Monday, May 4, 2015

PATAY NA ANG BOXING

PATAY NA ANG BOXING. 

Fight of the century daw ang Pacquiao-Mayweather.  Mali.  Mas marami pang suntukan ang nabibitawan sa rambulan sa liga ng basketbol sa barangay, kaysa sa fight of the century na iyan.  Naloko tayo lahat doon.

E, kasi naman tayo.  Hindi na tayo nadala at hindi na tayo natuto. Boxing ang labanan, hindi suntukan.

Hindi ako sore loser, ‘ika nga.  Ang tingin ko nga, talagang nanalo si Mayweather sa laban.  Panalo, ayon sa rules ng boxing.  Panalo, ayon sa panuntunan ng boxing.    Pero, kahit paanong tingin ko, kahit hindi ako eksperto sa boxing, mas matindi at tunay na giyera ang Ali-Frazier, Hagler-Leonard, Duran-Hearns, o kahit Pacquiao-Marquez, kung saan ang magkalaban ay halos mamatay kasusuntok, bumubuwal pero tumatayo uli, at sumusuntok hanggang sa huling bell ng huling round.  Kaya sa bandang huli, hindi na importante sa atin kung sino ang dineklarang panalo, ng mga negosyanteng nag-i-score daw sa gilid ng ring na ang tawag ay judges, dahil ang importante sa atin ay nakita natin kung ano ibig sabihin ng salitang “mandirigma”, ng salitang “patay kung patay”.  At humahanga ang lahat.

Pero, Mayweather-Pacquiao, fight of the century?  Tut-tut nyo.  Sa Ali-Frazier, ang pinag-uusapan ay “life and death”.  Sa Mayweather-Pacquiao, “pay-per-view”.

Patay na ang boxing.  Dahil alam na namin na pag nanood kami ng boxing, hindi totoong laban ang pinapanood namin, kundi paramihan lang ng puntos.  Patay na ang boxing, dahil alam na namin na nananalo pa rin ang umaatras, ang tumatakbo, ang nangyayakap.  Patay na ang boxing, dahil alam na namin na walang kinalaman ang tapang at laki ng dibdib sa boxing.  Wala.  Ang patunay ay si Mayweather, 48-0. The Money Team, The Money Team.  Patay na ang boxing.

Malamang, susundan si Mayweather ng mga susunod na henerasyon ng mga boxer.  Dahil paulit-ulit nang napatunayan na ang estilo ni Mayweather ay nakakapagpanalo sa boxing.  Nagwawagi ang umaatras. Patay na ang boxing.             

At ayon sa rules ng boxing, ayon sa statistics ng boxing na iyan, si Mayweather ang one of the greatest daw.  Walang talo.  Siguro nga.  Pero, Mayweather, mali ka.  Malayo ka kila Joe Louis, Rocky Marciano, Muhammad Ali, Roberto Duran, at iba pang dakilang nilalang na ang alam sa boxing ay giyera.  Hindi mo sila katulad, dahil sila, nakatikim ng talo, dahil sila, mandirigma.  Ikaw, technician ka lang.  Pinakamagaling magparami ng puntos, habang patakbo-takbo, payakap-yakap at pahawak-hawak.  Tama rin naman iyon, para huwag kang tamaan at baka hindi mo mapakinabangan ang bilyon mong pera na kinita sa career mo.  Mayweather, ang pinakamagaling na negosyante sa ibabaw ng ring. 

Sampung taon mula ngayon, kapag laos na kayo pareho ni Pacman, wala nang makakaalala sa mga laban mong walang kakwenta-kwenta.  Pero si Pacquaio, kasama ang mga iba pang tunay na mandirigma sa ibabaw ng lona, mabibili pa at papanoorin ang mga dibidi-dibidi ng kanyang mga laban.

Papanoorin pa rin namin si Pacquiao, dahil ang buhay ay isang laban, hindi paramihan ng puntos.
 



Saturday, May 2, 2015

MARCOS. IDOL.

MARCOS.  IDOL!

Marami pang mga Pilipino ang naniniwalang pinakamahusay na naging presidente ng Pilipinas si Ferdinand Marcos.
 
Pinakamatalino, pwede siguro.  Pero pinakamahusay na naging presidente?  Bakit kaya tayo umabot sa ganito?  Hindi ko rin alam. 

