Friday, April 17, 2015

HINDI KO MAINTINDIHAN


HINDI KO MAINTINDIHAN

       
     HINDI KO MAINTINDIHAN … kung bakit ang mga coach sa NBA ay kinakailangang naka-amerikana pa, samantalang ang kinakausap at pinapagalitan nila pag may laro ay mga naka-shorts at naka-sando na pawis na pawis.  Hindi pwede idahilan na ang basketball coach ay naka-amerikana lang dahil ginagamit ang isip sa laro, at isip lang ng isip, at ang mga players ay katawan lang ang ginagamit, at takbo lang ng takbo at tulakan lang ng tulakan.  Eh kung ganoon kasi ang dahilan, na ang coach ay isip lang ang gamit kaya siya naka-amerikana, e bakit si Freddie Roach, hindi naka-amerikana pag may laban si Pacman?  Hindi ba siya nag-iisip?  Ginawa nga niyang 8-division champion si Pacman eh; singer na, pastor pa. 
 
Sa aking pagkakaalam, ang mga coach sa tennis ay hindi rin nakapormang parang ikakasal pag may laro sila Federer at Nadal.  Naka t-shirt lang.  Hindi rin pwede sabihing nagpapa-impress ang coach ng basketball sa kanyang mga players, dahil mas malaki ang sweldo ng mga players kaysa sa coach.

Bakit sa Senado, ang daming mga naka-amerikana, wala namang mga isip?
           
Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.

           
HINDI KO MAINTINDIHAN… kung bakit sigaw ng sigaw ang mga host ng noon time shows at variety shows.  Gumagana naman yung mic.  Pag may ipapakilala silang kakanta, halimbawa, yung tatlong host, sabay sabay na lagi na lang isinisigaw, “And now, please welcome, to sing his latest single from Dionisa Records, Manny Pacquiao!!!!”

Bakit ba kailangang magsisigaw pag may ipinapakilalang kakanta? Talaga bang kailangang maingay at sumisigaw na parang nagsasabing “Hello, masaya kami, kaya kami ay nagsisisigaw”?  Ok, sige, sige.  Sumisigaw sila para magmukhang masigla at may buhay ang programa.  Pero, tatlong host na sumisigaw, kailangan ba talaga iyon?  Ngayon, kung iyon pala ang dahilan, bakit hindi na lang lahat ng host, mga labing lima, lahat sila ay magpakilala sa singer na kakanta ( syempre, singer nga, e),  para mas masigla at mas masaya.  Or better, yung mga audience ay isama na sa mga host sa pagpapakilala para talagang masayang masaya.  O, san ka pa? 

Parang wala akong makitang dahilan, e, maliban sa ako ay tumatanda na talaga, at ako ay nagiging KJ.
           
Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.

           
HINDI KO MAINTINDIHAN… kung bakit ba pag may programa sa gobyerno, mula barangay, munisipyo, kapitolyo, kongreso, hanggang Malakanyang, lagi na lang tinatawag ang mga pulitikong magsasalita na “mahal ng lahat” at “masipag”? Wala na bang ibang adjective na maaaring gamitin sa mga elected officials? O likas lang talagang limited ang bokabularyo ng mga nag-e-emcee?  Sa mga emcees, mag-prepare naman kayo; mambobola lang kayo e, hindi pa kayo maghanda ng husto.  Gumamit kayo ng dictionary o thesaurus, at nandoon lahat ang synonyms ng masipag: diligent, hard-working, industrious, enterprising, resourceful, energetic, blah, blah, blah.
           
Dapat pala, matagal nang maunlad ang Pilipinas, dahil ang lahat pala ng pulitiko ay masipag, at dapat wala na ring eleksyon, dahil lahat naman pala ng pulitiko ay mahal ng lahat.  Dapat pala, wala na ring ambushan sa Pilipinas, dahil ang lahat ng pulitiko, pag ipinakilala, ay “ang kaibigan ng lahat”. 
           
Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.

           
HINDI KO MAINTINDIHAN…kung bakit ang tawag sa maning niluto sa asukal at nabibili sa Pangasinan na nadadaanan pag papunta ka ng Baguio ay peanut brittle.  Hindi ba dapat ay brittle peanut?  Kasi, yung batang lalaking malaki at mukhang diabetic at ang pangalan ay si Bondying, ang tawag natin ay big boy, hindi boy big.  Hindi ba? 

Pero ok na iyon.  Doon na tayo nasanay e.  E, di peanut brittle.  

Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.

           
HINDI KO MAINTINDIHAN … kung bakit hindi raw pwede ihain na pulutan ang minatamis na beans at marshmallow.  Nakakawala ba ng pagkalalaki o pagka-macho ang paghaluin ang beer at minatamis na beans at marshmallow? Hindi ko alam, e. 

Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan. 


            HINDI KO MAINTIDIHAN … kung bakit ang kantang “Bahay Kubo” ay may pamagat na “Bahay Kubo”, samantalang hindi naman tungkol sa pawid na atip, pintuan, batalan, bintana, hagdan at silong ang kanta, at sa halip, ang kantang “Bahay Kubo” ay tungkol sa mga gulay.  Dapat siguro ang pamagat ng kantang iyan ay “Bahay Gulay”.
           
