Tuesday, May 26, 2015

BISIKLETA

BISIKLETA

Lagpas na ako sa kalendaryo noong ako ay mahumaling uli sa bisikleta.  Ang una kasi ay noong nasa Grade 2 pa yata ako.  Noong pangalawa ay lagpas Grade 2 na ang bunso ko.

Sa aking paningin, ang bisikleta ay isa na sa mga pinakamahalagang imbensyon sa buong kasaysayan ng sangkatuhan na patuloy na humuhubog sa kasaysayan ng tao (sa mabuti at sa masama), kahanay ang personal computer, ang printing press, ang baril, ang TV, ang beer, ang gitara at ang bola.  (Kung hindi kayo sang-ayon, ok lang iyon; listahan ko nga lang ito.  Gumawa na lang kayo ng sarili ninyong listahan). 

Sana nga pala ay maaga-aga pa sa buhay ko nang muling nadiskubre ko ang bisikleta, para hindi nasayang ang lakas ng binti ko noong ako ay bata-bata pa.    

Gusto ko lang ibahagi sa kung sino ang may tiyagang magbigay ng panahon dito kung bakit ako sang-ayon sa sinabi raw ni Ariel Ureta, na sa ikauunlad ng  bayan, bisikleta ang kailangan.  Alam na nating lahat ito, pero ipapaalala ko lang sa inyo kung bakit ang bisikleta ang isa sa mga bagay na maituturing na pinakamagandang bagay na maaaring kahumalingan.

Mura lang ang bisikleta.  Sa halagang kasingbaba ng tatlong libong piso, na di hamak na mas mura pa sa isang ordinaryong smartphone, o sikat na rubber shoes ng mga pa-cute, meron ka nang magiging kaibigan na sasamahan ka sa layong 60 kilometro mula sa bahay mo, at maaaring mas malayo pa, depende sa tibay ng binti mo.  Mura, dahil padyak lang ang kailangan, murang helmet at maraming tubig.  Huwag ka nang uminom ng anumang energy drink kuno; mahal pa iyon, at para sa mga maaarte lang iyon, sa mga nagtatae o sa may dengue. 

Hindi ka na kailangang bumili ng gasolina o diesel na trenta-kuwarenta pesos bawat litro, at di hamak na mas mura at madaling magmentina ng bisikleta kaysa sa karaniwang sasakyang de-makina.  Hindi ka na kailangang magpa-oil change, o magpa-carwash. 

Hindi na inirerehistro ang bisikleta.  Hindi mo na kailangang magbayad sa LTO taon-taon at magbayad ng fixer, ng mamang taga-testing daw ng usok ng tambutso, at iyong mamang nagi-stencil ng makina at kaha ng kotse.  Hindi mo na rin kailangan ng driver’s license, at hindi mo na kailangang umihi sa maliit na plastic para sa drug-testing. 

Wala ka na kailangang ipa-tint, at hindi mo na kailangang bumili ng air freshener.  Wala ka nang side mirror na lagi ka namang natatakot na manakaw, na pag nanakaw, ay pupunta ka pa sa Banaue para tubusin.  Hindi ka na magpapalit ng wiper, ng matting, ng seat cover, at hindi ka na bibili ng sticker na ikinakabit sa likod ng sasakyan, na ang sabi ay “Don’t get closed to me.  Get closed to God”, o sticker ng pinagyayabang mong eskwelahan kung saan ka nagtapos, na madalas ay isang eskwelahan na ikaw lang ang nakakaalam kung bakit mo ipinagmamalaki.      

Kung pampapawis lang ang habol mo, hindi ka na magbabayad sa gym, o sa instructor ng Zumba.  Sumakay ka lang sa bike mo at pumadyak, nakapag-exercise ka na.  At hindi ka na kailangang makipagsabayan sa mga fashionista na nakasuot ng mga mamahaling sportswear, ng mamahaling sapatos, na mukhang seryoso at hindi ngumingiti, pero halata mo namang nagpapapansin sa loob ng mga mamahaling gym. 

At kung kailangan mong iparada ang bisikleta mo, hindi mo na kailangang magbayad ng parking fee.  Maliit na kadena at lock lang ang katapat ng parking mo.

Syempre, nakakatulong ang pamimiskleta sa kalusugan.  Nakapamasyal ka na, nakapag-exercise ka pa.

Sa bike, walang trapik-trapik.  Minsan, mas mabilis pa talaga ang magbisikleta ngayon kaysa sa sumakay sa totoong sasakyan.  At dahil walang trapik, wala ring stress.  Wala na ring mag-aalok sa iyong bumili ng pranelang pamunas, ng charger ng cellphone, at ng mga plastic na aso na tatango-tango na ikinakabit sa dashboard.

