BISIKLETA
Lagpas na ako sa kalendaryo noong ako ay mahumaling uli sa bisikleta. Ang una kasi ay noong nasa Grade 2 pa yata
ako. Noong pangalawa ay lagpas Grade 2
na ang bunso ko.
Sa aking paningin, ang bisikleta ay isa na sa mga
pinakamahalagang imbensyon sa buong kasaysayan ng sangkatuhan na patuloy na
humuhubog sa kasaysayan ng tao (sa mabuti at sa masama), kahanay ang personal
computer, ang printing press, ang baril, ang TV, ang beer, ang gitara at ang
bola. (Kung hindi kayo sang-ayon, ok
lang iyon; listahan ko nga lang ito. Gumawa
na lang kayo ng sarili ninyong listahan).
Sana nga pala ay maaga-aga pa sa buhay ko nang muling nadiskubre
ko ang bisikleta, para hindi nasayang ang lakas ng binti ko noong ako ay
bata-bata pa.
Gusto ko lang ibahagi sa kung sino ang may tiyagang magbigay
ng panahon dito kung bakit ako sang-ayon sa sinabi raw ni Ariel Ureta, na sa
ikauunlad ng bayan, bisikleta ang
kailangan. Alam na nating lahat ito,
pero ipapaalala ko lang sa inyo kung bakit ang bisikleta ang isa sa mga bagay
na maituturing na pinakamagandang bagay na maaaring kahumalingan.
Mura lang ang bisikleta.
Sa halagang kasingbaba ng tatlong libong piso, na di hamak na mas mura
pa sa isang ordinaryong smartphone, o sikat na rubber shoes ng mga pa-cute, meron
ka nang magiging kaibigan na sasamahan ka sa layong 60 kilometro mula sa bahay
mo, at maaaring mas malayo pa, depende sa tibay ng binti mo. Mura, dahil padyak lang ang kailangan, murang
helmet at maraming tubig. Huwag ka nang
uminom ng anumang energy drink kuno; mahal pa iyon, at para sa mga maaarte lang
iyon, sa mga nagtatae o sa may dengue.
Hindi ka na kailangang bumili ng gasolina o diesel na
trenta-kuwarenta pesos bawat litro, at di hamak na mas mura at madaling
magmentina ng bisikleta kaysa sa karaniwang sasakyang de-makina. Hindi ka na kailangang magpa-oil change, o magpa-carwash.
Hindi na inirerehistro ang
bisikleta. Hindi mo na kailangang
magbayad sa LTO taon-taon at magbayad ng fixer, ng mamang taga-testing daw ng
usok ng tambutso, at iyong mamang nagi-stencil ng makina at kaha ng kotse. Hindi mo na rin kailangan ng driver’s license,
at hindi mo na kailangang umihi sa maliit na plastic para sa drug-testing.
Wala ka na kailangang ipa-tint, at
hindi mo na kailangang bumili ng air freshener.
Wala ka nang side mirror na lagi ka namang natatakot na manakaw, na pag
nanakaw, ay pupunta ka pa sa Banaue para tubusin. Hindi ka na magpapalit ng wiper, ng matting,
ng seat cover, at hindi ka na bibili ng sticker na ikinakabit sa likod ng
sasakyan, na ang sabi ay “Don’t get closed to me. Get closed to God”, o sticker ng pinagyayabang
mong eskwelahan kung saan ka nagtapos, na madalas ay isang eskwelahan na ikaw
lang ang nakakaalam kung bakit mo ipinagmamalaki.
Kung pampapawis lang ang habol mo,
hindi ka na magbabayad sa gym, o sa instructor ng Zumba. Sumakay ka lang sa bike mo at pumadyak,
nakapag-exercise ka na. At hindi ka na
kailangang makipagsabayan sa mga fashionista na nakasuot ng mga mamahaling
sportswear, ng mamahaling sapatos, na mukhang seryoso at hindi ngumingiti, pero
halata mo namang nagpapapansin sa loob ng mga mamahaling gym.
At kung kailangan mong iparada ang
bisikleta mo, hindi mo na kailangang magbayad ng parking fee. Maliit na kadena at lock lang ang katapat ng
parking mo.
Syempre, nakakatulong ang pamimiskleta
sa kalusugan. Nakapamasyal ka na,
nakapag-exercise ka pa.
Sa bike, walang trapik-trapik. Minsan, mas mabilis pa talaga ang
magbisikleta ngayon kaysa sa sumakay sa totoong sasakyan. At dahil walang trapik, wala ring stress. Wala na ring mag-aalok sa iyong bumili ng
pranelang pamunas, ng charger ng cellphone, at ng mga plastic na aso na
tatango-tango na ikinakabit sa dashboard.