Siguro, dahil iyan sa pagkabuwisit natin sa mga presidenteng sumunod kay Apo.  Pero kung hindi man tayo masaya sa naging trabaho ng mga pangulong sumunod sa kanya, hindi ibig sabihin na kailangan nating purihin o ibalik ang sistema ng tanging naging diktador ng bayan natin.  Kung hindi kayo sumasang-ayon na ang diktador ay isang lider na walang batas-batas, dahil siya ang batas, at kung hindi kayo sumasang-ayon na naging diktador si Marcos, huwag na kayong magbasa nito, dahil wala tayong puntong pagkakasunduan na pwedeng batayan ng isang makatwiran at matinong usapan.

Siguro, kaya mayroon pa ring ganyang pag-iisip ay dahil ang pinanggalingan ng kanilang stock knowledge (kung meron man) ay hindi kasama ang bersyon ng kasaysayan na madali mo namang makita sa mga libro ng mga reputable authors o mga dyaryong broadsheets, at ang basehan ng kanilang mga impormasyon ay ang mga nabasa nila sa Facebook na tungkol sa pitong alas daw ni Marcos, (mabuti pa sila, pito ang alas nila; ako apat lang ang alas na alam ko), o kaya ay mga bahagi ng speech ni Apo (sa Facebook pa rin) na cut-and-paste dahil lang sa mukhang magandang pakinggan, o ang mga litrato ni Bongbong na gawa ng kanyang mga fans.

O kaya, siguro ay naniniwala sila na mas may disiplina daw ang mga tao noong panahon ng Martial Law, na sasabihin ko sa inyong hindi naman totoo, dahil kailan ba nagkaroon ng disiplina ang mga Pilipino? Takot, oo; pero disiplina, wala.  Di ba’t hinuli pa nga raw si Ariel Ureta noong sabihin niyang “Sa ikauunlad ng bayan, bisikleta ang kailangan”.

O kaya ay talagang nagugwapuhan lang sila kay Bongbong kaya gusto nilang ibalik sila sa Malacanang para may playground ulit ang mga Marcos.  Si Senador Bongbong, na sa lahat naman ng nagtapos sa Oxford na nabigyan ng “special diploma”, ay hindi naman pala grumadaute at wala naman palang degree, ayon na rin sa Oxford.  Susmaryosep.  War medals ni Senior, diploma ni Junior.  Anak ka nga ng tatay mo.
  
Pag sinabi ninyong magaling si Marcos, hindi kaya ang gusto talaga nating sabihin ay mas matitino pa ang mga Pilipino noong panahon ni Marcos noong 1970’s, na nagkataon lang na panahon ng Martial Law.  Isang panahon na lahat ng sumasakay sa jeep ay marunong pang magbayad, wala pang umiihi sa gulong ng bus sa gitna ng EDSA, ang mga teachers natin ay hindi pa ganoong kadesperado at hindi pa napipilitang mangibang bansa lahat para maging domestic workers, at nananalo pa ang mga pulitiko dahil lang sa sila ay marunong, at hindi dahil sa sila ay mayaman.  E, kahit ako, sasang-ayon ako na talagang mas maganda ang panahon na iyon kaysa sa panahon natin ngayon, kung kailan wala tayong nakikitang masama sa pagkuha sa isang kilalang smuggler bilang ninong sa kasal, at may namamatay na lang ng nakadilat sa kalsada dahil sa gutom, at ang mga pinto ng bahay natin ay pwedeng walang lock dahil wala namang nawawalang gamit kahit iwanan mong nakabukas ang bahay maghapon.   Sa ganyang usapan, mas maganda talaga ang panahon noon, pero wala akong makitang may kinalaman doon ang Martial Law ni Apo Ferdie.    

Talaga namang totoo, ang tunay na sakit ng Pilipino ay hindi sakit sa puso, alta presyon, diabetes, o cancer ng kung anong parte ng katawan.  Ang tunay na pinakamalaking sakit ng Pinoy ay amnesia.  Ang pinoy ay parang halamang walang ugat; napakababaw.  Madaling makalimot, at lalong napakadaling utuin.   Hindi nga natin kilala ang mga bayani natin, e, asa pa tayong malaman natin ang kanilang mga ipinaglaban at ang ating kasaysayan.    

Kung hindi kayo sumasang-ayon, aba, e magsulat kayo ng sariling blog ninyo.  Pwede naman tayong magkaiba-iba ng opinyon, e.  Hindi na panahon ni Marcos ngayon, remember, na lahat tayo ay dapat magkaisa sa ilalim ng isang bagong lipunan?

Ito siguro ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, marami pa ring mga Pilipino ang iniidolo si Marcos.  Dahil mababa daw ang krimen noon.  Dahil ginawa daw niya ang NLEX.   Dahil ginawa daw niya ang maraming dam sa Pinas, pati ang Bataan nuclear plant.

