ANG MGA LARO
NG AKING PAGKABATA
Kung merong
isang bagay na pinagsisisihan kong hindi ko naiparanas sa mga anak ko, ito ay
ang maranasang maglaro ng mga laro mula sa aking pagkabata. Dahil ang mga laro noong bata pa ako, hindi
na naging laro ng mga anak ko. Halos
lahat kasi ng mga laro ng anak ko noong bata pa sila, mga plastic na nabibili
sa Divisoria at sa SM. Made in China
lahat, syempre. Kasama na ang walang
kamatayang mga computer games.
Ngayon ko
lang naisip. Dapat naiparanas ko sa
kanila kung paano manghabol at dumiskarte sa habulang-bahay, o habulang-taga,
at naipakita na ang “trapping” ay hindi lang sa basketball. Dapat naipalasap ko sa kanila ang kakaibang
sarap ng pakiramdam pag nakikita mong litong-lito na at malapit nang umiyak ang
kalaro mong isang oras nang taya sa tumbang preso. Dapat naituro ko sa kanila na may science at
art ang paglusot sa mga taya at patutot sa patintero. Dapat naituro ko sa kanila na mas maraming
skill ang kailangan sa syatong kaysa sa Candy Crush. At dapat nasabi ko sa kanila na hindi baleng
mabalian ng buto sa braso, pero gaya ng seremonya ng tuli, hindi ka tunay na
lalaki pag hindi ka dumaan sa luksong baka.
Paano ko
makakalimutan ang patintero, syatong, habulang taga, luksong-baka, tumbang
preso. (Para sa mga babae at mga beki
lang ang Chinese garter, piko, bahay-bahayan at luto-lutuan). Maganda rin sana ang sungka, pero nababagalan
ako at madaling kasawaan. (Meron pa bang
naglalaro ng sungka?). Syempre, ang
baril-barilan kung saan halos ang buong kapitbahayan ang aming
battlefield. Palabas pa noon sa TV ang
“Combat”, at iniisip ko na kami sina Rick Jason at Vic Morrow. Ang aming baril ay gawa-gawa sa kahoy, na ang
bala ay matigas na bunga ng halaman na kung tawagin ay “tikbe”.
Sinong bata
noong araw ang hindi dumaan sa taguan?
At sinong matagumpay na lalaki ngayon ang hindi nagpakadalubhasa sa
trumpo noong araw? Wala, dahil ang lahat ng maangas na batang lalaki noon ay
malupit sa trumpo. Ngayon, ang mga
batang lalaki, malupit sa tablet.
I
yan din ang
nasasabi ng nanay at tatay ko noong ako ay bata pa. Naikukuwento nila ang mga laro sa kanilang
pagkabata, na hindi ko na raw inabutan at nakita.
Masuwerte
ako dahil lumaki ako sa probinsya, kung saan pagtungtong ng alas syete ng gabi ay
wala nang gaanong dumadaan na sasakyan sa kalsada, at ang buong kalsada ay
nagiging isang malaking palaruan sa gabi, na ang tanging ilaw ay galing sa
ilang poste, at ang liwanag ng buwan.
Ligtas naman
maggala sa mga kapitbhahayan noong araw.
Parang wala pang drug addict noon.
Meron na din siguro, pero sa mga bahay lang nila sila tumitira, at hindi
pa sila pumapatay ng mga bata. Praning
na rin sila noon, pero parang hindi pa sila ganito karahas na kagaya ngayon. Pwede
ka noong maglaro at makikain sa mga kapitbahay, kung saan labas-masok kami, dahil
parang hindi pa uso ang kandado ng bahay noong araw. Lahat na yata ng komiks sa kapitbahay noon ay
nabasa ko. Darna, Hiwaga, Wakasan. Meron na ring tabloid noon, pero parang hindi
pa nagkukuwento noon si Xerex ng kanyang mga karanasan.
Kapag
bakasyon, at mahangin, meron din kaming saranggola. Gawa sa dyaryo at patpat ng kawayan, at ang
pandikit ay tirang kanin sa kaldero. At
sino ang makakalimot sa TEXT. Hindi
iyong sa cellphone; iyong maliliit na card na ang labanan ay dinadaan sa
paghagis sa hangin (may pektus), at pagbagsak ay “Tsob” at “Tsa” (taob at
tihaya). Marami pa ‘yan; tirador, holen,
lastiko o goma, tatsing. Lahat nagpaalala
sa akin ng isang nakaraang napakasimple, at nagpapamangha dahil sa kung gaano
na kalayo ang buhay ngayon.
Nagbabago
talaga ang panahon, at tumatanda na yata ako.
Alam ko,
hindi ka sisikat at kikita ng malaki sa patintero, kagaya ng sa bilyar at
basketball, at lalo namang hindi ka matatanggap sa trabaho dahil lang sa matindi
ka sa tumbang preso. Pero mahalaga sa
akin, sa aking henerasyon, ang mga larong kinalakihan ko, na minsan ay
pinatunayan sa buhay ko, gaya ng sa lahat ng minsan ay naging bata, na sa isang
bata, langit ang maglaro.
Noong araw,
parang kulang ang pagkabata mo pag hindi ka nadumihan sa kalye. Ang tingin ko nga, ang mga bata ay kailangang
madumihan at ma-expose sa mga germs at mikrobyo, para tumibay ang katawan. Para kasing ang ibang mga bata ngayon, kay
linis-linis, may labakara pa sa likod para huwag mapawisan, may pulbos at
cologne pa, may vitamins pa, pero marami ang sakitin at mahina ang katawan, at
parang sila lang ang nakakaranas ng kung ano-anong “allergy” sa kanilang
makinis na katawan. Kaya paglaki, pag
nakakain ng fishball, skrambol at kwek kwek sa kalye ay nagkakasakit, dahil
hindi sanay ang tiyan sa nutrition from the streets.
Parang wala
nang naglalaro ng mga laro ko noong araw, at puro tablet na lang ang laro ng
mga bata, kaya parang maraming bata ngayon ang hindi marunong makipag-usap sa tao, laging mahiyain at
dungo, at tatanga-tanga sa kalye.
Kayang-kaya lokohin ng mga kapwa bata.
Siguro, dahil sa kanilang computer games ay hindi kailangang humarap sa
mga kalaro, at hindi na kailangang makipag-usap sa mga tunay na tao, at hindi
iyong tao sa screen ng computer. Marami
sa mga bata ngayon ay nakakulong at umiikot ang buong mundo sa tablet. Tablet pagkagising, tablet sa hapag kainan,
tablet pag nasa kotse o sa jeep, tablet pag umiyak at kailangang patahanin. Tablet bago matulog. Tablet, puro tablet. Tangnang tablet ‘yan.
Hindi ako
sigurado kung ang husay sa computer sa napakaagang edad ay tanda ng husay ng
isip at galing sa diskarte, o kaya ay magandang preparasyon sa buhay pag
tumanda sila.
Parang wala
nang nagpapatintero sa kalsada. Parang
wala nang naglalaro ng syatong. Wala na
ring naglalaro ng tumbang preso. Siguro
nga, may kanya-kanya talagang laro ang bawat henerasyon. Nakakalungkot lang ng kaunti, dahil hindi lang
pala mga kakaibang hayop sa bundok ang tuluyang naglalaho. Pati mga tao, mga kalaro at mga eksena sa
buhay mong nagpasaya sa iyo, nawawala rin.
Kakatwa, dahil buhay na buhay ka pa, pero parang kulang ka, at para kang
isang buong libro na pinilasan ng ilang pahina.
Wala na ba
talagang magpapatintero? Game!