Sunday, January 25, 2015

ANG PABORITO KONG KAMBING

ANG PABORITO KONG KAMBING

May best friend ka ba noong high school?  E, ngayon, sino ang best friend mo?

Gusto mo ba siya iluto at kainin?  Naitanong ko lang, kasi sabi nila, ang aso ay man’s best friend.  

Gusto mo bang iluto at kainin ang matalik mong kaibigan? 

Alam ko, bawal na ang kumain ng aso dito sa ‘tin sa Pinas, pero magtanong kayo sa inyong friendly neighborhood manginginom at sasabihin niya sa inyo kaagad kung saan makakabili ng masarap na kalderetang aso, at kilawing balat ng aw-aw.  Dog food.  Dog that is also food. 

Sa isang banda naman, sa mainstream na lipunan, bawal na ang kumain ng aso.  (Maliban siguro sa Baguio, kung saan parang bawal ang inuman na walang aso.)  Bawal na kumain ng aso, dahil dapat daw alagaan ang mga hayop, at dahil dapat maging sensitibo tayo sa iba pang mga kasama nating nilalang na kapwa natin transient dito sa mundo.  Ok, magaling.

E, bakit ang baboy, kinakain natin? Ang baka, kambing, tupa, at manok, kinakain natin sila lahat.  Hindi ba hayop lahat iyang mga ‘yan.

Ano ang naging kasalanan ng mga baboy, baka at manok, at ano ang kaibahan nila sa aso at pusa, at sila ay minalas na nakasanayan na nating paramihin para lang kainin ng tao?  Pare-pareho lang naman silang hayop.  Laging litsong baboy lang ang sikat pag may handaan.  (Pag big time na taga-gobyerno, syempre, litsong baka).  Bakit kaya walang litson na aso, o litsong pusa, na nakadisplay sa kasalan, katabi ng wedding cake, pansit at leche flan?

Bakit pag may napabalitang dog-impounding area, para sa mga asong malapit nang gawing pulutan, nagagalit tayo at naaawa sa mga aso?  Dahil pinsan sila ng inyong cute at loving poodle na si Smoochie?  Ganon?!

Pero alam ninyo rin naman, na araw-araw, ganyan din ang nangyayari sa mga katayan ng baboy, at baka, at di hamak na mas marami pa sila doon sa slaughterhouse kaysa sa mga aso sa compound ng dogsnatchers.  At lintik ka-violent ang pagpatay sa mga baboy at baka.  Sabagay, wala namang pagpatay na hindi violent.  Manhid ka na lang para huwag maawa sa mga ito.  Marinig ninyo pa lang ang iyak ng mga kawawang hayop na ito, parang hindi mo na kakayanin.

Kaya, siguro, pag may nakikita tayong nakakabagabag sa kalooban, mas pinipili natin na huwag nang tumingin.  Huwag na lang natin tingnan kung paano sila naghihirap habang kinakatay, at hintayin na lang natin silang maging bacon at hotdog, na nakabalot sa magagandang plastic ng Monterey.  Iyon ang pinakamadaling gawin, ang huwag tumingin.  To look the other way.  Kagaya ng ginagawa natin sa ibang mga bagay, pag merong umuukilkil na problema sa ating konsyensya na hindi natin kaya pangatwiranan, hindi na lang natin tinitingnan, at pinipilit natin na huwag na lang pansinin, in the hope that it will just go away.     

Nabasa ko na to somewhere e, out of sight, out of mind.  E, di huwag na rin siguro tayo tumingin sa squatters’ area, para walang problema?  Ganon?!   Kaya siguro din, kung ayaw mo mabagabag at madagdagan pa ang mga alalahanin sa buhay, huwag ka na uling titingin sa salamin, at makakaharap mo lang ang pinakamalaking problema mo.

Ang payo ko lang, pag tinubuan ka ng pigsa, lalo na sa singit, huwag mong ipagwawalang-bahala iyan.  Pansinin mo agad ‘yan at ipatingin mo kaagad kay Doc.  Ubod ng sakit nyan pag napabayaan at tinubuan ng mata. 

But back to lechon, bakit ba nilalagyan ng mansanas ang bunganga ng lechon?  Na para bang ang ibig natin sabihin, e ”Ayan, kinain mo kasi ang pinagbabawal na prutas, kaya nilitson ka namin.  Ikaw kasi, e”.

Bakit nga ba espesyal ang pagtingin natin sa mga aso at pusa?  Dahil ba ang aso ay matalino raw at nakakatuwa?  Well, paano mo nalaman na bobo ang mga baboy, at paano ka nakasiguro na walang emosyon ang mga baka?  At nakakita ka na ba ng kambing na kinakatay?  Matapos painumin ng isang drum na suka (para maging malinis ang kanilang bituka), at kapag medyo groggy na sila, gigilitan na sila sa leeg, at habang ginigilitan, tutulo na ang luha nila habang nakatingin sa kanyang murderer, habang inilalabas ang tunog na ubod ng hirap pakinggan at parang nagmamakaawa na “mehhmehhmehh”?  Ngayon, sa tingin mo, hindi sila nasasaktan?  Kung nasasaktan sila, di ba dapat maging sensitive din tayo sa mga kambing, gaya ng sensitive tayo sa mga aso?  O, hindi na lang tayo titingin?  Bakit hindi tayo magkaroon ng goat show, at magtayo ng beauty parlor para sa mga kambing, na kamukha ng mga parlor ng aso sa SM? Bakit hindi natin yakapin ang kambing na parang Shih tzu, at sabihin na “ang cute-cute mo, mwah, mwah”. 

Nagtatanong lang.  Kung sabagay, kung iisipin natin, hindi nga tayo sensitive sa kapwa tao e, sa kambing pa kaya.  Ang tao nga, tayo-tayo, nagkakainan din tayo.  Hindi yung iniisip mo, bastos.  Ang sinasabi ko, ang tao, nilalamon din niya ang kapwa tao.   Lahat tayo ay predator at prey ng kapwa tao at the same time.  Hindi lahat ng pagiging predator ay dinadaan sa bibig.  Ang malakas ay kinakain ang mahina ng buong-buo, dahil pag tumigil daw ito sa paglamon, yung malaki ay mamamatay.  Tingnan mo ang mga bangko, kainan sila ng kainan.  Merger yata ang tawag nila doon.  Pero hindi ko na alam yan.  Sa pagkain lang ng kambing ako magaling.   

Ngayon, kung sabihin naman natin na hindi natin maiiwasan, at kailangan nating kumain ng mga hayop para tayo ay mabuhay, at tutal, tayo naman ang nasa ibabaw ng food chain, at ginaganap lang natin ang dikta ng kalikasan, e di huwag na tayong maging maarte, at kainin na natin sila lahat, pati ang mga aso at pusa.  Isama na natin ang mga unggoy (Isipin nyo sa isang restoran, nakapaskel, “Please try our specialty, Kalderetang Dibdib ng Unggoy”.  Cute).  Hayop din naman silang lahat e, di ba. 

Ngayon, kung hindi naman natin kaya tagalan ang araw-araw na pagkatay sa mga kapwa natin living things na may paa, e di kumain na lang tayo ng living things na walang paa, yon na lang mga may dahon at bunga.  Yung walang insecticide, please.

Napaisip lang ako, ha.  Masarap kasi ang kambing e, lalo na yung sinigang na pinakuluan ng tatlong oras, at maraming sili.


1.25.15

1 comment: