Monday, February 8, 2016

ANG TAON NG UNGGUYAN

ANG TAON NG UNGGUYAN

Ngayong taon daw ng 2016 ay Year of the Monkey, ayon sa Chinese calendar.  Gaya ng aking ginawa noong nakaraang taon ( Year of the Sheep), ako ay gagawa ng mga hula na siguradong magkakatotoo, ayon sa sinabi ng aking subok na mapagkakatiwalaan, subok na maaasahan, ang aking Pun So, ang bolang kristal ng ating buhay.  Tingnan ninyo kung hindi tumama ang aking mga prediksyon noong isang taon.  Halos walang sablay ang mga hulang nagkatotoo na tanging bolang kristal lamang ang nakakita.  Magbibigay din ako ng ilang payo sa inyo kung paano maging matagumpay na tao sa taon ng mga unggoy.

Una, dahil ngayong taon ay Year of the Monkey, maswerte ang ipapanganak ngayong taon dahil sila ay ipapanganak na likas na matalino.  Ito ay dahil sa impluwensya ngayong taon ng mga unggoy, ang sinasabing isa sa pinakamatalinong hayop sa mundo.  Kaya nga pag nakaisa tayo sa kapwa natin, ang sinasabi natin ay naka-unggoy tayo.  Ang mga batang ipapanganak ngayong taon ay magiging matalino.  Mas mukhang unggoy , mas matalino.

Akmang akma din ang Year of the Monkey dahil sa Mayo 2016 ay magkakaroon ng halalan sa Pilipinas.  Nakikita ko ang impluwensya ng mga unggoy sa ating halalan.  Nakikita ko na sa halalan ay maraming ungguyan ang mangyayari.  Itaga ninyo sa bato: ang gagawin natin sa Mayo 2016 ay ang sabayang Ungguyang Nasyonal at Ungguyang Lokal.

Ang mga magkakapartido ay mag-uungguyan. 
Ang Comelec ay uungguyin ang mga kandidato.
Ang mga kumakandidato ay uungguyin ang taumbayan.
Ang mga taong magbebenta ng kanilang mga boto ay uungguyin ang mga kandidatong magbabayad.
Ang mananalong pangulo ay uungguyin tayo ng anim na taon, at ang mananalo sa lokal ay uungguyin tayo ng tatlong taon.  Pagkatapos ng kanilang termino, pipili uli tayo ng mga mang-uunggoy sa atin.


Sa kalusugan, ngayong year of the monkey, makabubuting kumain ng maraming saging upang gumanda ang balat at mabawasan ang pagkakaroon ng taghiyawat.  Ito ay dahil napatunayan na gaya ng sa mga unggoy, na ang pagkain ng saging ay nakakatulong sa pag-iwas sa taghiyawat.  Katibayan nito ay ang mga pagsasaliksik na nagpapatunay na ang mga unggoy ay hindi tinutubuan ng taghiyawat.  Bukod sa saging, para lalong gumanda ang inyong kalusugan, makakatulong din na kumain ng mga  prutas at gulay na nagsisimula sa letrang “U”, tulad ng ubas, upo, ukra at urange.

Dahil ngayon ay taon ng ungguyan, masuwerte rin ngayong taon na magpakasal ang mga golddiggers, ang mga manghuhuthot, at maswerte rin ang magpapakasal ngayong taon sa mga matatandang mayayaman na ayaw mamatay-matay.  Magiging napakasaya ng inyong buhay may-asawa.

Sa larangan ng negosyo, hihina ang business ng mga dermatologists, skin care specialists, at ang retoke business.  Ngayong taon ay lalabas si Mommy Dionisia at isisiwalat sa national television na peke ang clinic ni Vicky Belo.  Ang mukha ni Mommy Dionisia ang Exhibit “A”.  Lilipat siya kay Calayan pero tatanggihan siya.

Maliban sa mga nabanggit na sa itaas, ay maswerte naman ngayong taon ang magtayo ng negosyo.  Ang kailangan lamang sa magtatayo ng negosyo ay maging kasingtuso at kasinggulang ng matsing.  Upang maging matagumpay, kailangang lubos na magpaka-unggoy ang mga negosyante, at ungguyin ang kanilang mga parokyano at customers.  Para maging mas malaki ang kita ng negosyo, kailangan ding ungguyin ang BIR, ang mga suppliers, at ang gobyerno sa pagkuha ng business permits at licenses.  Higit sa lahat, kung makakalusot, ay pwede ring ungguyin ang mga kasosyo sa negosyo. 

Ilan lamang sa patok na negosyo ngayong taon ay ang pagtatayo ng pet shop (ng mga sari-saring unggoy, hindi mga cute na aso’t pusa), detective agency at pagbebenta ng CCTV (para maimbestigahan ang ungguyan), collection agency (para makakolekta sa mga unggoy na balasubas), at hardware ng mga materyales na gawa sa China, at iba pang monkey business.   

Ngayong taon, ay marami pa ring mga Pilipino ang magpapauto sa malaking interes na pangako ng pyramiding scams, ang mother of all monkey businesses.  Tatanggap sila sa unang mga buwan ng malaking interes, nakangisi silang magpapasok pa ng mas malaking investment kasama ang kanilang retirement pay, manghihikayat pa sila ng mga kaibigan at kamag-anak, at pagkatapos ay biglang mawawala ang mga monkeys kasama ang pera, at mag-iiiyak ang mga nabiktima sa harap ng camera ng TV Patrol at Saksi, at sasabihing “Syet ka, niloko mo kami, put—na mo!”

Heto naman ang inyong kapalaran sa negosyo, ayon sa inyong taon ng kapanganakan:

Ipinanganak sa year of the Sheep – Maswerte ang magnegosyo.
Ipinanganak sa year of the Dog – Maswerte sa pagkakakitaan
Ipinangak sa year of the Rat – Maswerte sa Hanapbuhay
Ipinanganak sa year of the Snake – Maswerte sa racket
Ipinanganak sa year of the Rabbit –Maswerte sa trabaho.
Ipinanganak sa year of the Tiger – Maswerte sa pagkakaperahan
Ipinanganak sa year of the Dragon – Maswerte sa Sideline
Ipinanganak sa year of the Pig - Maswerte sa magiging commission

Kung napapansin ninyo na parang pareho-pareho lang ang sinasabi ko, e ganoon talaga ang hula. Huwag ninyo kokontrahin, dahil hindi kayo susuwertehin.  Pag hindi kayo nagkapera, ibig lang sabihin, kumokontra kayo.

Magkakatotoo lahat ito.  Gaya ng aking sinabi noong isang taon, maniwala kayo sa Pun So.  Huwag ninyong intindihin ang mga aral ng siyensya, kasaysayan at common sense.  Huwag rin kayong masyado umasa sa sipag at tiyaga.  Umasa na lang kayo sa swerte at umiwas sa malas.


Mag-ingat kayo, mga kapatid, ngayong taon ng mga unggoy.  Maligayang Taon ng mga Unggoy.

Friday, January 8, 2016

ALAM MONG TUMATANDA KA NA

ALAM MONG TUMATANDA KA NA.

Wala nang mas matingkad pa na tanda ng paglipas ng panahon kaysa sa pagpapalit ng kalendaryo tuwing papasok ang bagong taon.  Tulad ng pagputi ng buhok at pagkulubot ng balat, hindi mapipigil ang pag-inog ng panahon.  Pag marami ka nang kalendaryong napalitan sa buhay mo, alam mong tumatanda ka na.

Alam mong tumatanda ka na kung napapansin mong laging maingay ang paligid mo. Naiingayan ka na sa mall.  Naiingayan ka na sa loob ng Jollibee.  Naiingayan ka na sa tricycle na ubod ng lakas ng tambutso.  Naiingayan ka na sa anak mong kanta ng kanta mag-isa sa harap ng TV, o tawa ng tawa mag-isa sa harap ng computer.  Nabubwisit ka na sa videoke sa kanto.  Hindi mo maintindihan kung paano gumanda ang rap music, o ang heavy metal. 

Gusto mo na lagi ng isda, huwag lang iyong pinritong kuwadradong laman ng isda na binalot sa kalahating kilong arina at nilunod sa sarsa, kundi ‘yung pinangat na isdang buo pa at malambot ang mata.  Hindi mo kasi ginagawa ‘yan nung bata ka,e.  Gusto mo dati, puro hotdog, tosino, at pritong manok.  Puro burger at prents prays.  Tapos ka na doon.  Ngayon, ayaw mo pumasok sa kainan na walang gulay at nakakapasong sabaw.