Hindi ko kokontrahin ‘yan dito.  Marami nang libro ang nakasulat sa tunay na record ng idol nyo.  Kung ayaw, o hindi ninyo kayang magbasa, at gusto ninyong magtampisaw sa inyong ilusyon, karapatan ninyo iyan.  Kung bukas naman ang isip ninyo, at gusto ninyo manghiram ng libro, papahiramin ko kayo, isasauli nyo lang, para mabasa naman ng iba na interesadong matuto.  O kaya naman, i-Google nyo na lang ang gusto ninyong malaman sa panahon ni Apo.      

Hanggang ngayon, nagdedebate pa tayo kung ililibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.  Nakupo.  Iyon ay libingan ng mga bayani, hindi libingan ng mga naging presidente.  Sa ibang kultura at lipunan, ang diktador at ang kanilang pamilya ay pinapatapon sa ibang bansa, kundi man niraratrat ng Uzi o bina-bazooka.  Maswerte na sila pag sila ay nabilanggo na lang.  Dito naman sa Pinas, hinahalal pa sa Kongreso at pinapangarap pa ng marami na makakabalik sa Malacanang.

Tapos, aasa pa tayo na uunlad tayong mga Pilipino na magiging first world ang ating Lupang Hinirang?  Mayroon bang first world country na hindi natututo ang mga mamamayan?  Mayroon bang first world country na ang tawag sa katahimikan ng mga sinalvage ay peace and order?  Mayroon bang first world country na ang tawag sa kawalan ng karapatan na magsalita ng hindi katulad ng press release ng presidente (dahil sarado na ang lahat ng mga dyaryo, TV at radio stations) ay Unity?

Sa mga fans ni Marcos, hulaan ninyo kung kalian nagsimulang lumaki ang utang ng Pilipinas, at kung kailan dumami ang NPA, at kung kailan naimbento ang salitang salvage, at kung kailan dumami ang mga OFWs?  Siret na?  Uuy, hindi pa raw nila alam? 

Kailangan nating mag-aral.  Hind pwedeng ang alam lang nating kahalagahan ng Feb. 25, Aug. 21, Nov. 30, at Dec. 30 ay ito ay mga araw na walang pasok, at masaya ang lahat dahil malamang may long weekend, at malamang may sale sa SM.  Pero talagang alam daw nila ang tunay na nangyari noong martial law, kaya idol si Apo.     

Sa mga nangangarap na ibalik ang sistema ni Marcos, magbasa-basa muna kayo.  Pwede pang sabihin na corrupt at tanga ang maraming mga presidente na sumunod kay Marcos, pero hindi sapat na dahilan iyon para ibalik o pairalin ang kanyang sistema.  Iyon ay kung gusto lang nating sumulong bilang isang bansa.  Kung lang.  Kung. 

Mabuti na lang at hindi na panahon ni Marcos ngayon, dahil kung ganoon, hindi ko kayang tagalan ang “disiplina” na nami-miss at gustong ibalik ng iba, at baka mahuli ako ng Metrocom pag nagsulat ako ng ganito.        


Friday, April 17, 2015

HINDI KO MAINTINDIHAN


HINDI KO MAINTINDIHAN

       
     HINDI KO MAINTINDIHAN … kung bakit ang mga coach sa NBA ay kinakailangang naka-amerikana pa, samantalang ang kinakausap at pinapagalitan nila pag may laro ay mga naka-shorts at naka-sando na pawis na pawis.  Hindi pwede idahilan na ang basketball coach ay naka-amerikana lang dahil ginagamit ang isip sa laro, at isip lang ng isip, at ang mga players ay katawan lang ang ginagamit, at takbo lang ng takbo at tulakan lang ng tulakan.  Eh kung ganoon kasi ang dahilan, na ang coach ay isip lang ang gamit kaya siya naka-amerikana, e bakit si Freddie Roach, hindi naka-amerikana pag may laban si Pacman?  Hindi ba siya nag-iisip?  Ginawa nga niyang 8-division champion si Pacman eh; singer na, pastor pa. 
 
Sa aking pagkakaalam, ang mga coach sa tennis ay hindi rin nakapormang parang ikakasal pag may laro sila Federer at Nadal.  Naka t-shirt lang.  Hindi rin pwede sabihing nagpapa-impress ang coach ng basketball sa kanyang mga players, dahil mas malaki ang sweldo ng mga players kaysa sa coach.