Sa bike, ikaw ang masusunod kung gusto mong tuloy-tuloy o huminto sa page-exercise.  Pwede kang huminto pag lawit na ang dila mo pag paakyat, at pwede ka ring dire-diretso pag palusong (siguraduhin lang na meron kang preno).  Ang mahabang palusong, iyan ang isa sa pinakamasarap na karanasan sa buhay.  Ang sumakay sa bisikleta nang puro palusong.  Ubod ng sarap.  

Nakakatulong ka pa sa kapaligiran.  Environment-friendly.  Dahil hindi ka maglalabas ng usok na galing sa tambutso.  Hindi mo na kailangang gumamit ng sari-saring kemikals, tulad ng gasolina, langis, brake fluid, water coolant, tire black, at kung anu-anong additive sa makina.  Pag ikinumpara mo ang konsumong ginagamit ng kotse sa bisikleta, kitang-kita mo kung gaano kagastos at gaanong karaming synthetic na kemikals ang ginagamit ng kotse.  Huwag mo kakalimutan na itatambak din naman natin lahat ng iyan pabalik sa lupa.  Ang tawag diyan, pollution.

Pag nahumaling ka na sa pamimisikleta, hindi mo na gugustuhin ang sumakay sa stationary bike sa umaga habang nanonood sa TV ng programa ni Kris Aquino.  Dahil sa stationary bike, nababato ka lang dahil wala kang nakikitang magandang tanawin, at walang excitement o challenge dahil wala nang asong manghahabol na iiwasan mo, o traysikel na haharang-harang at lusot dito, lusot doon, liko dito, liko doon. 


Bukod sa pakinabang na kitang-kita sa pagbibisikleta, marami rin akong natutunan tungkol sa buhay dahil sa paminsan-minsang pamimisikleta. 

    Una, napatunayan ko, na sa pamimisikleta, gaya ng sa buhay, kung saan ka man makarating, gaano man kalayo o gaano man kalapit, ang lahat ay nakadepende sa iyo.  Wala kang masisisi kundi ang sarili mo, at ang mahina mong mga binti, at mahina mong baga.  Kung maiwanan ka man ng grupo sa pamimisikleta, iyon ay dahil mahina ka pumadyak, dahil baka panay ang sigarilyo at inom mo.  Sa buhay, gaya ng sa pamimisikleta, kung gusto mong may marating na malayo-malayo, kailangang paghirapan mo.  Sa bisikleta, konti pang praktis, konti pang hirap, para makalayo.  Kung ok lang naman sa iyo na sa kabilang kanto ka lang makarating, maupo ka na lang sa inyo, kumuyakoy maghapon at maglaro ng Candy Crush.

Lesson No. 1:  Ang iyong mararating sa buhay ay depende sa iyo, wala kang ibang pwedeng sisihin kundi ang sarili mo. 


    Pangalawa, natutunan ko sa pamimisikleta na masarap ang palusong, pero bago ka umabot sa palusong ay dapat dumaan ka muna sa paahon.  Alam mo na iyan; mahihirapan ka muna bago masarapan.  Aakyat ka muna bago masarapan.  Sa seesaw, sa padulasan, sa slide sa swimming pool, sa bungee jumping.  Sa lahat ng mga iyan, aakyat ka muna ng mataas, para maranasan mo ang sarap ng kakaibang karanasan.

           Lesson No. 2:  Sa buhay, parang sa pamimiskleta, laging may paahon at may palusong.  May mahirap at may madali.  May hirap at ginhawa.  Hindi pwedeng puro palusong.  Nakakamatay ang magbike nang puro palusong.

           
    Ikatlo, kakaibang karanasan para sa akin ang magbisikleta, ang tumahak sa mundo, at yakapin ka ng bugso ng hangin, sa lahat ng init o lamig nito, nang walang nakaharang na windshield.  Kasama na ang lahat ng alikabok at amoy sa kalye.  Paminsan-minsan, makakaamoy ka ng mga bulaklak, ng amoy ng mga puno at dahon.  Minsan, makakaamoy ka rin ng nilulutong tinapay sa panaderya, ng sinangag at nilulutong tuyo o kung anumang almusal iyon sa madadaanan mo.  Makakaamoy ka rin ng tae ng baboy at manok sa mga farm, at ng nakakasulasok na amoy ng tambakan ng basura.   Minsan naman, mapupuwing ka o makakalunok ka ng kulisap at gamu-gamo.  Lahat iyan, parte ng mundong ginagalawan natin. 

          Sa pamimisikleta, nararamdaman kong buhay ako, dahil nakakakita ako, nakakaamoy ako, nakakarinig ako, nakakaramdam ako.  Ok lang mainitan ng araw, ok lang maalikabukan, ok lang makaamoy ng mabaho sa kalye, ok lang makalunok ng kulisap.  Ok lang lahat iyan, dahil wala namang namamatay doon.  Ok din lang iyon, dahil ang hindi na nakakaramdam ng init o lamig, ang hindi na nakakaamoy ng mabaho sa kalye, ang hindi na nakakakita ng pangit na tanawin, lahat sila ay nakahiga na sa sementeryo, kasama na si Lord. 