Hindi ka na nahihiya sa fashion sense mo.  Maliban sa mangilan ngilan na pasyonista pa rin, ang mga matatanda ay wala nang masyadong pakialam kung magkabagay pa ang mga kulay ng kanilang suot, o kung uso pa ang tabas o tela ng pantalon nila.  Mas iniisip mo na lang yung mga gamot mo na iniinom araw-araw. 

Pag nagkuwento ka, laging ang intro mo ay “Noong araw, e ganito; noong araw, e ganoon….”.  Lagi mong iniisip na ang henerasyon mo noon ay mas magaling sa mga henerasyon ngayon, na ang tingin mo ay laging spoiled, reklamador at walang ginawa kundi magkutitingting ng gadget.  Gusto mong pagsabihan ang mga anak mo, pero napagpapalit mo naman lagi ang kanilang mga pangalan.

Lagi mong kinukumpara ang buhay ngayon, at ang buhay noong panahong anim o pitong presidente na ang nakakaraan.  Kinukumpara mo lagi ang baon mo noon at ang baon ng mga bata sa eskwelahan ngayon, at napapailing ka lang kung paano ka tumagal sa paaralan sa baong ilang sentimos.

Pag kumanta ka sa videoke, nangingiti at nagtitinginan ang mga bata, na para bang ang kinakanta mo ay top hits sa Pakistan. 

Pag nagrereunion ang mga pamilya ninyo, nagmamano sa iyo ang mga bata, at tinatanong mo sila lagi kung kanino silang anak. 

Hindi ka na nanonood ng sine.  Manood ka naman minsan, nakakatulog ka lang.

Madalas ka na sa Mercury.  Dati, kabisado mo ang presyo ng isang kahon ng San Mig Pale Pilsen; ngayon, ang kabisado mo lang ay presyo ng isang banig ng Lozartan, o Lipitor.

Nauuna ka pa magising sa mga manok. 

Noong araw, pwede mo kainin lahat, pero wala ka namang pambili.  Ngayon, kaya mo na bilhin lahat, pero tila bawal na kainin ang lahat ng pagkaing may lasa.

Pag nagkikita kayo ng mga kaklase mo, ang una ninyong napapag-usapan ay mga teacher at mga kaklase ninyo noong elementary na kapiling na si Lord.

Sumusundo ka na uli sa skul.  Sa apo.  Hindi sa anak.

Kung naiintindihan mo kahit ilan lamang sa mga sinasabi ko, binabati kita, at umabot ka na sa ganyang edad, pero buhay ka pa, at nakakabasa ka pa. Pero, kapatid, numero lang ang edad.  Nasa isip lang lahat ‘yan.  Ang ganda ng buhay ay hindi mga materyal na borloloy na nakapaligid, kundi ang pagdiriwang ng mga tagumpay, kahit gaano man kaliit iyon, at aral ng mga kabiguang dinaanan.  Ang ganda ng  buhay ay meron kang ala-alang binabalikan at nginingitian.

Sabi nga ng idol kong si James Taylor, “The secret of life is enjoying the passage of time”.  Matanda lang ang nakakagawa noon.   

Isang mapayapang Bagong Taon, mula kay Prop.


Wednesday, December 30, 2015

ANG MGA PASKO NG ATING BUHAY

ANG MGA PASKO NG ATING BUHAY

Pasko na naman. O kay tulin ng araw.  Sabi iyan ng kanta.

Sa tingin ko, ang paraan ng ating pagdiriwang ng mga nagdaang Pasko sa ating buhay ay isang sukatan kung nasaan na tayo.  Kung paano natin ipinagdiriwang ang mga Pasko, ganoon din makikita kung paano nagbabago ang ating buhay.

Ang ibig kong sabihin ay ganito.  Noong Grade 2 ako, ang ibig sabihin ng Pasko ay damit na, ano pa, e di Pamasko, mga laruan, monita-monito, aginaldo, at kendi na bigay ni Santa Claus na laging kamukha ng mga kendi sa sari-sari store namin noong araw.

Noong nagbinatilyo ako, naiba ang ibig sabihin ng Pasko sa akin.  Ang ibig sabihin na ng Pasko ay dalawang linggong bakasyon, at dalawang linggong inuman. 

