Sunday, August 30, 2015

SA LUPAIN NG MALIK-MATA, PANTASYA AT BANGUNGOT

SA LUPAIN NG MALIK-MATA, PANTASYA AT BANGUNGOT

Maligayang pagdating at pamamasyal sa Teatro Pilipinas, ang lupain ng malik-mata at pangitain; ng pantasya at bangungot.

Manood at maaliw sa lupain ng malik-mata at pangitain, kung saan ang katotohanan ay kung ano ang gustong makita, at ang mga nakakakita  ay nagbubulag-bulagan, at ang mga bulag ang siyang matatapang.  Kung saan ang salita ay itinuturing na gawa, at ang lunas sa sakit ay salita ng pangako. 

At nagsarado ang mga daan, para ipagtanggol ang karapatang isabuhay ang naiintindihan sa kanilang binabasang aklat, at dahil sila ay napopoot sa tuwid na daan, na nag-usisa dahil merong nagsabi na may ibang paraan para basahin ang aklat.  At maraming hindi makadaan ang nagagalit dahil wala naman silang kinalaman sa kahit na anong aklat, at ang hanap lang naman ay limang daan.  Samantala, tumatawa ang nasa dating daan.

Lahat ng ito habang ang iba ay namumugot ng ulo dahil nagpapanggap na meron silang ibang aklat na nababasa, na ang tunay na pakay lang ay sako-sakong limang daan.    

Samantala, nag-alisan na sa nakakaiyak na komedyang ito ang maraming mga tao papuntang ibang lupain, para makakuha ng maipampupuno sa isang kahong katuparan ng naunsyaming mga pangarap, kahon na sagot sa kumakalam na sikmura at umaasang mga mata, kahon na pilit pinapakialaman ng mga tila mas gutom.  Paminsan minsan, hindi lang sila nagpapadala ng kahon;  umuuwi din silang nakakahon.

Kaya’t marami ang nagiintay sa tagapagligtas:  marami ang pigil-hiningang nag-iintay na tumango ang anak ng Panday, upang lipulin ang masasamang loob at mga kampon ng kadiliman, na tinututulan naman ng iba dahil siya ay galing sa ibang kaharian, o ibang channel.  Naghuhumiyaw din ang marami para sa pagdating ng mabait na mamamatay-tao, para patayin ang mga kapwa mamamatay-tao, para sa wakas, pag naghilera na ang mga bangkay, ay magkakaroon na ng katahimikan sa magulong lupaing ito.  Umaasam din ang tuwid at dilawang kulelat, na magpapabilanggo sa mga natitirang kalaban sa kadiliman, dangan nga lang at ang ilang dilawang nakapaligid ay may kamisadentrong itim.  At higit sa lahat, nagiintay lang na sumunggab mula sa kung saan ang tunay na Hari ng Kadiliman, na pinapalakpakan ng mga nasa hanay ng nagugutom dahil siya lang ang tagapaligtas na napakaraming dalang mamon.

Sino ang magwawagi? Mahalaga pa ba kung sino ang magwawagi sa pantasyang ito, kung saan ang nanonood at gumaganap ay iisa?  Sundan, dito sa ating teleseryeng sinusundan ng mga gutom at nakanganga, ang di-matapos-tapos na kwento ni Lola Basyang na pinamagatang Pilipinas, ang lupain ng mga sandamukal na mga tagapagligtas, at tagabenta ng kaligtasan, lupain ng mga higanteng paradahan na nagpapanggap na karsada, lupain ng mga nawawala at pinakialamang balikbayan box, at lupain ng isang oras ng ligaya dulot ni Aldub at Nidora.

Manood at maaliw sa Pilipinas, ang lupain ng malik-mata at  pangitain, ng walang-hanggang pantasya at bangungot, ang lupain kung saan ang dingding sa pagitan ng tama at mali ay singlabo ng tubig sa ilog na puno ng taeng baboy at basura.  Kung saan ang katotohanan ay kathang-isip, at ang kasinungalingan ay katotohanan. 


It’s more fun in the Philippines.

