SA LUPAIN NG
MALIK-MATA, PANTASYA AT BANGUNGOT
Maligayang
pagdating at pamamasyal sa Teatro Pilipinas, ang lupain ng malik-mata at
pangitain; ng pantasya at bangungot.
Manood at maaliw
sa lupain ng malik-mata at pangitain, kung saan ang katotohanan ay kung ano ang
gustong makita, at ang mga nakakakita ay
nagbubulag-bulagan, at ang mga bulag ang siyang matatapang. Kung saan ang salita ay itinuturing na gawa,
at ang lunas sa sakit ay salita ng pangako.
At nagsarado
ang mga daan, para ipagtanggol ang karapatang isabuhay ang naiintindihan sa kanilang
binabasang aklat, at dahil sila ay napopoot sa tuwid na daan, na nag-usisa dahil
merong nagsabi na may ibang paraan para basahin ang aklat. At maraming hindi makadaan ang nagagalit dahil
wala naman silang kinalaman sa kahit na anong aklat, at ang hanap lang naman ay
limang daan. Samantala, tumatawa ang nasa
dating daan.
Lahat ng ito
habang ang iba ay namumugot ng ulo dahil nagpapanggap na meron silang ibang
aklat na nababasa, na ang tunay na pakay lang ay sako-sakong limang daan.
Samantala,
nag-alisan na sa nakakaiyak na komedyang ito ang maraming mga tao papuntang
ibang lupain, para makakuha ng maipampupuno sa isang kahong katuparan ng naunsyaming
mga pangarap, kahon na sagot sa kumakalam na sikmura at umaasang mga mata, kahon
na pilit pinapakialaman ng mga tila mas gutom.
Paminsan minsan, hindi lang sila nagpapadala ng kahon; umuuwi din silang nakakahon.
Kaya’t marami
ang nagiintay sa tagapagligtas: marami
ang pigil-hiningang nag-iintay na tumango ang anak ng Panday, upang lipulin ang
masasamang loob at mga kampon ng kadiliman, na tinututulan naman ng iba dahil
siya ay galing sa ibang kaharian, o ibang channel. Naghuhumiyaw din ang marami para sa pagdating
ng mabait na mamamatay-tao, para patayin ang mga kapwa mamamatay-tao, para sa
wakas, pag naghilera na ang mga bangkay, ay magkakaroon na ng katahimikan sa magulong
lupaing ito. Umaasam din ang tuwid at dilawang
kulelat, na magpapabilanggo sa mga natitirang kalaban sa kadiliman, dangan nga
lang at ang ilang dilawang nakapaligid ay may kamisadentrong itim. At higit sa lahat, nagiintay lang na sumunggab
mula sa kung saan ang tunay na Hari ng Kadiliman, na pinapalakpakan ng mga nasa
hanay ng nagugutom dahil siya lang ang tagapaligtas na napakaraming dalang mamon.
Sino ang
magwawagi? Mahalaga pa ba kung sino ang magwawagi sa pantasyang ito, kung saan
ang nanonood at gumaganap ay iisa?
Sundan, dito sa ating teleseryeng sinusundan ng mga gutom at nakanganga,
ang di-matapos-tapos na kwento ni Lola Basyang na pinamagatang Pilipinas, ang
lupain ng mga sandamukal na mga tagapagligtas, at tagabenta ng kaligtasan,
lupain ng mga higanteng paradahan na nagpapanggap na karsada, lupain ng mga nawawala
at pinakialamang balikbayan box, at lupain ng isang oras ng ligaya dulot ni Aldub
at Nidora.
Manood at
maaliw sa Pilipinas, ang lupain ng malik-mata at pangitain, ng walang-hanggang pantasya at
bangungot, ang lupain kung saan ang dingding sa pagitan ng tama at mali ay singlabo
ng tubig sa ilog na puno ng taeng baboy at basura. Kung saan ang katotohanan ay kathang-isip, at
ang kasinungalingan ay katotohanan.
It’s more
fun in the Philippines.