalit daw dahil sa binaboy na ng komersyo ang kanyang marangal
na layuning magkaroon ng isang araw ng pagkilala sa lahat ng hirap ng mga nanay
natin. Kaya ngayon, iba na ang Mother’s
Day. Pakiramdam ko nga, e, nabago na
lahat iyon, at ginawa nang kampanya iyang Mother’s Day, dati para bumenta pa
ang mga greeting cards noong araw na inilalagay sa sobre, o kaya ay ng mga restoran
kung saan obligado tayong dalhin ang ating mga nanay (at lola), o di kaya ay inimbento
ng management ng mga may-ari ng mga mall, syempre, may kasamang “gift
suggestions” on mother’s day, na para bang pag hindi ka gumawa ng kahit isa sa
tatlong iyan sa nanay mo ay nagi-guilty ka, at isa ka nang walang
kakwenta-kwentang anak.
Paanong magiging special yang araw na iyan, e, siguro mga 3
billion ang mga nanay na pinaparangalan sa Mother’s Day. 3 billion.
Paanong naging espesyal iyon sa nanay ko, sa nanay mo, at sa nanay ng
lahat ng tao?
Hindi rin ako naniniwala na
kailangang isapubliko pa ang ating walang kamatayang pagmamahal sa ating mga
nanay, tuwing Mothers’ Day. Katulad ng
blog na ito. Hehehe. Ang ibig ko lang sabihin,
dahan-dahan sa drama. Marami pang araw
na pwede ninyo ipakita sa inyong mga nanay na mahal ninyo sila. Bakit ba magsisiksikan tayo lahat bumati sa pangalawang
Linggo ng Mayo, para sabihin na dakila siyang tao? Pumili na lang tayo ng ordinaryong araw at sorpresahin
si mader ng simpleng hapunan, o kaya ay magkape na lang kayo (‘yung mahal ng
kaunti, huwag naman ‘yung 3-in-1) at magkuwentuhan nang matagal-tagal. Mukhang mas gusto nila iyon, hindi maraming
pagkain o maraming regalo, kundi maraming kuwentuhan. Hindi nabibili sa mall iyon, at hindi pwdeng
daanin sa pagpo-post sa FB ang kuwentuhan.
Dahan-dahan sa pagiging senti. Kasi, sa sangkatutak na makabagbag-damdaming
mga pagbati sa FB, at sa iba pang social media ngayong Mother’s Day, parang nai-insecure
na yata kaming hindi masyado sanay at magaling magpakita ng aming pagmamahal sa
aming Mommy.
Hindi ko sinisira ang mga mothers’ day ninyo. Nagtatanong lang. Nang-aasar din.
Pero, Mother’s Day o hindi, alam ng nanay namin na mahal namin
siya. Kaya, nakikibati rin kami ngayong
araw na ito sa kanya ng isang simpleng “Happy Mothers’ Day”. (Ayun naman pala, at babati rin, ang dami ko pang
arte). Mommy, iyong lahat ng greeting ng
iba sa kanilang nanay na mababasa mo sa FB, greeting din naming magkakapatid sa
iyo iyon.
Idadagdag ko lang dito na kaming mga lalaki, kahit matanda
na, takot pa rin kami makausap ang mga nanay ng sarilinan, dahil kilalang
kilala na nila ang kanilang mga anak. Bakit
nga hindi, e, bata pa lang kami nanay na namin kayo. Takot pa rin kami makausap kayo ng
one-on-one, dahil pakiramdam namin ay Grade 3 ulit kami at iniimbestigahan ninyo
kung sino iyong nakabasag ng flower vase sa sala, dahil tinamaan ng bola. Nakupo.
Sinabi nang huwag maglalaro ng bola sa loob ng bahay. Mahirap, nakakaasiwa, dahil ang batang lalaki
ay laging maliit na bata sa harap ng kanyang nanay. Totoo.
Kahit saan ka makarating, nanay mo siya, at gaya ng dati, pag may
nabasag sa sala, pag sinabi niyang dapa,
e, di dapa. One-on-one,
face-to-face. Wala nang titulo, walang magaling, sa harap ng
nanay mo, at maniwala kayo, humihinto ang mundo pag ganoong pagkakataon, dahil
ang pakiramdam mo ay isa kang batang nakashorts na madusing na may nagawang
kasalanan, at alam mong papagalitan ka ng nanay mo, pero nakakapagtaka, at
hindi maipaliwanag, dahil alam mong sa kanya ka rin magsusumbong na intindihin
ka dahil hindi mo naman sinasadya, o kung sinadya mo man ay dahil akala mo ay
hindi naman iyon masama. Nakakatawa dahil mangiyak-ngiyak ka, kahit alam mong siguradong papatawarin ka naman niya. Mahirap iyon, dahil wala namang naitatago sa mga
nanay, dahil kabisado na niya ang ugali ng bawat isang anak niya, pati biling
ng mukha, at paghaba ng nguso. Bago
natin makalimutan, tandaan, siya ang pinakamatagal mong nakasama, at
pinakamatatag, kung hindi man sa pagtira sa maliit na bahay, ay sa pagtahak sa mas
malaking buhay.
Isa sa mga pinakamatatag na taong nakilala ko, alam kong hindi
siya maghihimutok kung hindi man siya nabigyan ng spesyal na regalo o atensyon
sa Mother’s Day. Mabuti na lang lima
kaming magkakapatid. (Kung magkakasama
kaming lima ngayon, isa ang magbibigay ng regalo, isa ang magbabayad sa
restoran, isa ang magda-drive para sa kanya, isa ang magpapatawa, at ako, ako
ang magsusulat kung gaano siya kaimportante sa amin. Mahirap magsulat, baka akala ninyo).
Isa sa mahalagang naipakita sa amin ng aming mga tour guides
sa buhay (a.k.a Mommy at Daddy), ay ang katotohanan na ang mga materyal na
bagay, ay mga gamit at kinatawan lang ng mas importante sa buhay, at hindi iyon
mismo ang halaga ng buhay. Katulad din
ng maraming mag-ina, gagatingot ang usapang Mother’s Day at lahat ng papuri sa
araw na iyan, sa tunay na laki ng ginawa niya sa amin. At ayoko ikumpara o ikahon sa isang Mother’s
Day na punong-puno ng komersyo at materyalismo, ang lugar ng nanay namin sa
buhay naming magkakapatid.
Kung ang tatay namin ang aming posteng nagsisilbing giya sa
amin, ang aming ina ang lupang kinatatayuan ng poste. (Nakupo, hindi raw magsesenti).
Nasa
malayong lugar ang nanay ko ngayon, para makasama ang iba kong mga
kapatid. Matagal-tagal na rin, pero hindi
ako nalulungkot masyado, dahil ang pagmamahal ko sa aking ina, ang pagmamahal
nating lahat sa ating ina, ay hindi naikakahon ng panahon o layo, at lalong hindi
naikakahon sa isang petsa sa kalendaryo.
Mother’s Day man o hindi, gusto kong malaman niya, walang halong senti o
drama, na mahal namin siya. At sa inyong
pag-uwi dito, Mommy, tandaan po ninyo, size 8 ang paa ko. Happy Mother’s Day po.
No comments:
Post a Comment