Sunday, August 9, 2015

ULAN

          ULAN

Kaninang umaga, hindi pa gaanong nagtatagal matapos kong magising, bumuhos ang ubod ng lakas na ulan.  Hindi ko alam kung anong espirito ang sumanib sa akin, at bigla kong napagdesisyunan kanina na kailangan kong maligo sa ulan.  Nang sabihin ko sa anak ko na ako ay maliligo sa ulan, tiningan niya ako ng tingin na noon ko lang nakita.  Hindi siya nagsalita.  Siguro ang sabi niya, ang mga sira ulo ay hindi kinakausap.

          Hindi ko gusto magtanggal ng bungang-araw.  Ang sabi kasi ng mga matatanda, ang unang ulan daw sa tag-araw ang nakakatanggal ng bungang-araw.  Pero hindi na tag-araw ngayon, matagal nang tag-ulan.      

Malamig ang tubig, at medyo nanginig pa ako nang sumabak sa ulan kanina.  Hindi ko na mabilang ang taon nang huli akong maligo sa ulan, pero ito ang unang beses na ako ay naligo sa ulan sa alas otso ng umaga.  Marami naman kaming naligo; ako, at ang aking punong sampalok, abokado, kalyos, banaba at lahat ng mga halaman ko sa maliit na bakuran.

Feeling ko naman ay nagshoo-shooting ako ng komersyal ng iced tea o sabon.  Nakatingala pa ako, habang sinasalubong ng mukha ko ang mga malalaki at nakakakiliting patak.  Masarap.  Feeling one with nature.  Hindi naman ang tubig mismo ang masarap; may tubig naman sa gripo.  Ang masarap siguro ay nagawa ko ang matagal-tagal ko nang hindi nagagawa.     Kailangan siguro natin iyon paminsan-minsan.  Ang kumawala sa kanya-kanya at pangaraw-araw na kahon.  Sigurado ako, bihira ka nang makakakita nang kasing-gurang ko na naliligo pa sa ulan.

Para makumpleto ang drama ko, nagtanggal ako ng tsinelas, at tumapak ako sa lupa at mga damo na nag-iipon na ng tubig.  Malamig, pero masarap pa rin.  At kung hindi ako makikita ng mga dadaan sa kalye at kapitbahay, ay baka nagtanggal ako ng lahat pati puruntong at bacon brief ko.  Isip ko lang: Minsan ka lang naman masiraan ng ulo; eh, di lubusin mo na.  Alam mo na ito.  Parang bungee-jumping (kahit di ko pa nasusubukan iyon).  Paminsan-minsang subok at pakikipaglandian sa kalayaan, kahit gaano kasandali.

Ang drama ng isip ko kanina ay ganito:  Mahirap pala ang nababasa sa ulan sa tuwinang umuulan.  Ganito kaya ang pakiramdam ng mga walang bahay, o yung may mga tinatawag na bahay, pero hindi naman talaga matatawag na bahay.  Mahirap pala talaga ang walang masilungan tuwing umuulan.  Parang walang kalaban-laban.  Mahirap din pala, ‘ka ko, ang mag-sundalo, hindi ‘yung nasa opisina, kundi ‘yung mga inaabot ng araw at gabi, ulanin at arawin, sa gubat o sa parang. 

Nalaman ko rin: mahirap pala ang maligo ng walang sabon at shampoo.  Parang may langis ang buong katawan mo.  Ang laki ng problema ko: parang mas importante pa ang sabon at shampoo kaysa ulan.

At ngayon, ngayon lang, ngayon ko lang nalaman.  Wala na pala akong naitatagong Biogesic.

  

Friday, July 31, 2015

"UBUSIN MO 'YAN. MARAMING TAO ANG NAGUGUTOM."


“UBUSIN MO ‘YAN, MARAMING TAO ANG NAGUGUTOM”
         
            Lagi ko itong naririnig.  Ang pakiramdam yata ng mga nagsasabi ng paalala na ‘yan, mabuting tao sila.  Pero ang tawag ko sa paalala na iyan, pa-cute.  Pag sinabi kasi iyan, maganda lang sa pakiramdam ng nagsasabi.  Pero walang saysay. 

