DAPAT ANG MGA BATA, HUWAG
NANG LUMAKI
(O Kung Bakit Namaril Ang
ISIS sa Paris)
Dapat
ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak hanggang
magsimulang magkaisip, hindi nakakakilala ng kulay ng balat ng tao, kaya kaya
niyang hipuin at hawakan ang kamay ng lahat, pati ang mga hindi niya kakulay,
at kaya kinakausap niya lahat.
Dapat
ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak, hanggang
magsimulang magkaisip, sinasabi kung ano ang nakikita, kahit masakit sa tainga, at naniniwala siya sa nakikita ng mata, at hindi sa sulsol ng iba, kaya kaya niyang kausapin lahat.
Dapat
ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak, hanggang
magsimulang magkaisip, hindi niya makita ang kaibahan ng taong mahirap at taong
mayaman, kaya kaya niyang kausapin lahat.
Dapat
ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, mula noong ipinanganak
hanggang magsimulang magkaisip, wala pa siyang pulitika at relihiyon, kaya
hindi niya hinuhusgahan ang mga taong hindi kapareho ang kanyang paniniwala,
ang mga taong hindi kapareho ang dasal na sinasabi, o hindi kapareho ang
niluluhuran, kaya kinakausap niya lahat.
Dapat
ang mga bata, huwag nang lumaki, dahil ang mga bata, magmula noong ipinanganak
hanggang magsimulang magkaisip, hindi nila iniintindi kung ano ang hugis ng ilong
ng taong kaharap, o kung ano ang damit na suot, o kulay ng buhok ng kanyang kaharap,
kaya kinakausap niya lahat.
Nang
lumaki ang mga bata, kung anu-ano ang tinuro natin sa kanila, mga bagay na
bahagi ng mundo ng matatanda, karaniwan tungkol sa mga imbentong pagkakaiba ng
mga tao at mga paraan kung ano ang pwede nating pag-awayan, at kung bakit natin
dapat ihiwalay ang ating mga sarili sa iba.
Itinuro natin sa kanila na ang ganitong tao ay “bad”, ang ganoong tao ay
“bad”. Kaya ngayon, marami na silang hindi
kinakausap. Pag tinanong tayo ng bata
kung bakit ang tao na iyon ay “bad”, ang sagot natin ay “basta”, ngunit ang
totoo, itinuro din lang kasi sa atin ng mga matatanda na sila ay “bad”. Lahat ng itinuro natin sa kanilang mga taong
“bad”, ituturo din nila sa magiging anak nila, na marami na rin taong hindi
kakausapin.
Kaya
siguro may giyera na hindi matapos-tapos, ay dahil may mga taong hindi na kayang
makipag-usap sa iba, dahil napaniwala na rin tayo na may mga taong sadyang
“bad”, na hindi naman natin maipaliwanag kung paano naging “bad”.
Paikot
ikot lang, tuloy tuloy lang, away lang ng away, kahit wala nang makaalala kung
ano nga ba ang pinagsimulan ng away.
Minsan, ang pinag-aawayan ay dahil hindi magkasundo kung ano ba talaga
ang pinagsimulan ng away. Nahihilo na
ako isipin kung ano ang mas walang katuturan, ang away-bata, o giyera ng
matatanda.
Kaya
nga, ang mga bata, dapat huwag nang lumaki.