Sa bike, ikaw ang masusunod kung
gusto mong tuloy-tuloy o huminto sa page-exercise. Pwede kang huminto pag lawit na ang dila mo
pag paakyat, at pwede ka ring dire-diretso pag palusong (siguraduhin lang na
meron kang preno). Ang mahabang
palusong, iyan ang isa sa pinakamasarap na karanasan sa buhay. Ang sumakay sa bisikleta nang puro
palusong. Ubod ng sarap.
Nakakatulong ka pa sa
kapaligiran. Environment-friendly. Dahil hindi ka maglalabas ng usok na galing
sa tambutso. Hindi mo na kailangang gumamit
ng sari-saring kemikals, tulad ng gasolina, langis, brake fluid, water coolant,
tire black, at kung anu-anong additive sa makina. Pag ikinumpara mo ang konsumong ginagamit ng
kotse sa bisikleta, kitang-kita mo kung gaano kagastos at gaanong karaming
synthetic na kemikals ang ginagamit ng kotse.
Huwag mo kakalimutan na itatambak din naman natin lahat ng iyan pabalik
sa lupa. Ang tawag diyan, pollution.
Pag nahumaling ka na sa
pamimisikleta, hindi mo na gugustuhin ang sumakay sa stationary bike sa umaga
habang nanonood sa TV ng programa ni Kris Aquino. Dahil sa stationary bike, nababato ka lang
dahil wala kang nakikitang magandang tanawin, at walang excitement o challenge dahil
wala nang asong manghahabol na iiwasan mo, o traysikel na haharang-harang at
lusot dito, lusot doon, liko dito, liko doon.
Bukod sa pakinabang na kitang-kita sa
pagbibisikleta, marami rin akong natutunan tungkol sa buhay dahil sa
paminsan-minsang pamimisikleta.
Una, napatunayan
ko, na sa pamimisikleta, gaya ng sa buhay, kung saan ka man makarating, gaano
man kalayo o gaano man kalapit, ang lahat ay nakadepende sa iyo. Wala kang masisisi kundi ang sarili mo, at
ang mahina mong mga binti, at mahina mong baga.
Kung maiwanan ka man ng grupo sa pamimisikleta, iyon ay dahil mahina ka
pumadyak, dahil baka panay ang sigarilyo at inom mo. Sa buhay, gaya ng sa pamimisikleta, kung
gusto mong may marating na malayo-malayo, kailangang paghirapan mo. Sa bisikleta, konti pang praktis, konti pang
hirap, para makalayo. Kung ok lang naman
sa iyo na sa kabilang kanto ka lang makarating, maupo ka na lang sa inyo, kumuyakoy
maghapon at maglaro ng Candy Crush.
Lesson No. 1: Ang iyong mararating sa buhay ay depende sa
iyo, wala kang ibang pwedeng sisihin kundi ang sarili mo.
Pangalawa,
natutunan ko sa pamimisikleta na masarap ang palusong, pero bago ka umabot sa
palusong ay dapat dumaan ka muna sa paahon.
Alam mo na iyan; mahihirapan ka muna bago masarapan. Aakyat ka muna bago masarapan. Sa seesaw, sa padulasan, sa slide sa swimming
pool, sa bungee jumping. Sa lahat ng mga
iyan, aakyat ka muna ng mataas, para maranasan mo ang sarap ng kakaibang
karanasan.
Lesson No. 2: Sa buhay, parang sa pamimiskleta, laging may
paahon at may palusong. May mahirap at
may madali. May hirap at ginhawa. Hindi pwedeng puro palusong. Nakakamatay ang magbike nang puro palusong.
Ikatlo, kakaibang
karanasan para sa akin ang magbisikleta, ang tumahak sa mundo, at yakapin ka ng
bugso ng hangin, sa lahat ng init o lamig nito, nang walang nakaharang na
windshield. Kasama na ang lahat ng
alikabok at amoy sa kalye.
Paminsan-minsan, makakaamoy ka ng mga bulaklak, ng amoy ng mga puno at
dahon. Minsan, makakaamoy ka rin ng
nilulutong tinapay sa panaderya, ng sinangag at nilulutong tuyo o kung anumang
almusal iyon sa madadaanan mo.
Makakaamoy ka rin ng tae ng baboy at manok sa mga farm, at ng
nakakasulasok na amoy ng tambakan ng basura.
Minsan naman, mapupuwing ka o makakalunok ka ng kulisap at gamu-gamo. Lahat iyan, parte ng mundong ginagalawan
natin.
Sa
pamimisikleta, nararamdaman kong buhay ako, dahil nakakakita ako, nakakaamoy
ako, nakakarinig ako, nakakaramdam ako.
Ok lang mainitan ng araw, ok lang maalikabukan, ok lang makaamoy ng
mabaho sa kalye, ok lang makalunok ng kulisap.
Ok lang lahat iyan, dahil wala namang namamatay doon. Ok din lang iyon, dahil ang hindi na
nakakaramdam ng init o lamig, ang hindi na nakakaamoy ng mabaho sa kalye, ang
hindi na nakakakita ng pangit na tanawin, lahat sila ay nakahiga na sa
sementeryo, kasama na si Lord.