Pag nakita ninyo ang kaharap ninyong nagtitira ng pagkain sa pinggan, huwag ninyo sabihin na, “Ubusin mo ‘yan, dahil maraming tao ang nagugutom”.  Mali iyon, at insulto pa nga sa mga nagugutom.  Dahil kung uubusin ng kaharap ninyo ang pagkain sa plato, mabubusog ba iyong nagugutom?  Hindi.  Paano namang matatanggal ang kagutuman ng iba, kung ang kakain pa rin ay iyong busog na.

            Parang ganito kasi iyon.  Sa loob ng fastfood na kainan.  “Anak, busog ka na ba? Ubusin mo ‘yang nasa plato mo, ha.  Sige anak, konti na lang, tatlong hita na lang ng manok ‘yan.  Hindi baleng busog ka na, basta ubusin mo lahat iyan.  Hindi baleng magkandasuka ka, ok lang ‘yon, anak.  Basta kainin mo lahat iyan, ha.  Kasi, anak, maraming tao ang nagugutom.  Nakikita mo ba ‘yong bata sa labas ng bintana? Kahapon pa hindi kumakain iyon, kaya maswerte ka, dahil may kinakain ka.  Sila, wala.  Kaya ubusin mo lahat ng pagkain mo, ha, dahil masama ang magtapon ng pagkain, magagalit si Lord.  At pag inubos mo lahat iyan, matutuwa si Lord.  Ok, ayan, good boy”. 
           
            O, ano ang nangyari sa mga nagugutom? E di, gutom pa rin.


            Kaya pag nakakita kayo ng mga nagtitira ng pagkain sa plato, kung pwede lang, huwag niyo na sabihin na, “Ubusin mo iyan, maraming tao ang nagugutom”.  Ito na lang ang sabihin ninyo.  “Kung ayaw mo na, ibalot mo iyan at ibibigay natin sa nagugutom”. O kaya, “Sa susunod, gago ka, huwag kang kukuha ng pagkain na hindi mo kayang ubusin”.

Tuesday, July 21, 2015

ANG MGA LARO NG AKING PAGKABATA

ANG MGA LARO NG AKING PAGKABATA

Kung merong isang bagay na pinagsisisihan kong hindi ko naiparanas sa mga anak ko, ito ay ang maranasang maglaro ng mga laro mula sa aking pagkabata.  Dahil ang mga laro noong bata pa ako, hindi na naging laro ng mga anak ko.  Halos lahat kasi ng mga laro ng anak ko noong bata pa sila, mga plastic na nabibili sa Divisoria at sa SM.  Made in China lahat, syempre.  Kasama na ang walang kamatayang mga computer games. 

Ngayon ko lang naisip.  Dapat naiparanas ko sa kanila kung paano manghabol at dumiskarte sa habulang-bahay, o habulang-taga, at naipakita na ang “trapping” ay hindi lang sa basketball.  Dapat naipalasap ko sa kanila ang kakaibang sarap ng pakiramdam pag nakikita mong litong-lito na at malapit nang umiyak ang kalaro mong isang oras nang taya sa tumbang preso.  Dapat naituro ko sa kanila na may science at art ang paglusot sa mga taya at patutot sa patintero.  Dapat naituro ko sa kanila na mas maraming skill ang kailangan sa syatong kaysa sa Candy Crush.   At dapat nasabi ko sa kanila na hindi baleng mabalian ng buto sa braso, pero gaya ng seremonya ng tuli, hindi ka tunay na lalaki pag hindi ka dumaan sa luksong baka.

Paano ko makakalimutan ang patintero, syatong, habulang taga, luksong-baka, tumbang preso.   (Para sa mga babae at mga beki lang ang Chinese garter, piko, bahay-bahayan at luto-lutuan).  Maganda rin sana ang sungka, pero nababagalan ako at madaling kasawaan.  (Meron pa bang naglalaro ng sungka?).  Syempre, ang baril-barilan kung saan halos ang buong kapitbahayan ang aming battlefield.  Palabas pa noon sa TV ang “Combat”, at iniisip ko na kami sina Rick Jason at Vic Morrow.  Ang aming baril ay gawa-gawa sa kahoy, na ang bala ay matigas na bunga ng halaman na kung tawagin ay “tikbe”.   