          Kung ayaw mo maalikabukan, mainitan, o makaamoy ng mabaho, magkulong ka na lang sa kuwarto, at buksan ang aircon, at panoorin si Vice Ganda sa TV.  Mamili ka kung saan mas masaya. 

           Pasensya na, pero parang gusto ko lang magtunog-makata.

Lesson No. 3:  Bahagi tayo ng mundo, ng buong kalawakan, ng buong creation. Kailangang maranasan mo ang mundo, sa lahat ng mukha nito.  Hindi kailangang magastusan ng malaki para makaranas ng maganda, o makita ang kagandahan ng buhay.  Kailangan mo lang tumingin sa paligid.


       Panghuli, sa buhay at sa pamimisikleta, nagkakamali ka kung iisipin mo na lahat ng makakasalubong mo sa kalye ay disente o matinong tao (o hayop).  Marami na akong nakitang uri ng tao sa kalsada habang nagba-bike; may mapagbigay, may walanghiya, may sumusunod sa tama at katwiran, at may walang pakialam.  Kailangang maging alerto at maingat, dahil hindi mo alam kung kailan may tao, traysikel o aso na tatawid sa dinadaanan mo.  At hindi ka rin sasantuhin ng mga trak o bus na parang hindi ka naman nakikita ng kanilang mga mababait na driver. 
    
           Para ding buhay.  Marami kang makikilala na mararangal at mga makatwiran.  Mga taong magbibigay sa iyo ng inspirasyon para paangatin ang pagkatao mo.  Pero makakatagpo ka rin ng mga walanghiya, mga bastos, at mga halang ang kaluluwa.    Kaya, kailangang maging maingat at maging handa, para pag nakakita ka ng mga ganitong klase ng tao, alam mo kung paano poprotektahan ang sarili mo.

Lesson No. 4:  Sa pangaraw-araw na buhay, gaya ng sa pamimisikleta, maging matapang at mag-ingat.  Hindi mo alam kung anong klase ang mga taong makakasalubong mo.


Syempre, meron din namang kahinaan ang bisikleta, at maraming bagay na hindi pwedeng gawin sa bisikleta. 

Hindi ka pwede pumasok sa NLEX nang nakabisikleta, at hindi ka nila papapasukin doon, kahit ano pang argumento ang sabihin mo. 

Hindi ka pwede mag-ninong sa kasal o sa binyag, gamit ang bisikleta mo, dahil mapapawisan at malulukot ang barong tagalog mo, at mahirap mag-helmet nang hindi pinagpapawisan at nagugulo ang buhok mong naka-gel.  Higit sa lahat, wala kang paglalagyan ng pabilao sa pag-uwi.
 
Kung inaantok ka sa byahe, hindi kagaya ng sa kotse, hindi ka pwedeng tumigil sa gilid ng karsada at mamahinga habang nakaupo sa mahal mong bike, maliban na lang kung isa sa talento mo ang matulog nang nakatayo.  

Limitado ang kargada at gamit na madadala mo sa bike.  Hindi pwedeng gamitin sa pamamalengke ang bisikleta, maliban na lang kung may tray sa harap ang bike mo.  Problema naman iyon dahil pangit ang racer o mountain bike na may tray na lalagyan ng gulay, prutas at sariwang isda sa harap.  Parang hindi bagay.

Pero sa kabila ng lahat ng iyan, maganda pa rin ang bisikleta.  Ito pa rin ang pinakamagandang libangan o paraan ng pangaraw-araw na transportasyon.  May  mga maunlad na bansa na ang ekonomiya ay pinapatakbo ng mga manggagawang nakabisikleta, na ang mga ordinaryong empleyado sa opisina ay pumapasok gamit ang kanilang bisikleta.    Sana nga lang ay dumating ang panahon na ang lahat ng kalye sa Pilipinas ay may nakareserbang daanan ng bisikleta, at hindi tindahan ng dibidi-dibidi at housing ng cellphone.

Isipin ninyo, kung nakabisikleta lang sana tayo lahat, wala nang gitgitan sa kalye, wala nang magmumurahan at wala nang barilan dahil sa road rage.  Hindi na tayo titicketan ng mga taga-MMDA.  Hindi na tayo sasakay sa mga bus na nakamamatay, at tumitigil ng kahalahating araw yata sa mga ilalim/ibabaw ng flyover/underpass.  Hindi na tayo sasakay sa MRT na lagi namang nasisira, at hindi na rin tayo magtitiis sumakay sa mga jeep at makinig sa daldalan at tawanan ng mga DJs sa FM music.   

Kaya, kung ako kayo, kaysa maulol tayo sa tablet, sa computer games, sa tong-its, o sa sabong, magpakahaling na lang tayong lahat sa bisikleta.  Hindi kayo magsisisi.  Sabi nga ng mga artista, pramis.


No comments:

Post a Comment