Kung ayaw
mo maalikabukan, mainitan, o makaamoy ng mabaho, magkulong ka na lang sa
kuwarto, at buksan ang aircon, at panoorin si Vice Ganda sa TV. Mamili ka kung saan mas masaya.
Pasensya
na, pero parang gusto ko lang magtunog-makata.
Lesson No. 3: Bahagi tayo ng mundo, ng buong kalawakan, ng
buong creation. Kailangang maranasan mo ang mundo, sa lahat ng mukha nito. Hindi kailangang magastusan ng malaki para
makaranas ng maganda, o makita ang kagandahan ng buhay. Kailangan mo lang tumingin sa paligid.
Panghuli,
sa buhay at sa pamimisikleta, nagkakamali ka kung iisipin mo na lahat ng
makakasalubong mo sa kalye ay disente o matinong tao (o hayop). Marami na akong nakitang uri ng tao sa
kalsada habang nagba-bike; may mapagbigay, may walanghiya, may sumusunod sa
tama at katwiran, at may walang pakialam.
Kailangang maging alerto at maingat, dahil hindi mo alam kung kailan may
tao, traysikel o aso na tatawid sa dinadaanan mo. At hindi ka rin sasantuhin ng mga trak o bus na
parang hindi ka naman nakikita ng kanilang mga mababait na driver.
Para ding
buhay. Marami kang makikilala na
mararangal at mga makatwiran. Mga taong
magbibigay sa iyo ng inspirasyon para paangatin ang pagkatao mo. Pero makakatagpo ka rin ng mga walanghiya,
mga bastos, at mga halang ang kaluluwa.
Kaya, kailangang maging maingat at maging handa, para pag nakakita ka ng
mga ganitong klase ng tao, alam mo kung paano poprotektahan ang sarili mo.
Lesson No. 4: Sa pangaraw-araw na buhay, gaya ng sa
pamimisikleta, maging matapang at mag-ingat.
Hindi mo alam kung anong klase ang mga taong makakasalubong mo.
Syempre, meron din namang kahinaan ang bisikleta, at maraming
bagay na hindi pwedeng gawin sa bisikleta.
Hindi ka pwede pumasok sa NLEX nang nakabisikleta, at hindi
ka nila papapasukin doon, kahit ano pang argumento ang sabihin mo.
Hindi ka pwede mag-ninong sa kasal o sa binyag, gamit ang
bisikleta mo, dahil mapapawisan at malulukot ang barong tagalog mo, at mahirap
mag-helmet nang hindi pinagpapawisan at nagugulo ang buhok mong naka-gel. Higit sa lahat, wala kang paglalagyan ng
pabilao sa pag-uwi.
Kung inaantok ka sa byahe, hindi kagaya ng sa kotse, hindi ka
pwedeng tumigil sa gilid ng karsada at mamahinga habang nakaupo sa mahal mong
bike, maliban na lang kung isa sa talento mo ang matulog nang nakatayo.
Limitado ang kargada at gamit na madadala mo sa bike. Hindi pwedeng gamitin sa pamamalengke ang
bisikleta, maliban na lang kung may tray sa harap ang bike mo. Problema naman iyon dahil pangit ang racer o
mountain bike na may tray na lalagyan ng gulay, prutas at sariwang isda sa
harap. Parang hindi bagay.
Pero sa kabila ng lahat ng iyan, maganda pa rin ang bisikleta. Ito pa rin ang pinakamagandang libangan o
paraan ng pangaraw-araw na transportasyon.
May mga maunlad na bansa na ang
ekonomiya ay pinapatakbo ng mga manggagawang nakabisikleta, na ang mga
ordinaryong empleyado sa opisina ay pumapasok gamit ang kanilang
bisikleta. Sana nga lang ay dumating
ang panahon na ang lahat ng kalye sa Pilipinas ay may nakareserbang daanan ng
bisikleta, at hindi tindahan ng dibidi-dibidi at housing ng cellphone.
Isipin ninyo, kung nakabisikleta lang sana tayo lahat, wala
nang gitgitan sa kalye, wala nang magmumurahan at wala nang barilan dahil sa
road rage. Hindi na tayo titicketan ng
mga taga-MMDA. Hindi na tayo sasakay sa
mga bus na nakamamatay, at tumitigil ng kahalahating araw yata sa mga
ilalim/ibabaw ng flyover/underpass. Hindi
na tayo sasakay sa MRT na lagi namang nasisira, at hindi na rin tayo magtitiis
sumakay sa mga jeep at makinig sa daldalan at tawanan ng mga DJs sa FM music.
Kaya, kung ako kayo, kaysa maulol tayo sa tablet, sa computer
games, sa tong-its, o sa sabong, magpakahaling na lang tayong lahat sa
bisikleta. Hindi kayo magsisisi. Sabi nga ng mga artista, pramis.