Sinong bata noong araw ang hindi dumaan sa taguan?  At sinong matagumpay na lalaki ngayon ang hindi nagpakadalubhasa sa trumpo noong araw? Wala, dahil ang lahat ng maangas na batang lalaki noon ay malupit sa trumpo.  Ngayon, ang mga batang lalaki, malupit sa tablet. 
I
yan din ang nasasabi ng nanay at tatay ko noong ako ay bata pa.  Naikukuwento nila ang mga laro sa kanilang pagkabata, na hindi ko na raw inabutan at nakita.

Masuwerte ako dahil lumaki ako sa probinsya, kung saan pagtungtong ng alas syete ng gabi ay wala nang gaanong dumadaan na sasakyan sa kalsada, at ang buong kalsada ay nagiging isang malaking palaruan sa gabi, na ang tanging ilaw ay galing sa ilang poste, at ang liwanag ng buwan.

Ligtas naman maggala sa mga kapitbhahayan noong araw.  Parang wala pang drug addict noon.  Meron na din siguro, pero sa mga bahay lang nila sila tumitira, at hindi pa sila pumapatay ng mga bata.  Praning na rin sila noon, pero parang hindi pa sila ganito karahas na kagaya ngayon.    Pwede ka noong maglaro at makikain sa mga kapitbahay, kung saan labas-masok kami, dahil parang hindi pa uso ang kandado ng bahay noong araw.  Lahat na yata ng komiks sa kapitbahay noon ay nabasa ko.  Darna, Hiwaga, Wakasan.  Meron na ring tabloid noon, pero parang hindi pa nagkukuwento noon si Xerex ng kanyang mga karanasan.

Kapag bakasyon, at mahangin, meron din kaming saranggola.  Gawa sa dyaryo at patpat ng kawayan, at ang pandikit ay tirang kanin sa kaldero.  At sino ang makakalimot sa TEXT.  Hindi iyong sa cellphone; iyong maliliit na card na ang labanan ay dinadaan sa paghagis sa hangin (may pektus), at pagbagsak ay “Tsob” at “Tsa” (taob at tihaya).  Marami pa ‘yan; tirador, holen, lastiko o goma, tatsing.  Lahat nagpaalala sa akin ng isang nakaraang napakasimple, at nagpapamangha dahil sa kung gaano na kalayo ang buhay ngayon.

Nagbabago talaga ang panahon, at tumatanda na yata ako. 

Alam ko, hindi ka sisikat at kikita ng malaki sa patintero, kagaya ng sa bilyar at basketball, at lalo namang hindi ka matatanggap sa trabaho dahil lang sa matindi ka sa tumbang preso.  Pero mahalaga sa akin, sa aking henerasyon, ang mga larong kinalakihan ko, na minsan ay pinatunayan sa buhay ko, gaya ng sa lahat ng minsan ay naging bata, na sa isang bata, langit ang maglaro.  

Noong araw, parang kulang ang pagkabata mo pag hindi ka nadumihan sa kalye.  Ang tingin ko nga, ang mga bata ay kailangang madumihan at ma-expose sa mga germs at mikrobyo, para tumibay ang katawan.  Para kasing ang ibang mga bata ngayon, kay linis-linis, may labakara pa sa likod para huwag mapawisan, may pulbos at cologne pa, may vitamins pa, pero marami ang sakitin at mahina ang katawan, at parang sila lang ang nakakaranas ng kung ano-anong “allergy” sa kanilang makinis na katawan.  Kaya paglaki, pag nakakain ng fishball, skrambol at kwek kwek sa kalye ay nagkakasakit, dahil hindi sanay ang tiyan sa nutrition from the streets. 