Nang magkapamilya ako, ang ibig sabihin ng Pasko ay dagdag gastos sa karaniwang gastusin bawat buwan, dala ng dami ng obligasyon kapag Disyembre, mga pangregalo, hindi matapos tapos na Christmas party, pambayad sa bonus, at kung anu-ano pang mga bagay na lahat ay kaugnay ng pera, pero lahat wala talagang natural na kinalaman ang Pasko.

Napagtanto ko, habang tumatanda tayo, parang palabo nang palabo ang kahulugan ng Pasko natin.

Pag Pasko, inaalala natin ang mga dapat nating regaluhan, marami sa kanila hindi dahil natutuwa tayong bigyan sila ng regalo, kundi dahil pinapakinabangan natin sila.  Sa madaling sabi, dala ng obligasyon.  Wala ring kinalaman sa tunay na diwa ng Pasko. 

Kaya pag inimbitahan ka ng mga bangko sa Christmas Party, hindi iyon dahil natutuwa sila talaga sa mukha mo, kundi dahil malaki ang iyong deposito.  Doon sila natutuwa.  Kaya pala hindi pa ako naiimbitahan ng mga bangko sa Christmas party, baka nakakatuwa lang ang mukha ko. Hanggang doon na lang.
 
Palapit nang palapit ang Pasko, pabigat nang pabigat ang trapik, kaya pataas nang pataas ang konsumisyon ng mga tao, at parami nang parami ang mga nagmumura sa karsada.  Pero ano ba talaga ang natural na koneksyon ng trapik sa Pasko? Alam mo na ang sagot dyan.  Wala.

Pag Pasko, kailangang may hamon at keso de bola sa lamesa.  Ano uli ang koneskyon ng isang binilog na pira-pirasong karne at bilog na keso sa Pasko? Wala rin.  Nakasanayan lang natin, nakamulatan na lang natin, at dahil iyon kasi ang marami sa supermarket pag Disyembre.  Bakit kailangang hamon, e pwede namang tinapa.  Kaya nga sabi ng mga doktor, tumataas ang bilang ng mga inaatake sa puso pag Disyembre at Enero, dahil sa walang humpay na kainan ng kababuyan ng nagdaang bakasyon.   

Sabi ng isang kanta, sana raw, araw araw ay Pasko lagi.   Ano ka, hilo? Araw-araw, trapik? Araw araw, hamon?  Araw-araw, Christmas Party?

Hindi ako KJ.  Masarap ding kumain ng hamon, lalo pag libre, at masarap ding tumanggap ng kahit anong regalo pag Pasko.  Masarap magsalu-salo kasama ang mga kaanak at kaibigan.  Pero sana lang, dahan dahan tayo sa materyal na bagay tuwing Pasko.  Hinay hinay lang sa pera.  Ibalik natin ang tunay na Pasko sa mga ginagawa natin pag Disyembre.  Kung ano man ang kahulugan ng Pasko sa inyo (pagmamahalan, pagbibigayan, at iba pang salitang may “–an” sa huli), tiyak na pag inalis mo ang pera doon, mas sisimple at mas sasaya ang Pasko nating lahat.   


Maligayang Pasko, mula kay Prop. 

Monday, November 30, 2015

DAPAT ANG MGA BATA, HUWAG NANG LUMAKI

DAPAT ANG MGA BATA, HUWAG NANG LUMAKI
(O Kung Bakit Namaril Ang ISIS sa Paris)

Dapat ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak hanggang magsimulang magkaisip, hindi nakakakilala ng kulay ng balat ng tao, kaya kaya niyang hipuin at hawakan ang kamay ng lahat, pati ang mga hindi niya kakulay, at kaya kinakausap niya lahat.

Dapat ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak, hanggang magsimulang magkaisip, sinasabi kung ano ang nakikita, kahit masakit sa tainga, at naniniwala siya sa nakikita ng mata, at hindi sa sulsol ng iba, kaya kaya niyang kausapin lahat.

Dapat ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak, hanggang magsimulang magkaisip, hindi niya makita ang kaibahan ng taong mahirap at taong mayaman, kaya kaya niyang kausapin lahat.

Dapat ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak hanggang magsimulang magkaisip, wala pa siyang pulitika at relihiyon, kaya hindi niya hinuhusgahan ang mga taong hindi kapareho ang kanyang paniniwala, ang mga taong hindi kapareho ang dasal na sinasabi, o hindi kapareho ang niluluhuran, kaya kinakausap niya lahat.

