HINDI KO MAINTINDIHAN
HINDI KO MAINTINDIHAN … kung bakit
ang mga coach sa NBA ay kinakailangang naka-amerikana pa, samantalang ang
kinakausap at pinapagalitan nila pag may laro ay mga naka-shorts at naka-sando
na pawis na pawis. Hindi pwede idahilan
na ang basketball coach ay naka-amerikana lang dahil ginagamit ang isip sa
laro, at isip lang ng isip, at ang mga players ay katawan lang ang ginagamit,
at takbo lang ng takbo at tulakan lang ng tulakan. Eh kung ganoon kasi ang dahilan, na ang coach
ay isip lang ang gamit kaya siya naka-amerikana, e bakit si Freddie Roach,
hindi naka-amerikana pag may laban si Pacman?
Hindi ba siya nag-iisip? Ginawa
nga niyang 8-division champion si Pacman eh; singer na, pastor pa.
Sa
aking pagkakaalam, ang mga coach sa tennis ay hindi rin nakapormang parang
ikakasal pag may laro sila Federer at Nadal.
Naka t-shirt lang. Hindi rin
pwede sabihing nagpapa-impress ang coach ng basketball sa kanyang mga players,
dahil mas malaki ang sweldo ng mga players kaysa sa coach.
Bakit
sa Senado, ang daming mga naka-amerikana, wala namang mga isip?
Kaya
nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.
HINDI
KO MAINTINDIHAN… kung bakit sigaw ng sigaw ang mga host ng noon time shows at
variety shows. Gumagana naman yung
mic. Pag may ipapakilala silang kakanta,
halimbawa, yung tatlong host, sabay sabay na lagi na lang isinisigaw, “And now, please welcome, to sing his latest
single from Dionisa Records, Manny Pacquiao!!!!”
Bakit
ba kailangang magsisigaw pag may ipinapakilalang kakanta? Talaga bang
kailangang maingay at sumisigaw na parang nagsasabing “Hello, masaya kami, kaya
kami ay nagsisisigaw”? Ok, sige,
sige. Sumisigaw sila para magmukhang
masigla at may buhay ang programa. Pero,
tatlong host na sumisigaw, kailangan ba talaga iyon? Ngayon, kung iyon pala ang dahilan, bakit
hindi na lang lahat ng host, mga labing lima, lahat sila ay magpakilala sa singer
na kakanta ( syempre, singer nga, e),
para mas masigla at mas masaya.
Or better, yung mga audience ay isama na sa mga host sa pagpapakilala
para talagang masayang masaya. O, san ka
pa?
Parang
wala akong makitang dahilan, e, maliban sa ako ay tumatanda na talaga, at ako
ay nagiging KJ.
Kaya
nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.
HINDI
KO MAINTINDIHAN… kung bakit ba pag may programa sa gobyerno, mula barangay,
munisipyo, kapitolyo, kongreso, hanggang Malakanyang, lagi na lang tinatawag
ang mga pulitikong magsasalita na “mahal ng lahat” at “masipag”? Wala na bang ibang
adjective na maaaring gamitin sa mga elected officials? O likas lang talagang
limited ang bokabularyo ng mga nag-e-emcee?
Sa mga emcees, mag-prepare naman kayo; mambobola lang kayo e, hindi pa
kayo maghanda ng husto. Gumamit kayo ng
dictionary o thesaurus, at nandoon lahat ang synonyms ng masipag: diligent,
hard-working, industrious, enterprising, resourceful, energetic, blah, blah,
blah.
Dapat
pala, matagal nang maunlad ang Pilipinas, dahil ang lahat pala ng pulitiko ay
masipag, at dapat wala na ring eleksyon, dahil lahat naman pala ng pulitiko ay
mahal ng lahat. Dapat pala, wala na ring
ambushan sa Pilipinas, dahil ang lahat ng pulitiko, pag ipinakilala, ay “ang
kaibigan ng lahat”.
Kaya
nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.
HINDI
KO MAINTINDIHAN…kung bakit ang tawag sa maning niluto sa asukal at nabibili sa
Pangasinan na nadadaanan pag papunta ka ng Baguio ay peanut brittle. Hindi ba dapat ay brittle peanut? Kasi, yung batang lalaking malaki at mukhang
diabetic at ang pangalan ay si Bondying, ang tawag natin ay big boy, hindi boy
big. Hindi ba?
Pero
ok na iyon. Doon na tayo nasanay e. E, di peanut brittle.
Kaya
nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.
HINDI
KO MAINTINDIHAN … kung bakit hindi raw pwede ihain na pulutan ang minatamis na beans
at marshmallow. Nakakawala ba ng
pagkalalaki o pagka-macho ang paghaluin ang beer at minatamis na beans at
marshmallow? Hindi ko alam, e.
Kaya
nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.
HINDI KO MAINTIDIHAN … kung bakit
ang kantang “Bahay Kubo” ay may pamagat na “Bahay Kubo”, samantalang hindi
naman tungkol sa pawid na atip, pintuan, batalan, bintana, hagdan at silong ang
kanta, at sa halip, ang kantang “Bahay Kubo” ay tungkol sa mga gulay. Dapat siguro ang pamagat ng kantang iyan ay
“Bahay Gulay”.
Pag
may nagtanong na foreignjer sa atin, “What
is the title of that song?
“Nipa hut, Joe”.
“Oh,
and what does that song say?”
“It’s a song about vegetables, Joe”.
Kaya
nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.
Bakit
ba ako tanong ng tanong. Hindi ko
maintindihan.
No comments:
Post a Comment