Parang wala nang naglalaro ng mga laro ko noong araw, at puro tablet na lang ang laro ng mga bata, kaya parang maraming bata ngayon ang hindi marunong  makipag-usap sa tao, laging mahiyain at dungo, at tatanga-tanga sa kalye.  Kayang-kaya lokohin ng mga kapwa bata.  Siguro, dahil sa kanilang computer games ay hindi kailangang humarap sa mga kalaro, at hindi na kailangang makipag-usap sa mga tunay na tao, at hindi iyong tao sa screen ng computer.  Marami sa mga bata ngayon ay nakakulong at umiikot ang buong mundo sa tablet.  Tablet pagkagising, tablet sa hapag kainan, tablet pag nasa kotse o sa jeep, tablet pag umiyak at kailangang patahanin.  Tablet bago matulog.  Tablet, puro tablet.  Tangnang tablet ‘yan. 

Hindi ako sigurado kung ang husay sa computer sa napakaagang edad ay tanda ng husay ng isip at galing sa diskarte, o kaya ay magandang preparasyon sa buhay pag tumanda sila.  

Parang wala nang nagpapatintero sa kalsada.  Parang wala nang naglalaro ng syatong.  Wala na ring naglalaro ng tumbang preso.  Siguro nga, may kanya-kanya talagang laro ang bawat henerasyon.  Nakakalungkot lang ng kaunti, dahil hindi lang pala mga kakaibang hayop sa bundok ang tuluyang naglalaho.  Pati mga tao, mga kalaro at mga eksena sa buhay mong nagpasaya sa iyo, nawawala rin.  Kakatwa, dahil buhay na buhay ka pa, pero parang kulang ka, at para kang isang buong libro na pinilasan ng ilang pahina.

Wala na ba talagang magpapatintero? Game!    


Saturday, July 11, 2015

BAKIT MAY MGA TAONG MAY DALANG BARIL?

BAKIT MAY MGA TAONG MAY DALANG BARIL?

Bakit may mga taong may dalang baril?  Sa maniwala kayo at sa hindi (malamang sa hindi), ang lahat ng dahilan ng tao sa pagdadala ng baril ay maikakahon at makikita sa labing-dalawang dahilan.  Labing-dalawa.  Pwedeng isa.  Pwede ring kumbinasyon.  Pero lahat, nandidito. 

1.      Dahil para sa ilang tao, kailangan nila ang baril para ipagtanggol ang sarili nilang buhay, ang buhay ng pamilya niya, at ang kanyang cellphone, lalo na mula sa mga taong may dala ding baril.

2.      Dahil para sa ibang tao, hanapbuhay nila ang ipagtanggol ang buhay ng ibang tao, ang buhay ng pamilya nito, at ang kanilang mga cellphone, karaniwan mula sa mga taong may dala ding baril.

3.      Dahil ang ibang tao, hanapbuhay nila ang kumuha ng buhay ng ibang tao, ng buhay ng pamilya nila, at ng kanilang mga cellphone.
4.      Dahil sa ibang tao, mas madaling mag-utos kapag may dala silang baril.

5.      Dahil para sa ibang tao, kailangan nila ng isang bagay na ipampupuno sa kanilang pagkatao, na walang kalaman-laman, o ng isang bagay na ipagyayabang o maikukwento tungkol sa buhay nila, bukod sa mamahaling cellphone.
 
6.      Dahil para sa ibang tao, hanapbuhay nila ang gumawa at magbenta ng baril, para may barilan, para kailanganing gumawa at makapagbenta uli ng mas maraming baril.

7.      Dahil para sa ibang tao, mukhang macho at pogi ang may sukbit na baril sa baywang.

8.      Dahil para sa ibang tao, masyadong malaki, at hindi kakasya sa baywang, ang itak o espada, at wala nang gumagawa ng tirador.

9.      Dahil ang ibang tao, nasobrahan sila noong bata pa ng panonood ng mga pelikula ni FPJ, Lito Lapid at Ronnie Ricketts.

10.   Dahil sa ibang tao, hindi sila naibili ng laruan noong bata pa sila.

11.  Dahil sa ibang tao, sawa na sila sa bugbog at tadyak ng kanilang asawa. 
    
12.  Dahil sa ibang tao, ang buhay ay gaya-gaya lang.


Bakit labing-dalawa?  Dahil hanggang diyan lang ang kaya kong isipin.