Bakit sa Senado, ang daming mga naka-amerikana, wala namang mga isip?
           
Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.

           
HINDI KO MAINTINDIHAN… kung bakit sigaw ng sigaw ang mga host ng noon time shows at variety shows.  Gumagana naman yung mic.  Pag may ipapakilala silang kakanta, halimbawa, yung tatlong host, sabay sabay na lagi na lang isinisigaw, “And now, please welcome, to sing his latest single from Dionisa Records, Manny Pacquiao!!!!”

Bakit ba kailangang magsisigaw pag may ipinapakilalang kakanta? Talaga bang kailangang maingay at sumisigaw na parang nagsasabing “Hello, masaya kami, kaya kami ay nagsisisigaw”?  Ok, sige, sige.  Sumisigaw sila para magmukhang masigla at may buhay ang programa.  Pero, tatlong host na sumisigaw, kailangan ba talaga iyon?  Ngayon, kung iyon pala ang dahilan, bakit hindi na lang lahat ng host, mga labing lima, lahat sila ay magpakilala sa singer na kakanta ( syempre, singer nga, e),  para mas masigla at mas masaya.  Or better, yung mga audience ay isama na sa mga host sa pagpapakilala para talagang masayang masaya.  O, san ka pa? 

Parang wala akong makitang dahilan, e, maliban sa ako ay tumatanda na talaga, at ako ay nagiging KJ.
           
Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.

           
HINDI KO MAINTINDIHAN… kung bakit ba pag may programa sa gobyerno, mula barangay, munisipyo, kapitolyo, kongreso, hanggang Malakanyang, lagi na lang tinatawag ang mga pulitikong magsasalita na “mahal ng lahat” at “masipag”? Wala na bang ibang adjective na maaaring gamitin sa mga elected officials? O likas lang talagang limited ang bokabularyo ng mga nag-e-emcee?  Sa mga emcees, mag-prepare naman kayo; mambobola lang kayo e, hindi pa kayo maghanda ng husto.  Gumamit kayo ng dictionary o thesaurus, at nandoon lahat ang synonyms ng masipag: diligent, hard-working, industrious, enterprising, resourceful, energetic, blah, blah, blah.
           
Dapat pala, matagal nang maunlad ang Pilipinas, dahil ang lahat pala ng pulitiko ay masipag, at dapat wala na ring eleksyon, dahil lahat naman pala ng pulitiko ay mahal ng lahat.  Dapat pala, wala na ring ambushan sa Pilipinas, dahil ang lahat ng pulitiko, pag ipinakilala, ay “ang kaibigan ng lahat”. 
           
Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.

           
HINDI KO MAINTINDIHAN…kung bakit ang tawag sa maning niluto sa asukal at nabibili sa Pangasinan na nadadaanan pag papunta ka ng Baguio ay peanut brittle.  Hindi ba dapat ay brittle peanut?  Kasi, yung batang lalaking malaki at mukhang diabetic at ang pangalan ay si Bondying, ang tawag natin ay big boy, hindi boy big.  Hindi ba? 

Pero ok na iyon.  Doon na tayo nasanay e.  E, di peanut brittle.  

Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.

           
HINDI KO MAINTINDIHAN … kung bakit hindi raw pwede ihain na pulutan ang minatamis na beans at marshmallow.  Nakakawala ba ng pagkalalaki o pagka-macho ang paghaluin ang beer at minatamis na beans at marshmallow? Hindi ko alam, e. 

Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan. 


            HINDI KO MAINTIDIHAN … kung bakit ang kantang “Bahay Kubo” ay may pamagat na “Bahay Kubo”, samantalang hindi naman tungkol sa pawid na atip, pintuan, batalan, bintana, hagdan at silong ang kanta, at sa halip, ang kantang “Bahay Kubo” ay tungkol sa mga gulay.  Dapat siguro ang pamagat ng kantang iyan ay “Bahay Gulay”.
           
Pag may nagtanong na foreignjer sa atin, “What is the title of that song?
           
Nipa hut, Joe”.
           
“Oh, and what does that song say?”
           
“It’s a song about vegetables, Joe”.

Kaya nga nagtatanong e, dahil hindi ko maintindihan.

           

Bakit ba ako tanong ng tanong.  Hindi ko maintindihan.

Friday, April 10, 2015

ANG BABAENG MALIHIM AT ANG LALAKING MATIGAS

ANG BABAENG MALIHIM AT ANG LALAKING MATIGAS

The truth shall set you free daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
Age doesn’t matter daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
 Age is just a number daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
We should be open about our feelings daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
Honesty is the best policy daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
God knows everything daw, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
Humpty dumpty sat on a wall, humpty dumpty had a great fall, pero ang mga babae ayaw sabihin ang edad nila.
Magugunaw na ang mundo, pero ang mga babae ayaw na ayaw pa ring sabihin ang edad nila.
Eh, di huwag.