Dapat ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, magmula noong ipinanganak hanggang magsimulang magkaisip, hindi nila iniintindi kung ano ang hugis ng ilong ng taong kaharap, o kung ano ang damit na suot, o kulay ng buhok ng kanyang kaharap, kaya kinakausap niya lahat.

Nang lumaki ang mga bata, kung anu-ano ang tinuro natin sa kanila, mga bagay na bahagi ng mundo ng matatanda, karaniwan tungkol sa mga imbentong pagkakaiba ng mga tao at mga paraan kung ano ang pwede nating pag-awayan, at kung bakit natin dapat ihiwalay ang ating mga sarili sa iba.  Itinuro natin sa kanila na ang ganitong tao ay “bad”, ang ganoong tao ay “bad”.  Kaya ngayon, marami na silang hindi kinakausap.  Pag tinanong tayo ng bata kung bakit ang tao na iyon ay “bad”, ang sagot natin ay “basta”, ngunit ang totoo, itinuro din lang kasi sa atin ng mga matatanda na sila ay “bad”.   Lahat ng itinuro natin sa kanilang mga taong “bad”, ituturo din nila sa magiging anak nila, na marami na rin taong hindi kakausapin. 

Kaya siguro may giyera na hindi matapos-tapos, ay dahil may mga taong hindi na kayang makipag-usap sa iba, dahil napaniwala na rin tayo na may mga taong sadyang “bad”, na hindi naman natin maipaliwanag kung paano naging “bad”.

Paikot ikot lang, tuloy tuloy lang, away lang ng away, kahit wala nang makaalala kung ano nga ba ang pinagsimulan ng away.  Minsan, ang pinag-aawayan ay dahil hindi magkasundo kung ano ba talaga ang pinagsimulan ng away.  Nahihilo na ako isipin kung ano ang mas walang katuturan, ang away-bata, o giyera ng matatanda. 


Kaya nga, ang mga bata, dapat huwag nang lumaki.

Thursday, November 19, 2015

ANG BUHAY NG MAPAPEL

ANG BUHAY NG MAPAPEL

Lahat tayo ay mapapel, dahil ang ating buhay ay umiikot sa sangkatutak na papel.

Hindi ka tao pag hindi ka mapapel.  Pag pinanganak ka, iisyuhan ka ng isang papel.  Pag kinasal ka, papel na naman.  Pag namatay ka, papel uli.  Hindi ka magiging tao kung wala kang papel, hindi ka rin mamamatay kung wala kang papel.

Para matanggap ka sa trabaho, kailangan mo magpakita ng isang maganda at malaking papel, galing ng eskwelahan.  O kaya papel galing Recto.  Para makapag-ibang bansa, kailangan mo ng papel.  Lahat ng ginagawa natin sa araw-araw, puro de papel. 

Ang ating gobyerno ay punong-puno ng mga mapapel, mula taas hanggang baba.  Para manalo ka sa eleksyon, kailangang mapapel ka, dahil ang mga mapapapel ang napapansin, ang nakikilala.  Ang hindi mapapel, ang mga mahiyain, hindi nakikilala, at hindi nananalo.  Pag botohan, isinusulat natin ang pangalan ng mga mapapel sa isang pirasong papel, madalas kapalit ang ilang pirasong papel.

Nagagalit tayo sa mga mapapel, pero ang atin namang mga tinitingala sa lipunan, lahat mapapel.  Pinapagaya natin sa ating mga anak, para pagdating ng panahon, marating din nila ang naabot ng mga mapapel.

Ang mga mag-asawa, kahit nagbabatuhan ng plato at baso, ay hindi raw dapat maghiwalay dahil sa isang pirasong papel.

At higit sa lahat, lahat tayo ay nagpapakamatay sa isang parihabang papel.  Marami nang nasira ang buhay, nagkapatayan, nasira ang ulo, tumulo ang laway, dahil sa pagsamba sa isang pirasong papel.  Papel makes the world go round. 

Sa bawat panahon, sa bawat lugar, may kanya-kanya daw tayong papel.  ’Yung iba, nauubos ang buhay, kahahanap sa kanilang papel sa buhay.

Tatae ka na lang, o sisinga, kailangan pa ng papel.   

Kaya huwag kang magagalit sa mapapel, dahil ang ating buhay ay umiikot sa sangkaterbang papel.