ALAM
MONG TUMATANDA KA NA.
Wala
nang mas matingkad pa na tanda ng paglipas ng panahon kaysa sa pagpapalit ng
kalendaryo tuwing papasok ang bagong taon.
Tulad ng pagputi ng buhok at pagkulubot ng balat, hindi mapipigil ang
pag-inog ng panahon. Pag marami ka nang
kalendaryong napalitan sa buhay mo, alam mong tumatanda ka na.
Alam
mong tumatanda ka na kung napapansin mong laging maingay ang paligid mo. Naiingayan
ka na sa mall. Naiingayan ka na sa loob
ng Jollibee. Naiingayan ka na sa
tricycle na ubod ng lakas ng tambutso.
Naiingayan ka na sa anak mong kanta ng kanta mag-isa sa harap ng TV, o
tawa ng tawa mag-isa sa harap ng computer.
Nabubwisit ka na sa videoke sa kanto.
Hindi mo maintindihan kung paano gumanda ang rap music, o ang heavy
metal.
Gusto
mo na lagi ng isda, huwag lang iyong pinritong kuwadradong laman ng isda na
binalot sa kalahating kilong arina at nilunod sa sarsa, kundi ‘yung pinangat na
isdang buo pa at malambot ang mata. Hindi
mo kasi ginagawa ‘yan nung bata ka,e.
Gusto mo dati, puro hotdog, tosino, at pritong manok. Puro burger at prents prays. Tapos ka na doon. Ngayon, ayaw mo pumasok sa kainan na walang gulay
at nakakapasong sabaw.
Hindi
ka na nahihiya sa fashion sense mo.
Maliban sa mangilan ngilan na pasyonista pa rin, ang mga matatanda ay
wala nang masyadong pakialam kung magkabagay pa ang mga kulay ng kanilang suot,
o kung uso pa ang tabas o tela ng pantalon nila. Mas iniisip mo na lang yung mga gamot mo na
iniinom araw-araw.
Pag
nagkuwento ka, laging ang intro mo ay “Noong araw, e ganito; noong araw, e
ganoon….”. Lagi mong iniisip na ang
henerasyon mo noon ay mas magaling sa mga henerasyon ngayon, na ang tingin mo
ay laging spoiled, reklamador at walang ginawa kundi magkutitingting ng
gadget. Gusto mong pagsabihan ang mga
anak mo, pero napagpapalit mo naman lagi ang kanilang mga pangalan.
Lagi
mong kinukumpara ang buhay ngayon, at ang buhay noong panahong anim o pitong presidente
na ang nakakaraan. Kinukumpara mo lagi
ang baon mo noon at ang baon ng mga bata sa eskwelahan ngayon, at napapailing
ka lang kung paano ka tumagal sa paaralan sa baong ilang sentimos.
Pag
kumanta ka sa videoke, nangingiti at nagtitinginan ang mga bata, na para bang
ang kinakanta mo ay top hits sa Pakistan.
Pag
nagrereunion ang mga pamilya ninyo, nagmamano sa iyo ang mga bata, at
tinatanong mo sila lagi kung kanino silang anak.
Hindi
ka na nanonood ng sine. Manood ka naman
minsan, nakakatulog ka lang.
Madalas
ka na sa Mercury. Dati, kabisado mo ang
presyo ng isang kahon ng San Mig Pale Pilsen; ngayon, ang kabisado mo lang ay
presyo ng isang banig ng Lozartan, o Lipitor.
Nauuna
ka pa magising sa mga manok.
Noong
araw, pwede mo kainin lahat, pero wala ka namang pambili. Ngayon, kaya mo na bilhin lahat, pero tila
bawal na kainin ang lahat ng pagkaing may lasa.
Pag
nagkikita kayo ng mga kaklase mo, ang una ninyong napapag-usapan ay mga teacher
at mga kaklase ninyo noong elementary na kapiling na si Lord.
Sumusundo
ka na uli sa skul. Sa apo. Hindi sa anak.
Kung
naiintindihan mo kahit ilan lamang sa mga sinasabi ko, binabati kita, at umabot
ka na sa ganyang edad, pero buhay ka pa, at nakakabasa ka pa. Pero, kapatid,
numero lang ang edad. Nasa isip lang
lahat ‘yan. Ang ganda ng buhay ay hindi
mga materyal na borloloy na nakapaligid, kundi ang pagdiriwang ng mga tagumpay,
kahit gaano man kaliit iyon, at aral ng mga kabiguang dinaanan. Ang ganda ng
buhay ay meron kang ala-alang binabalikan at nginingitian.
Sabi
nga ng idol kong si James Taylor, “The secret of life is enjoying the passage
of time”. Matanda lang ang nakakagawa
noon.
Isang
mapayapang Bagong Taon, mula kay Prop.