Nagkamatay na ang SAF 44, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Natapos na ang sermon ni Pope Francis, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Napakaraming iniwang patay ni Yolanda, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Nagpakasal na si Nene sa kanyang boyfriend, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Nahiwa na lahat ang sibuyas, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Jack and Jill went up the hill, to fetch a pail of water, pero ang mga lalaki ayaw pa ring umiyak.
Magugunaw na ang mundo, pero ang mga lalaki ayaw na ayaw pa ring umiyak.

Eh, di huwag.

Monday, April 6, 2015

ANG PAGHINGI NG IMPOSIBLE


            ANG PAGHINGI NG IMPOSIBLE

Kung kaya ng panalangin lahat na gawing posible ang lahat ng imposible, bakit hindi pa ako nakakita o nakabalita ng isang putol na daliri na tumubo uli, ha?  Sasabihin mo, “E, kasi imposible yon”.  Exactly my point.  Ang isang bagay ay nangyayari, dahil it was possible to happen in the first place.  Hindi milagro yon.

May mga bagay na maaaring mangyari at talagang posible, at may mga bagay naman na imposible.  Yung mga bagay na mahirap mangyari, o maliit lang ang tsansa na mangyari, matatawag pa rin silang nasasaklawan ng kategorya ng posible .  Improbable, yes.  Remote, yes.  But still possible.  An improbability is still within the realm of possibilities.  Ang manalo sa lotto, (yung 6/45), kung tama ang aking math, ay meron lamang na 1/130,320,960  na tsansa, kaya hindi talaga imposibleng manalo ka sa lotto.  Ang manalo ka sa lotto nang hindi ka tumataya, ‘yan ang imposible.  Hindi kaya ng dasal yan.  Pag nanalo ka sa lotto ng hindi ka tumataya, iyon ang himala.

Ang tsansa na ako ay mabuhay hanggang isang daang taon ay isang posibilidad, bagamat napakalabo at napakahirap mangyari, kung isasalansan mo ang beer na nainom ko at bulalo na kinain ko sa buong buhay ko.  Pwede siguro na umabot ako ng isandaang taon, hindi himala ‘yon.  Dahil, in the first place, posible naman talaga iyon, bagamat gaya ng sinabi ko, malabo mangyari ‘yon.  Remote chance.  Pero ayoko rin naman yata abutin ng hanggang isang daang taon, dahil patay na lahat ang mga kahuntahan ko by that time.  Ano ang gagawin ko, mag-selfie? 

Ngayon, bago yung mga relihiyoso sa inyo ay maging hysterical at kastiguhin ako at sabihin na “With God, nothing is impossible”, e, oo nga.   Pero patas ang Diyos.  Binigyan niya tayo ng dalawang kamay at sampung mga daliri.  ‘Yung iba nga, labing isa pa e.  Ngayon, tayo na ang bahalang mag-ingat sa ating mga kamay at daliri.  Bahala kayo kung gusto ninyo ipa-manicure ‘yan linggo-linggo, kung iyan ang magbibigay ng kaligayahan at kabuluhan sa buhay ninyo.  Ok lang iyon.  Basta, siguro, sabi ng Diyos, ingatan ninyo ‘yan, dahil pag ‘yan naputol, hindi ko na papalitan ‘yan.

            Kaya, halimbawa, iwasan ninyo na ang magpaputok tuwing Bagong Taon, at gaya ng laging sinasabi ng nanay mo noong bata ka pa, huwag ilalabas ang kamay sa jeep, dahil pag ang kamay ninyo at daliri ay naputukan o nalagas, hindi na tutubo uli ‘yan.  Hindi na kayo makakanta ng “I have two hands” at saka “Ten Little Indians”.  Kayo rin, mahirap mag-text at mag-multiply gamit ang daliri sa paa.  Kahit maglupasay kayo maghapon, at ilang orasyon ang dasalin ninyo, hindi na tutubuan ng daliri uli iyan.  Dahil, gaya ng sinabi ko, may mga bagay na imposible.   Niloloko mo lang ang sarili mo pag sinabi mong ang lahat ay posible.
           
Kaya pag humingi, huwag sobra. Humingi lang ng tama at reasonable.  Nagagalit ang Diyos sa sobra humingi.
.