Pag may nagtanong na foreignjer sa atin, “What is the title of that song?
           
Nipa hut, Joe”.
           
“Oh, and what does that song say?”
           
“It’s a song about vegetables, Joe”.

Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.

           

Bakit ba ako tanong ng tanong.  Hindi ko maintindihan.

Friday, April 10, 2015

ANG BABAENG MALIHIM AT ANG LALAKING MATIGAS

ANG BABAENG MALIHIM AT ANG LALAKING MATIGAS

The truth shall set you free daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
Age doesn’t matter daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
 Age is just a number daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
We should be open about our feelings daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
Honesty is the best policy daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
God knows everything daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
Humpty dumpty sat on a wall, humpty dumpty had a great fall, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
Magugunaw na ang mundo, pero ang mga babae ayaw na ayaw pa ring sabihin ang edad nila.
Eh, di huwag.

Nagkamatay na ang SAF 44, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Natapos na ang sermon ni Pope Francis, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Napakaraming iniwang patay ni Yolanda, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Nagpakasal na si Nene sa kanyang boyfriend, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Nahiwa na lahat ang sibuyas, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Jack and Jill went up the hill, to fetch a pail of water, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Magugunaw na ang mundo, pero ang mga lalaki ayaw na ayaw pa ring umiyak.

Eh, di huwag.

Monday, April 6, 2015

ANG PAGHINGI NG IMPOSIBLE


            ANG PAGHINGI NG IMPOSIBLE

Kung kaya ng panalangin lahat na gawing posible ang lahat ng imposible, bakit hindi pa ako nakakita o nakabalita ng isang putol na daliri na tumubo uli, ha?  Sasabihin mo, “E, kasi imposible yon”.  Exactly my point.  Ang isang bagay ay nangyayari, dahil it was possible to happen in the first place.  Hindi milagro yon.

May mga bagay na maaaring mangyari at talagang posible, at may mga bagay naman na imposible.  Yung mga bagay na mahirap mangyari, o maliit lang ang tsansa na mangyari, matatawag pa rin silang nasasaklawan ng kategorya ng posible .  Improbable, yes.  Remote, yes.  But still possible.  An improbability is still within the realm of possibilities.  Ang manalo sa lotto, (yung 6/45), kung tama ang aking math, ay meron lamang na 1/130,320,960  na tsansa, kaya hindi talaga imposibleng manalo ka sa lotto.  Ang manalo ka sa lotto nang hindi ka tumataya, ‘yan ang imposible.  Hindi kaya ng dasal yan.  Pag nanalo ka sa lotto ng hindi ka tumataya, iyon ang himala.

Ang tsansa na ako ay mabuhay hanggang isang daang taon ay isang posibilidad, bagamat napakalabo at napakahirap mangyari, kung isasalansan mo ang beer na nainom ko at bulalo na kinain ko sa buong buhay ko.  Pwede siguro na umabot ako ng isandaang taon, hindi himala ‘yon.  Dahil, in the first place, posible naman talaga iyon, bagamat gaya ng sinabi ko, malabo mangyari ‘yon.  Remote chance.  Pero ayoko rin naman yata abutin ng hanggang isang daang taon, dahil patay na lahat ang mga kahuntahan ko by that time.  Ano ang gagawin ko, mag-selfie? 

Ngayon, bago yung mga relihiyoso sa inyo ay maging hysterical at kastiguhin ako at sabihin na “With God, nothing is impossible”, e, oo nga.   Pero patas ang Diyos.  Binigyan niya tayo ng dalawang kamay at sampung mga daliri.  ‘Yung iba nga, labing isa pa e.  Ngayon, tayo na ang bahalang mag-ingat sa ating mga kamay at daliri.  Bahala kayo kung gusto ninyo ipa-manicure ‘yan linggo-linggo, kung iyan ang magbibigay ng kaligayahan at kabuluhan sa buhay ninyo.  Ok lang iyon.  Basta, siguro, sabi ng Diyos, ingatan ninyo ‘yan, dahil pag ‘yan naputol, hindi ko na papalitan ‘yan.

            Kaya, halimbawa, iwasan ninyo na ang magpaputok tuwing Bagong Taon, at gaya ng laging sinasabi ng nanay mo noong bata ka pa, huwag ilalabas ang kamay sa jeep, dahil pag ang kamay ninyo at daliri ay naputukan o nalagas, hindi na tutubo uli ‘yan.  Hindi na kayo makakanta ng “I have two hands” at saka “Ten Little Indians”.  Kayo rin, mahirap mag-text at mag-multiply gamit ang daliri sa paa.  Kahit maglupasay kayo maghapon, at ilang orasyon ang dasalin ninyo, hindi na tutubuan ng daliri uli iyan.  Dahil, gaya ng sinabi ko, may mga bagay na imposible.   Niloloko mo lang ang sarili mo pag sinabi mong ang lahat ay posible.
           
Kaya pag humingi, huwag sobra. Humingi lang ng tama at reasonable.  Nagagalit ang Diyos sa sobra humingi.
.